ding reyes books

 

 

   DALOY

TULAMBUHAY

NG TAGAILOG

 

 


           

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

            

 

 ni Ed Aurelio C. Reyes

ni Ed Aurelio C. Reyes

 


THIS PAGE HAS BEEN VISITED  2389  TIMES SINCE IT WAS UPLOADED IN NOVEMBER 2010.


back to top.         back to previous.

entire book was uploaded

as recommended by

Ms. Shayne R. Merioles.

   

DALOY--Tulambuhay ng Taga-ilog

1.

Tangan ng inyong / maliliit na kamay,

Munting mga bandila’y / iwinawagayway,

Sa panahong marami / tayong nagpupugay

Sa dakilang mga bayaning / inialay ay buhay.

2.

Nakatutuwang masdan / kayong mga bata

Na kaisa na namin / sa ganitong paghanga.

Ngunit ganap ba / ang inyong pagkaunawa

Sa kabayanihan / nitong lahing dakila?

3.

Nene at Boyet, / mahalagang makita

Ang kaaya-aya / kahit mahabang istorya,

Kung ang batid lamang / ay mga eksena,

Kadakilaan ng bansa, / ay di natin kilala.

 

4.

Paglingon na may pagtitig / ay kinakailangan,

Sa mga kabanatang / lipás na at nagdaán,

At makita ang landás / na pinagdaluyan

Ng agos ng buhay, / mulang pinanggalingan.

5.

Kung ating makita / nang may sapat na linaw,

Kung ating pagkaunawa / ay di nga mababaw,

Pansin sa detalye / ay di makakasapaw,

At tunay na liwanag / sa ati’y tatanglaw.

6.

Ang tubig ng ilog / na malinaw at malalim

Gayunding kamalayan / ang sinasalamin—

Ang daloy ng buhay / at pag-uugnayan

Ng mga pamayanam / ng buong Kapuluan.

7.

Ang bawat munting agos / ng batis na tahimik,

Ay dugtong sa mga alon / ng buong daigdig.

Ang tubig ng bawat ilog / na sumasanib sa dagat

Ay maaaring matikman / at makilalang sapát.

8.

Kasaysayan ng dakilang / bansang Pilipino

Ay daloy ng marami / at sari-saring kuwento,

Maraming mga bukal, / mga batis, mga sapŕ,

Nagsasanib sa mga ilog, / hiwalay man sa simulâ.

9.

Katangian ng tubig / na sa dagat ay sumasama,

Makikilalang ganap / kung landas niya ay makita.

Ang linaw, ang lalim, / ang bilis ng pag-agos,

Pinagmulán ay lingunín, / nang maunawaang lubos.

10.

May mga nagsasabi / kung magkaminsan,

Matapos bumanggit / ng ilang kapintasan,

Na sukat nating / ikahiyâ, ipagdamdam,

Ang Pilipino raw / ay "talagang ganyan!"

11.

Buntong-hininga / kung susuriin naman,

Ang batayan pala’y / maikling panahon lang;

Kung bakit ba kasi, / paglingon sa nakaraan,

Natatanaw lamang, / pagtuklas daw ng dayuhan.

12.

Kalahating libong taon / ang lumilipas pa lamang

Magmulang mapadpad / ang palalong dayuhan;

Samantalang libulibong / mga taón naman

Ang ating mga ninuno’y / ibang-iba ang katangian.

13.

Tunay ngang dapat / na paalalahanan

Ang mga nagsasabing / tayo’y "sadyang ganyan!"

At pag-aralang mabuti / ang ating kasaysayan—

Malinaw na ang marami’y / nagkaganyan lamang!

14.

Isang balik-aral / ay gawaing makabubuti,

Alamin ang katangian / nitong lahing bayani

Maraming mga aral, / inspirasyon ang maaani

Kung ang ating gagamiti’y / pananaw nating sarili.

15.

Sa paglingon natin / sa kasaysayang nakalipas,

Hindi sasabihing / "natuklasan ang Pilipinas";

Kung sa sariling tanaw / ang pagtatalastas,

Sa palalong Europeo’y / tayo ang nakatuklas!

16.

Alin pa nga bang lahi / dito sa pinangalanang

"Malayong Silangan" / ang unang nakaalam

Na mayroon palang / puting mga dayuhang

Ang hanap ay dambóng, / hindi kalakalan?

17.

Malinaw na pananaw / ng mga dayuhan

Ang nananaig kung / sa ‘ting paglalarawan,

Sabihin nating tayo’y / nasa "Malayong Silangan."

Di tayo ang malayo, / kundi ang dayuhan!

18.

Kuwintas ng mga perlas / ang ating kapuluan

Sa pagitan ng walang / kasinlaking kalupaan

At ng pinakamalapad / na karagatang

Sa buong daigdig / ay matatagpuan.

19.

Pitong libong pulo / itong ating tahanan,

Matagal naging sagana / sa likas na kayamanan,

Mabundok, magubat, / maraming katubigan,

Labis-labis na bumuhay / sa ninirahan.

20.

Bathalang Maykapal, / tayo’y biniyayaan,

Maraming mga hayop, / kasaganahan sa halaman,

Kung kaya’t sa pagkai’y / walang kasalatan

At di nakilala / anumang kagutuman.

21.

Nagtamasa tayo / ng lupaing mataba,

Sa putik ng bulkan / pa nga nangagmula.

Sari-saring puno, / ating inaruga,

Hitik sa mga bunga, / walang pagkabalisa.

22.

Nakapaligid sa atin / gubat at kaparangan,

Sinisikatan ng araw, dinidilig ng ulan;

Samu’t saring hayop, / mga ibon at isda,

Naglipana sa mga lawa, / mga ilog at sapŕ.

23.

Sa piling ng tubig, / piniling manirahan

Ng mga pamayanan / sa buong Kapuluan,

Taga-iba’t ibang / pulo ay nag-ugnayan,

Tumawid sa mga dagat / sa pagi-pagitan.

 

24.

Ang ugnayan ng baybay / sa mga kaparangan

Ay dumaloy sa agos / ng mga kailugan;

Sa ilog naglandas / ang mga paglalakbay

Sa ilog nagmula / ang maraming ikinabuhay.

25.

Tayong taga-ilog / sa tagal ng panahon

Sa loob ng marami, / libu-libong taón,

Kung sa iba nga / noo’y ipagtanong,

Galang at paghanga / ang masasalubong.

26.

Mahuhusay nga tayo / at ubod ng sipag,

Kahit kabunduka’y / itinuring na patag

Inukit nating tunay, / ginawang hagdan-hagdan,

Sa matarik ay lumilok / ng mga palayan!

27.

Habang hiwa-hiwalay / pa ang mga kaluskos

Tungong pagsasanib / sa iisang kilos,

Ang mga Taga-ilog, / mahigpit na binuklod,

Bago makarating / sa dagat ang agos.

28.

Ganitong pagsasanib / sa sari-saring paggawâ,

Tulung-tulong humarap / sa pasanin ng kapwŕ,

Malinaw itong ugali / ng kadakilaan—

Taga-ilog ay bayani, / tayo’y nagbayanihan!

29.

Katagang bayani / ay lumitaw sa ‘ting wikŕ

Hindi lang pangngalan, / kundi isang pandiwŕ.

Kahuluga’y maglingkod / sa ‘ting pamayanan,

Nang di bayad ang hangád / kundi ang tulungán.

 

 

30.

Sa pagsasanib-sanib / natin ng lakás,

Bawa’t isa’y nag-aambag, / at walang bumabawas,

Napaibayo pa nga / ang buong kakayahán,

Sa kabuhayan man, / at maging sa tanggulan!

31.

Ganda ng kalikasan / ay ating sinaliwan

Ng ugaling mainam / ng nananahanan.

Buhay nati’y awit / ng pagmamahalan,

Paglikha, karangalan, / at pagbibigayan.

32.

Karangalan nati’y / yaman ang katugmâ,

Bawat pangungusap / ay tunay na sumpâ;

Ating nilait pa, / tunay na kahiya-hiyâ

Anumang panlalamang, /pang-uumit sa kapwŕ.

33.

Tayo’y matulungin, / mapagbigay, mapagtiwalŕ,

Matiisin sa hirap, / sa bukas, may pag-asa,

Madaling magpatawad / sa mga nagkakasalŕ,

Para sa kaisahan / ay handang magparayŕ.

34.

Tayo ay malalimang / gumagalang sa gulang,

Noog katagang iyo’y / di nangangahulugáng

Panlalamang sa kapwa, / kundi naipong kaalamáng,

Alay sa kapakanan / ng buong pamayanan.

35.

May mga nag-akalang / tayo ay mahina,

Di nababatid na / ang dahilan palâ,

Kahit di-binyagan, / ano ngang himala!

Hininga ay pagsambá, / kaytayog ng diwa!

36.

Ang mga bahagi, / ang mga bagay-bagay

Sa araw-araw, / at buong galaw ng buhay—

Kabuhayan, dasal, / sining at pagdamay,

Ay di tinatanaw / nang may paghihiwaláy.

37.

Sa daloy ng buhay, / nakalikaw ang sining—

Paggalaw, paghinga, / pagtulog, paggising,

Umawit, sumulat, / kumatha’t sumayáw,

Kailanma’y di palabas; / ang diwa’y umaapaw.

38.

Sa iba’t ibang pook, / sari-sari ang sining,

Kani-kanyang buhay / ang sinasalamin.

Batay sa kalikasan, / karanasan ng sariling

Mga pamayanang / lumikha at nag-angkin.

39.

Kahima’t iba-iba / tayo’y nabuklod ngâ

Ng pakikipamuhay / at galang sa isa’t isá.

Hindi minahalaga / ang kulay ng balát

Sa katauha’y tunay / pantay nga tayong lahát.

40.

Yaong mga taong / nakatira sa bundok

Maitim ang balát / at kulót ang buhok,

Yaong mga Igorot / at iba pang lumad

Ay may karangalan / sa tindig at lakad.

41.

Di tulad ng kalagayan / nilang lahat ngayon—

Hinhamak, inaapi, / at idinedekorasyon.

Itinataboy sila mula / sa mga lupang ninuno,

At ang diwa nila’y / patuloy na sinusugpo.

42.

Sa libu-libong taóng / malaya ang Taga-ilog,

Saating kapuluang / wala pang nananakop,

Ang kai-kaibhan / di naging dahilan

Upang sila’y magtagis / o maglaban-laban.

43.

Ganap ang taimtim / na pagpapahalaga

Na bawat salinlahi ay makakilala.

Makaunawa, at / matiyagang magpasa

Sa daloy ng kasaysayan / nilang sama-sama.

44.

Mga kaganapan, / ay ating isinatinig

Binigkas paulit-ulit / may angkop na himig.

Lumikha ng awit / at tulang pampabatid.

Tiwala’t paggalang / sa sarili ang hatid.

45.

Sari-sariling awit / at tula ang nililok

Ng mga Taga-ilog / sa mga pulo’t pook.

Halimbawa’y kay Lam-ang / ng mga Ilokano

Hud-hud ng Ifugao, / Ibalon ng Bikolano.

46.

Mayroon ding alamat / at kuwwentong bayan,

Urduja, at haring / bihag daw sa Pamitinan,

At may maiikling / dagli t tugmaan,

Salawikain, dalit, / sari-saring kasabihan.

 

 

47.

Sa maraming bahagi / ng buhay ay hinalaw

Ng mga Taga-ilog / kanilang mga sayaw,

Singkil ay sa kasal, / at pandango sa ilaw,

Ay paghatid ng liwanag / pagkalubog ng araw.

48.

May sayaw na pasalamat / ng mga biniyayaan,

May sayaw muna bago / sumulong sa digmaan

Iba pa ang sayaw / matapos magtagumpay,

Mayroon ding pamamaalam / sa mga namatay.

49.

Maging mga dinuho’y / hitik sa kahulugan,

Hindi pampuno lang / ng ispasyong walang laman,

Hindi rin nagsisilbing / palamuti lamang,

Bawat gamit, may layunin / na binabagayan.

50.

Tunay ngang sining / nila’y napakayaman,

Hindi madaling / maunawaan ng dayuhan;

Masinsin pa man nila / itong pag-aralan,

Wala rin, kung hindi / kikilalanin ang lipunan.

51.

Kahit mga bibíg / ang pangunahing nagpasa

Ng kwento, kasunduan, / kasaysayan nila,

Mga ninuno nati’y / sumulat at nagbasa

Sa kawayan, sa tansô, / ng sariling ‘alibata.’

52.

At ang mga wikang / taál sa ninunong dila ,

Ay ganap sa yaman, / sa ayos, sa ganda,

Maipagmamalaki natin / sa may ibang wika,

Kahit di man humiram / ng salitang banyagŕ.

53.

Boyet at Nene, / tayo noo’y masaya,

Damá sa araw / ang pagkakaisa,

Bagamat iisang bandila / noo’y wala pa,

Buklod sa kalooban / nati’y buháy na

54.

Ang hiwa-hiwalay pang / mga pamayanan

May mga kaluluwang / nagmamahalan,

At ang panlipunan / nating pag-uugnayan

Ay dumadaloy sa ilog, / iba pang katubigan.

55.

Kaya’t tulad ng / dapat ngang maasahan

Kahit sa iba-ibang wika / ang mga pangalan

Ng mga lalawigan / at pamayanan,

Karamiha’y mga ilog / ang pinaghanguan.

56.

Tagalog, Tausug, / Ibanag, taga-Agusan,

Sugbuhanon at Subanen, / Ilokano, Kapampangan,

Na karamihan ng bayan / ay nasa kailugan,

Mga pangalan nila’y / magkakasingkahulugan!

57.

Ang pamayana’y mag-anak, / isang kapatiran.

Mga bumubuo nito, / kung magturingán,

Wari’y nangagmula / sa iisang sinapupunan—

Ng ninunong magulang, / ng Inang Kalikasan.

58.

Katunayan, ang hibla / ng pakikipag-ugnay

Ay nakadugtong / sa naunang nangamatay

Mga ninuno’t mga apo / sa diwa’y kapit-kamay,

Mga kaapu-apuha, / atin nang hinihintay.

59.

Tahanan ng lahi / atin noong pinagyayaman;

Kaloob ng Maykapal, / pamana ng magulang,

Bumubuhay sa lahing / noon at kasalukuyan,

Nang mga darating pa’y / mayroong maaasahan.

60.

Bathala ang pagkilala / sa kanilang sinasamba,

Katagang sa kahulugan / ay malalim at masagana;

Kinilalang mahigpit / ang ugnayan sa Kanya

Lahat ng kaluluwa / naman kasi ay iisa!

61.

Katunayan ay nakayakap / ang ganitong ugnayan

Sa lahat ng kapatid, / at iba pang nilalang.

At ang pagturing sa / mahal na Kalikasan

Salamin ng Maykapal / at Kanyang luklukan.

62.

Wala mang matataas / na salitang paliwanag,

Kabilang-buhay ay / pinaniwalaan nang matatag.

Katibayan nito’y / hinding-hindi matitinag

Kahit ang Bangâng / Manunggul pa ay mabasag!

63.

Dito’y nakaugat / marahil kung bakit

Minamabigat natin / ang pagbibigay-pasakit

Sa sinumang kaluluwa; / matimbáng itong higít

Sa pasakit sa katawan, / kahit ito’y mamilipit.

64.

Mga ninuno natin / ay kilala sa kahusayan,

Kasipagan at katapatan / lalo na sa kalakalán.

Nagtiwala sa kanila / ang kabilihang dayuhan;

Walang lamangan / o dayaan sa kwentahan.

65.

Katunayan, mga kalakal / ay iniiwan lamang,

Nang walang tumatanggap, / sa dalampasigan;

Pagbalik ng maniningil, / ating naging palakad,

Laging sapat, o labis, / ang ating ibinabayad!

66.

Sa lahi natin / ang usapan ay sumpaan

At puri ay matimbang / sa ibang kayamanan.

Ang sa isa’t isa / at sa sariling paggalang,

Matingkad na karangalan / ang siyang batayán.

67.

Di pa man nagaganap / yaong pagbubuklód

Ng mga pamayanan / sa Kapuluang Taga-ilog,

Diwang mapagkaisa, / tunay ngang umabot

Sa pagkakapatiran / at kalaliman ng loób.

68.

Daloy ng iisang dugo / ang siyang batayán

Ng likas na ugnayan / ng pagkakapatiran.

Ang mga taga-ilog / ay nag-Sanduguán;

Batay sa pasya, / matimbang sa kapatiran.

69.

Ganoong tunay / na katangia’y mainam

Kaysa naman huwad / na pagsasamahan

Bago makamit / ang tunay na kahinugan

At isang pagsasanib / ay ipilit na lamang!

70.

Nangyari ang ganito, / di nga lamang agád

Nang may kakaibang dayo / dito’y napadpád;

Di naglalayong / kalakala’y maitatág,

Kundi ang patakarang / pananakop ay ipatupád.

71.

Bago nga dumating / at matuklasan natin

Mga dayuhang puti, / matatangos at balbasin,

Naparito muna’y mga / kapatid nating Muslím

Na relihiyong Islam / ang dasal at pangilin.

72.

Sarili palang lupain / ng dayuhang putî,

Mga Moro’y matagal / na nakapagharě,

At nasa puso ng una / ang may takot na kublí

Gayudin ang nasang / makapaghigantí.

73.

Doon sa dakong timog / ng kapuluan nanirahan

Yaong mga Muslim / sa sagana’t kapayapaan

May kaunlaran na / ang kanilang kakayahan

Sa maunlad na kabuhayan, / gayundin sa digmaan.

74.

Mga vintang makukulay / at ubod ng gandá,

Sa mga dagat sa timog / ay rumaragasá,

Mayroon ding kumpít / sa sa bilis ay kilala,

At ang mga Badjao, / sa dagat na tumirá.

75.

Tulad ng mga lumad / at iba pang Taga-ilog,

Mga Muslim ay taimtim / sa diwang matayog

Kanilang relihiyon, / isinabuhay at dinibdíb

Matapos yakapin / nang walang namimilit.

76.

Iyon ang naging / malaking kaibhán

Ng ninunong Muslim / sa puting dayuhan

Ang huli, sa pananakop / ang gamit na paraán

Ay Espada at Krus / na ginawang tambalan.

77.

Maraming libong taon / na namuhay nang payapŕ

Ang ating mga ninuno / bilang Lahing Dakilŕ

Kalahating milenyo / pa lang ang nagdaraán

Nang tayo’t puting dayuhan / ay magkatuklasán.

78.

Kapagdaka’y kanilang/ nasakop at napagharian

Maraming pamayanan / nitong kapuluán,

Saka pa lamang nagbago / ang angking kaasalán—

Naging asal-alipin / dahil sa kaalipinan.

79.

Dahil sa ganitong / nabuong katangian

Tayo ngayon / ay pinatutungkulan;

Wika’y "Tayong Pilipino / ay talagang ganyán!"

Dapat ngang ilinaw, / "Nagkaganyan lang!"

80.

Maikling panahon, / kung susukatin,

Mulang magsimula / ang pang-aalipin

Kung sa naunang panahon / ito’y tutuusin

Kaytagal nang litáw, / kadakilaan natin.

81.

Bakit nangyaring / ang nasok lang sa alaala

Tuwing nililingon / kasaysayang lipás na,

Ang pangyayaring / inaakalang unang-una,

Pagtuklas daw sa atin / ng mga banyagŕ?

82.

Likas ba sa ating lahě / pagiging malilimutín

O labis lang magpahalaga / sa mga nang-alipin

At libu-libong taon / kung ating tukuyin

Ay panahon lamang / bago sila dumatíng?

83.

Sa katunayan naman, / hindi natin masisisi,

Kung iisiping mabuti, / ang ating sari-sarili,

Mahabang kasaysayan / nitong Dakilang Lahě

Ay binura ng mga among / magkasunod na nagharě.

84.

Nang una’y dumating, / sinasabing nakatuklás,

Sila’y nanghimok, / nanindak ng dahás,

Ginapi naman ito / ng katutubong lakás

Higit apat na dekadang / pananakop ay napaatrás!

85.

Saan ang unang misa? / Di gaanong mahalagá.

Gayundin ang iba pang / mga detalye, mga petsa,

Ang tunay nating / karapatdapat isinasaulo—

Tapang nina Lapulapu, / bunga’y kalahating siglo.

86.

Nagbalik, nagtagumpay / ang palalong dayuhan

At ang pang-aalipin / kanilang nasimulán,

Noon nila ginamit / Espada’t Krus na tambalan,

Ang hindi mapaluhod, / pinahirapan, pinasláng.

87.

Kanilang pininsala, / nakasulat na kasaysayan;

Mapanganib daw iyon, / di nila maunawaan.

Mahahalang sulatin / sa pamahalaa’t panitikán

Sinira, sinilabán, / likha raw ng Kadiliman!

88.

Pininsala din maging / ang pabigkas na daluyan,

Simula lamang iyon / ng pagbura ng kasaysayan.

Kadakilaan ng lahi, / unti-unting nakalimutan;

Panlalait ng Europeo, / ay tumalab dahan-dahan.

89.

Bininyagan ang mga tao / pati ang kapuluán

Na kanilang kinamkam / bilang ari-arian;

At ang naisip ipangalan / ay katagang Pilipinas,

Ari-arian ni Felipe / ang haring talipandás!

90.

Ngunit ang mga tao, / ayaw tawaging Pilipino;

Para bang si Haring Felipe / pa ang maiinsulto!

At batay sa inakalang / lugar natin sa mundó,

Ating mga ninuno’y / sinawag nilang "Indio."

91.

Ang unang binansagan / bilang "Pilipino"

Ay mga Espanyoles / na isinilang dito.

Mga lahi ay naghalo / nagkaroon ng mestiso

Dahil sa tangos ng ilong / ay di na rin "Indio."

92.

Tumagal nang tumagal, / paglipas ng ilang siglo,

Inasam ng mga "Indio" / na tawaging Pilipino,

Kahit ang kahuluga’y / kay Felipeng pag-aarě,

Pangala’y minahal na rin, / inangkin bilang sarili.

93.

At ganap na natabunan, / malalim na katotohanan

Sa pagkakatulad at ugnayan / ng mga pamayanan,

Maganda sanang ipangalan / sa atin at kapuluán

Ang buháy nating dugtungan / sa daloy ng kailugán.

94.

Ang mga Taga-ilog / ay likas namang banál,

Madasalin at taimtim / sa mga bagay na spiritwál,

Ito’y sinamantala / sa relihiyong dala-dalá

Ng mga dayuhan / nang makapaghari silá.

95.

Ang dating mga lakas / ng mga datung mabikas

Sa mga pamayanan / ay ganap na nagwakás.

Paghahari’y inangkin / ng prayleng may buladas

Ukol sa tunggalian / ng Diyos at Satanás!

96.

Siya raw na alagad / ng Simbahang Romano

Ay luklok ng Maykapal / sa hawak niyang pwesto;

Palibhasa’y nag-iisa / siyang Kastila sa distrito,

Pasya niya’y tinangkilik / ng Simbahan at Estado.

97.

Kaya’t mga taga-ilog / na ’ting mga ninunň,

Pinaluhod sa kanyang setro, / inalipin sa ‘polo’

Upang buhati’t buuin / mga bató at mga troso,

Sa pagtatayo ng maraming / simbahan at kumbento.

98.

Matinding trabaho’y / pilitán at walang bayad

Ipinataw sa ‘Indio’ / bilang tungkuling panlahát,

Ito raw ay isang uri / ng singíl na buwis;

Ikukulong, ipapatapon / sa malayo ang tatalilis.

99.

Hinayaan din namang / magbayad na lamang

Ang mga nagnanais / na ‘polo’ ay maiwasan;

Bayad nga lamang / ay kailangang sapát

Kung sino’ng tatanggap, / siya rin ang susukat

.

100.

Ang siningil na bayad, / naging madalás,

Sa anyo ng palay / na lamang kinaltás.

Sapagkat magsasaka / ay palagiang dinadayŕ,

Silang nagpapalamon, / mahapdi ang sikmurŕ.

101.

Sari-saring pagdiriwang / ng ating mga ninunň

Ay binago’t inangkin / ng mga kura-paroko,

Birheng Maria’y itinanghal, / pailalim na isinanib

Sa katutubong alamat / tulad ng Mutya ng Pasig.

102.

At ang mga pistahan / ng mga ninuno natin

Ay hinatak na gawing / mga pistang pangilin.

Ngunit sa katunayan, / mayro’n silang layunin

Na hawakan ang madla, / at sa serbisyo’y singilín.

103.

Anupa’t naging mabunga / ang ganito sa bulsá

Ng mga makapangyarihang / nakasuót ng sutana.

Pag ang prayle’y kararating, / siya’y payat at maputlâ,

Dahil nga masibŕ, / pagtagal, "Prayleng Tabâ"!

104.

Mga prayle’y "laging tama" / sa ganoong palakad,

Bawat’ isa’y pinipilit / sa kanila’y maging tapát.

Ang sinumang tumututol / sa ganito’t magbubulalas,

Itinuturing na nilang / mga kampon ni Satanás.

105.

Matagal na panahong / Taga-ilog ay pinigilan

Na umangát bahagya man / ang katayuan sa lipunan.

Kaya nang maganap / na ang ‘Indio’ ay maghangád

Na sila’y maging pari, / ang sagot ay "Di dapat!"

 

106.

Anang isang prayleng / may ilong na matangos,

Pagpapari ng ‘Indio’ / ay pagtakas sa hikahós.

Bunga lang daw ng inggit / sa mga pribilehiyo

Na laging tinatamasa / ng mga paring Europeo:

107.

Tumatanggap ng alay, / at pinagsisilbihan,

Sa mahahalagang okasyon, / laging inaanyayahan;

Hinahagkan sa kamay, / at laging binubusóg,

Sukli raw sa sakripisyong / pumarito’t maglingkód.

108.

Di raw tulad ng ‘indiong’ / dati nang nakaluhód,

Wala raw nababatid / at bagay lang sa pagyukód.

At ito raw Kapuluan / ng mga Taga-ilog

Sa mga nanakop / ay walang maihandóg!

109.

Ngunit dumaming mabilis / ang mga parokya

At kapos sa mga paring / gagawing mga kura

Kaya’t mga mestiso, / pati na ang ilang ‘Indio,’

Ay tinanggap bilang pari / matapos magseminaryo.

110.

Bagama’t nagkaroon nga / ng mga pari mula rito,

Minaliit pa rin sila / ng mga paring Europeo.

Mahalagang mga parokya, / ay lahatang inangkín

Ng iba’t ibang orden / na ‘relihiyoso’ kung tawagin.

111.

Samantala’y mga sentro / lamang ng mga pueblo

Ang tunay na nahawakan / ng simbaha’t gobyerno.

Kalooban ng karamihan / ng mga Taga-ilog

Sa kanilang mga kamay / ay di lubos na nahulog.

112.

Malalawak na lupain, / basta na lang kinamkám

Nang wala ni pasintabi / sa mga naninirahan.

Pagkatapos, inihandog / ng hari ng Espanya

Sa mga taong kabalát / na malakás sa kanyá.

113.

‘Encomienda’ ang tawag / sa ganong lupaín,

Sa ani ng magsasaka’y / ginawang kaltasín:

Kaban-kabang palay, / mga hayop at gulay,

Sa sari-saring batás, / sapilitang inagaw.

114.

Pati kaugalian / ng mga Taongbayan,

Basta-basta na lamang / silang pinagbawalan.

Nilait at binintangang / sa gobyerno’y lumalaban

O sa kataas-taasang prayle / ay lumalapastangan.

115.

Sa nagkasala’t binintangan, / parusa’y malupít,

Kung sangkot ang prayle, / ito’y sukdol ng bagsík,

May pinapatay o kaya’y / nilalatigo, ‘kinukulóng,

Sa malalayong pook, marami ang ipinapatapon.

116.

Sa paghahari ng Espanya, / sa tagal ng panahon,

Magiting nating mga ninuno’y / may sari-saring tugón.

Di sila nagpaakop — / may lumaba’t namundók,

Mayro’n namang nagkunwari / at hindi naarók.

117.

Maraming pag-aalsa / ang naganap sa kapuluan,

Ang mga magbubukid / ay magiting na lumaban.

Iba’t iba ang namuno / at titis na nagpaliyáb

Ngunit lahat ay nabatay / sa sikmurang humihiláb.

118.

Ang kagutumang ito / ng mga magsasaká

Ay sa gitna ng kalagayang / may aning sagana.

Mga Taga-ilog / na may talino’t dangál,

Ninanakawan, inaalipin / ng dayuhang hangál.

119.

May kadalasan din naman / na namatay ang taniman,

Nang hakutin ng ‘polo’ / ang mga maglilinang.

O sa pag-iwas sa parusa / ay kanilang iniwanan,

Mga kaanak at lupa / na pinag-ugatán.

120.

Silang mga nahugot / ang ugat sa tinubuan,

Ang laging kapiling / ay matinding kalungkutan.

Magkaminsan pa’y humahabol ang balita

Na sa isang minamahal / ay may nangyaring masamâ!

121.

Sari-saring sakit, / walang lunas at papalubhâ,

Lumaganap sa kabayanan, epidemyang malalâ.

Panggagamot ng babaylan / na dating naaasahan,

Ipinag-utos ng mga prayle / dapat daw na iwasan.

122.

Ipinagbawal ang mga lunas / na sa kanila’y epektibo,

Ipinalit ang pagluhód / sa rebulto ng mga santo.

Nobena’t rosaryo, / at ang "agua bendita,"

Bawat wisik nito / ay may singil na kwalta.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

123.

At kung pumapanaw / ang maysakit sa paglubhŕ,

Tatlong klase ng burol, / tatlong lakí ng kubra,

Sa katangiang taglay noon / ng Simbahan dito,

Ang bumangga sa pari / ay bawal sa sementeryo.

124.

Sa kaluluwang banal / ng ganitong yumao,

Malupit na ipinataw / ang pang-iinsulto,

Malayo sa tunay / na ugaling Taga-ilog,

Na sa mga yumao’y / nagtutuloy ang pag-irog.

125.

Dumami ang biktimang / ganito nangamatáy,

At gayundin yaong / sa bundok na namuhay.

Ang mga Taga-ilog / na may dangal at baít,

Naging mga bihag, / mga takas at yagít.

126.

Ang dating kapanatagan / ng mga pamayanan

Ay nangyaring halinhan / ng matinding agam-agam,

Ng mga pagtatangisan / at pagtatagu-tagň.

Sa kawalang-katarungan / ay dumanak ang dugô.

127.

Sa buong kapuluan, / pag-aalsa’y magsumikláb

Sa pamumuno nina / Dagohoy at Kudarát,

Maniago at Sumuroy, / Palaris at mga Siláng,

Tamblot at Salamat, / Malong at Bangkáw.

128.

Namuno si Dagohoy / sa Bohol sa Kabisayaan,

Walumpu’t limang taong / mayroong kalayaan,

Matapos magapi roon / paghahari ng dayuhan

Na patuloy na nanaig / sa kalakhan ng kapuluan.

129.

Pag-aalsang Ilokanong / may kasamang Tingguian,

Isang mag-asawa / sa pamumuno’y nagdugtungan,

Ang una ay si Diego / at isa pa’y Gabriela Silang

Na sagisag at huwaran / ng babaeng matatapang!

130.

Sang banal na "Indio" / sa pagpapari’y tinanggihán

At nagtatag na lamang / ng isang kapatiran

Cofradiang binuo niya / ay malawak at tunay,

Hindi pangkatin lamang / ng may-kaya sa buhay.

131.

Dahil tapat sa Simbahan, / pinagsumikapan ni Pulę

Na ipataláng maayos / ang Kapatirang San José,

Ang kura paroko nga mismo, / sa kanila’y nagmimisa,

Binabayaran naman ng / ambag-ambag na halagá.

132.

Muli nilang binuhay / diwa ng pagkakapatiran,

Na pinadaloy sa ugnayan / ng malaong nagdaán.

Diwa ng mga ninuno, / muling umagos sa buhay—

Nadama nilang lahat, / pagmamahalang tunay.

133.

Kaya’t kahit maralita, / kasapian ng Cofradia,

Kusa ang pag-aambag / sa napalaking halagá,

Higit pa sa ibinubutaw / sa "inang simbahan"

Ng puro naman banyaga / at mga mayayaman.

134,

Maayos na kalagayan / sa ganitong kagandahan

Ay pilit na winasak / ng may-kapangyarihan.

Sila’y may katanungang /walang sagot na katapát—

Bakit puro maralita, / at bakit lumalawak?

135.

Sa matinding hinala / lubos na ibinatay

Ang sa Cofradia’y / madugong pagsalakay,

Daan-daang buhay / ang sabayang inutás

Nang lusubin at magtanggol / ang bayang Tayabas.

136.

Ang katawan ni Pule, / ay pinaghati-hatě,

Bumaha ang dugô / ng sa Cofradia’y kasapě,

Karumal-dumal din, / at malagim ang parusa,

Sa pinuno’t mga kaanib / ng iba pang pag-aalsá.

137.

Ganap na nga sanang / nagapi at napalayas

Ang mga Espanyol / sa tinatawag na Pilipinas,

Kung nagawa lang sana / ng mga nangag-alsá

Ang magsanib-lakas, / magbuklod, magkaisá.

138.

Ngunit sa panahon / ng mga pag-aalsang iyón,

Nagawa na ang pinsala / ng paghaharing Espanyól.

Sa malusog na ugnayan / ng mga pamayanan,

"Hati-hatiin at Pagharian!" / ang imbing patakaran!

139.

Kahit maharlika, / kung matagal na maalipin,

Ay masisira ang asal / at karangalang angkín;

At may bagong mga ugali / na dito’y lumaganap—

Pagtataksil sa kapatid, / panlalamang. pagpapanggáp.

140.

Ay! Anong layo nito / sa asal ng Taga-ilog

Nangsa paghaharing dayhuhan / ay di pa nahuhubóg!

Pagtungo sa pagkabansa, / sa likas na pagkahinóg

Sayang at inabutan / at napigil ng pananakop!

141.

Sa ganitong kalagayan, / yaong lahing Taga-ilog

Ay napaglaban-laban, / sa panghahati’y nahulog,

Ito ang ibinunga / ng patakarang kolonyál—

Sa sariling kapatid / si Cain ay may punyál.

142.

Ang puting mga dayuhan / sa rangyâ ay sagana,

Maraming kayumanggi / ang nakaisip na manggaya.

Ang dating ugaling / magsikap at magsipág,

Nilahian ng dayuhang / pag-uugaling tamád.

143.

Nang bumaba ang asal / ng mga tagarito,

Sa isa’t isa’y hindi na / makapagbigay ng respeto.

Sa mapag-ugnay na mga agos, / mga ilog ay patuloy,

Ngunit kawing ng pagkakaisa’y / nabarhan sa pagdaloy.

144.

Mabilis na lumipas / ang daan-daang taón

Naging lalong mahirap / ang pagtugon sa hamon:

Taga-ilog ay ibalik / sa landas ng pagkakaisa,

Tungong pagkahinóg / nilang isang bansâ.

145.

Pagkakaisa’y matinding / napipinsala na

Nang maganap at mabigô / ang mga pag-aalsá,

Kaya’t walang dahilang / pagbuntunan ng sisi

Mga namuno’t nagsulong— / sila’y mga bayaně!

146.

Ngunit ngayo’y mahalaga / na ating maunawaan

Na paglaban sa Kastila / ay di ang lantad lamang.

Sa maraming pook / mga "Lupang Tagalog,"

Ang nananahanan / ay hindi napahinuhod.

147.

Angking katalinuhan, / natutunang abilidád,

Ay ginamit sa dayuhan / sa paraang di-lantád;

Kaya’t habang inaakala / ng gobyerno’y sakop niya,

Ang mga lupaing ito’y / nananatili palang malaya.

148.

Kaaway ay dinayŕ / sa pamamagitan

Ng magaling na / pagkukunwari lamang

Na mga patakaran / ng dayuha’y tinutupád,

Kaipala’y mga ulat / ay pawang mga huwád.

149.

Mayroong mga asyendang / sa mga dokumento

Ay nagawa nilang / kumpleting-kumpleto.

Akala ng dayuhan, / kanyang nakamkam

Malaking parte ng ani, / pala’y katitíng lang!

150.

Maraming kaugalian / sa pananampalataya

Ang naipagpatuloy / nang hindi halatâ

Ihinalo lang pala / sa ritwales na abrobado,

Ineengganyo pa nga / ng mga kura-paroko.

151.

Mga rebulto ng santó / ay ating dinasalán,

Nang sa buhay ng mga ito’y / wala tayong alám.

Ginawa pala nating / sagisag lang ang mga iyon

Ng tunay nating iniisip, na sariling mga poon.

152.

Yaong mga lupang / akala lamang napagharian

Ng palalong dayuhan, / Europeong gahaman,

Yaong mga lupain / na tunay na nasakop

Ay nanatiling malaya, / di man lamang napasok.

153.

Samantala, sa mga gubat / ang mga katutubň

Na unang naitaboy / ng taga-patag nating ninunň,

Ay di rin ganáp na / napagharian ng dayuhan,

Sila rin ay nanatili / sa buháy na kalayaan.

154.

At sa pangalawang / pinakamalaking pulô,

Paghaharing Espanyol / ay di rin nakaupô.

Buwan ng Islam / at Kris ng pakikibaka

Ang ’tinapat ng Mindanaw, / sa Krus at Epada.

155.

Samantala naman, / sa loob ng Simbahan,

Patuloy na tumindi / yaong mga hidwaan

Sa pagitan ng mga / paring kayumanggi

At yaon namang mga paring / dayuhan at putî.

156.

Si Padre Pelaez, / at si Padre Burgos,

Ay mga paring Pilipino / na syang nagbuhos

Ng matinding sipag / at pagpupunyagî

Upang paring katutubo’y / maalis sa pagkaduhagě.

157.

Kilusang Pilipinisasyon / ay kanilang isinulong,

Nang kabalát na pari’y / di na lang maging katulong.

Iginiit ang sekularisasyon / sa parokya ng mga prayle,

Nang gumawa ng paraan, / isinagot ay garote.

158.

Itong si Padre Burgos / at dal’wa pang saserdote

Ang idiniing may-utos / ng pag-aalsa sa Cavite.

Sa Luneta iginawad / ang parusang kamatayan,

Sa kabila naman nito’y / lumakas pa ang kilusán!

159.

Pagkalat ng balita’y / mabilis, masilakbô,

Tunggalian ng puti / at kayuanggi’y natantô.

Kahit di pa nabubuo / ang iisang kabansaan,

Paninindiga’y nagliyáb— / Palayasin ang dayuhan!

160.

Alaala ng mga martir / na nakilalang Gom-Bur-Za,

Tumalab sa kamalayan / ng sumunod na dekada.

Nang ating mga ninuno’y / magkaroon ng kakayahan

Upang mga anak nila / ay mangibang-bayan.

161.

Ilampung kabataan / mulang mga lalawigan

Ay pinapag-aral / sa mga pamantasan

Na nasa Europa, / lalupa sa Espanya,

May pagkakataó’t misyón / na nakaharap sila.

162.

Inako nilang gawain / ay bigyang-patunay

Na ating lahi, / sa Espanyol ay kapantáy.

Kung pag-uusapa’y / kakayahan sa kaisipan,

Ganap ang kaalaman / sa maayos na kabihasnan.

163.

Sa kanilang ipinamalas / ay marami ang nagulat,

Pagtampok ng kakayahan / ay di naging mahirap,

Katunayan ay marami / ang humanga sa kanila,

Ngunit di rin nakamit / ang inasahang bunga.

164.

Pagsisikap nila / sa Europa’y nakilala,

Paglaon ay tinawag / na Kilusang Propaganda.

Matalas na manunulat, / maanghang na oradór,

May iba’t ibang galíng / pati na ang sa pintór.

165.

Tumampok noon, / mga pangalan nilá—

Rizal, Plaridel, / Lopez-Jaena’t mga Luna

Walang kapaguran / silang nagtaguyod,

Sa pag-aangat ng bayan / sila’y naglingkod.

166.

Mga talumpati / nila’y pinakinggan,

Mga pinta nila’y / enggrandeng prinemyuhan,

Kanilang mga artikulo / ay nasa pahayagan,

Ang La Solidaridad / na sarili’y kabilang.

167.

Mangyari pa nga, / may dalawang nobela

Na ibayong nagpaapoy / ng makabayang diwa,

Ang sumulat nito’y / si Rizal na laong-laan.

Handang maglingkod, / hanggang kamatayan.

168.

Pagkakapantay-pantay / ang mithiing ihinaráp

Ng Kilusang Propaganda / sa pamamahayag.

Papayag raw ang Piipino / na manatiling sakóp

Ng Epanya, basta't / wala nang pambubusabos.

169.

Inilantad ng Propaganda / ang mga pang-aabuso,

Ng mga prayleng malakas, / lalupa’t kura-paroko.

Kung wala raw mga repormang / dito’y susugpô,

Ay di na maiisawan / ang pagdanak ng dugô.

170.

Matinding nagtanggol / ng sarili ang mga prayle,

Na siyang pinunterya / ng matatalim na atake.

Kung wala raw sila rito, / kolonyal na gobyerno.

Bagsak agad, piho, / sa mga "indio filibustero."

171.

Lipunan ng Espanya / sa pamamahayag ay malaya,

Ngunit di naman ganap / na nagbigay ng halimbawa

Sa pagbibigay-daan / sa mga kahilingan

Na magreporma sa palakad /dito sa Kapuluán.

172.

Ang mga pahayag / ng Propaganda, gayunman,

Ay umabot, lumaganap, / sa mga kababayan

Kaya’t paglipas pa / ng maraming taon,

Paglaban ay inuwi, / at dito na itinuón.

173.

Kahit mapanganib, / si Rizal ay umuwî

Sa lupang tinubuan / upang dito magpunyagî

Nakita niyang kailangan / ang malawak na samahan

Na bibigkis sa ilustrado / sa buong kapuluán .

174.

Sa kanyang pananaw / mabilis na malilináng

Bukluran ng mga dati nang / nagkakaugayan.

Laluna sa mga bagay / na mauunawaan

Ng mga magkakakilala / sa pagkakakalakalan.

175.

Binuo niyang samahang / La Liga Filipina

Ay ginawa niyang lantad / at maka-reporma.

Sa kanyang pagtatantiya / ito ay hahayaan

Ng gobyernong kolonyal / na di naman lalabanan.

176.

Ito naman pala’y / malaking kamalian,

Sumalakay agad / ang may-kapangyarihan

Mga pinuno ng samahan / ay binihag, ikinulong,

At nagtayong Rizal, / sa Dapita'y itinapon.

177.

Matagal na panahong / si Rizal ang tampok

Na pinuno ng kilusan / at ito ay rumurok

Sa pagtatatag ng Liga / na kaagad napugutan,

May bagong mga pinunong / sumaló sa naiwan.

178.

Ang nabanggit na Liga’y / may kasaping tinanggáp

Na may ugat sa hanay / ng mga mahihirap

Andres Bonifacio / ang kanyang pangalan,

Nang Liga’y mapugutan, / nagtayo ng Katipunan.

 

Tuloy po sa Ikalawang Hati (Mga Saknong Blg. 179-350

 

—Ding Reyes

1997

[1,400 taludtód sa 350 saknóng]