ding reyes books

 

 

   DALOY

TULAMBUHAY

NG TAGAILOG

 

 


           

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

            

 

 ni Ed Aurelio C. Reyes

ni Ed Aurelio C. Reyes

 


THIS PAGE HAS BEEN VISITED  1138  TIMES SINCE IT WAS UPLOADED IN NOVEMBER 2010.


back to top.         back to previous.

entire book was uploaded

as recommended by

Ms. Shayne R. Merioles.

   

Ikalawang Bahagi (Mga Saknong Blg. 179-350)

 

(Balik sa Unang Bahagi)

 

179.

Itong si Bonifacio’y / sinasabing pinalad

Makadalo sa pulong / nang ang Liga’y itatág.

Pawang may-kaya, / silang nakabalikat,

Habang siya nama’y usbong / ng uring hinahamak.

180.

Ngunit di man sa pisara / niya nakuha ang liwanag

Ang karunungan ay sadyang / sinikap niyang makalap

Sa mag-isang pagbabasa, / mahigpit niyang nagagáp,

Mga aral ng lathalain, / makakapal na aklát.

181.

Layuning mapagkaisa / ng Ligang itinatág,

Nilayon pa rin niya / na maipatupád

Kaya’t ganap na taliwas / sa haka-hakang makikitid,

Katipunan ay naglayong / kaisahan ay makamit.

182.

Sa apat na taóng / si Rizal ay nakakulóng

Sa malayong Dapitan / at di makatulong,

Tinipon ng Kartipunan, / mahigpit na binuklód

Sa buong kapuluán / ang lahing Taga-ilog.

183.

Apat na taóng / Katipuna’y di lumaban,

Sinaliksik ang katutubong / diwa at kaasalán,

Nakilala mula sa / mga naiwang kasabihán,

Na lahi nati’y dakila, / may mataas na karangalan.

184.

At bilang pagtalima / ng Katipunan kay Rizal,

Na nagsabing dapat / munang may pag-aaral,

Mga dampang tahanan, / naging silid-aralan.,

Nang tapang ay maibatay / sa tayog ng kamalayán.

185.

Sa Katipunan ay pinuno / si Bonifacio’t si Jacinto,

Sila ang nangagsulat / ng mga gabay para rito.

‘Dekalogo’ ang sa una, / sa isa pa’y ‘Kartilya,’

Na nilamáng mga aral / ay banál, mapagkaisa..

186,

Si Supremong Andres, / may sarling ‘Dekalogo,’

Katungkulang Mga Gagawin / ang pamagat nito.

"Sumampalataya sa Maykapal / nang taós sa puso,"

Ang kanyang minarapat / ipambungad rito.

187.

Siyam na ibang aral / ang kanyang isinunod—

Pag-ibig sa Maykapal / ay sa kapwa ioaglngkod,

Mahalaga ang pag-asa, / karangalan, pagtitiis,

At lamíg ng loob, / nang makamit ang ninanais.

188.

Nasa ‘Dekalogong’ lahat / ng mga aral sa asal

Nang mga kababaya’y / maging banál t marangál,

Ngunit sariling kathâ / na kanyang kinandili,

Kanyang itinabi, / at Kartilya ang pinili.

189.

Isinulat ni Jacinto, / tagapayo niyang tapat,

‘Kartilya’ ay pinalaganap, / pinaghasik ng liwanag.

Mga Katipunero / sa mga aral nito’y yumakap,

Bawat isa’y nagsisikap / na maging karapat-dapat.

190.

Mga Aral ng Katipunan / sa ‘Kartilya’ ay dakila—

Tayo’t magpakatao, / at taong makipagkapwa:

Huwag maging puno, na walang lilim o silbí,

At huwag maging damóng / makamandág at makatí.

191.

Buhay ay ialay sa layong / malaki at banál,

Sa bawat pangungusap, / nakatayâ ang dangál.

Igalang ang kapatid / at kanilang mga mahal,

Pagkakapantay ng lahat / ay isabuhay, itanghál!

192.

Mga Katipunero’y matatag / at tahasang humarap

Sa tanong na sila ba / ay sapat nang karapat-dapat.

Kuwebang Pamitinan, / Biyernes Santong tapat,

Dumugtong-diwa kay Kristo / at Bernardong alamat.

193.

Ayon sa kwentong bayan / ng ating mga ninunň

Hari ng Taga-ilog / sa bundok ay nabilanggô

Ang buhay at pamumunň / na ninais niyang ialay.

Kinailangan pa munang / paraanin sa pagdalisay.

194.

Kailangang ang sinumang / may layuning magpalayŕ

Sa paglilinis ng sarili, / walang-dudang nakahandŕ

Kundi’y ang isusulong / na pakikidigmâ

Kaagad nang natitiyak, / ito’y mapapariwara!

195.

At ang diwa ng wagas / na pagpapakasakit,

Kanilang ikinintal / sa lahat ng Kapatid.

Dahilan kaya’t pinili / ang Biyernes Santong batid—

Sukdulang sakripisyo / ng Dakilang Pag-ibig!

196.

Tawag ng karangalan, / sa bisig ay isinugat,

At hawak ang uling, / sa yungib ay isinulat,

Sa loob ng Pamitinan, / isinigaw ang pahayág:

Mabuhay ang kalayaan! / Kasarinlan ay itatág!

197.

Minsan, si Kristo / ay nagtanghal ng pagbabago,

Hinding-hindi madali / na matularan ng tao.

Kung ‘Transpigurasyón,’ / gagawin nating totoo,

Sa kaloob-looban dapat / nagmumula ito.

198.

Ganito ang nilayon / ng Katipunan na maganáp

Kaya’t sa pagdalisay / sa sarili ay nagsumikap.

Dumaloy ang panahon, / mga araw ay nagluwat,

Sa gawaing pamumuno / sila’y naging nararapat.

199.

Hinalaw ng Katipunan / sa kamalayang sinauna

Ang mga kaasalan, / pag-uugaling kaaya-aya,

Isinanib ang diwa / ng kay Puléng Cofradia,

Gayundin ang sulatín / ng Kilusang Propaganda.

200.

Ito, kung tutuusin, / ay napakahalaga

Na sa paglingon natin / ay ganap na makilala.

Na di lamang mga tao / ang binuklod ng Katipunan,

Kundi ang tatlong agos / sa iisang kamalayan.

201.

Kaisipan sa pagkabansâ / ay kanilang itinakdâ,

Malaking pamilya / ang piniling talinghagŕ.

Sa dakilang Inang Bayan / nag-alay ng pag-ibig,

At silang mga Anak, / nagturingáng magkakapatid.

202.

Pagtitig sa nakalipas, / ay kanilang nakilala

Na daloy ng ilog / sa Kapulua’y mapagkaisa.

Katagalugan ang itinawag / sa bagong bansa,

Inugat sa mga ilog / na sa pagdaloy ay malaya.

203.

Tradisyong Sanduguan / ng mga ninunň

Ay binuhay na muli / at pinagbagong-anyô.

Ang iisang panata, / iisang pagkakasundo

Ay kanilang nilagdaan / ng sariling dugô.

204.

Katulad ng naunang / pagsa-Sanduguan,

Mabigat ang nalikhang / pagkakapatiran.

Sa halip na ang ugnayan / ay bunga ng pagkasilang,

Ang kapatirang ganito’y / malayang pinagpasyahán.

205.

Katipuna’y isinilang / na isa lamang samahan,

Upang tipunin ang Taga-iog / sa buong Kapuluan.

Pagdating ng takdang araw / ang anyo’y pinalitan,

Katipunang samahan, / naging pamahalaan!

206.

Apat na taón nga / silang nagpalaganap

Ng dakilang mga aral / na katanggáp-tanggáp,

Panawagang magkaisá, / at magkamít ng layŕ

Ay tumaláb sa kamalayan, / pumulsó sa diwŕ.

207.

Pinunong Bonifacio’y / sumulat ng paala-ala,

Dapat mabatid / ng mga Taga-ilog, wika niya,

Sanduguang ginanap / ni Haring Sikatuna

Sa dumayong kinatawan / ng Hari ng Espanya.

208.

Sa nasabing kasunduan, / batay sa kaugalian

Ng mga Taga-ilog, / ang pinagkaisahan

Na pinagtibay nga / ng isang sanduguan,

Ay isang sumpaan / ng pagkakapatiran.

209.

Sa kanyag bahagi / ang Espanya’y tumalikod,

Nararapat na kapatiran / ay naging bukód-bukód.

Pagkakapantay-pantay / na kunwari’y kinilala

Agad nang nilabag / magmula’t mula pa.

210.

Marangal ang katwiran / ng Taga-ilog, kung gayon,

Na sa unang kasunduan / ay kumalás na ngayón—

Ang Katwira’y nagturo / ng landas na tatahakin:

Magkaisa’t tumindig, / kaapihán ay baklasín!

211.

Liwanag ng Katotohana’y, / panahon nang lumitáw

Sa pangakong ginhawa, / pag-asa na ay tumanaw.

Matapos ang tatlong siglong / tayo ay ginigipit,

Sa wakas, naibulalas: / Katapusang Hibík!

212.

Taliwas nga sa dangal / ang sa Kastilang asal,

Tinanggihan ng Taga-ilog / ang kasamaang aral.

Nang naghahanda sila / sa pagbabalikwas,

Ang pinakatiyák-tiyák / ay pagsasanib ng lakas.

213.

Sa paraang mapanlikha, / nagpunyagi ang Katipunan

At kilusang napalaganap / sa buong Kapuluán,

Hanggang sa matipon / noong Mayo sa Pasig,

Mga pinuno sa mga bayan, / matatatag, masisigasig.

214.

Sa panahong iyon, / malaki na ang Katipunan,

At di na maaaring / di ito namamalayan,

Kayraming mga tiktik / ng kolonyal na gobyerno,

Mayroon din namang / nagsa-Hudas dito.

215.

Malaking Kapulungan / doon sa Pasig ay idinaos

Na susundin ng lahat, / ang pasyang matatapos.

Masiglang talakayan / ang dumaloy sa tanong—

Himagsikan ba’y ililiban, / o agad nang isusulong?

216.

Si Bonifacio’y inusisa / ukol pa sa sandata,

May sapat bang armas / na ipagwagi ang pagbaka?

Sagot niya, ang mahalaga / sa lahat ay ang tao—

Sandata ng kalaban, maaagaw kung desidido.

217.

Kaya't sa Bitukang Manok / nabuo ang kapasyahan:

Himagsika’y simulan na / sa darating na tag-ulan!

Pagpapalapad ng papel / ng mga prayle’y tumanghal

Nang sabihing Katipuna’y / nabunyag sa kumpisal.

218.

Agosto na nang pagtitipon / ay muling maganap

Sa bakuran ni Tandang Sora, / sila ay tinanggap,

Ang ginawang pagsigaw, at pagpunit ng sedula,

Ay pawang malaon na, / Mayo pa, nang ipasya.

219.

Agosto, noventa y seis, / ang tunay na makasaysayan,

Itinatag ang Katipunan / bilang pamahalaan.

"Haring Bayang Katagalugan" / ang dito’y itinawag,

Pambansang kasarinlan / ang tahasang ihinayág.

220.

Walang bayan na hawak, / o kandilí ng dayuhan,

Ang tatanghal ng sarili / na isang Haring Bayan.

Kaya’t walang pasubali, / ito’y naging hudyat—

Paglaya ng Taga-ilog, / itinanghal, itinatag.

221.

Noon nagsanib-sanib / ang hiwalay na mga agos

Ng dati’y bukód-bukód / na mga Taga-ilog,

Di man kinilala / ng sinumang dayuhan,

Kasaysaya’y naganap, / ang Bansâ ay isinilang!

222.

At bakit naman hindi / kikilalaning iniluwal

Pagkabansa ng Pilipino / sa buong Kapuluan,

Gayong noon lang nabuô / sa unang pagbuklôd,

Sa iisang punyagi, / ang mga Taga-ilog?

223.

Nang unang sandaang araw / pa lang ng Himagsikan,

Paglaban sa Espanya’y / laganap na sa Kapuluan.

Mulang Hilagang Luzon, / bundok man o kapatagan,

Hanggang sa Mindanaw, / sa dulong Katimugan.

224.

Nauna nilang punyagî / ay umani ng tagumpáy,

Na pagkaisahing mahigpít / ang buong kilusán

Pagkakahati-hati / at pagpapangkatan

Ay naganap lamang / sa iisang lalawigan.

225.

Samantala, si Rizál / na kulóng sa Dapitan,

Nakasilip ng paraáng / ang kalagaya’y maalpasán.

Nag-alok na manggamót / sa mga Kastilang sundalo

Na noo’y nakikihamok / sa Rebolusyong Cubano.

226.

Pagsiklab ng Himagsikan / ay sa kanya idiniin,

Kahit nagawa pa niya / na ito’y tuligsaín.

Sa mabilisang paraán / ng paglilitis na huwád,

Sa kanya’t parusang / kamatayan ang iginawad.

227.

Bisperas ng kamatayan, / sa kulungan ni Rizál,

Siya ay nagpadaloy / ng tulang mapagmahál.

Inawit nang mahalimuyák / ang Pag-ibig sa Bayan,

Iniwan niyabg handog / ang Huling Pamamaalam.

228.

Kaagad na isinalin / ang dinakilang tulâ

Sa masuyong pagsisikap / ng kanyang tagahanga—

Si Bonifacio ang siyang / magaling na makatŕ

Na mahusay sa dayuhan / at sa saring wikŕ.

229.

Katunayan, ang Katipunan / ang siyang nagpalaganap

Ng mga aral ni Rizal / upang sila ay magagap

Ng karaniwang mga taong / hindi sana nakaunawa

Sa kay Rizal na panuat / na ang wika’y banyagŕ.

230.

Katipunero pa nga / ang unang tututol

Sa kagawian ngayong / iharap sa paghatol

Upang ating pagpilian / si Bonifaco ba o Rizal

Ang nakahihigit na bayaning / lalong itatanghal.

231.

Kung ating lilimiin, / at susuriing mabuti,

Kabayanihan ng dalawa / ay hindi nagtunggali.

Kadakilaan nila’y / magkasanib, magkarugtong

Sa daloy ng kasaysayan, / magkasunód ang panahón.

232.

Gumamit si Bonifacio / ng sagisag na ngalan,

Inilagda sa pahayag / ang "Agapito Bagumbayan";

Bagumbayan din ang ngalan / ng isang liwasan

Na sumaksi kay Rizal, / sa kanyang kamatayan.

233.

Ang mga dugtungan / at mga pagtutugmâ

Nina Rizal at Bonigfacio, / mga bayaning kapwŕ,

Ay di mahirap na luminaw / sa ating pagkaunawŕ,

Pakatandaan lang nating / Katipunan ay dakilŕ.

234.

Sa pangkalahatan, / Katipunan ng Taongbayan

Ay mahigpit na nabuklód / sa diwa ng karangalan,

Na siyang naging sandigan / ng tapang sa paglaban,

Kahit nagtayong Pangulo’y / nabihag at napasláng

235.

Si Andres Bonifacio’y / sugatáng ihinarap

Sa isang paglilitis / namang sakdal-huwád.

Malupit na bintang / sa kanya’y itinarak—

Nag-asam maging hari, / naging mapagbiyak.

236.

Wala namang ihinarap / na saksi sa kanyang panig.

Manananggol na pinili / ng hukuma’y walang tinig;

Sa halip na bintang / ay patunayan niyang huwád,

Hingi ng abogado’y / pang-uunawa, pagpapatawad.

237.

Wala na ngang dapat / pa tayong pagkagulatan,

Hatol ng hukuman / ay parusang kamatayan;

Na kunwari’y ginawang / pagdestiyero na lamang

Ipinapatay ding pataksil / sa makahayop na paraan.

238.

Sa Tejeros ginawa / ang pagbagsak kay Bonifacio,

At ang bunga’y pagsuko / doon sa Biyak na Bató.

Doon ipinagkanulň / ang layon ng Himagsikan,

Pinatigil ang laban— / "Ang susuway ay tulisán!"

239.

Napatay si Bonifacio, / ang kanyang katawan,

Nanatili namang buháy / sa puso ng Katipunan.

Kaya’t nang humalili’y / nagsuko na ng laban,

Diwang buháy ni Andres / ang isinulong ng bayan.

240.

Ngunit ang alaala / niya’y pinagtulungan,

Ng mga imbi’t malalakas / sa ating lipunan;

Kabi-kabila . kung siya ay sira-siraan,

Matapang nga raw, / mapusók nama’t mangmáng.

241.

Ikinaila, itinanggi, / at tahasang ikinubli,

Mga kakayahan niyang / tunay namang marami—

Siya’y mapagbasá, / mapagsulát at mapagmuni,

Pangulo siya at Heneral / nitong Bayang Hari.

242.

Ah, kung ganáp namáng / naging matagumpáy

Ang sa Yungib ng Pamitinan / nakanyang pag-aalay

Ng sarili sa pagsisikap, / nakamit ang pagdalisay,

Siya pa ri’y nakangitî / maging sa Kabilang-Buhay.

243.

Sa ating pagdakila’y / karapatdapat siya,

Sa kanya naman, marahil, / di ito ang mahalaga,

Kundi ang katubusan / ng pinakamamahal niya—

Tayong mga Anak / nitong Bayang Iná!

244.

Katipunan ay may diwa, / ito’y spiritwál,

Sa pamumuno ni Bonifacio, / nilinang, ‘tinanghál.

Inspirado ni Kristo / at ni Bernardo Carpio,

Mahalagang aral ngayon / sa mga Pilipino.

245.

Katipunang dakila / ang siyang nagtipon,

Nagluwal ng Kabansaan / sa panahóng iyon;

Bakit kung sumasagě / sa isip ang Katipunan,

Ang kilala lang natin / ay tapang sa paglaban?

246.

Boyet at Nene, / pangyayaring maganda,

Mga bandilang Katipunan, / marami tayong nakikita.

Huwag ninyong payagang / panlabas na kaanyuán

Lamang ang makilala, / mahalaga ang kalooban.

247.

Sa dadal’wang taóng / Rebolusyon ay sumulong,

Nagapi ang Espanya / sa lakas ng pagdaluyong.

Ngunit ang tagumpay / ng Himagsikan ay naagaw

Ng isang bagong amo, / isang bagong halimaw!

248.

Ang bagong mananakop / ay unang nakapasok

Sa paraang mapanlinlang / at nakasusulasok—

Nagpanggap na kaibigan / nitong ating Himagsikan,

Nangako ng pagtulong / at ng mithing kalayaan.

249.

Ito naman palang / Estados Unidos

Ay bantay-salakay / sa mabubusabos,

Mga puting kapangyarihan / ay nagsapakatan

Upang tayo’y manatili / sa paghaharing dayuhan.

250.

Sa sukdulang kawalán / ng anumang kahihiyán,

Espanya’y pumasok pa / sa isang pagbebentahan;

Kanyang ipinagbili / Kapuluang Pilipinas

Samantalang siya noo’y / nagapi na’t napalayas.

251.

Sumunod rito’y pagtatatág / ng isang Republika,

Sa bayan ng Malolos, / at tayo ay lumaya na.

Laya’y tumagal lamang / ng kakaunting araw,

Bago sumalakay / ang hukbô ng halimaw.

252.

Ang sinasabing "makataong / bansang Amerikano,"

Pagkakapantay-pantay / raw ang angking prinsipyo,

Ngunit nagbayad ng salapî / sa bilihang nakakadirě,

Binili ay mga tao / huwag nang sabihin pang bayaně!

253.

Lagpas na sila noon / sa sariling gera-sibíl

Na maraming buhay / sa kanila ang nakitíl,

Tunggalian sa patakaran / ukol sa pagkalakal

Sa mga alipin ay labág / sa makataong dangál.

254.

Ngunit sila’y nagsimulang / humabol sa Espanya

Sa kasuklam-suklam / na pangongolonya,

Simulain ng kanilang / "Mga Amang Nagtatág."

Sa ginawa sa Pilipinas, / ay garapalang nilabág.

255.

Layang nilayon / at nakamit ng Himagsikan

Inagaw ng Amerikano / sa imbing kaparaanan,

Mula sa tagumpay / ng gakilang Katipunan,

Ang tanging naiwan, pagkabansang isinilang.

256.

Ngunit kahit iyon man / ay pininsalaan

Ng dahas at sumunod / na kanilang panlilinláng,

Sa makahayop na lupít / ng kanilang pananalakay,

Daan-libong Pilipino / ang pinagpapatáy!

257.

Magiting na lumaban, / mga dating Katipunero,

Kahit sumukong muli / ang kanilang naging pangulo,

Si Malvar at si Lukban, / sina Ola at Sakay,

Nangahas na humarap / sa matinding pananalakay.

258.

Matapos ang bilihang / sa Paris nilagdaán,

Sandata at armas, / Kapulua’y binuhusan.

Sabi’y mabilisan / na nilang magagapî

Sinasabing "tulisán," / kaipala’y mga bayaně.

259.

Kabi-kabilang salakay / ang ginawa nila rito,

Maraming bahayán / ang sinilabán at inabó.

May’rong isang inang / may sanggol na natutop,

Tumakbong papasók / sa bahay niyang nasusunog.

260.

Dahil sa pagpapahirap / na matindi’t malahayop

Kilala nang lubós / itong bagong mananakop.

Sobra-sobrang tubig / sa katawan mo’y ipapasok,

At tatadyakan sa tiyan / habang ika’y binubugbóg.

261.

Sa isla ng Samar, / sa bayan ng Balangiga,

Taong bayan doo’y / kumilos nang sama-sama.

Ayon sa balak ni Lukban, / ang hukbong sumasakop,

Ay kanilang nabigyan / ng matinding dagok!

262.

Sa paraang biglaan, / kanilang ginulantáng

Ang mga tropang dayhuhang / malupít at mayabang.

Sapagkat ang pananakop / ay kalagayan ng digmaan,

Sa mabilis na kumpás / mga kaaway ay pinasláng.

263.

Pinakamalaking dagok / pala itong natamó

Sa kasaysayan noon / ng hukbong Amerikano,

Kaya naman hibáng, / nag-uulol sa ngitngít,

Heneral nila’y nag-utos / ng kahindik-hindík—

264.

"Pumatay kayo’t manunog, / at huwag nang bumihag.

Mas maraming mapaslang, / lalo akong magagalák,

Barilin ang lahat ng / kaya nang mag-armás,

Patayin ang mga batang / nuwebe anyos, pataás!"

265.

Walang kasindaming / buhay ang pinasláng

Nitong Amerikano / sa ating Kapuluan.

Pinatay nila’y lagpas / sa kalahating milyon

Higit sa pinatay / ng Kastila’t mga Hapón.

266.

Ngunit bakit kailangang / ang ganito’y ipaalala?

Sapagkat sa isip / ng Pilipino’y nabura.

Ganap na nanaíg / ang matindi nilang puwersa,

Ang natirang buháy, / binigyan ng amnesya.

267.

Paraang ginamit / ay mabisang edukasyón,

Na sa tunay na kamalayán / ganap na lumason.

Nagbago ng pakikitungo / ang mga Amerikano,

Maraming Pilipino’y / sinaling-pusa sa gobyerno.

268.

Sa pamamagitan ng / kaaya-ayang mga produkto,

Mansanas at tsokolate, / ubas at sigarilyo,

Pagiging palahanga / ay binuo sa kaisipan,

Ginawa silang sagisag / ng mithing kaunlaran.

269.

Ang agos ng Ilog / ay malalim at malinaw,

Ngunit nangyayaring / lumalabň, bumababaw,

Kamalayan ng Taga-ilog / ay nasilaw, nasindak,

Sa ganitong kalabuan / tayo ay nasadlák.

270.

Liwanag ng katotohanan / katwirang tunay,

Ay ibinilin sa atin / ng Jacintong patnubay,

Ngunit pagsakay / sa isang bagong bangkâ,

Na makinang at makislap, / liwanag ay nawalâ.

271.

At kung dati-rati, / ang ginagamit na ilaw

Ay buwan at bituin, / ang apoy ng Araw,

Lumabo at bumabaw / ang laganap na pananaw,

Sa karangyaang Amerikano, / ito ay nasilaw.

272.

Sa kanila ng pagsisikap / ng ilang makabayan,

Unti-unting nanghina, / lumabň sa kamalayan,

Ng mga Taga-ilog / ang nakamit na kakanyahán

Na iniugat ng Katipunan / sa diwa ng karangalan.

273.

Sinimulang gayahin / ng maraming kayumanggî

Pagkalibáng at paghamak / ng mga taong Putî

Sa mga katutubong / nakatira sa kabundukan—

Ugali ng mga tribo / kasuotan at kaanyuan.

 

274.

Sa ganitong pagtanaw, / sapagkat nangabulagan,

Palibhasa’y yumakap / sa dayuhang pamantayan

Sa kung ano ang mahusay, / kung ano ang maganda

Kinutya ang salamin / ng kanilang kaluluwa!

 

 

 

 

 

 

 

 

275.

Kaluluwa nati’t diwa / ay nagawang kalimutan,

Kapalit ng sobrang-init / na makabagong kasuotan,

Ugat sa katutubong / pamana’y aanhin pa

Kung sa ubas at mansanas / ikaw ay sagana?

276.

Sa halip na panghawakan / ang sariling pananaw

At sa ganoong pamantayan / piliin ang mahahalaw,

Sa ibang kabihasnan, / nabihag ang Pilipino

Sa hatak at kináng / ng marangya at makabago.

277.

Daloy ng kasaysayan, / sa dating ikot nagbalik,

Nang ilustradong Pilipino / noon ay nainggit

Sa pamantaya’t kaisipan / na nakita sa Europa.

Pinatunayang sa ganoo’y / karapat-dapat din sila.

278.

At dahil pamantayan, / Amerikanong pananaw,

Kanilang kaisipan / ang siya ngayong nangibabaw.

"Amerikanong Kayumanggi," / dumami’t nagsipág

Mga patakarang mapanakop / ay kanilang tinanggáp.

279.

Sila pa nga ang naging / mga tagapagsalitâ

Kung gaano raw kahusay, / gaano raw kadakilŕ

Ang layunin ng ’Kanô / nang bilhin tayo’t sakupin

Nang sa buhay taong-gubat / tayo raw ay hanguin.

280.

Wala ngang matwid / na ang siyang ’dinahilán

Ng mga Espanyol / na unang mga dayuhan

Nang tayo’y pagharia’y / aakayin daw sa kabihasnan,

Ang ulitin pa ito / paglipas ng mga siglo’y kahibangan!

281.

Kung dayuhan ang magsabi / ng kasinungalingan

Maaaring ang pinsala / nito’y maliit lamang,

Ngunit ang ibinunga / ng ganito ay malalâ

Nang tayo’y nagpakababŕ, / sa kanila’y naniwalŕ,

282.

Kaiba sa Espanyol / na nag-aral ng ating wika,

Amerikano’y sa Inggles / tayo pinagsalitâ.

Sa kaaaral at kababasa / ng kanilang mga aklŕt,

Pagkilala sa sarili’y / nakalimutan nang ganŕp.

283.

Hindi naman lahat, / kung ating tutuusin,

Mayroong makabayan, / mayroong magigiting.

Mapanindigan lamang / ang katangiang angkín,

Humandang humarap / sa mga suliranin.

284.

May mga lumayo / na lang at namundok,

Kanilang bahayán / ay Pilipinong poók,

Ugaling katutubň, / marangal na asal,

At diwa ng bayani, / kanilang pinairal.

 

285.

Mayroon namang iba / na sa sining sumulong

Mga dulang makabayan / sukdang maikulóng,

Tolentino, Abad, / De la Rama’t Abelardo,

Ay pawang nagpatingkad / ng pagka-Pilipino.

 

At diwa ng bayani, 

286.

Sa pamahayagan / may ilang nakibaka,

Sila’y makabayang / mga peryodista,

Renacimiento’y bumirá / sa "masibang agila"

At bilang bunga nito, / ang diyaryo’y isinara.

287.

Dumami naman noon / ang Pilipinong manggagawa

Sa kabi-kabilang / pagtatayo ng pabrika,

Lumakas ang isinulong / na kilusang obrero,

Humarap sa mga dayuhang / dambuhala sa negosyo.

288.

Nakatulong din naman, / Amerikanong kalupitán,

Kahit natapos na / ang pagpapahirap, pamamasláng.

Bandilang Pilipino / ay kanilang ipinagbawal

Na maiwagayway, / maipakita, maitanghal.

289.

Ang patakarang ito’y / malawakang ikinagalit,

Nakilalang isang anyo / ng pagmamalupít.

Ang mga Taga-ilog / dahan-dahang nahati—

Maging "Brown American," / o Pilipinong manatilě

290.

Ang ganitong pangyayari / ay nakapinsala

Sa naunang natipon, / nabuong pagkabansa.

Ang dating pagsasanib / ng mga ilog sa pagdaloy

Muling nagsanga-sanga, / na wari’y puongkahoy.

291.

Sa larangan ng pulitika / mayroong nagbaka

Na tuluyang mabawi / ang independensya.

Mga puwáng sa dayuhang / batas at palakad

Ginamit na tunay / upang laya’y mapaagád.

292.

Gayunman, sa ganoong / landas na tinahak

Nina Quezon at iba pa’y / mayroong napahamak.

Ito’y ang kamalayang / dapat umiral sa lipunan

Na malalim ang ugat / sa diwa ng Karangalan.

293.

Kaisipang tumaláb, / sa kagagaya sa putî,

Naging makasarili / taliwas sa dating pagbabayaně.

Paligsaha’y lumakas, / sa halip na tulungán,

Lumubha ang kanyá-kanyá, / at paglalamangan.

294.

Katunaya’y naganap / ang napakasakít,

Tumatapak sa kapwa / nang biyaya’y makamít.

Ang naging pamantayan, / sa pag-asenso

Ay husay at talino, / "para nang Amerikano!"

295.

Sa naunang panahon / ng paghaharing Espanyól,

Mithing maging dayuhan / sa ilustrado lang naukol.

Sa ilalim ng Amerikano / ang Pilipinong karaniwan,

Nag-asam na kabansaang / sarili ay matakasan.

296.

At ang yamang pamana / ng naunang salinlahi,

Ang ugaling marangál / ng ninunong bayaně,

Itinakwil at nilait, / itinuring na makalumŕ

Bagay lang sa di-nag-aral / at mga maralitâ

297.

Ang mga maka-dayuhan / ay muli pang nahatě

Nang pumasok ang Hapon, / at siya namang nagharě.

Mayroong sa Amerikanong / Heneral ay naging tapát,

Mayroon namang sa panig / ng Hapón ay lumipat.

298.

May mga sundalo’t kadete / na ginamit lamang

Na panangga sa pagtakas / ng dayuhang dinatnan.

Sa pagkain, pagsasanay / at kasangkapa’y kulang,

Sila ay isinuko / sa lalawigang Bataán.

299.

Mangyari pa ay may mga / gerilyang ang katapangan

Ay sa sariling bayan / at sa mithing kalayaan.

Nilabanan at pinahina / ang paghahari ng Hapón,

Na binigyang-wakas paglipas / ng tatlong taón.

300.

Amerikano’y nagbalik, / at tinanggap na bayaně

Animo’y panginoon, / tagapagtanggol na tangě.

Nakalimutan nang ganáp / ang nauna niyang dahás—

Nang ito’y sumalakay, / daang-libo ang nautás!

301.

Sa isip ng Pilipino, / ang malinaw lang noón

"iniligtas nla tayo" / sa marahas na Hapón.

Ganap nang nawaglit / sa isip ang katotohanang

Bangis ng Amerikano / ay lamáng na lamáng!

302.

Pagkatapos nga nitong / Ikalawang Digmaan,

Lipás na ang panahon / ng pangongolonyang tuwiran,

Naging kalakarang ibigáy / ang pormál na kalayaan

At paghaharing tunay, / tulóy sa bagong paraan.

 

 

303.

Patapós ang digmaan, / nang ito’y ihanda,

Labis-labis ang pambobomba / sa buong Maynilŕ.

Ekonomya’y nakadapâ / kapag duróg ang syudad,

Ang lumalayang bansâ / ay madaling mabibitag.

304.

Bago pasinayaan / ang kaloob na kalayaan,

Tiniyak na Pilipinas / ay lalagda sa kasunduan.

Kundi’y ipagkakait / ang ayudang pangkagipitan.

Pumirma ang pangulo, / isinanlâ ang kalayaan.

305.

Paghaharing Amerikano / ay di na tuwiran,

Nanatili namang hawak / buong buhay ng lipunan.

Pilipino ang pinaupo / sa Konggreso’t Malakanyang,

Ngunit obligadong tumalima / sa dayuhang patakaran.

306.

May kaibhan din naman, / lamáng pa rin ang dayuhan,

Pilipino ang sisisihin / sa mga kahirapan,

Nakakubli samadla / ang may-akda ng patakaran—

"Impyerno ang palakad / sa Pilipinong pamahalaan"!

307.

Kahit naging palagian / ang mga halalan,

Ang bawat Pilipinong / pangulong nahalal

Ay pinadaan pa muna / sa masusing pagsusurě

Ng gobyernong Amerikano / bago siya nagwagî.

308.

Bandila ng Pilipinas, / nasa tuktok ng taludtód

Ngunit ekonomiya nama’y / ginawang palasunód

Sa utos ng mga bangkong / dayuhan, pandaigdigan,

At ang baya’y lumubóg / sa matinding kahirapan.

309.

Nagkaisa at nag-almá / ang mga magsasaká,

Estudyante, manggagawŕ, / maraming iba pa.

Nagkataong papabangís / noon ang patakaran

Ng Amerika sa Asya / at puwersang kasangkapan.

310.

Sa kalagayang ito, / pangulong nakaluklók

Ay di nakapagpigil / sa pansariling udyók—

Upang mapatagal / ang kanyang pagkakaupô,

’Dineklarang pormál / ang batás na panghukbô.

311.

Sandaling tumahimik / ang mga protesta,

Habang tinutugis / ang mga akrtibista.

Libu-libo ang arestado, / ikinulong, pinahirapan,

Pinatáy nang lantaran, / o pinaglahň na lamang.

312.

Ngunit di nga nagtagal / katahimikang panlibingan,

Dahan-dahang nabasag / ng kublíng mga bulungan.

Paglabang gerilya / ay hindi nakalimutan,

Paraan noón sa Hapón, / itinuon sa pamahalaan.

313.

Ang bulóng ay lumakás / naging usapang matatás,

Hanggang sa humantóng / sa pagsigáw nang malakás,

Kasabay pa ng nangyaring / pagkakapit ng mga bisig,

Nagbuklód sa diwa’t gawâ / at nagkaisa sa tinig.

314.

Sa iba’t ibang larangan / ay sumulong ang paglaban,

Mayroong mga pumilě / sa anyong sandatahán,

Ang iba’y sa panulat, / sa gawaing organsasyon,

Itinuloy ng kilusán / ang naudlót na rebolusyón.

315.

Isang araw ng Agosto, / katanghaliang tapát,

Mayroong isang balang / humaginít at sumugat.

Bangkay na nahulog / sa hagdán ang pinasláng,

Si Ninoy Aquinong / may alay na kapayapaan.

316.

Sa halip na ang tao’y / panghinaan ng loób,

Sa ginawáng pagpasláng, / lalo pang sumugod.

Wari’y bahâ o dagat / silang dumaluyong,

Sa paggapî sa diktador, / nangahas magtulung-tulong.

317.

Bayani ng mahihirap / at martír ng mayayaman,

Sama-sama sa istrimer, / ihiningi ng katarungan—

"Hustisya kay Aquino, / hustisya para sa lahat!"

Iyon ang mapagkaisang / panawagang lumaganap.

318.

Halos milyong tao / sa libíng niya’y nagmartsa,

Tanghal ang mga mukháng / nagbuklod sa kanilá—

Jopson at De la Paz, / Escandor at Macli-ing,

Katarungan sa lahat / ng bayaning magigiting!

319.

Malaking pangyayari / ay di halos pinansín

Ng mga pahayagang / sa diktadura pa rin.

Ngunit tumulong, humanay, / ang mga peryodista,

Radyo Veritas, Mr. & Ms., / We Forum at Malaya.

320.

At nakamit ng oposisyon, / kahit pansamantalá,

Ang pinakamalawak / na pagkakaisa.

Milyun-milyong tao / na dating nananahimik

Sa kaisaháng nadamá / noon ay nakabig.

321.

At nang magkaisa nga / ang lahat ng kumokontra,

Nadama nilang lahat / ang nag-ibayong siglá.

Diwa ng bayanihan / ay muling nabuhay—

Sa pagsasanib ng lakás / makakamit ang tagumpay!

322.

Yaon namang diktadura / na matagal nang nagharě

Ay iniwan na ng dating / nagtaguyod at nagsisi.

Gobyernong Amerikanong / pangunahing sumuporta

Sa batas-militar, / unti-unting dumistansya.

323.

Nakita na kasi noon / ng gobyernong iyon

Na mga tayâ nila / at masayáng posisyón,

Sa ekonomiya, pulitika / at militar ng Pilipinas

Kung sa diktadór pa itayâ, malamáng mabaklás!

324.

At habang papalaki / ang kilusang protesta

Ay lalong natukso / ang nasabing diktadura

Na mag-ibayo ng dahás; / marami ang naitulak

Na umanib sa radikál, / at sa bundók ay umakyát.

325.

Pati hukbong sandatahán / na pinakawalán

At nandahás sa hanay / ng mga mamamayan,

Ay di na rin nakatiís / nang diktadór ay mandayŕ

Nang garapalan pag muli / sa Halalang Biglâ.

326.

Kaya’t nang ang ilang / opisyal ng hukbô

Ay kumalás nang tuluyan / sa dati nilang amo,

Maraming sundalo / sa kanila’y umalalay

At lahat ng iba / ay tumanggíng sumalakay.

327.

Noong kapapataw / ng paghaharing diktadura

Ang mga tao’y ilág / sa sasakyan ng pulisyá,

Ngunit nang mabuô na / ang pagkakaisá

Mga tangké ng diktadór / ay hinaráp na nilá.

328.

Sa Diwang Dakila / ng pagkakaisa’t paglayŕ,

Nagyakap ang mga / Pilipinong kapwŕ,

Mababangís na sundalo / ay biglaang pinatawad

Ng mga biktima nila / nang sila’y magkaharŕp.

329.

Kaya’t mga sundalong / ito ay napigilang

Mga tangké’y paandarin / at Taongbaya’y sagasaan,

Labing-apat na taón / na pag-iipon ng lakás

Ng Taongbaya’y tagumpáy— / diktadór ay napalayas!

330.

Ang buong daigdig / ay bumatě at humangŕ

Sa naging kakaibáng / kaparaanan ng paglayŕ.

Tunay na nagpatas, / lakás ng mga hukbô,

At napigil na magtagis / sa labanang madugô.

331.

Maraming pangakň / ng humaliling pangulo

Ay hindi natupad, / bayan ay nanlumó.

May malaki na ring / naganap sa Pilipinas,

Ito’y ang pagtitipon / at pagsasanib ng lakás!

332.

Ngunit dating pagkakaisa / nang diktadura’y kaharáp

Ay kumapos sa diwa / at nagkabiták-biták,

Gayunman, ang pagsisikap / ay di naman nasayang,

Muling nabuhay, lumakas, / ang diwa ng bayanihan.

333.

Ang pagsasanib ng lakás / ng mga Taongbayan

Ay ginagawa ngayon / ng maraming samahán,

At tumutugon namán / ang mga pamayanan,

Nang palakasin ng batás, / lokal na pamahalaán.

334.

Pumasok pa noón, / mahalagang panahón,

Upang mga sentenaryo’y / bigyang-selebrasyón,

Una ang sa Pagkabuô / ng Katipunang Dakila,

Apat na taóng makalipas, / ang sa Pagsilang ng Bansâ!

335.

Sumunod ang sa pagyao / ni Rizal, ni Bonifacio,

Na sinundan naman / ng sentenaryo ng Hunyo—

Unang wagaywáy sa publiko / ng ating bandila,

At unang pagtugtóg / ng awit na pambansâ.

336.

Pagkatapos pa nito / ay iyon nang sentenaryo

Ng malayang Republika, / buwan naman ng Enero.

Sa pagsunud-sunód / ng mga paggunitang itó,

May nakakamit na kaisahán / ang mga Pilipino.

337.

Sa kabila ng mga / debate sa kasaysayan

Sa mga kaganapang / itinampok sa pagdiriwang,

Ang nais lang ng tao’y / sama-samang itanghál

Na Pilipinas, ating bayan, / ay tunay na minamahál.

338.

Pagkakataó’y mainam / sa panahong kasalukuyan

Na tayo’y magbalik-aral / sa ating kasaysayan,

Hindi para magsaulo / ng mga petsa’t pangalan,

Kundi ganáp na magagáp / ang talambuhay ng bayan.

339.

Kung ating ninanais / na makilala ang Pilipino,

Upang maunawaan / kung bakit tayo ganitó,

Kung layon nati’y magpugay / sa angkíng kadakilaan,

Dapat nating maliwanagan / ang landas na dinaluyan.

340.

Kamalayan sa kasaysayan / ay dapat sanang iayon

Sa ating mga ilog / ng naunang panahón.

Di tulad ng sa ngayon / na malabň at mababaw,

Daloy ng ilog noon, / ay malalim at malinaw.

341.

Hindi makikilalang / pangyayari’y may saysáy

Kung di ito makita / sa Daloy ng Talambuhay,

Taga-ilog ay may ugnayan / sa buóng Kapuluán,

Pangyayaring iba-iba / ay pawang may dugtungan.

342.

Daloy ng kasaysayan /ay di rin maaaninag

Kung ang Diwang Dakila / sa ati’y di matatág.

Kung pananáw nati’y / laging hiwa-hiwaláy,

Di alám na tayo ay / magkakasama sa buhay.

343.

Ang Diwang Dakila / ang siyang tumatangláw—

Mga bagay, ating tingnan / sa sariling pananaw,

Ang nasa ating kalooban / di ang hatol ng dayuhan,

Ang tunay na katibayan / ng ating karangalan.

344.

Nagmula nga tayo / sa hiwa-hiwalay na sapŕ

At mga batis ng Taga-ilog / ay nagsama-sama.

Sa iisang Agos, / binuklód ng Katipunan,

Sa Sigaw ng Himagsikan, / Bansa nati’y isinilang!

345.

Magmula nga lamang / ng panahong iyon,

Nakalipas na ngayón / may sandaang taón,

Nabuklod na mga agos, / mulíng nagsangá-sangá,

Kamalayan ay nanghinŕ / na tayo’y bansâ na!

346.

Ngunit napatunayan / nang diktadura’y hinaráp

Na ganoong pagbubuklod / ay mulíng magaganáp,

Magagawa nating mabawě, / maisulong, maigiít,

Ating pagkabansâ, / kalayaa’y makakamít.

347.

Sa pagbalik-tanáw, / mahalagang bahagě

Na matutunang lubós, / mga aral ng mga bayaně;

Marangal na nilalaman / ng Kartilya ng Katipunan,

Ipanatang isasabuhay / ng maraming Taongbayan!

348.

Sapagkat ang mahalagang / manatili sa bayan

Matapos na lumipas / ang mga pagdiriwang

Ay hindi mga palabás, / gusalě o larawan

Kundi pagpapatibay / sa dangál ng kalooban.

349.

Aking panalangin, sa inyo’y ibinibilin—

Kadakilaan ng lahě, / patuloy pang tuklasín.

Sa susunod pang salinlahi / ay pakatiyakín

Na diwa ng Katipunan / ay dadaloy pa rin.

350.

Nene, Boyet, / bandilang nasa kamay

Ay buong kagalakan / ninyong iwagayway.

Tunay na ikarangál, / at ipagmalakí n’yo—

Daloy-buhay ng Taga-ilog, / kasaysayang Pilipino!

 

 

—Ding Reyes

1997

[1,400 taludtód sa 350 saknóng]