ding reyes books

 

 

MYEMBRO

NG KOOP NA TOTOO

 

 


           

 

 

Paunang Salita  

Dalisayin ang Kalooban ng 

mga Myembro


Pambungad ng May-Akda

Lahat Tayo'y Maging Myembrong Totoo!


Anim na Kabanata 


Kabanata 1.  

Magpaka-Tao at Makipagkapwa-Tao, 

Asal ng mga Katipunero 


Kabanata 2.  

Bigyan ng Pangunahing Diin ang mga Primarya


Kabanata 3.  

'Sama-Sama, Sanib-Sanib,' Talakay mula sa Titik 

ng Isang Kanta


Kabanata 4.  

 Kooperatiba: Sama-samang Negosyo

 ng mga Myembro


Kabanata 5.

Malinaw, Malayang Pasya Bahagi ng PagpapakaTao 


Kabanata 6. 

Pangunahing Diin: 

sa mga Primarya!


Kabanata 7. 

Pitong Prinsipyo 

at Bawat Myembro


Kabanata 8. 

Bagong Konsepto

ng Pamumuno


Kabanata 9. 

Myembro, Haligi Ka 

ng Koop Mo!


 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

            

 ni Ed Aurelio C. Reyes

ni Ed Aurelio C. Reyes

 

Click here to see the list of Chapters in this Mini-Book


THIS PAGE HAS BEEN VISITED  957  TIMES SINCE IT WAS UPLOADED IN NOVEMBER 2010.


back to top.         back to previous.

Entire book was uploaded

as recommended by

Ms. Shayne R. Merioles.

 

Paunang Salita:

Dalisayin ang Kalooban ng mga Myembro!

MASAYA nating tanggapin at ipagpasalamat ang paglabas nitong Myembro ng Koop na Totoo Dalawang magkaugnay na mensahe ang pinapaksa nito: ang kahalagahan ng mga kooperatibang totoo; at ang kahalagahan ng mga myembrong nagpapakatotoo. Ang mga mensaheng ito ay lubhang mahalaga sa kasalukuyang panahon ng matinding krisis na bumabalot sa ating bansa.

Lumaya nga ang ating bansa sa direktang pananakop ng mga dayuhan, ngunit nagpapaalipin naman sa pagkakautang. Nakasangla ang pambansang ekonomiya at ang kinabukasan ng mga susunod na salinlahi. 

Panginoon ngayon ang makapangyarihang pandaigdigang monopolyong-puhunan. Ang idinidikta nito para sa Pilipinas ay ekonomiyang "import-dependent, export-oriented at debt-driven."-- nakaasa sa palagian at papalaking pagkakautang na hindi na makakaya pang bayaran.

Bunga nito ang kasalukuyan nating nararanasang malawakang unemployment, pagbagsak ng halaga ng pera at ng sahod, pagguho ng mga negosyong Pilipino at lalong paglaganap ng gutom at kahirapan.

Panahon nang maunawaan ng lahat ang pinagbuhatan ng ating kahirapan. Panahon na upang ating pagtulung-tulungan ang paraan ng ating paglaya sa pagkaalipin.  Taglay ng totoong kooperatibismo ang binhi ng solusyon, taglay nito ang modelong salungat sa monopolyong kapitalismo.  Nasa kooperatibismo ang paraan sa paglagot ng tanikala, ang liwanag na gagabay sa daan tungo sa paglaya.

Maihahalintulad ang kasalukuyan sa panahon ng pakikibaka ng Katipunan.  Kailangan nating mabawi ang likas na karapatan (birthright) na mapanghawakan ang pambansang ekonomiya. Wika nga ni Andres Bonifacio, "Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at pagdadamayan."

Ang paghahanda ng lakas para sa pakikibaka ay dapat magsimula sa kalooban. Dahil ang salot ay ang pangungutang, ang lunas ay ang sama-samang pag-iimpok at sama-samang pag-asa sa sarili.  Dahil ang salot ay panlalamang at pagkagahaman, ang lunas ay pagtutuwang at pagbibigayan.  Ang ganitong kalooban ang siyang esensya at diwa ng totoong kooperatiba.  Ito rin ang kalooban na dapat isinasabuhay ng totoong myembro.

Kailangang mailigtas ang bansa sa pagkaalipin sa utang.  Ang mga tunay na anak ng bayan ay muling tinatawagang "idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtatagmpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan."

Ang mga nagnanais makianib sa totoong mga kooperatiba ay tunay na nakikiisa sa pagpapatuloy ngitong simulain ng Katipunan.  Sa mga totoong myembro ng kooperatiba, mga tunay na anak ng bayan, nakasalalay ang inaasahang tagumpay.

Tony Cruzada

("Kasikap at Katuwang")

Direktor, Cooperative Education on Synergism (CES) Program,

SanibLakas ng Taongbayan Foundation

 

Setyembre 21, 2004

Back to list.

Pambungad ng May-Akda:

Lahat Tayo'y Maging mga Myembrong Totoo!

HUMINGA muna ako nang malalim bago ko ipinasyang isulat ang munting aklat na ito. Baka kasi maraming mga kaibigan ko sa sektor-kooperatiba ang magtampo o magalit na nang husto sa mga kinailangan kong sabihin dito.  Pero inisip ko rin namang makikita nila na ang layunin kong matapat ay ihayag ang nakikitang katotohanan, sinuman ang masagasaan, upang maiwasto ang mga kamalian at magawan ng paraang mapangibbawan ang mga kahinaan.

Hamon po ang Myembro ng Koop na Totoo sa kilusang koooperatiba ng ating bansa na suriing muli nang mabuti ang napakatagal nang pinaiiral na mga pamantayan o "criteria" sa ituturing na mga "members in good standing o MIGS, at pati mga pamantayan natin  sa pagbibigay ng gantimpala at pagkilala sa mga "malalakas" na kooperatiba.  Hamon din nito na balik-aralan nating lahat ang batayang depinisyon at mga batayang prinsipyo, upang matiyak natin na ang sari-sarili natin, at ang sarili-sarili nating pinauunlad, bilang mga myembro at bilang mga koop, ay mga myembrong totoo at mga kooperatibang totoo. 

Hindi ba't maraming koop ngayon ang sapat lang lang na nakakapasa sa mga teknikalidad ng Cooperative Code of the Philippines (Republic Act No. 6938) na pinaiiral ng Coopertive Development Authority, kaya't di pa natatanggal sa opisyal ng listahan ng mga kooperatiba?  Pero di ba't napakalayo din nila sa pagiging mga koop na makakabuo ng isang haliging sektor sa kabuhayan ng mga pamayanan at sa pangunhing haligi rin ng pambansang ekonomiya ng Pilipinas? 

Sabagay, hindi natin masisisi ang napakaraming Pilipino, kasama na ang malaking bilang ng mga nakapaloob sa mga koop mismo, na malito at magkaroon ng mababang pagtingin sa kooperatibismo. Makalawang ulit sa kasaysayan ng ating bansa, sa panahon ng mga FACOMAs noong 1950s at ng mga Samahang Nayon nitong 1970s, na ang gobyerno'y mabilis na nagtatayo ng napakaraming pormasyong tinatawag na "kooperatiba" ngunit sa totoo'y ginamit lamang  na daluyan ng malalaking halaga ng salaping pang-akit sa masa para mapalapit sa pamahalaan.  Mabilis ding nangamatay ang mga "koop" na iyon, laluna nang maubos na ang pera, pero nanatili sa napakaraming utak ang baluktot na pagkakaunawang kooperatiba raw ay daluyan lang ng perang mauutang at "di na raw kailangang bayaran."

Sa dinami-dami tuloy ng mga Pilipinong nasangkot sa mga itinayo at naglahong "koop," halos walang nkauunawa sa talagang esensya ng kooperatiba: panlipunang pagsasanib- lakas ng mga personal na negosyo. Hindi rin halos nakita ang isang malawakanbg karanasan--na ang pagbibigay ng pera sa koop ay isang tiyak na paraan ng pagpatay rito!

Kaya't hamon din ng munting aklat na ito na sikapin nating maiwaksi ang mga ibinunga sa ating kamalayan ng makasaysayang mga kamalian.

Kumpara sa karamihan ng makakabasa nito, kaunti pa lamang ang karanasan ko bilang myembro ng kooperatibang primarya at bilang edukador ng kooperatibismo.  Kaya't isinidiin kong hindi pinakamahalaga kung sino ako at ang mas importante ay kung may saysay ba at katotohanan ang mga sinasabi ko rito. Panahon nang maiwaksi natin ang pagtutuon sa mga "sino?" at ibaling ang mas mariing pansin sa mga "ano?" at "bakit?" sa kalagayan ng ating sektor-kooperatiba at sa kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas.

Magkaisa sana tayong lahat sa mga puntong narito.

Ed Aurelio "Ding" C. Reyes

Pangulo, SanibLakas ng Taongbayan Foundation

     at Pasimuno, CES Program

Propesor sa Kooperatibismo, Asian Social Institute

Tagapangulo, Komite sa Edukasyon at Impormasyon,

     6th National Cooperative Summit, 2002

Dating Tagapayo ng Tagapangulo ukol sa Edukasyon,

     Cooperative Development Authority

Myembro, Sts. Peter & Paul Parish (Makati)

     Multi-purpose Cooperative

Makati City, 15 Setyembre, 2004

Back to list.

Anim na Kabanata

SAAN tunay na matatagpuan ang lakas ng Kilusang Kooperatiba sa Pilipinas? Ito’y mahalagang katanungang kailangang masagot agad nang malinaw at matatag nang lahat ng naghahangad na mapalakas ng kilusang ito bilang isang haligi ng pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad ng Pilipinas.

May nagsasabing nasa pagsuporta raw ng gubyerno ang susi, meron ding umaasa sa papel ng mga non-government organizations (NGO) na kabilang na ang mga struktura ng mga simbahan. May nagsasabi rin namang “Nasa liderato ‘yan, eh!”  Gan’on??? Saan nga ba? Kung tutuusin, nasa lahat naman yata, pero alin ba talagang salik ang pinakamapag- pasya?

Sa tingin ko, nasa myembro! Nasa mga myembrong indibidwal ng mga kooperatibang primarya. Sila ang mga myembrong nagtatag, namili ng liderato, nagpatibay ng mga alituntunin, at tumanggap ng kasunod pang mga myembro. Sila ang mga nagpasyang umaanib, nagsisikap na maunawaan nang ganap ang lahat ng batayan at kalakaran ng koop at kanilang mga gawain, tungkulin at mapapala sa pag-anib. At sila ang mga may-ari at tagatangkilik ng kanilang kooperatiba. Sila ang mga negosyante na sa pagpili sa limang kaparaanan ng pagnenegosyo ay kooperatiba ang ipinasyang piliin. Sila ang mga negosyanteng nagsama-sama sa pagnenegosyo nang may pantay na karapatang magpasya kahit magkakaiba ang laki ng kani-kanilang isinaping puhunan. Sila ang nagpasyang pagbuklurin upang magsanib-lakas ang kanilang mga negosyo at paandarin ito bilang iisa, bilang kooperatiba!

Back to list.


  Kabanata 1 

 

MagpakaTao at Makipagkapwa-Tao, 

Asal ng mga Katipunero

NANG maunawaan ko na ang Sampung Utos na ibinaba ni Moises mula sa Bundok Sinai ay isinabuod ni Hesus sa dadalawang bilin lamang para sa Bagong Tipan (“Mahalin mo ang Diyos nang higit sa lahat, at mahalin ang iyong kapwa nang tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”), nangahas ako na ang labing-apat na aral ng Katipunan na nakahanay sa “Kartilya” (na isinulat ni Emilio Jacinto sa patnubay ni Andres Bonifacio) ay isabuod din sa dadalawang panuntunan: "Magpaka-Tao at Makipagkapwa-Tao."

Hindi ako nagsisi sa pangangahas na iyon, may 12 na taon na ngayon ang nakakaraan. Nakita ko kasi na aplikable rin pala ang kambal na panuntunang iyon sa napakasami pang larangan ng buhay ng tao, kabilang na ang pagpapairal sa tunay na diwa ng kooperatibismo

Mga Aral sa 'Kartilya'

Mula sa unang aral, na nakapatungkol sa buhay na may mabigat na katuturan ay tila tao lamang ang karapat-dapat patungkulan dahil sa ating nalalaman ngayon ay tao lamang sa mga buháy na bagay sa daigdig ang may kakayahang mabuhay nang may kamulatan sa isang “malaki at banal na kadahilanan.” (Ang kumpletong talaan ng mga Aral ng Kartilya ay mababasa rito.) At sino pa nga ba kundi ang taong talagang nagpapakatao ang makapag-aalay ng sariling buhay sa isang malaking layunin, kundi ang taong may kamalayan sa kanyang sariling mga kakayahan, sapagkat ang isang taong pumapayag na malunod ng mga suliranin ay hindi na makaaasam pang maglingkod sa isang “malaki at banal na kadahilanan,”  

Sa halip na magbalak at magsikap para sa ganoong paglilingkod nang lagpas sa sariling ay magmumukmok at maghihimutok na lamang siya, idadahilan na lamang niyang siya na ang pinakamalas na tao sa mundo, sa laki ng mga problemang nakadagan sa kanya. 

Sa ikaapat na aral ng Kartilya ay idinidiin ang pagkakapantay-pan­tay ng mga tao sa pagkatao, na ang sinuman ay maaaring "higitan sa yaman, sa dunong, sa ganda, ngunit di mahihigtan sa pagkatao.”  

Napakalinaw rin ng pagtukoy sa ika­13 aral, na nagsasabing “wagas at tunay na mahal na tao yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa (pamayanang) tinubuan."   (Ang buong teksto ng 14 na mga aral ay  inilagay sa huling bahagi ng polyetong ito.)

Sa palagay ko'y talagang angkop na pagbubuod ang “Magpaka-Tao at Makipagkapwa-Tao” sa mga aral na gumabay sa asal at pagkakaisa ng halos lahat ng mga Katipunero sa  panahong sina Bonifacio at Jacinto pa ang mga namumuno. Sa hanay ng mga nakakapag-aral na sa nilalaman ng labing-apat na aral nito, wala pa namang kumokontra sa ginawa kong pagbubuod. 

Samantala, mula noon ay unti-unti kong natanto na ang gani­to palang kambal na panuntunan ay bagay ring gabay sa iba pang larangan ng buhay ng mga tao, tulad ng mga inaaral sa antropolohiya, sosyolohiya, at pati syensyang pampulitika, laluna sa pagkakaunawa, pagtatayo at pamamalakad ng tunay na demokrasya. 

Kaya naman, naisip kong pag-aralan ang aplikasyon nito sa buhay ng kooperatiba at ng bawat myembro nito. Bigyan natin itong "Magpakatao at makipagkapwa-tao" ng nababagay na aplikasyon sa pagbubuo at pamamalakas ng mga kooperatiba o anupamang klaseng mga samahan ng sama-samang pagtutulungan ng mga tao.

Mahirap Magpaka-Tao

Alam nating madali ang maging tao, pero ang mahirap ang magpaka-tao. Totoong pantay ang dignindad ng lahat ng tao, dahil habang ang lahat ay may mga pangangailangan, bawat isa naman ay binigyan din ng sari-sariling kakayahan upang matugunan ang sari-sariling tunay na mga pangangailangan.

Liban na lamang sa mga sanggol, musmos, hukluban at may-kapansanan,, sapat ang kakayahang angkin ng bawat isang tao para matugunan ang lahat ng tunay niyang mga pangangailangan. 

Ngunit napakahalagang bahagi ng pagpapakatao ang ganap na paggamit sa kabuuang kakayahang ito, at pagpapaunlad pa sa kakayahang ito,  para tugunan nang sapat ang sarili man lamang niyang kabuang pangangailangan.

(Tumigil ka sandali sa pagbabasa, at isipin mo muna ang mga kakayahan mo na di mo nabibigyang-kaganapan at di mo napapaunlad.  Hindi ba't sa katunayan ay marami kang sariling mga kakayahan na di man sinasadya'y matagl mo nang sinasayang?)

Tandaang ang anumang kakayahang di ginagamit ay nababansot o nangangalawang!  Subukin mong iasa sa kaliwa lang o sa kanang hita at binti ang pagpasan sa mas malaking bahagi ng bigat ng iyong katawan, at sa loob lang ng ilang buwan ay mapapansin mong tila nangangayayat ang hita at binti na di mo ganap na ginagamit!

Pagbabarat sa Sariling Dignidad

Pantay-pantay nga ang dignidad ng lahat ng tao.  Ngunit may mga tao na nagkukusang baratin, ginagawang inutil, at binabansot ang kanilang sari-sariling kakayahan at ssinasadya na nilang maging palaasa na lamang sa iba.

Kung gayon, bukod sa winawaldas nila ang angking kakayahan ay nagsasamantala na sila sa iba.  Sa gayan, kusa nilang pinabababa at binabarat ang halaga ng kanilang sarling pagkaTao, kusa nilang pinabababa ang sarili nilang dangal at dignidad.

Kaya't ang mga nagsasamantala sa pawis at talino ng ibang tao, kahit may naiipong malaking yaman sa ganitong pagsasamantala, ay di karapat-dapat hangaan ninuman.

(Ang mga nagpapakita ng pasghanga sa ganitong tao ay malamang na may kagustuhang makisosyo nang kahit bahagy lamang sa ganitong pagsasamantala sa iba, o kay'y gustong "maambunan" nang kaunti man lamang mula sa ninakaw na yaman. Hindi rin naman natin dapat pandirihan ang mga palaasa at mapagsamantala sa iba, dahil tao pa rin naman silang maaari pang magbago at matauhan, kaya't atin na lamang kaawaan at patigilin na agad sa kanilang pagsasamansata sa takot o sa kabaitan ng iba.

Maidadasal na lamang natin ukol sa kanila: "Ama, patawarin Mo po ang mga palaasa sa iba, hindi lang talaga nila alam ang kanilang ginagawa.Pero, kung maaari po sana, pakisabi Mo naman po sa kanila!" Samantala, dapat mag-ingat upang huwag na huwag tayong magkakamaling gumaya sa kanila. 

Pagsasanib-sanib: Pagpapaibayong-Lakas

Ang pagsasama-sama sa isang samahang gaya ng kooperatiba ay bunga ng pagkakaunawa ng ilang tao (bahagi ng kakayahan nilang makaunawa) na kapag pinagsama-sama nila ang kanilang mga kakayahan ay may ibayong lakas na naidadagdag sa simpleng pagsasama-sama ng kanilang mga kakayahan, at mas madali, kung gayon, na matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Sa Pagsasanib ng mga Kakayahan ng tatlong tao, nag-iibayo ang suma-total ng mga ito; halos walang dagdag sa Pangangailangan.

Laging mahihigitan nang malaki ng pagsasanib-sanib ng mga kakayahan ang pagsasanib-sanib ng mga pangangailangan.

Hindi Mekanismo ng 'Pagsasanib-Hina'

Itinatayo ang mga samahan, tulad ng kooperatiba, bilang mekanismo ng pagsasanib-lakas o pagsasanib-sanib ng mga kakayahan ng mga kasapi nito.

Ang mga smahan, tulad ng kooperatiba, ay hindi mekanismo ng pag-aasahan at pagsisisihan, hindi ito mekanismo para kunsintihin ang pasimple o garapal na pagiging palaasa -- at kung gayo'y pagsasamantala -- sa kakayahan ng iba.

Babalikan natin ang bagay na ito.  May kwento lang muna ako tungkol sa bumagsak na bahay kubo.  Interesado kayo?  Sige, tumuloy na tayo sa susunod na kabanata... 

Back to list.


  Kabanata 2 

Kwentong Kataka-taka:

Bakit Bumagsak ang Kubo?

PABORITONG simbolo para sa makasausaang Bayanihan ang sama-samang pagbubuhat ng isang kubo.  Naging paborito rin itong gamiting simbolo ng kilusang kooperatiba sa ating bansa at ng mga indibidwal na kooperatiba.  Kaya naman pati ang Cooperative Education on Synergism (CES) program ng SanibLakas ng Taongbayan Foundation, na siyang tagapaglathala ng munting librong hawak mo ay may ganitong simbolo.

(Bagay naman talaga sa kooperatiba ang larawan ng sama-samang pagbubuhat ng bahay.   Huwag lang, 'ikako, gawing logo ng mga "housing coops," dahil  baka magmukha silang nagde-deliver ng mga bahay na parang mga pizza!)

Isang Binuong Sanaysay

Minsan ay bumuo ako ng isang sanaysay o essay para basahin sa pakikipagpulong ng mga lider-koop namin sa parokya sa mga grupo ng mga "Kalbarista," yung mga nagbubuhat ng mabibigat na na santó sa prusisyong "Kalbaryo" tuwing Semana Santa.

Narito ngayon ang sanaysay, habang naniniwala ako na madali rin itong maiintindihan ng mga myembro ng kooperatiba:

“Maraming libong taon, bago ang kakalahating libong taon mula .nang masakop tayo ng mga Kastila, naging kayamanan ng ating mga ninuno ang ugaling bayanihan – iyon ang pagsasanib-sanib ng lakas ng mga tao upang makapaglingkod sa komunidad nang walang inaasahang indibidwal na pabuya.

“Nagtutulungan sila sa paghahanda ng lupa, sa pagtatanim, sa pag-aani. Nagtutulungan sila sa paglilipat ng mga kubo, na karaniwang ginawang pinakasimbolo ng bayanihan. Iyon ay trabahong masaya at kayang-kaya dahil sa mahigpit na pagsasama-sama sa diwa at sa gawa.

‘Milagro’ sa Pagsasanib-Lakas

“May taglay pang parang milagro sa anumang pagsasanib-lakas.  Sa mahigpit na pagsasama-sama ay lagpas-lagpasang lumalaki ang suma!

“Kung isang tonelada o sanlibong kilo ang bigat ng isang kubo, at bawat isang bubuhat ay may kakayahang pasanin nang kayang-kaya ang bigat na limampung kilo, ilang tao ang kailangan para mabuhat ang bahay?  Kailangan pa bang i-memorize ‘yan??? 

“Masasabi ninyong simpleng arithmetic lang iyan, na kayang sagutin ng mga nasa greydwan! Sanlibong kilo ang bubuhatin, divided by tigsi­singkwentang kilo, ang sagot: bente-katao. Tama kung problem-solving lang sa simpleng arithmetic.

“Pero sa totoong buhay, sa mahigpit na pagsasanib-sanib ng lakas, ang kakayahan ng bawat isa ay lumalaki kaysa sa karaniwang lakas niya. Tandaan ang salitang TEAM at ang ganitong pakahulugan—“Together, Everyone Achieves More.” (Galing ito sa batikang awtor ukol sa pamumuno na si John Maxwell.)

“Magugulat kayo, dahil kahit kinseng tao pa lang kaya nang buhatin ang bahay na yon!  Ibig sabihin, sa pagsasama-sama nila, bawat tao’y kaya nang bumuhat ng 66.6 kilo, di lang tigsisingkwenta! ‘Yan ang “milagro” ng prinsipyong sanib-lakas. 

“At dahil naroroon na rin lang ang marami pang makikibuhat din, aba’y talagang gagaang ang pasanin!

“Pero nangyari rin naman na isang binubuhat na kubo, matapos umandar nang may ilampung metro, ay bigla na lang… naku!!! bumagsak!!! Nadaganan tuloy ang mga nasa ilalim na bumubuhat! Aruykupo!!! Akala ko ba, kayang-kaya na???!!! 

Matatag, Nahaluan ng Napilitan

Oo naman! Kayang-kaya talaga, kahit nga labinlima lang ang bumubuhat. Pero kung bakit ba naman kasi nagkasabay-sabay pala silang tahimik na nakaisip na magpahinga sandali, tutal daw ay marami naman sila. May basta bumitiw sa kawayang pinapasan. Ang iba naman ay naglambitin pa, dahil di naman siguro mahahalata! 

“At sa ilang saglit na iyon ay lilima lang pala ang pumapasan ng sanlibong kilo, ng isang tonelada! Eh di syempre, bumigay ang kakayahan nila! 

 “Tila ang mga matatag na nagbubuhat ng bahay ay nahaluan ng mga nakibuhat nang wala naman talaga sa loob ang ginagawa, merong napilitan lamang, di nakatanggi sa naunang pambubuyo dahil nahihiyang tumanggi, kaya’t nang makaramdam ng konting pagod, sumimple muna ng sandali lang naman daw sanang pagpapahinga. At ang iba nga, sumimple pang maglambitin.

“Kahit lalabinlimang tao lang kayang-kaya sana kung lahat sila’y buo ang loob na magsanib-lakas. Ang nangyari, nagkaroon ng pag-aasahan at pagsasanib-hina. Kaya bumagsak ang kubo at silang lahat ay nadaganan.

“Ang ganitong aral ay alam na alam ng mga Kalbarista. Mabigat ang mga santóng pinapasan nila tuwing prusisyon ng Byernes Santo. Pati nga patungan ng mga santo, napakabigat din!  Paano nilang napapasan iyon sa hinaba-haba ng ruta ng prusisyon (na sa simbahan din ang tuloy)? 

“Mayroon silang mahigpit na pagsasama-sama, isang pagsasanib-sanib, ng kanilang lakas ng katawan na pinagalaw ng kanilang pagsasanib-sanib ng lakas ng diwa.  Oo, mahigpit na pagkakaisa sa diwa. 

Taos-Pusong Pagkukusa

“Ang bawat isa kasi sa kanila ay may panata at kung gayon ang bawat isa’y may taos-pusong pagkukusa na isagawa ang pagpasan. Hindi sila pinilit o kinantyawan lamang, di sila ginamitan ng pananakot, panlilinlang at anumang pisikal o emosyonal na pamumwersang di nila matanggihan.  Bawat isa ay ayaw sumimple dahil labag ang ganoon sa sarili niyang layunin, labag sa sarili niyang karangalan, at labag sa sarili niyang konsyensya.

“Buti na lamang!  Kasi, kung ang mga bumubuhat ng isang mabibigat na santó ay mga napipilitan lang, hindi lang nakatanggi, wala sa loob at aasa lang sa iba, aba’y delikado!  Magkakapira-piraso na nga ang mga santó, malamang na may masaktan pa!

“Ang aral na ito, na malinaw sa mga Kalbarista ay dapat maging aral din ng liwanag sa mga lider at myembro ng mga kooperatiba.  Kailangang ang bawat isang magiging myembro ay may matatag na kapasyahang lumahok sa isang pagsasanib-sanib ng diwa at pagsasanib-sanib ng pagsisikap, upang ang sama-sama nilang negosyo ay maging matagumpay. 

Malinaw at Malayang Kapasyahan

“Dapat ding tiyakin ng mga lider ng kooperatiba na ang bawat tinatanggap na kasapi ay may malinaw na kaalaman sa pagpasok, may malayang kapasyahang pumasok nang walang anumang pamimilit o sobrang pakikikiusap, at may sapat na katatagan at karangalan ng pagkatao upang ang bawat sariling mga pasya ay ganap na panindigan at matatag na ipatupad. 

“Ang mga aral ng tunay na pagbabayanihan ay mahalagang maisaloob ng lahat ng mga Kalbarista. Ang mga aral ding ito ay mahalaga sa lahat ng mga kooperatiba. Nakasalalay sa bawat isa ang ang tagumpay at kaligtasan ng sama-samang pagsisikap.”

Doon po natapos ang sanaysay.

Inutil na, Nakakasira pa!

Ang isang “kooperatiba” na nakabatay sa pagsasanib-hinŕ ng mga napipilitan at sumasakay lang na mga myembro ay di lang mahina at inutil, at kung gayo’y huwad na “kooperatiba.” 

Ang ganito’y nakakasira pa sa kapakanan ng mga myembro, nakakasira sa kapakanan ng komunidad, at nakakasira sa pangalan at prestihiyo ng kooperatibismo sa malawak na hanay ng mamamayan, kasama na ang mga myembro.

Angkop ang talinghaga o simbolismo ni Emilio Jacinto sa unang aral ng isinulat niyang “Kartilya.”

Kung ilalapat sa kooperatiba, maipapahayag natin nang ganito: Kung ang buhay ng mga myembro ng kooperatiba ay hindi ginugugol sa malaki at banal na kadahilanan, sa interes na lagpas sa pansarili, ang mga myembrong ito o ang kooperatiba nila mismo, ay parang puno na walang lilim o kaya’y damong makamandag!

 Back to list.


  Kabanata 3 

'Sama-Sama, Sanib-Sanib':

Talakay mula sa isang Kanta

NOONG bandang kalagitnaan ng 2001, may nabuo akong kanta ukol sa diwa ng mga kooperatiba. Ang tono ay ibinase ko sa awiting Hebrew na may pamagat na Tzena, Tzena, at ang orihinal na lyrics ay talagang di ko maintindihan.  Pero napakasaya ng tunog nito at madaling ituro sa marami para sa sama-samang pagkanta. Ito ang Sama-Sama, Sanib-Sanib na ngayo'y marami-rami nang mga myambro ng kooperatiba ang nakakaalam sa iba't ibang antas ng pagkakamemorya, kumpas at sa sumusunod na "wordings":

I. Sama-sama, sama-sama,

Napakahirap man ay kaya rin... nating gawin!

Sanib-sanib, sanib-sanib

Sa ating layunin, kilos at sa kakamtin!

 

II.  Sama na at nang magsalimbayan

Ang ating mga kakayahan!

Sanib na sa isang pag-aambagan,

Sanib din sa kasaganahan!

Ganoon lang kaikli. Pero sa bawat pagkanta nito, uulit-ulitin ito nang buo nang di bababa sa makalawang beses, ibig sabihi’y tatlong beses lahat, sa pabilis nang pabilis na kumpas. May nag-uulit nang hanggang anim na beses, pabilis nang pabilis, at nagkakahirapan na sa paghahabol ng hininga at pumapasok na ang papalakas na pagtawa sa bansang huli. Kaya pagkatapos kantahin nang ganito ang Sama-sama, Sanib-sanib, lahat ng dating inaantok ay gisíng na gisíng na!

 Panggising talaga, laluna kung ang pagpupulong ng mga myembro ng koop ay dumadaan sa tinatawag na “oras de peligro ng antok,” bandang alas dos ng hapon.

At sa pag-uulit-ulit naman ng pagkanta, may nagigising pang iba, maliban pa sa sigla ng katawan. Ito ‘yong kamalayan sa prinsipyo ng mahigpit na pagsasama-sama, ng pagsasanib-sanib –ng mga layunin, mga kakayahan, mga lakas, hanggang sa pagbabahagian o pagsasalu-salo sa mga ibinubunga.

Kaya ginagawa nang discussion outline ito tungkol sa prinsipyo ng synergism o pagsasanib-lakas, at sa praktikal na aplikasyon ng prinsipyong ito sa buhay ng mga kooperatiba:  Mula sa pagsasanib-sanib ng mga layunin; tapos, sa pag-aambagan ng puhunan; pagsasalimbayan ng iba’t ibang kakayahan sa pagsasanib-sanib sa pagkilos; hanggang sa patas na pagbabahagian ng mga kakamtin sa ganitong kooperasyon.

Sama-sama, sanib-sanib,

Ang unang dapat nating maintindihan tungkol sa pagsasama-sama ay ito: may iba’t iba ang tindi ng pagsasama-sama.  May maluwag o buhaghag na pagsasama-sama, at mayroon namang medyo mahigpit hanggang sa pagkahigpit-higpit. 

Ang mga myembro ng kooperatiba ay pwedeng magsama-sama na parang mga nagkataong nagkasabay-sabay lang sa sinasakyang bus o elevator at puro walang ganang mag-ugnayan o kahit mag-usap o magngitian man lamang. Kaya’t wala silang pansinan, walang kibuan, walang pakialam sa isa’t isa hanggang sa matapos ang byahe nila, maikli man o mahaba. 

Ganito sila kapag ang mga pangalan lamang nila ang nagsasama-sama ang mga pangalan nila sa opisyal na listahan ng mga myembro. Ni sa minsan-santaóng General Assembly ay di man nila magawang dumalo at magkasama-sama sa isang bulwagan. Ganoon kabuhaghag! Hanggang sa pormal na pagsasamahan lamang!

Ibang-iba ang mahigpit na pagsasamahan, ang aktibong pag-uugnayan para sa pagtutulungan, pagbibigayan at pagbabahagian. Ganito ang pagsasanib-sanib ng mga myembro sa isang malusog na kooperatiba. (Huwag tayong matakot sa salitang “sanib” dahil lang sa nagagamit din ang katagang ito sa kahulugang may sumasanib at may sinasaniban. Ang pag-aasawa ng dalawang tao ay isang magandang halimbawa ng mutwal na pagsasanib.)

Ganito ang kailangang pagsasanib-sanib ng mga saping puhunan at iba pang kakayahan ng mga myembro ng koop, upang mapalaki pa nang ibayo ang suma-total ng yaman at mga kakayahang ito. Mula naman sa ganitong pagpapaibayo ay nakakayanan nang koop na maibigay ang nilalayong matanggap ng mga myembro, nang hindi nagiging palaasa sa iba.

Pinapayahan ng Coop Code na ituring nating valid quorum ng General Assembly ang pagdalo ng kahit 25 porsyento lang mga myembro. Ibig sabihin, pwedeng hindi na nagkikita man lamang maraming taon ang 75 poryento ng mga myembro, at papasa pa rin sila sa teknikalidad ng batas bilang isang normal na koop. Pero katiting lang, kung mayroon man, ang mapagsasaluhan nilang benepisyo mula sa pagpapaibayo ng kanilang pinagsanib-sanib na yaman at kakayahan.  Kaya nga madalas na ang mga koop na may malaki-laking naibibigay sa mga myembro ay sa labas ng koop kumukuha, sa anyo ng mga utang o abuloy.

Napakahirap man ay kaya rin

Iba ang mahirap o kahit na ang napakahirap sa talagang imposible. Kayat habang posibleng gawin ang isang bagay, pwede itong gawin sa sama-samang paraan.  Basta’t tayo’y sama-sama, ating makakaya!

Naitatanong ko kung minsan sa mga lumalahok sa pinamumunuan kong pag-aaral: “Eh papano kung sobra nang pagkahirap-hirap gawin, kaya pa rin?”

Ang masiglang kasagutan ay “Oo!”  Pero hindi lahat ng sumisigaw ng “Oo!” ay malinaw na nakakaalam kung saan nagmumula ang lakas ng pagsasama-sama para magawa pa rin ang halos imposible nang gawin.  Katunaya’y may dalawang magkatambal na pinagmumulan ang kakayahan sa pagsasama-sama, kaya’t habang nadaragdagan ang bigat ng kailangang magampanang gawain, pwede ring dagdagan ang alinman o ang kapwa dalawang bagay na ito.

Ang una ay ang dami ng nagsasama-sama. Kung mas marami ang magtutulungan, tiyak na mas marami ang magagawa o mas malaki ang pinagsanib na kakayahan. Pangalawa ang tindi ng pagkakaisa ng mga nagtutulungan.  Mas mahigpit ang pagkakaisa nila, mas matindi ang pinagsanib nilang kakayahan! 

Parehong mahalaga ang dalawang ito. Pero habang pinaparami ang mga kasama sa pagsisikap, maaaring lumabnaw ang diwa at lumuwang ang pagkakaisa, at imbis na makapagpalakas ang pagdami ay makapagpahina pa.

Ang kailangan ay nagpaparami tayo ng myembro ng ating team batay sa tunay nating kakayahang paunlarin ang higpit ng pagkakaisa ng lahat. Huwag tayong masyadong magsumigasig sa pagpapapasok ng maraming bagong myembro sa kooperatiba kung hindi man lamang natin nakakayanang bigyan ng sapat na edukasyon ang dati nang kasapian, o ni hindi man lamang natin sila mahimok na magpakita ng mukha minsan man lamang sa iang taon!

Sa layunin, sa kilos at sa kakamtin!

Sa tatlong bagay kailangang magsanib-sanib ang mga myembro ng isang kooperatiba— sa layunin, kilos at kakamtin.  Kailangang sa lahat, kumpleto, hindi kulang ng isa man lamang sa tatlo! 

Paanong magkakaisa nang mahigpit, paanong magsasanib, sa layunin? Kailangang naiintindihan at minimithi nang husto ng lahat ang iisang layunin o iisang bungkos ng mga layunin.  Paanong magkakaisa sa kilos?  Kailangang naiintindihan ng lahat ang kabuuang pagkilos, at hindi lamang ang baha-bahagi nito na ginagampanan ng iba’t ibang kalahok. 

Sa mga seminar na pinamumunuan ko tungkol sa mga prinsipyong pang-organisasyon, may sinasabi akong “Unite, before dividing.” Ibig sabihin n’yon, bago pa maghati-hati sa iba’t ibang trabaho ang mga magtutulungan dito, kailangang naiintindihan na muna nang napakalinaw ng lahat ang kabuuan ng trabahong paghahatian. 

Ang pagkakaisang kailangan sa mahigpit na teamwork ay nakabatay sa layunin ng buong team. Sabi naman ni John Maxwell, dapat ipauna ng team ang kanilang goals, bago ang roles!

Ang problema, madalas na ipinapauna natin ang usapin ng sinu-sino ang gagawa ng baha-bahagi” bago malinaw na pagkaisahan kung ano talaga ang kabuuan ng gagawin nilang lahat bilang isang team!  Para maisakongkreto ang unity, dapat madama ng mga myembro na silang lahat ay bumubuo ng isang unit, isang mahusay mag-teamwork na unit sa pagpapatupad ng mga layunin at mga gawain ng kanilang buong unit. Walang unity kung walang  nadaramang unit; walang pagkakaisa kung walang nadaramang kaisahan.

Batay sa ganitong kalinawan, mauunawaan at mapahahalagahan ng bawat myembro kung paanong ang kanyang takdang gawain, at ang kung paanong takdang gawain naman ng iba, ay pawang naglilingkod sa katuparan ng kabuuang layunin at gawain.  Sa ganitong paraan lamang nabubuo napapadaloy ang sama-samang maingat na pagpapasya ng mga hakbangin.

At kapag matatag nang naipatupad ang ganitong sama-samang kapasyahan ng kaisahan (unit) o team, ang kakamtin namang biyaya ay dapat namang mapagsaluhan at mapaghati-hatian sa paraang pantay-pantay (equal) o patas (fair and proportional) man lamang.

Kapag hindi pantay o patas man lamang ang pagbabahagian sa makakamit, lilitaw na sa kabuuan ng proseso ay may mga nanggamit sa kakayahan o yaman ng iba at mayroon namang nalinlang o napilit na magpagamit sa kanila. Hindi malusog na pag-uugnayan ang ganoon, at walang lugar ang ganoon sa buhay ng kooperatiba.  Sa pamamagitan ng napakahigpit na pagkakaisa at mahusay na pangangasiwa, may sapat o labis-labis pa ngang mapaghahatiang biyaya ang lahat ng sama-samang gumalaw bilang isang kaisahan.

Salimbayan ng mga kakayahan!

Ano ang kahulugan ng katagang “salimbayan”?  Mula ito sa kombinasyon ng mga katagang “salitan” at “sabayan” na ang bunga ay isang makinis o madulas na pinag-isang kumpas. 

Parang mga umaawit sa koro o tumutugtog sa orkestra.  Iba-iba ang itinakdang tono at iba-iba ang itinakdang kumpas nila pero pag pinakinggan mo sila nang magkakasama, ang ganda!  Nandyan ang harmony ng iba’t ibang tono, tapos may counter-pointing ng iba’t ibang kumpas. 

Ano ba ang magandang halimbawa?  Alam ko na! “Are you sleeping, are you sleeping, Brother John, Brother John?” Nasubukan na ba ninyong kantahin nang may apat na grupo ang pagsasalimbayan nito?  Pagdating ng unang grupo sa unang “Brother John” ay nagsisimula naman sa “Are you sleeping” ang pangalawang grupo.

Ganito ang importante sa salimbayan: di kailangang pare-pareho para magsama-sama nang maayos at maganda.  Sa magagaling na team­work nga, iba’t iba talaga ang kakayahan.  Matatalo kayo kung puro kayo taga-shoot o puro kayo taga-rebound. Kailangan ng teamwork ang iba’t ibang galing na nagtutulungan o nagsasanib-sanib, o “nagsasalimbayan.”  Nasuri na ba ninyo at kinamanghaan ang mahalagang pagsasalimbayan ng ating pulso at ating paghinga?  Magandang salimbayan ito na kung wala’y patay agad tayo.

Ang problema, sa marami sa atin ay problema ang pagkakaiba-iba, sa halip na tingnan itong napakagandang yaman ng anumang pagsasama-sama, basta’t mahusay na napapadaloy nang sama-sama.

Sanib sa pag-aambagan at kasaganahan!

Pag-aambagan.  Katulad ito ng pagdadamayan na malapít sa puso at karanasan ng mga Pilipino.  Nag-aambagan tayo para dumamay sa mga nasalanta ng sunog, baha o iba pang kalamidad, nag-aambagan din para may maiabuloy sa mga na­ma­tayan.  Ganoon. 

Pero, sa totoo lang, ang katagang ambagan naman ay pwe­de ring gamitin sa masayang mga pinagkakagastahan, di ba? Halimbawa, ambagan para sa isang surprise birthday party. Ambagan para maibili ng malaking regalo ang isang katrabaho.  At kung gayon, pwede talaga tayong mag-ambagan para makabuo ng puhunan sa sama-samang pagnenegosyo.

Kung bakit naman kasi laging mas matingkad sa kamalayan nating mga Pilipino yung mga krisis, mga kalamidad, matitinding kagipitan…  Samantalang pwede ngang para sa masaya at papaunlad na bagay ang ipinag-aambagan?

Ang karaniwang Pilipino kasi, mahihirap. Ganoon na ang nakasanayan natin. Ang masama pa nito, mukhang nadamay na ang konsepto ng kooperatiba, lalo’t marami sa mga koope­ratiba ay credit cooperatives. 

At sa karaniwang Pilipino, ang pangungutang ay halos palaging nakadikit sa kagipitan, bihira sa atin ang nangungutang ng ikakapital sa negosyo. Kaya naman ang maraming myem­bro ng credit coopay sumasali at nananatili sa koop para lagi siyang may mauutangan.  Pero sana, sa pagnenegosyo ng ko­op, aasensenso siya at di na laging kailangang mangutang!

Kaya ang sinasabi sa atin ng huling mga linya nitong kanta, mag-ambagan tayo nang sama-sama at ang maaasahan nating bunga ay pagsama-sama rin sa kasaganaan. Kasaganaan talaga yan, ha!  Hindi kasapatan lang!  Ang gusto nating mangyari… ang koopera­tiba ay behikulo ng pag-asenso, di lang panagip sa gipit.

Kailangang paramihin at palaka­sin natin ang mga koop na nasa produksyon, nasa market­ing, nasa malalaking negosyo. Mag-ambagan sana ng mas ma­la­laking kapital ang mas maraming myembro at susulong ang sama-samang negosyo sa mas malalaking tubo, mas malalaking dibidendo, mas malalaking balik-tangkilik, sama-samang pag-asenso.

At mahalaga ang mga credit coop, dahil makakapagpautang sa mga myembro ng magagamit nilang kapital.  Napakaraming negosyo ang maaaring likhain sa bawat lokalidad kung ang mga cradit cooperative ay sa productive loans magtutuon.  Sa niyog lang ay napakaraming makukuhang produktong maipagtatayo ng negosyo.

Kung maeengganyo lang ng mga credit coop ang mga indibidwal na myembro, o grupo ng mga myembro, na umutang ng pangkapital at magtayo ng sariling mga negosyo (pwede ngang koop din), sisigla ang mgalokal na ekonomiya, at batay dito, tatatag ang pambansang ekonomiya ng Pilipinas!

Back to list.


  Kabanata 4 

Kooperatiba:

Sama-Samang Negosyo ng mga Myembro

“KUNG ang kooperatiba ay sama-samang negosyo ng mga myembro…” sabi sa akin ng isang napagsabihan ko ng ganito, “…ang ibig sabihin… may negosyo nga ba ang mga myembro???”

Kung iisipin ay medyo nakakatawa ang gulát na tanong niya sa akin.  Pero nakakalungkot din!  Nakakatawa, dahil ang nagtatanong ay lider ng isang koop sa kanyang lugar at napakabatayang katotohanan ang di pa niya nalalaman, namumunong myembro pa naman siya ng isang koop!  Pero masyadong nakakalungkot din! 

Nakakatawa dahil ang nagtatanong ay isang lider ng koop sa kanyang lugar at napakabatayang katotohanan ang di niya nalalaman, namumunong myembro pa naman siya ng isang koop! Pero masyadong nakakalungkot, halos nakakaiyak na nga, na nagdumilat sa harap ng ating mga mukha ang katotohanang talagang hindi pa laganap sa Pilipinas ang pagkilala sa esensya ng kooperatibismo kahit deka-dekada na ang binagtas ng kasaysayan ng kooperatibismo sa bansang ito. 

Dalawang Kapalpakan sa Kasaysayan

Palibhasa, sa dalawang matingkad na panahon noong maagang 1950s at maagang 1970s ay nagtayo ang gobyerno ng napakaraming kooperatiba-kunó na ang perang pangkapital ay bumaha mula sa gobyerno. Kaya nga “kunó” ay dahil di nagmumula ang kapital sa myembro, tulad ng nararapat sa bawat tunay na koop. 

Ang layunin naman kasi ay ilayo sila sa lumalakas noong impluwensya ng mga kalaban ng gobyerno (mga Huk na tinapatan ng mga FACOMAs noong 1950s; at mga NPA na tinapatan ng mga Samahang Nayon noong 1970s). 

Kung gaano kabilis nagsidami ang mga “kooperatibang” iyon ay ganoon din kabilis silang nangawala makalipas ang iilang taon. Pero daan-daang libo ang mga Pilipino na pinatikim sa karanasang iyon na akala nila’y tunay na kooperatiba, kaya baluktot tuloy ang pagkakaunawa nila sa tunay na diwa ng kooperatibismo — sama-samang aktibong pag-asa sa sarili; hindi sama-samang pagiging palaasa sa iba at sa mga lider nila!

Hanggang sa kasalukuyan, ang maling akala pa rin ng karamihan ay hindi pa epektibong naiwawasto kahit sa pananaw ng napakalimitadong mga nasasaklaw ng napakalimitado talagang gawaing pang-edukasyon sa hanay ng mga kooperatiba. 

Ang Akala, Kawanggawa

Akala ng nakararami, ang kooperatiba ay isang samahang daluyan ng kawanggawa ng gobyerno o ng puli­tiko o ng NGO o ng simbahan, at kaya sila nagmimyembro ay para makatanggap ng benepisyo, gaya ng pagkakataong mangutang! 

Kung may hinagap man sila na may pagnenegosyo nga rito, hindi nila gaanong nadarama nasila mismo ang nagnenegosyo, na ang negosyong ito ay kanila, at ang tiniting­nan pa nilang pinakamay-ari ng koop ay ang opisyales nila.

Ang kooperatiba ay dapat sama-samang itinatayo ng mga indibidwal na tao na may negosyo na o may matatag na layuning magkaroon ng negosyo. 

Sama-sama itong itinatayo ng di bababa sa 15 indibidwal na tao na ang bawat isa ay may malinaw at matatag nang kapasyahan na ang sariling pagnenegosyo ay idaan sa kaparaanang kooperatiba.  

Hindi coop organizer, hindi social worker, hindi tauhan ng CDA o ng kura paroko ang nagtatayo ng kooperatiba.  Ang ganitong tagapagpasimuno ay tumutulong lamang upang ang 15 o mahigit pang indibidwal na tao ay makagawa ng sari-sariling malinaw at matatag na personal na pasya. 

Ang pagtatatag ng kooperatiba ay resulta ng pagsasama-sama ng ganitong personal na pasya ng sapat na bilang ng mga indibidwal. 

Isa-isahin natin ang pinakamahalagang mga kataga sa talatang ito:

Negosyo sa Ano? Paano?

Bawat isa sa magtatayo ng kooperatiba ay dapat taong may negosyo o mayroon nang sariling kapasyahang magnegosyo.  Dapat ay malinaw na ang linya ng negosyo o line of business na napili o kaya’y pinaandar na nga--- sa pagtatanim at pag-aani ba? Sa pangisdaan? Sa paghahayupan? Sa paghahanda ng mga produktong pagkain? Sa pagtitinda? Sa pagpapautang?  Di dapat magsama-sama sa iisang kooperatiba ang may iba-ibang linya ng negosyo; kahit tapalan pa ng napakalabong pangalang “multi-purpose.”

Ang bawat taong magnenegosyo, na nakapili na ng linya ng negosyo, ay may pagpipiliang di bababa sa limang mga kaparaanan ng pagnenegosyo:

1) ang pagsosolo (single proprietorship);

2) ang pagtatambalan (partnership, ng dalawa o tatlong negosyante);

3)  ang korporasyon (lima o higit pang may-ari, na may kanya-kanyang timbang sa pagpapasya batay sa kanya-kanyang timbang sa pagpasok ng kapital);

4) ang kooperatiba (15 o higit pang may-ari na pantay-pantay sa pagpapasya kahit di pantay sa pagpasok ng kapital), o

5)  ang pagkabit sa malaki nang negosyo (direct franchising, o kaya’y franchise networking).

Sinu-sino, kung gayon, ang dapat magtayo ng isang kooperatiba? Ang 15 o higit pang tao na ang bawat isa ay malinaw, malaya, at matatag na nagpasyang magnegosyo sa parehong linya ng negosyo sa kaparaanang koop, pang-apat sa mga kaparaang nakahanay sa itaas.

Ang malinaw na pagpapasya ay dapat may paunang kumpletong kaalaman sa lahat ng mga pinagpipilian (options) at hindi lang kooperatiba ang nasabi sa kanila; at dapat may balanseng kaalaman sa mga bentahe at mga disbentahe sa bawat isang option.

Ang malayang pagpapasya ay sariling pagpapasya ng bawat tao, sampu ng kanyang sariling pamilya. Ang ibig sa­bihin nito, bawal ang buyuhan, bawal ang kantyawan, bawal ang paniningil ng utang na loob para di makahindi, bawal ang panghahatak na batay lang sa pakikisama)

Ang matatag na pagpapasya ay nakabatay sa pagiging malinaw at malaya nito at nakabatay din sa pagkatao ng bawat indibidwal—kung may malinaw bang pag-iisip, may isang salita at may tapang at tibay sa harap ng mga problema’t kahirapan. 

Madalas ginagawang pamparami ng tagapagtatag na myembro (pangkumpleto ng minimum na 15, halimbawa) ang mga taong magulong mag-isip, sinungaling, duwag at tamad, pero kung malaki-laki na ang bilang ng ganitong mga tao (halimbawa’y aabot na sa 20%) sa itatatag nating samahan, siguradong magiging mahina ang samahan dahil sa sila’y magiging mga pabigat. Imbes na mga kwento ng mga gawaing napagtagumpayang tupdin, puro excuses lang ang makukuha natin sa ganitong mga tao. Kung ganoon ang kalagayan, ang pagtatayo ng samahan ay makabubuting ipagpaliban na lamang muna.

Sama-Samang Negosyo

Ang kooperatiba ay sama-samang pagnenegosyo. Binubuo ito ng mga mararangal na mga taong seryoso sa marangal na pag­nenegosyo, mga taong sama-samang nag-aambag at umaasa sa sariling pinagsasanib-sanib na puhunang talino, pagsisikap, malasakit at pondo, hindi umaasa sa limos mula sa labas at hindi rin umaasa sa pagsisikap ng iilang namumuno. Batay dito, sama-sama nilang minamay-ari at kinokontrol ang kanilang negosyo, pinayayabong ito batay sa sariling pagtangkilik at sa mahigpit na pakikipag-ugnayan nila sa pamayanang kinabibilangan, at sa pakikipagtulungan din ng iba pang mga kooperatiba. 

(Isang halimbawa ng pagtangkilik sa sariling negosyo ang pangungutang ng myembro sa kanilang credit coop. Ang talagang negosyo nila ay pagpapautang ng kanilang mga naiimpok. Dapat sana’t damang-dama nila ito—na sila ay negosyante sa pagpapautang, hindi sila asosasyon ng mga mangungutang lamang.  Dapat madama nilang kanila ang negosyo at di sila mga kostumer lang.)

Bakit pipiliin ng isang gustong magnegosyo ang kooperatiba bilang kaparaanan ng kanyang pagnenegosyo?  May pangako kasi ang prinsipyo ng pagsasanib-lakas na sa pag­sasanib-sanib ng lakas, may dagdag na lakas sa bawat kasanib. Sa isang paliwanag, ang TEAM ay nangangahulugang “Together, Each Achieves More,” kayat ang bawat malakas na teamwork ay nakapagpapalaki ng kakayahan ng bawat isa, at ang kabuuang pinagsanib na kakayahan ay mas malaki kaysa sa kung basta sumahin lang ang hiwa-hiwalay na kakayahan. Sa lahat ng mga kaparaanan ng pagnenegosyo, ang kaparaanang kooperatiba ang may pinakabuháy at pinakaangkop na paglalapat ng prinsipyo ng pagsasanib-lakas.

At kapag pagsasanib-lakas nga ang esensya ng desisyong magtatag ng koperatiba o umanib dito, ang dapat asahan sa nagpapasya ng ganito ay  ganap na pag-aambag ng kanyang mga kakayahan at pagsisikap. Kapag pinili mo ang kaparaanan ng pagsasanib-lakas pero di mo rin pala papaganahin ang esensya nito para sa mga bentaheng maaasahan sa ganito, ay lalabas na niloloko mo lang ang sarili mo o ang iba pang tao.

Tumatayo ang isang kooperatiba (itinatayo ng mga myembro, sa tulong ng mga coop organizer, social worker, tauhan ng CDA o kura paroko) kapag bawat isa sa di bababa sa 15 taong marangal at matino ay (1) malinaw, malaya at matatag na nag­pasyang magnegosyo sa iisang linya ng ne­gosyo at (2) malinaw, malaya at matatag na nagpasyang piliin ang kaparaanang kooperatiba bilang kaparaanan ng kanilang pagnenegosyo sa linyang ito.  

Dapat bawat myembro ay ganito, bawat isa ay may kasi­gasigan at malasakit na “mangarap at magbalak, alamin lahat ng dapat, magpasya nang maingat at magpatupad nang matatag!” 

Hindi pa o hindi na talaga dapat mabuo at maiparehistro ang isang kooperatiba kung ang malaki-laki mang bahagi ng kasapian ay binubuo ng mga taong “medyo” magulo ang isip, “medyo” sinungaling, “medyo” duwag, at “medyo” tamad, na nagsisali dahil nabuyo lang, nakantyawan lang, nakisama lang, at hindi lang nakahindi sa pinagkakautangan ng loob. 

Hindi na baleng hindi makuha ang anumang pera (pautang o grant) na iniaalok ng gubyerno, ng pulitiko, ng NGO o ng parokya o ninupaman na makukuha lang sana kung maitayo ang isang kooperatiba. 

Hindi tayo nakikipaglokohan kaninuman sa bagay na ito, kayat di natin palalabasing tunay at ganap ang isang kooperatibang hiláw o huwád.

Dapat nang Ilinaw sa Lahat

Panahon nang ipalaganap ang katapatan sa prinsipyo ng kooperatibismo! Dapat na nating malaman at madama na ang pagtatayo ng isang pekeng kooperatiba na magiging isang pagsasanibhina ng mga taong mahihina ang isip, loob at dispilina dahil lamang nais mapakinabangan ang alok na salapi, ay isang pagkakasala sa pamayanan. At dapat na nating kilalanin na isa rin itong kriman sa buong kilusang kooperatiba.

Hindi kasalanan ng karaniwang tao at karaniwang myembro, o kahit pa nga mga namumuno, kung di pa nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Pero mas malaki talaga ang responsibilidad ng mga namumuno, at lalupa ng mga tumutulong sa pagtatayo (org­anizing facilitators na pinagkaka­malan ding “organizers”).

“May negosyo nga ba ang mga myembro???” gulat na tanong ng kaibigan ko.  Ang sagot ko, “Dapat! At dapat ay seryoso sila sa pagnenegosyo!” Ang pagkaseryoso at mgakakayahan sa pagnenegosyo ng mga myembro ay siyang pinagsasanib-sanib ng kooperatiba, upang ang mangyari ay pagsasanib-lakas at hindi sanib-hinŕ.

Back to list.

 


  Kabanata 5 

Malinaw at Malayang Pasya:

   Bahagi ng PagpapakaTao 

SA anumang pagpapasyang gagawin ng isang tao upang sumapi sa isang kooperatiba o anupamang matinong samahan, makabubuting harapin ng bawat isang indibidwal na taong nagpapakaTao, sa tamang pagkakasunud-sunod, ang bawat isa sa apat na hakbang na narito:

Mangarap at magbalak,

Alamin lahat ng dapat,

Magpasya nang maingat,

Magpatupad nang matatag!

Isa-isahin natin ang apat na puntong ito:

Mangarap at Magbalak

Marunong pa bang mangarap ang ating mga kababayan? O ang kakayahang mangarap ba ay nalunod na sa pagkadesperado at sunud-sunod na mga kabiguan? 

Bahagi ng pagpapakatao ang kakayahang mangarap, ang walang tigil na pag-asam na makaahon sa kasalukuyang mga kahirapan dahil “habang may buhay ay may pag-asa.” 

At ang buhay ng bawat isa ay maituon sana sa pagsisikap na maisakatuparan ang sarili niyang mga pangarap, at hindi magamit lamang sa pagsasakatuparan ng mga pangarap ng iba. 

Ang pangarap na nilalakipan ng petsa ay hindi na mananatiling pangarap lamang. Ito ay magiging isa nang pangkalahatang balak na mangagailangan ng pagpapasya sa mga detalye ng kaparaanan sa pagsasakatuparan.

Kung malinaw na ang mga gagawin at pati kung kailan gagawin, ang pangarap ninuman ay maibababa nang maituntong sa lupa ng realidad mula paglutang-lutang lamang sa mga ulap ng pantasya.

Alamin lahat ng dapat

Ang sinumang may balak ay mangangailangan ng sapat na wastong impormasyon. 

Sa pagpapatupad ng kanyang pangarap sa loob ng panahong kanyang itinakda sa balak, o kahit lagpas pa rito, kailangan niyang malaman ang napakaraming mga bagay na nasasangkot sa ganitong pagpapatupad.

Sa pag-alam at pagtimbang sa lahat ng mga impormasyong ito ay makakapili siya ng angkop at praktikal na mga pamamaraang magagamit sa pagkakamit ng kanyang layunin. 

Marami ang nabibigo sa mga aka-akala, hindi man sila namamatay agad.

Magpasya nang maingat

Ito na ang bahagi ng pagpili sa kaparaanan ng pagpapatupad, hanggang sa mahahalagang detalye nito. Ang maingat na pagpapasya at maingat na pagtitimbang batay sa sapat at maaasahang impormasyon.

Kailangan na rin dito ang malinaw na priyoridad sa mga halagahan o “hierarchy of values” ng tao o mga taong nagpapasya. Aling mga bagay ba ang mas importante para sa iyo?  Alin ang mas madali mong bitiwan o isakripisyo nang walang gaanong samâ ng loob?

Di dapat pasukan ng inip at pag-aalatsamba ang sinumang nagpapasya ng maingat.  Sa pagmamadali at pag-aalatsamba ay marami ang nakakagawa ng mga kapasyahang mali at nakakapinsala. 

Gawin nang maingat ang pagdedesisyon upang sa panahong nagawa na ang pasya ay tapos nang talaga ang anumang malakas na pag-aalinlangan.  Batay dito, handa nang…

Magpatupad nang matatag

Kailangang matatag ang pagpapatupad. May mga pasyang pinaghirapang buuin at napakahusay naman bilang pasya, ngunit hindi naman nabigyan ng katarungan at hindi nabigyan ng pagkakataong maipatupad nang matatag. 

Dapat ay may pauna na nang kahandaan na maaari o malamang pa ngang maging mahirap ang pagpapatupad, ngunit dahil dati nang natimbang ang lahat ng bagay-bagay na may kinalaman sa balak at mga detalye nito, pati na ang maaasahan namang kahirapan (foreseeable difficulties), kailangan ang katatagan ng loob upang ipatupad talaga ang mga ipinasya. 

Ang maaari lamang makapagpabago ng pasya ay bagong impormasyon na may mabigat na epekto kung ulitin ang pagtitimbang na ginawa sa unang pagpapasya.

Isaulo ang Apat na Punto!

Suriin natin.  Hindi ba’t sa masinsinang pagsusuri ay mahalagang sukatan ang apat na puntong gabay na ito sa pagpapaka-Tao at pakikipagKapwa-Tao ng bawat isa sa atin? 

Di ba’t ang pagkukulang sa apat na ito, dahil sa kawalang-ingat o katamaran kaya, ay madalas pangmulan ng pagiging bigo o pagiging iresponsable sa ating mga binabalak o sa ating mga inaakong pananagutan? 

Kaya’t mahalagang talaga ang apat-na-puntong gabay o panuntunang ito. Maitatanong n’yo, “Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?”  Ang sagot ko: “Oo!!!”

Back to list.

 


  Kabanata 6 

Pangunahing Diin:

Sa mga Primarya!

NOONG 2002, gumanap akong tagapangulo ng komite sa edukasyon ng 6th National Cooperative Summit (na idinaos sa Cagayan de Oro bago magtapos ang taong iyon). Ang komita namin ay pinahawak nga ng impormasyon para sa mass media, at sa ganoong gawain naipit.  (Ni hindi nabigyan ng badyet ang sapat na pagpaparami ng mga educational materials na ihinanda ng komite para mailagay sana sa magagandang "kit bags" ng mga nagsidalo.)

'Primacy of Primaries!'

Sa panahong iyon, minarapat ng aming komite na ilabas ang panawagang magtuon sa “Primacy of Primaries!”  Sa pagpapalakas sa kilusang kooperatiba sa bansa ay bigyang-diin ang pagpapalakas sa mga kooperatibang primarya. 

Ang punto namin noon, ang mas nadarama ng mga Pilipinong naka-myembro sa mga kooperatiba sa iba’t ibang rehiyon, lalawigan, syudad at bayan-bayan sa Pilipinas ay walang iba kundi ang kani-kanilang kinapapaloobang kooperatibang primarya. 

Di gaanong malinaw sa kanila na sila rin mismo ang bumubuo ng mga unyon at pederasyon na mga kooperatibang segundarya at tersarya, lalupa mga “apex,” at ang iniisip nila’y mga direktores lamang nila ang bumubuo ng mga naglalakihang kooperatibang iyon.

Ang pagpapaunlad sa mga kooperatibang primarya ay kailangang bigyan ng tuwirang pagtutuon ng lahat ng kalahok sa buong sektor ng kooperatiba at ng kilusang kooperatiba.

Nabigyang-patunay ang ganitong obserbasyon namin nang sa opisyal na pagbubukas ng 6th Summit ay tinawag na tumayo upang kilalanin ang mga delegado mula sa mga kooperatiba sa iba’t ibang lugar, at masigla naman silang tumatayo at nakikipagbunyi sa palakpakan ng lahat. Ngunit nang tawagin na ang mga apex, kompederasyon, pederasyon at unyon, iilan-ilan lamang na mga opisyales at kawani sa mga tanggapang sentral ang tumayo upang kilalanin namin.  Samantalang myembro rin ng malalaking pormasyong nabanggit ang naunang mga nagsitayo.  

Hindi Yata Nila 'Feel'

Hindi nila dama o baka di pa man lamang nila alam na sila rin pala ang tinutukoy na mga myembro ng naglalakihang mga kooperatibang iyon.  Magtataka ka tuloy—sila ang malalaking pormasyong kooperatiba, tapos wala pang sandosena ang tumatayo kapag tinawag ang pangalan ng kani-kanilang organisasyon?

Dapat talagang tutukan ng mariing pansin ang pagpapalakas sa mga kooperatibang primarya. At kasama dapat sa pagpapalakas na ito ang napakalinaw na kamulatan nilang sila mismo bilang buu-buong kooperatibang primarya ang nag­sasama-samang magtayo ng mga unyon o pederasyon at hindi lamang ang mga direktores nila. 

Kapag sa tingin ng karaniwang myembro ay direktores nila ang dapat talagang nagpapasya ng mga bagay-bagay at hindi sila mismo, tiyak na mahina ang kooperatibang iyon! 

At iisipin nilang mga direktores din lang nila ang guma­gawa ng mga pasya sa pamamalakad sa sarili nilang primarya bilang organisasyon at bilang negosyo, at maaari nilang maisip na normal lang ang ganoon, at direktores lang ang talagang nangangailangan ng mga pag-aaral.

Kung ganoon mag-isip ang karaniwang myembro ng kooperatibang primarya, hindi pala nila alam kung ano talaga ang pinasok nila, at mali ang paggamit ng katagang “kooperatiba” sa kanilang pangalan.

Para maging malakas ang isang kooperatibang primarya, ang pinakaunang dapat tiyakin ay kung alam ba ng karaniwang myembro ang esensya ng kooperatiba bago pa sila magpasyang mag-myembro, at kilalanin nila na ang kooperatibang iyon ay kanila!  Kung hindi’y napakahina ng primaryang iyon. 

Mga Bungkos ng Ampáw?

At ang unyon o pederasyong binubuo ng mga mahihinang primarya ay hindi magiging malalakas na kooperatiba, maliban kung sa labas manggagaling ang lakas, at kung gayon, pati pala ang segundaryo ay mahina o kaya’y huwad na koop.  

Sa tunay na kooperatiba kasi, ang lakas sa negosyo at sa organisasyon na nagmumula sa pinagsanib-sanib na lakas ng mga myembro, hindi nagmumula ang lakas nito sa limos o utang mula sa labas o lakas na nag­mumula sa talino at sakripisyo ng iilang tao. 

Ang tunay na kooperatiba ay isang malaking pagsasanib-sanib, napakahigpit na pagsasama-sama.  Hindi lang pag­sasama-sama sa isang listahan ng mga pangalan ng myembro, kundi mahigpit na pagsasama-sama ng buu-buong katauhan ng mga myembrong ito—sanib-sanib sa kanilang isip, diwa, at gawa!

Kung nais nating palakasin ang sektor-kooperatiba sa ating bansa, kailangang magtuon tayo sa pagpapalakas ng mga primarya.  Hindi magagawang solido ang mga kooperatibang unyon, pederasyon, kompederasyon at apex kung ampaw ang mga primaryang bumubuo (hindi "nakapailalim"!) sa kanila.

At para mapalakas ang mga primarya, kailangang pagtuunan ang kalidad ng karamihan sa kanilang mga MYEMBRO.  Tayo yun!  Ikaw at ako! 

Back to list.


  Kabanata 7 

  Ang Pitong Prinsipyo 

at ang Bawat Myembro 

“SEVEN Principles na naman?  Hindi ka na ba nagsawa diyan?” Ito ang taas-kilay na tanong sa akin nang sabihin kong isinerye namin noon nina Jovie Benedicto, Ed David at Joel Sto. Domingo sa  programang Pro-Koop, Tinig ng Kooperatiba sa Radyo Veritas ang mga pagpapaliwanag sa Pitong Prinsipyo.

Sinabi ko naman na sa aming obserbasyon, ang Pitong Prinsipyong iyon, na itinakda ng International Cooperative Alliance noon pang 1995, ay hindi pa sapat na naipapalaganap sa napakaraming primarya at indibidwal na myembro ng mga kooperatiba, pati na sa mga nasasaklaw ng kanilang malaking unyon.

Ang mga pag-aaral kasing naidadaos ng mga nakapagdaraos nga ng pag-aaral sa mga koop ay naitutuon sa mga nilalaman ng Cooperative Code of the Philippines of 1992 (Republic Act No. 6938) na halos puro mga pormalidad at teknikalidad. At kaya naman wala sa Coop Code ang Seven Principles ay dahil umiiral na ang batas na ito nang pagtibayin sila ng ICA.

Ang mga nakamemorya na ng mga pamagat ng Pitong Prinsipyo ay nananatili sa napakababaw at hiwa-hiwalay na pagkakaunawa, at nagagawa pa nilang pagpilian o pagbangga-banggain ang mga prinsipyong ito! 

Paano’y hindi nila nakilala ang tumatahing iisang kaluluwa o diwa o pinakaesensya ng kooperatibismo na sama-samang pinaglilingkuran ng Pitong Prinsipyo. Palibhasa, wala sa Coop Code, ni sa ICA Statements of Cooperative Identity, ang tahasang pagpapaliwanag sa “tahimik na diwang” ito.

May isa pang kulang.  Hindi pa sapat na malalimang nailalapat ang Pitong Prinsipyo sa dapat na nilalalaman ng isip, salita at gawa ng bawat indibidwal na myembro ng koop na totoo.

Paglilingkod sa Iisang Kaluluwa

“Panlipunang pagsasanib-lakas ng mga personal na negosyo” — iyan ang kaluluwa ng kooperatibang totoo at ng kooperatibismo mismo. Sa salitang dolyares, “social synergy of personal enterprises.”

Ang depinisyon ng ICA ay akma rito: “Ang kooperatiba ay isang nagsasariling asosasyon ng mga tao/persona na kusang-loob na nagkakaisa upang tugunan ang kanilang mga pang-ekonomiya, panlipunan at pangkulturang pangangailangan sa pamamagitan ng isang negosyong sama-samang minamay-ari at kinokontrol nang demokratiko.” 

Kung susuriin at pag-aaralang mabuti ay makikita kapwa sa dalawang pagpapakahulugan ang mga elemento ng magkakasanib na pangangailangan at sama-samang pagtugon sa mga ito.  Sakop ng prinsipyo ng pagsasanib-lakas ang sama-samang pagmamay-ari at ang demokratikong pagkontrol. 

At dahil buháy ang prinsipyo ng pagsasanib-lakas, maliwanag na naipapakita kung saan nagmumula ang panloob na lakas ng kooperatiba na nagmumula sa pagsasama-sama nang mahigpit ng mga myembro at hindi nagmumula sa labas o sa iilang pinuno.

Prinsipyo rin ng sanib-lakas o synergism ang dahilan kung bakit nabubuo ang mga tunay na kooperatiba. Kaya kusang-loob na pinipili ng mga indibidwal na entrepreneur o gustong maging mga entrepreneur ang kaparaanang kooperatiba sa lahat ng mapagpipiliang kaparaanan ay sapagkat sa prinsipyo ng saniblakas ay lumalaki at nag-iibayo ang pinagsasama-sama nilang mga kakayahan (perang kapital, talino at malasakit). Dito talaga nabubuhay ang TEAM— Together, Everyone Achieves MORE!

Ang pag-ibayo ng suma-total ng mga kakayahan ay mas matindi kapag mas mahigpit ang pagsasama-sama. At sa kaparaanang koop lamang magagawang halos lubusan ang pagsasama-sama sa pagmamay-ari (walang malalaking higanteng may-ari at walang saling-pusa) at sa pagkontrol (demokratikong pagkontrol).

Ang hindi nakakakilala sa ganitong lohika ay hindi ganap na makakaunawa sa lohikang tumatahi sa lahat ng Pitong Prinsipyo, at hindi rin makakaunawa sa mga alituntunin ng kooperatibismo.  Kaya patuloy nilang magagawang paghiwa-hiwalayin, pagpilian at pagbangga-banggain pa ang Pito. 

At sa kanilang mga pumili ng kaparaanang koop sa pagnenegosyo, dahil ito ang may pinakamahigpit na pagkakaisa sa lahat ng kaparaanang mapagpipilian, ay marami ang di nakakaunawa nito. 

Kaya’t kampante na sila sa pagiging myembro, dumalo man o hindi sa mga pulong na nagpapasya sa sama-sama nilang negosyo, mag-aral man o hindi ng kooperatibismo, basta pinapayagan naman ng kanilang by-laws o ng Coop Code mismo ang buhaghag na pagkakaisa at ang pagiging mga myembro sa pangalan lamang. 

Kung ganito rin lang, bakit nag-koop pa sila???

Tatlong Bungkos ng mga Prinsipyo

Ang Pitong Prinsipyo ay maibubungkos natin sa tatlong grupo: ang mga prinsipyong pundasyon, ang mga prinsipyo ukol sa ugnayang panloob, at ang mga prinsipyo ukol sa ugnayang panlabas.

Ang unang bungkos ay tatlong pundamental na prinsipyo.

Pinakapundasyon ng Kooperatibismo ang naglilinaw sa komposisyon ng isang tunay na kooperatiba – mga taong mulat, malaya, at kung gayo’y matatag na nagpasyang makisanib sa isang pagsasanib-lakas sa negosyo, bagay na idinidiin sa salitang “voluntary” sa Unang Prinsipyo.

Pundasyon din ang nagkakaisang malinaw na pagkilala at malalim na pagkakaunawa sa diwa’t mga prinsipyo at sa mga angkop na itugon sa mga praktikal na suliranin sa pamamalakad ng kooperatiba, bagay na makakamit sa pamamagitan lamang ng tuluy-tuloy na edukasyon ng mga lider, myembro at kawani ng kooperatiba na idinidiin ng Panlimang Prinsipyo.

At pundasyon ding tunay, kahit nito na lamang 1995 binigyan ng tahasang pagbanggit ang pagkakaugat ng kooperatiba sa kinapapalooban niyang pamayanan na nasasaling sa Ikapitong Prinsipyo, ang pagkakaugat niya sa pangangailangan ng komunidad sa kanyang mga produkto o serbisyo at sa kakayahan ng komunidad na magsustena ng negosyong may ganitong mga produkto at serbisyo.

Pangalawang bungkos ang dalawang prinsipyo sa panloob na buhay ng koop.

Binubuo ito ng dalawang prinsipyo sa panloob na pag-uugnayan sa kooperatiba, ang pangnegosyo at demokratikong daluyan ng pagsasanib-lakas na esensya ng koop. 

Sa Pangatlong Prinsipyo ay idinidiin ang mahigpit na pagsasama-sama sa pagnenegosyo, mula sa pamumuhunan hanggang sa pagtangkilik sa sariling mga produkto at serbisyo.

Sa Pangalawang Prinsipyo ay idinidiin ang kahalagahan ng napakahigpit na pagkakaisa ng kabuuang kasapian sa pagbubuo ng lahat ng pinakaimportanteng mga kapasyahan upang maisabuhay ang sama-sama nilang demokratikong pagkontrol dito. 

Kahit pinapayagan ng Cooperative Code of the Philippines ang mga kooperatiba na ituring na may quorum ang mga general assembly na may 25 porsyento lamang o mas maliit pang bilang ng mga kasaping dumadalo, ang teknikalidad ay teknikalidad lamang at talagang mas mahina sa esensya ang mga koop na hindi ganap na nagpapairal ng Pangalawang Prinsipyo. 

At ang malaking halagang nasa bangko bilang ari-arian ng koop ay hindi sapat na katibayang malakas ito, laluna kung di aktibo ang karamihan ng myembro at nananatili silang hirap at gipit habang yumayaman ang koop.

Pangatlong bungkos ang dalawa ring prinsipyo sa pakikipag-ugnayang panlabas.

Awtonomiya at kasarinlan ang laman ng Ikaapat na Prinsipyo. Awtonomiya ang kalagayan ng pagpapasya at pamamalakad sa sariling mga gawain at pangangailangan. Kasarinlan naman ang awtonomiya na may karugtong pang hindi pagiging miyembro ng isang mas malaking kumokontrol na pormasyon.

Ang Autonomous Region of Muslim Mindanao ay sinasabing may awtonomiya dahil may sariling mga opisyales na nagpapasya at nangangasiwa sa sarili nilang takbo ng buhay sa teritoryo niyon. Pero hindi independyente ang ARMM dahil bahagi iyo ng Republika ng Pilipinas na isang mas malaking kumokontrol na promasyon.  Ang Pilipinas ay may kapwa awtonomiya at kasarinlan. Nakapaloob nga ito sa organisasyong United Nations, ngunit ang UN naman ay hindi isang kumokontrol na pormasyon.

Ganito ang isang tunay na kooperatiba. Walang pwedeng kumontrol sa isang koop na totoo kundi ang mga myembro lamang nito.  Ang isang primaryang kooperatiba sa isang napakaliit na baranggay ay hindi pwedeng kontrolin ng sinumang pulitiko, opisyal o kawani ng pamahalaan, ng kura paroko, o ng NGO o ng kapwa-koop o ninuman, maliban na lamang sa sariling mga myembro nito.

Kahit ang Palasyo ng Malakanyang ay maaari lamang magrekomenda ng mga panukala rito, hindi pwedeng mag-utos. Maaaring maging magalang ang isang koop sa pagtanggi sa panghihimasok o pag-uutos, ngunit hindi dapat umabot ang paggalang sa pagsusuko na ng kanyang kasarinlan at awtonomiya.

Ayon sa Ikaanim na Prinsipyo, dapat magkaroon ng malusog na kooperasyon sa pagi-pagitan ng mga kooperatiba.  Isa sa mga mekanismong naitatatag para rito ay ang sama-samang pag-oorganisa ng mga kooperatibang segundarya o terserya o “apex” pa.

Ngunit ang pagkakaroon ng mga malalaking pormasyong kooperatiba na sumasaklaw sa maraming maliliit na kooperatiba ay madalas nauuwi sa paglabas sa kasarinlan ng maliliit. Malaki ang tendensya ng mga unyon at pederasyon na kontrolin o utus-utusan (“babaán”) ang mga primarya na sama-samang nagtatag sa kanila, mga myembrong dapat na kumokontrol sa kanila. 

Nalilito ang marami sapagkat ang tinaguriang “demokrasya” sa istruktura ng pamahalaang sibiliyan, ang istruktura ng militar at pati ng simbahan, ay mga hiyerkiyang may “nakatataas” na dapat sinusunod ng mga “nasa ibabâ.”

Walang lugar sa kooperatiba ang ganitong hiyerkiya, sapagkat ang mga ugnayang binubuo sa hanay ng mga kooperatiba ay ugnayan lamang sa pagitan ng mga bahagi at mga kabuuan.

At para sa isang primarya, ang pakikipag-ugnayan niya sa iba pang primarya at ang pakikipag-ugnayan din sa mga unyon at pederasyon (mga mekanismo ng pakikipag-ugnayan niya sa mga kapwa-primarya), ay mga pakikipag-ugnayang panlabas at nasasaklaw ng Pang-Apat na Prinsipyo.

Ang bawat isang primarya na nakapaloob (hindi nakapailalim!) sa isang segundarya, unyon man o pederasyon, ay hindi pwedeng kontrolin ng unyon o pederasyon. Ang mga primarya, bilang mga myembro ng segundarya, ang siyang dapat kumontrol sa mga segundaryang ito.  Hindi ang mga pinuno nila, at lalung-lalo nang hindi ang mga tersarya o mga “apex” pa nila.

Unang Prinsipyo:

Boluntaryo at Bukás na Kasapian

Ang bawat myembro ng koop ay dapat tahasang magtanong at malalimang magsuri sa kanyang sarili: “Bakit ba ako pumasok at bakit ako nananatiling kasapi ng kooperatibang ito?” 

Boluntaryo ang pagsapi sa isang kooperatiba, at boluntaryo rin ang pananatili bilang myembro nito. Ang pagsaping nangyari noon ay dapat ibinunga ng malinaw, malaya at matatag na pasyang sumapi. Gayung klase din ng desisyon ang patuloy na pagiging myembro.

Kung ang pagsapi noon ay hindi ganap na boluntaryo, sa totoo lang, dapat na habulin kaagad ang mga pag-alam sa lahat ng dapat malaman upang gumawa ng isang malinaw, malaya at maingat na pagpapasya ngayon kung mananatili ba o hindi bilang myembro.

Kung hindi ganito ang naging kalidad ng kapasyahan noon, kung hindi naiharap at hindi nasagot ng isang myembro ang mahahalagang katanungan noong siya pa lamang ay nagpapasyang sumapi, kailangang harapin at sagutin na niya ang mga katanungang iyon ngayon. 

Ang bawat myembrong nagmamalasakit sa mga pagsisikap ng koop na magpalaki ng kasapian ay dapat maging mas mulat ngayon sa tunay na mga pamantayan sa pagiging boluntaryo ng pagpasok ng mga bagong kasapi.

Gawin agad ang lahat upang ang kandidato pa lamang na sumapi ay magkaroon agad ng sapat at malinaw na kaalaman sa tunay na esensya ng kooperatiba at ng pitong prinsipyo nito.  Tandaan nating ang mga ninanais nating makasama sa koop ay pumasok sana sa tamang mga kadahilanan at maging aktibong mga kasapi sa pagnenegosyo nito.

Bukás ang kasapian sa lahat ng mga ka-pamayanan nating maaaring makinabang sa pagnenegosyo ng mga produkto at serbisyo ng ating koop.

Ngunit kahit bukás ang pagsapi sa ating koop, makakaisip lamang sumapi ang ating mga kamag-anak at kaibigan kung maganda ang nakikita nilang disposisyon at ikinikilos ng mga kasapi nang tulad natin.  Kung hindi maganda ang kanilang makikita sa ating mga kalagayan at asal, nababale-wala ang pagiging bukás ng ating kasapian.

Pangalawang Prinsipyo:

Demokratikong Kontrol ng mga Myembro

Ang bawat kasapi ng isang kooperatiba ay kasamang nagmamay-ari ng negosyo niyon.  Kaya naman may karapatan siyang lumahok sa mga pulong ng pangkalahatang asamblea na siyang tumatalakay at nagpapasya sa pinakaimportanteng mga usapin.  Ngunit kailangang pahalagahan talaga niya ang karapatang ito, upang makamit ang nilalayong pag-iral ng demokratikong kontrol ng mga myembro sa kanilang sariling pinagsanib na negosyo.

May dalawang salaminan sa kinakailangang pagpapahalaga ng isang myembro sa karapatan niyang lumahok nang aktibo sa demokratikong pagkontrol sa koop.  Una, dapat niyang pagsikapan nang husto na makadalo; at, pangalawa, dapat ay may pauna siyang paghahanda na aktibong makalahok sa pagiging mabunga ng pagpupulong. 

Ganito ang laging timbangan ng karapatan at tungkulin ng bawat myembro sa konteksto ng demokratikong pagkontrol ng kasapian sa kanilang kooperatiba. Hindi pwedeng karapatan lang, at hindi rin pwedeng tungkulin lang.

May karapatan ang bawat myembro na makatanggap ng lahat ng impormasyong nauukol sa pamamalakad ng koop, pero may tungkulin naman siyang basahin at pag-aralan ang mga natatanggap niya. May karapatang magtanong ang myembro, pero dapat ay alam niya kung naibigay na pala sa kanya ang impormasyong hinahanap at hindi pa lang niya napag-aabalahang tingnan. 

May karapatan siyang mag-ambag ng mga komentaryo, mga mungkahi o kahit mga matatalas na pagpuna sa kabuuang mga proseso ng pag-aaral at pagpapasya ng kooperatiba, ngunit tungkulin naman niyang iwasan na may paunang pag-aalam at pagsusuring pinagbabatayan ang kanyang mga iniaambag, para huwag namang masayang ang sariling oras at ang oras ng iba, at para huwag naman siyang mapatiklop sa kakapirasong sagot sa kanyang mga pagpuna.

Ngunit sino kaya sa mga myembro ang masusing nagbabasa sa mga ulat na ihinahanda at ipinamamahagi ng ilang takdang upisyal bago idaos ang isang pangkalahatang kapulungan?  Ilan kaya ang nakapagbalik-aral sa kanilang By-Laws sa papatapos na taong iyon?  Ilan kaya ang nakapag-aral na talaga sa kanilang By-Laws magmula nang sumapi sa kooperatiba ilang taon na ang nakalilipas? Alalahanin sana nating ang By-Laws ng isang kooperatiba, na tuwirang pinagtitibay ng mga myembro sa pamamagitan ng botohan sa General Assembly, ay katapat ng Konstitusyon mismo ng isang republika na ang mga mamamayan mismo, hindi ang mga senador at kongresista lamang, ang nagpapatibay sa pamamagitan ng plebisito. 

May karapatan ng ganap na paglahok sa pagdedesisyon ang bawat myembro ay dahil kamay-ari siya ng kooperatiba. Pero maraming myembro ang tumatalikod sa ganitong karapatan, at kapag may katanungang pumasok sa isipan nila’y may tunog na ng pagrereklamo o pag-aakusa ang kanilang mga pagtatanong! Hindi po ba ganoon?  Aminin!!!

Kailangan tayong maging mga masipag at responsableng may-ari ng ating kooperatiba.  Katunaya’y ganito rin ang kailangang kalidad ng mga mamamayan upang mabuo ang isang malakas na bansa.

May malaking problema kung ang pagboto ng mga kasapi ng koop ay malilimita lamang sa pagpili ng mga bubuo ng Board of Directors, at hindi sila masasangkot at makapag-aaral sa pamamalakad ng koop. Kapag ganoon ay hindi man lamang nila malalaman ang katangian ng mga dapat iboto, at ni hindi nila susubaybayan at uunawain ang mga pagdedesisyon ng Board na iyon. 

Kung may maging malalaking kabiguan ay basta na lamang sisisihin at papalitan ang mga nakaupong direktores at kapag may malalaking tagumpay naman ay basta na lamang nila papalakpakan ang nakaupong direktores at kokoronahan pa ng halos “panghabambuhay na panunungkulan.”

Ang pagdedesisyon sana ng kasapian sa mahahalagang usapin sa buhay ng kooperatiba, kasama na ang pagboto sa mga iluluklok na direktores, ay karapat-dapat pag-ukulan ng seryosong pag-aaral at pagsusuri, sa halip na iasa sa kapristso, popularidad, intriga, o bulág na pananampalataya.

Dapat ay nakakasabay, kundi man malapit na nakakasunod, ang mga myembro sa mga hakbang ng pagtalunton sa landas ng apat na puntong panuntunan sa wastong pagpapasya (“mangarap at magbalak…”) at hindi ipaubaya na lamang nang lubusan sa Board of Directors, sa tagapangulo o sa tagapamahala ang buong proseso ng pagpapasya.

Kapag hindi magampanan ng mga myembro ang ganitong kalidad ng aktibong paglahok sa mga pagpapasya, hindi sila ang demokratikong kokontrol sa kooperatibang minamay-ari nila; sila ang kokontrolin ng iilan sa ngalan ng buong koop!

Pangatlong Prinsipyo:

Tangkilik ng mga May-Ari

Kung sa iyo ang panaderya sa kanto, bibili ka ba ng tinapay sa iba pang panaderya?  Di lang dahil mas mura mong makukuha ang pandesal sa sarili mong bakery, doon ka talaga bibili bilang pagtatangkilik sa sarili mong negosyo. Tutal, kakain ka naman talaga ng tinapay! 

Mangungumbinse ka pa nga ng maraming iba pang tao na gumaya sa ‘yom para lumaki ang benta n’yo!  Sa ganitong paraan, nakakamura ka na nga bilang suking mamimili, tumutubo ka pa bilang may-ari ng panaderya. Doble yun!

Simpleng paglalarawan ito ng lohika ng pagtangkilik na dapat tuluy-tuloy na ginagawa ng mga myembro ng isang kooperatiba sa sariling mga produkto o serbisyo nito. Dapat ay palagiang nadarama ng bawat miyembro na siya ay kapwa may-aring tumutubo, at tagatangkilik rin na nakakamura.

Pang-Apat na Prinsipyo:

Awtonomiya at Independensya

Para maisabuhay at ganap na maunawaan ng isang myembro ng kooperatiba ang prinsipyo ng Awtonomiya at Independensya, kailangan niyang matutunang pahalagahan ang sarili niyang awtonomiya at independensya bilang isang tao na tunay namang nagpapakaTao. Responsible at malayang mga tao lamang ang makauunawa sa kahalagahan ng awtonomiya at idependensya para sa mga kooperatibang kinapapaloban nila.

Sino ba ang magnanais na may ibang mag-aasikaso sa pamamalakad sa mga bagay-bagay sa sarili niyang buhay?  Ah kahit na ang bata, kapag medyo lumalaki na, gusto na niyang magsarili sa pagligo, sa pag-aayos sa mga gamit niya, etc. etc.  Unti-unti na niyang ipinaparamdam sa mga  magulang niya na may sarili na siyang isip, pamamaraan, panlasa at mga priyoridad.

At sino rin ba ang magnanaisa na dikta-diktahan siya sa mga pagdedesisyon na kaya naman niyang gawin? Eh kahit nga ang bata, kapag medyo lumalaki na, gusto na niyang siya mismo ang pumupili ng kanyang magiging mga kaibigan, na siya mismo ang pumipili sa mga kakainin niya, 

Panlimang Prinsipyo:

Masiglang Edukasyon at Impormasyon

Ang edukasyon, pagbibigay ng impormasyon at psgbibigay ng pagsasanay ay pawang ginagawa naman ng karamihan sa mga kooperatiba.  Pero madalas na sa tatlo ay ang pangalaa at pangatlo lamang ang talagang nagagawa at napag-iiwanan nang malaki ang una, ang gawaing edukasyon.

Ang karaniwang pagbibigay ng impormasyon ay nagagawa bago buuin ang kooperatiba, kapag ang unang 15 ay magtatatag na ng kanilang koop at dumaran sila sa tinatawag na Pre-Membership Education Seminar o PMES.  Sa ganito ay ihinahanay lamang ng isang resource person ang mga nilalaman ng Cooperative Code of the Philippines, at naiiwan sa ganitong antas ang dapat sana'y isang education seminar.

Wala sa karaniwang PMES ang malalim at matalas na pagtatalakay sa pinaka-esensya ng kooperatiba, na dapat ay malinaw na nakakasagot sa mga katanungang "bakit?" sa kooperatibismo.  Anu-ano ang mga probisyon ng batas?  Anu-ano ang Pitong Prinsipyo?   Ilista natin sa whiteboard, kasama ang ilang paglalarawan, ipakopya sa mga notebook, ipamemorya... Puro impormasyon lang lahat iyan.

Bakit ganoon ang mga probisyon ng batas?  Ano ang lohika ng mga prinsipyo at paano silang nagtutulungan upang maging tunay at matagumpay ang kooperatiba?  Lagpas na sa impormasyon 'yan---sinisikap nang maintindihan ang malalim na mga batayan ng mga bagay-bagay, Edukasyon na kapag ganoon.  Tandaan: ang pagkakaunawa ay hindi kailangang memoryahin. At maipapaliwanag mo nang malinaw at wasto ang mga bagay-bagay sa sarili mong pananalita.

Isipin natin ngayon:  ang mga naidaraos bang mga seminar para sa mga myembro ng koop ay edukasyon na o impormasyon lamang?  Pag hindi naging malinaw ang pag-iiba natin sa edukasyon at impormasyon, baka akalain nating sagana na sa tuluy-tuloy na edukasyon ang mga myembro ng koop, dahil aktibung-aktibo ang Education Committee nito... sa kabibigay ng impormasyon!

Eh kung pagkamalan pa nating pareho rin ang edukasyon at ang pagsasanay?  Eh di mas malala!

Ang kahalagahan ng edukasyon para sa myembro ay mapapatingkad kung ang mga myembro mismo ay magnanais na lalu't lalong maunawaan ang kooperatibismo habang dumarami ang kanilang mga karanasan sa loob nito.  Hindi kasi mga simpleng bagay ang esensya at mga prinsipyo  nito. Kahit matagal na tayong myembro, o kahit matagal na tayong opisyal, marami pa rin tayong mga bagong matututunan sa sama-samang pagsusuri at pag-aaral.

At para lalong humigpit ang mga pagkakaisa sa hanay ng kasapian sa maraming bagay, at maging mas madali para sa kanila ang magkasundo sa tamang mga desisyon, kailangan talaga ang tuluy-tuloy na edukason.  Isa pa, sa ganito'y darami pa sa kanilang hanay ang magkakaroon ng kakayahang maging mga pinuno sa pag-aaral o "in-house training facilitators."

May alam alam akong lider-koop na nagsabing lumalabas na raw sa mga tenga niya ang Pitong Prinsipyo.  Nang hilingin kong tulungan niya ako bilang "resource person" sa isang seminar at siya ang magpaliwanag ng tatlo sa pito, tumanggi siya dahil wala pa raw siyang kumpyanda.  Tila napag-sawaan na niya ang di pa talaga niya talagang natututunan! Paano nating ihahatid nang malinaw at wasto ang "magandang balita" ng kooperatibismo kung ganyan tayo?  

Pero kung sapat na sa mga myembro ang paminsan-minsang seminar na puro impormasyon, o kung okey na sa kanila kahit wala ngang anumang seminar "basta't patuloy silang nakakautang," kahit magsipag ang mga EdCom sa maraming mga totoong Education Seminars ay di rin dadalo ang mga myembro, o kung dadalo man ay di rin talaga makikinig at mag-iisip.

Pang-Anim na Prinsipyo:

Kooperasyon sa Hanay ng mga Koop

Kung mayroon kang labinlimang tao, na ang bawat isa ay malinaw, malaya, maingat at matatag na nagpasyang magtayo ng isang kooperatiba, di na malayong sumunod sa pasyang ito na ang itinatayo nilang koop ay makipagtulungan nang mahigpit sa iba pang kooperatiba.

Kung dala ng bawat myembro ang diwa ng kooperatibismo, lohikal na sumunod rito ang pagsasabuhay ng diwa ring ito sa sama-samang pakikipag-ugnayan naman nila, bilang isang koop, sa katulad na mga grupo.  Sa ganitong lohika pangunahing nag-uugat ang paglalatag ng kooperasyon sa hanay ng mga kooperatiba.

Artipisyal na pagkakaisa ang mabubuo kung basta na lamang kumbinsihin o pilitin ng isang "organizer" ang ilang kooperatibang primarya na magbvuo ng isang unyon o pederasyon sa hanay nila.  Artipisyal din kung mga direktores lamang ng mga primarya, at hindi ang buu-buong primarya, ang may kapasyahang bumuo ng isang segundarya o umanib sa isang segundarya. 

Ang pagbubuo ng mga kooperatibang segundarya ay kapasyahang dapat ay nag-uugat sa higpit ng pagkakahawak ng mga indibidwal na kasapi ng primarya sa diwa mismo ng kooperatibismo, sa tindi ng pagkakaunawa nila na ang nagawa para sa kanila ng pagsasanib-lakas sa isang primarya ay mapg-iibayo pa kung mas marami ang mas mahigpit na magbubuklod.

Ang buu-buong primarya ang ultimo at tunay na tagapagtatag ng mga segundarya. Kung hindi ito mauunawaan nang malaliman, maaaring akalain ng isang "organizer" o ng direktores ng mga primarya na siya o sila ang nagtatag ng segundarya.  Kapag nangyari ito, kailangang ihanda rin nila ang sarili ba sila lamang ang magtatrabaho para rito. Marami ang may karanasang ganito.

Kung tutuusin, hindi lamang sa pagbubuo ng o pag-anib sa isang segundarya magagawa ng mga primarya ang magkaroon ng mahigpit na kooperasyon sa kanilang hanay. Kahit wlang ganitong pang-organisasyong istrukturang pinagsasamahan, ang anumang bilang ng mga kooperatiba ay maaaring mag-usap nang masinsinan upang pagkaisahan ang pagtutulungan sa negosyo o ang pagsasama-sama sa partikular na mga negosyo.

PamPitong Prinsipyo:

Pag-uugat sa Komunidad

Nito na lamang 1995 pinagtibay ng International Cooperative Alliance ang Pampitong Prinsipyo. Pero kung tutuusin, mula pa noong panahong itinatayo pa lang ng Rochedale Pioneers ang kanilang kooperatiba sa Europa ay mabigat na batayan na ng kooperatibismo mismo hindi lang malasakit kundi ang pag-uugat sa komunidad.

Nabanggit ko sa unahan na ang kooperatiba ay isang panlipunang pagsasanib-lakas ng personal na mga nagosyo.  Panlipunan ito dahil sa ang bawat pangangailangang tinutugunan at ang ginhawa't pag-unlad na nilalayon ay ang mga pangangailangang pangkomunidad at pag-unlad n pangkomunidad. At ang sigla ng negosyo ng kooperatiba ay nakabatay nang tuwiran sa sigla ng komersyo at kabuuang ekonomiya ng lokalidad.

Kaya sa mismong disenyo ng pagmamay-ari, pagkontrol, at pagbabahagian ng biyaya ay isinasangkot nang maramihan ang mga kasapi ng komunidad, at hindi sila ginagawang mga saling-pusa lamang sa pagnenegosyo ng iilang makapangyarihan sa lipunan.

Sa Pilipinas, ang patuloy na pagubha ng kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya sa mga komunidad ay tiyak na iniinda ng mga myembrong totoo ng mga kooperatibang totoo, kahit hindi sila mismo ang pinakamaralita at pinakagipít na mamamayan sa mga lokalidad na ito.

Mahigpit nang hawak ng ganitong mga myembro ang  prinsipyo ng pagsasanib-lakas, ang karanasan ng sama-samang pagmamay-ari at sama-samang pagkontrol sa kanilang kabuhayan.

Kaya't tiyak na minimithi nilang ang mga aral ng kooperatibismo ay magamit din sana ng buu-buong komunidad, sampu ng sari-sarili nilang mga mahal-sa-buhay, upang palayain ang sarili sa kahirapan at mapagsamantalang kontrol ng iilan at ng mga nasa labas.

Dahil mahigpit din nilang napanghahawakan ang prinsipyo ng pag-uugnayan ng mga buo at mga bahagi, alam nilang ang mga lokal na komunidad ay hindi dapat inuutus-utusan at pinaghihigupan lang ng yaman ng pambansang pamahalaan o ng mga dayuhang mamumuhunan.

Ang mga myembrong totoo ng mga koop na totoo ay talagang pinakamatatag sa pag-asam sa demokratikong pamamalakad ng ekonomiya't pulitika.  Batay sa sariling mga  karanasan bilang mga indibidwal na mga myembro at bilang mga primarya, sila rin ang siyang makapagtuturo nang pinakamalinaw sa pamayanan ukol sa ganitong pamamalakad.  

At batay sa ipinapakita nilang matagumpay na pagsasama-sama sa kanilang mga pagsisikap sa kooperatiba, sila rin ang nasa pinakamainam na kalagayan upang manawagan sa kabuuan ng pamayanan na pagtulung-tulungan ang mga pagsisikap na pasiglahin ang mga ekonomiyang lokal, bantayan ang kasiguruhan sa pagkain at tubig, panghawakan ang mga likas na kayamanan sa lugar, at panatiliin ang batayang pagkakaisa at diwa ng pag-asa ng buong pamayanan.

Ang mga makakagawa ng lahat ng ito ay ang mga miyembrong totoo ng mga kooperatibang totoo.  Ang ibang klase ng "myembro" ay malamang na sarili lamang ang iniisip at wala nang enerhiya para magmalasakit pa sa kapakanan ng komunidad; ang ibang klase ng "koop" ay pasanin lamang at walang gaanong prestihiyo sa komunidad.

Kailangang paramihin natin ang mga myembrong totoo ng mga kooperatibang totoo upang ang sektor-kooperatiba ay makaganap bilang haligi ng lokal at pambansang ekonomiya, tulad ng nararapat.

Sa ganitong konteksto sana tingnan ng indibidwal na mga myembro ng bawar kooperatiba ang Pampitong Prinsipyo.  Na ang pagsasabuhay ng mga prinsipyong ito ay nakasalalay sa ganap na pagpapakaTao at pakikipagkapwa-Tao ng karamihan, kundi man lahat, ng mga myembro.

Back to list.


  Kabanata 8 

Bagong Konsepto ng Pamumuno 

ANG isang tunay na kooperatiba ay pagsasanib-lakas ng mga (a) kakayahan at (b) puhunan sa negosyo ng mga myembro

Samakatwid, ang lakas ng isang koop ay nakabatay sa (a) klase ng mga myembro (may pagkukusa; maaasahan), (b) higpit ng pagkakaisa (pagsasanib-lakas ng buu-buong katauhan) ng lahat o karamihan ng mga myembro, at (k) dami ng mga myembro.

Gampanin ng pamunuan ang gawaing pagkaisahin nang ibayong higpit ang lahat ng myembro ayon sa naunang mga pinagkaisahang layunin, simulain, patakaran at balak ng koop (batay sa pamumunong bayani at pamumunong balani).

Ang pamumunong angkop sa kooperatiba ay ang pamumunong balani,” iyong humahatak sa lahat ng kaanib at kasapi na mas mahigpit na magkaisa sa diwa ng pagkakaisa at pagsasanib-lakas, at sa mga prinsipyo ng kooperatibismo.  Ang ginagawa ng balani o magnet sa mga nakakalapit na bakal, dumikit man o hindi ang bakal, ay iniimpluwensyahan niya ang pagkakahanay ng mga atoms ng bakal upang maging kapareho niya sa oryentasyon, at maging kasanib-lakas niyang isang bagong magnet habang kapareho niya ng oryentasyon.

At ang pamumunong angkop sa kooperatiba ay ang pamumunong bayani,” iyong humahatak sa lahat ng kaanib at kasapi na mas mahigpit na magtulungan – o magbayanihan – upang ganap na maitaguyod at maisakatuparan ang anumang pinagkaisahang mga layunin, balak at hakbangin.

Lagpas na ang panahon sa ating kasaysayan para sa matatawag nating pamumunong bagani (“warrior” o “champion” leadership) na nagbubunga ng mga asal-superman o asal-diktador o asal-superstar sa mga myembrong nailalagay sa mga pormal na posisyon ng pamumuno.  Hindi na tunay na pinuno ngayon ang mga nagtatampok sa sarili lamang nilang mga katangian at kakayahan, at di nagtatampok at nagpapasulong sa kakayahan ng mga kaanib at kasapi.

Sa bagong konsepto ng pamumuno na angkop sa kasalukuyang panahon, hindi na tunay na pamumuno ang matatawag na “pamumunong bagani,” sapagkat sa halip na hatakin sa mahigpit at aktibong pagkakaisa ang mga myembro ay itinataboy pa nang palayo ang mga ito. Kaaway ng kooperatibismo ang ganitong uri ng asal.

Kung tutuusin, ang karaniwan o kahit bagitong myembro ay maaari talagang gumanap ng pamumunong bayani at pamumunong balani. At lahat ng mga gumaganap ng ganitong pamumuno ay magiging mas marami kaysa sa mga halal at pormal na pinuno ng koop. Sila ang mga myembrong bumubuo ng tunay na pamunuan ng koop o samahan at tumitiyak sa malalim at mahigpit na pagkakaisa ng buong kasapian nang hindi tumitingin sa mga personalidad o sa mga opisyal na posisyon lamang.

Maraming mga samahan ang nabibiyak kapag nahahati ang pormal na pamunuan. Ang tunay na pamunuan hindi maaaring mahati.

Bago natin iwan ang paksang pamumuno, alalahanin natin na magkaiba ang tunay na kahulugan ng leadership at pamumuno.  

Ang leadership ay nakapaukol sa isang proseso ng paggalaw, at ang lider ay siyang nangunguna, kumbaga, sa pagmamartsang pasulóng.  

May ganito ring paggalaw sa bagong konsepto ng pamumuno, ngunit ang direksyon ng galaw ay papasinsin mula sa pagkabuhaghag, isang galaw na patungo sa mas mahigpit na pagkakaisa, sa isang pagkilos man (“bayani”) o sa mas malalim na diwa (“balani”). 

Back to list.


  Kabanata 9 

Myembrong Totoo, Haligi Ka ng Koop Mo! 

MAY mahalagang aral na ihinahandog sa atin sa pagkakapili sa sentral na simbolo sa konsepto ng ating mga ninuno ukol sa pamumuno. Ito ang isinasagisag na mga katangian ng puno.

Ang isang puno ay sagisag ng katatagan. Ito rin ay nagpapamalas ng kakayahang magpakatayog sa pananaw, at “huminga ng langit,” habang nananatiling malalim na nakaugat sa lupa ng matitigas na realidad. Magmuni-muni pa tayo sa mga bagay na ito.

Ang puno ay isang dakilang guro ng mga tao tungkol sa pagpapakaTao at pakikipagKapwa-Tao. Guro ang puno tungkol sa pamumuno. Sana’y talagang magsikap magpakahusay at maging karapat-dapat sa gawaing pamumuno, pormal at di-pormal, ang lahat o karamihan man lamang ng ating mga myembro.

Ang pagiging totoo ng isang kooperatiba ay mainam na kalagayan upang maganap ito; ngunit para naman maganap ito, kailangan din ang mataas-taas na kalidad ng karaniwang myembro. Malilikha natin kapwa ang dalawang kalagayang ito kung may sapat tayong determinasyon. Pangarapin natin ito, at igawa ng balak. Pagkatapos ay alamin ang lahat ng dapat. At batay sa kaalamang ito, ipasya natin nang maingat kung paanong magtatagumpay sa adhikaing ito. Sa dulo’y pagkaisahin ang lahat sa matatag na pagpapatupad!

Isang sukatan ng ganitong napakamakabuluhang paglahok ng karaniwan at baguhang mga myembro sa buháy na buháy at ganap na demokratikong mga kaparaanan ng pagdedesisyon sa loob ng isang koop ay kung nahihikayat ba o hindi ang karaniwang myembro na lumahok sa pag-aaral ng mahalagang mga panukala sa mga direksyon at malalaking pagbabago ng mga patakaran, at kung nakapag-aambag ba ang karamihan ng karaniwan o kahit bagong mga myembro sa pagpapanatili at pagpapalakas ng kanilang buháy na pagkakaisa sa harap nga malalaking kontrobersiya.

At kapag nagkamit ba ng isang malaking tagumpay ang kooperatiba ay lalong hinahangaan ng karaniwang myembro ang "Kaparaanan ng Kooperatibismo" sa sama-samang pagpapasya ng mga may-ari ng negosyo (mga myembro)o ang nasasabi ba nila'y "Ang galing talaga ng Board of Directors namin! Buti na lang at sila ang ibinoto ng mga dumalo sa G.A.!"?   

Sa pamamagitan ng pagpapaunlad at pag-aangkin ng mga katangian ng tunay na pamumuno, ang karaniwang myembro ay tunay na nakakatindig bilang maraming matatatag na haligi ng mga kooperatibang totoo.  Habang hindi naisasagawa ang ganitong pag-aaktibo, marurupok na haligi ang nasa mga koop at madali silang magupo, tulad ng nangyari sa bumagsak na kubo!

Ang pagsasanib-sanib ng kakayahan ay makapangyarihan lamang kung ang lahat ng mga nagsasanib ay may tunay na lakas na kusa at masiglang iniaambag.  

Panahon nang iwan ng kooperatibismo sa Pilipinas ang mahabang kasaysayan nito na ang mga kooperatiba ay maputlang mga pagsasanib-hina. Sa ganoon ay makakatindig ang sektor-kooperatiba ng bansa bilang isang malakas na haligi ng pampayanan at pambansang ekonomiya.

Ang kailangan ng mga kooperatiba, ng mga pamayanan, at ng bansa mismo ay mga myembrong mamamayan na aktibo at totoo-- nagpapakaTao at nakikipagkapwa-Tao. Magandang balita: dumarami na ang ganito, nagigising na sa katotohanang walang tunay at matagalang maaasahan ang mga palaasa sa kapasyahan at galaw ng iba.  Sa wakas, unti-unti nang natatauhan ang mga Pilipino! Pabilisin pa natin ng prosesong ito! 

Kaya’t sa pamamagitan ng munting librong nagawang maisulat ko at ngayon ay hawak mo, tahasan ko nang binabati ang mga kasaping ganito—

Myembrong totoo, haligi ka ng koop mo!

 

Back to list


May-Akda:

Si Prof. Ding Reyes

(isinulat nooong 2004)

SI ED AURELIO C. REYES ay tinatawag na"Ed" ng mga kasamahan sa propesyon at sari-saring pinagkakaabalahan, at tinatawag naman siyang "Ding" ng mga kamag-anak at malalapit na kaibigan.

Pangunahin siyang edukador sa Prinsipyong Sanib-Lakas sa Pilipinas

Isa siyang seryosong estudyante at tagapagpalaganap ng prinsipyo ng pagsasanib-lakas (laluna sa mga praktikal na aplikasyon sa sari-sariling mga larangan ng pagpapakaTao at pakikipag-Kapwa- Tao.  Siya ang nagtatag at unang pangulo ng SanibLakas ng Taongbayan Foundation at "executive convenor" ng maraming samahang itinatag ng SanibLakas Foundation, tulad ng Lambat-Liwanag Network of Centers for Empowering Paradigms; Katipunang DakiLahi para sa Pambansang Pagsasanib-Lakas; Sanib-Sining Movement for Synaesthetics; Advocates for Cooperative Education on Synergism (ACES); SanibLakas ng Inang Kalikasan (SALIKA); at Consumers' Coalition for Truthful Information (CCTI).

Pangunahin siyang tagapaglinaw sa aplikasyon ng prinsipyong sanib-lakas sa mga larangan ng gawain ng mga ito.

Nagtuturo siya sa Applied Cosmic Anthropology doctoral program ng Asian Social Institute (ASI) sa Maynila, sa underraduate program ng International Academy of Management and Economics (IAME) sa Makati, at sa summer post-baccalaureate program ng Polytechnic University of the Philippines -- Institute of Cooperatives (PUP-IC) sa Msynils.

Bilang edukador sa paglalapat ng prinsipyong sanib-lakas sa mga kooperatiba, naging tagapangulo siya ng komite sa impormasyon at edukasyon ng 6th National Summit ng 2002, tagapayo sa edukasyon  ng tagapangulo ng Cooperative Development Authority, at tagapagsalita sa mga PMES at iba pang mga seminar ng mga kooperatiba.  Naging consultant-editor din siya ng joint project ng United Nations Development Programme (UNDP), CDA, at Philippine Cooperative Center (PCC) ukol sa pagtatambalan ng mga kooperatiba at mga lokal na pamahalaan. Pangunahing consultant siya ngayon sa ginagawang pagtatatag ng Coconut Cooperatives Development Center (CCDC).

Saklaw ng mga kooperatibang primarya, kasama siya sa mga nagtatag ng isang credit cooperative sa hanay ng mga unyonista sa mass media noong simula ng dekadang 1990s, at ngayo'y aktibong myembro siya ng Sts. Peter and Paul Parish (Makati) Multipurpose Cooperative. 

Aktibo rin siya sa iba pang mga adhikain, gaya ng pangangalaga sa kapaligiran, pagpapatingkad sa kamalayan sa kasaysayan, pagsusulong ng kalusugan, pagkilala at paggalang sa lahat ng mga karapatang pantao, pagtuklas at pagpapaulad ng mga kakayahang estetiko ng bawat tao, pagpapasimuno at pagpapadaloy sa malaking proyektong "Sanib-aralan sa Kasaysayan, Kalagayan at Kinabukasan ng Pilipinas," at marami pang iba.