Kabanata 1

Kilalanin at Yakapin

ang Kartilya 

ng Katipunan!  

Ed Aurelio C. Reyes

NAKALARAWAN ang isang may-kakapalang aklat na kasama ng rebulto ng isang sumisigaw na Katipunero (madalas na ipinagpapalagay na si Andres Bonifacio ito) sa likod ng lumang-luma nating bente pesos na ang mga bayani namang nakalarawan sa harap ay sina Bonifacio at Emilio Jacinto.

Ang nakaimprentang pamagat sa larawan ng aklat ay “KARTILYA ng Katipunan.”  Nitong huli,  partikular nitong 1992, dalawang bagay ang mali sa nasabing paglalarawan na natuklasan ko at ng mga ka-samahan ko sa Kamalaysayan.

 

Una, ang “KARTILYA” pala ay isang katawagan o palayaw lamang at tunay na pamagat pala nito ay Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito. 

Pangalawa, at ito pala ay hindi talaga isang aklat, kundi isang napakanipis na polyeto lamang na may pipitong pahina. Ang kaalaman ay tiyakan ngayong makukuha ng mga kopya ng alkat na hawak mo ngayon (Kartilya Ngayon), dahil ipinasok namin sa bawat kopya nito ang replika ng isang sipi ng orihinal na Kartilya.  Ang larawan ng unang pahina nito ay ipinakalat ng National Historical Institute noon 1992, sa kagandahang loob ng mananaliksik at koilektor sa kasaysayan na si Emmanuel Encarnacion.

Hayaan n’yo po akong idagdag ang ilang komentaryo ukol sa pananatili ng larawang ito ng Kartilya’t Katipunero sa ating salapi hanggang nitong nagdaang ilang taon. Sa huling bersyon ng sampung pisong papel, sa harap ay isiniksik ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mukha ni Andres Bonifacio sa tabi ng mukha ni Apolinario Mabini. (Ganito rin ang ayos ng kanilang mga mukha sa bagong ten-peso coin.na siya na ngayong mas marami sa sirkulasyon.)  Sa likod ay pilit na ring pinagtabi ang paglalarawan ng Kartilya (na mukha ngang may-kakapalang aklat at mali nga ang pamagat) sa  paglalarawan naman ng “Verdadero Decalogo” ni Mabini.

Nasaan  naman ang bagong pagkakamali?  Sa lohika ng mga pagtatambalan ay ipinahihiwatig na ang Kartilya ay inakda ni Bonifacio (na sa katotohana’y may sarili ring “Dekalogo”), samantalang sa totoo’y inakda ito ni Emilio Jacinto, na tuluyan nang inalis sa ating pananalapi!  At ang  paglalarawang pinanatili sa pera ay iyon pa ring napilitang halawin sa imahinasyon at din a iwinasto ayon sa naisapubliko nang totoong pamagat at totoong nipis ng Kartilya.

Sabagay, ang pinakamahalaga naman ukol sa Kartilya ay ang nilalaman nito.  At kakaunting-kakaunti pa lamang ang mga Pilipinong nakakaalam kahit sa buod man lamang ng mga nikakaman nito.

Pinagmulan ng Sipi ng Dokumento

Mahalagang katanungan sa siyensya ng pag-aaral sa kasaysayan (ang tawag dito’y ‘Historiography’) ang isapin ng provenance (o pinagmulan) ng mga dokumentong pinagbabatayan ng mga pagsusuri at deklarasyon.

Ang pinagkopyahang sipi ng Kartilya ay ang dating nasa pag-iingat ng historyador at National Library Director na si Epifanio de los Santos. Ipinasa-pasa iyon at napasakamay ng isang serye ng mga nag-ingat. Una, iningatan iyon ng kanyang anak na si Jose P. Santos, at pagkatapos ay napasakamay ni Teresa Pangan, at pagkatapos at naging bahagi ng pribadong koleksyon ni Virginia de Asis, at noong 1992 ay nabili it okay De Asis, sa halagang ilang milyong piso, ni Emmanuel Encarnacion, na isa sa mga direktor ng lupong pormal na nagtatag (founding incorporators) ng Kamalaysayan, Inc. noong taon ding iyon.  Nasa pag-iingat pa rin hanggang sa ngayon ni Encarnacion ang napakahalagang dokumentong ito ng ating kasaysayan.

Bago nabili ni Encarnacion ang kopyang iyon ng “Kartilya,” hindi pinayagang makunan iyon ng litrato o makopya man lamang ang nilalaman. Kaya’t sa halos isang siglong nagdaan ay nagkasya ang mga historyador sa pagkakalam na una nang nakamit ukol sa listahan ng mga aral na nakapaloob dito.

Kaya nga ang mga dibuhista ng Central Bank of the Philippines ay naobligang ipagpalagay na iyon nga ay isang may-kakapalang aklat na ang pamagat ay “KARTILYA ng Katipunan.” 

May mahalaga ring impormasyong nakapaloob sa isang talababa (footnote) ukol sa pakahulugan ng Katipunan sa katagang “Tagalog.” Dahil dito, hindi nalaman ni Gregorio F. Zaide ang nasabing impormasyon, na kapag ginamit pala ng Katipunan ang salitang “tagalog,” ang pinapakahulugang “katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, Bisaya man, iloko man, kapangpangan man, etc., at Tagalog din.” 

Bago nabili ni Encarnacion ang kopyang iyon ng “Kartilya,” hindi pinayagang makunan iyon ng litrato o makopya man lamang ang nilalaman. Kaya’t sa halos isang siglong nagdaan ay nagkasya ang mga historyador sa pagkakalam na una nang nakamit ukol sa listahan ng mga aral na nakapaloob dito.

Kaya nga ang mga dibuhista ng Central Bank of the Philippines ay naobligang ipagpalagay na iyon nga ay isang may-kakapalang aklat na ang pamagat ay “KARTILYA ng Katipunan.” 

May mahalaga ring impormasyong nakapaloob sa isang talababa (footnote) ukol sa pakahulugan ng Katipunan sa katagang “Tagalog.” Dahil dito, hindi nalaman ni Gregorio F. Zaide ang nasabing impormasyon, na kapag ginamit pala ng Katipunan ang salitang “tagalog,” ang pinapakahulugang “katutura’y ang lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, Bisaya man, iloko man, kapangpangan man, etc., at Tagalog din.” 

 

Kaya’t habang kinikilala sa aklat pangkasaysayan ni G. Zaide na nagtatag nga si Bonifacio ng isang pamahalaan noong Agosto 1896, mas maaga nang kalahating taon na siya’y unang naging pangulo bago naganap ang Kumbensyon sa Tejeros, dahil ang nasa  ginamit na pangalan ng itinatag na pamahalaan ang katagang “Katagalugan,” at inakala tuloy ni Zaide na iyo’y pamahalaang may panrehiyong saklaw lamang.

May mga presentasyon naman ng mga aral ng Kartilya sa ilang mga aklat na pangkasaysayan na inaalis na lamang ang ika-14 na aral sa pag-aakalang iyon ay pansara lamang ng listahan, at hindi nila nakita (hindi nakita ng mga nagsulat at mga nagsalin, tulad ni Gregorio Nieva na pinagbatayan ng mga isinama sa aklat ni Teodoro A. Agoncilio ukol kay Bonifacio at Jacinto) ang kasunod na talata sa orihinal na siya pala talagang itinakdang pansara ng listahan.

Narito, sa orihinal na Tagalog, ang ika-14 na aral na sa ilang presentasyon ay hindi isinama dahil napagkamalang pansara lamang ng enumerasyón:

“Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaabaabang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi’t magkakapatid ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagud, at mga tiniis na kahirapa’y labis nang natumbasan.”

Narito naman ang talatang sumusunod sa talatang iyon:

“Kung lahat ng ito’y mataruk na ng nagiibig pumasuk at inaakala niyang matutupad ang mga tutungkulin, maitatala ang kaniyang ninanasa sa kasunod nito.”

(ang tinutukoy na “kasunod nito” ay ang ang applikasyon sa pagsapi sa Katipunan.)

 At karamihan sa ating mga nakarinig o nakabasa sa aklat na mayroon ngang “Kartilya” ang Katipunan na isinulat ni Emilio Jacinto ay halos lubusang napagkaitan ng kaalaman sa nilalaman nito. 

Laging walang badyet ang pamahalaan para gugulin sa pagbili nito at ng iba pang mahahalagang dokumentong pangkasaysayan na nasa kamay ngayon ng mga pribadong kolektor. Napakarami kasing ibang bagay ang mas pinahahalagahan ng mga mambabatas, ngunit mabuti na lamang at ang isa ring pribadong kolektor na may sapat na pambili ay nagtataglay ng diwang itinataguyod noon pa ng Kamalaysayan, na kumikilalang ang ganoong impormasyon ay nararapat ibahagi sa buong Sambayanan. 

Ang unang ginawa ni Encarnacion nang maiuwi ito ay ang tumelepono sa National Historical Institute at iminungkahi sa huli na magpadala ng litratista sa kanyang bahay sa Mandaluyong City upang makunan agad ng larawan ang bawat orihinal na pahina ng  Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito.

Di natapos ang isang buong linggo at nagawa nang eksibit ng NHI ang malalaking larawan ng mga pahina ng Kartiya ng Katipunan at naipakilala na ito nang buung-buo sa talagang pinamanahan ng kayamanang ito mula sa ating kasaysayan—ang Sambayanang Pilipino. 

Sumunod dito, nailathala na sa maraming pahayagan, magasin, at aklat ang kabuuang nilalaman ng Kartilya at ang kabuuang anyo at nilalaman ng unang pahina nito, kasama ang tunay na pamagat ng dokumento, at kasama rin ang talababa na nagbibigay ng mahalagang paglilinaw ukol sa paggamit ng Katipunan sa katagang “Tagalog.”

Pagkilala sa Kartilya: Basahin, Pakinggan!

Kahit pipito ang pahina ng Kartilya ng Katipunan, napakayaman ng nilalaman nito. Ang unang naidudulot ng pagbasa lamang ng mga aral na ito ay ang pagtuklas natin na taliwas sa dating pagkakakilala natin sa Katipunang itinayo nina Bonifacio, ito pala ay isang kapatirang spirituwal at mapagkaisa.  Pinatampok ng Kamalaysayan ang ganitong realisasyon sa katotohanan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng isang presentasyon ng Kartilya na nagsisimula sa isang mapaghamong tanong:

“KILALA BA NATIN ANG KABUUANG KADAKILAAN NG KATIPUNAN? O ang alam lang natin ay ang galit at tapang nito?”

 

Kalakip ng tanong na ito ang isang larawan mula sa pinta ng National Artist na si Carlos ‘Botong’ Fransisco, na nagpapakita sa bagsik ng Katipunan, tampok ang nanlilisik na mga mata at kabuuang expression sa mukha rito ni Gat Andres Bonifacio.  Bagamat tumpak ang paglalarawan at mayroon naman talagang batayan upang magalit nang husto at maging matapang at marahas ang Katipunan sa pakikipaglaban sa mga kolonyalistang Espanyol, hindi naman galit lamang at tapang ang kabuuan na ng kadakilaan ng Katipunan.

Kasunod ng mapaghamong tanong ang sumusunod:

“Kapag naririnig ba natin ang katagang “Katipunero” ay puro itak at dugo ang pumapasok sa ating isipan? Kung nagugunita ba natin ang sigaw “Sugod, mga Kapatid!” ay unang kataga lamang nito ang ating napapansin?  Kung gayon, sa 14 na Mga Aral ng Katipunan na nasa Kartilya na isinulat ni Emilio Jacinto, ipagpapalagay siguro natin na ang karamihan sa mga punto nito ay nauukol sa kahandaang mamatay at pumatay para sa Inang Bayan.  Gaano kaya kalapit sa katotohanan ang ganitong pagpapalagay?  Isa-isahin nating basahin ang 14 na aral, at bilangin kung may makabuluhan naman kayang bilang ng mga nauukol sa pagiging marangal at mapagkapatid. Tingnan na rin natin kung may mga aral bang karapat-dapat nating isabuhay at ipalaganap sa ating mga kapatid na Pilipino sa kasalukuyan.”

Ang tanong at ang ganitong panawagan ay ipinambungad namin bilang unang pahina sa isang aapat na pahinang polyeto, isang pirasong papel na sinlaki ng maikling bond paper na nakatiklop nang minsan, at nasa kabilang mukha (pahina 2 at pahina 3) nakahanay ang 14 na “MGA ARAL NG KATIPUNAN SA KARTILYA” at naroon din ang reproduksyon ng mas mataas na hati ng unang pahina ng orihinal).

Nasa huling pahina naman ang isang maikling panata sa pagsasabuhay at pagpapalaganap sa diwa ng Katipunan, “ayon sa punto o mga puntong naibigan ko sa mga mga aral na nakahanay sa Kartilya ng Katipunan.” Ilampung libo ang ginawa at inilabas na mga kopya ng polyetong ito, na ginastahan ng indibidwal na mga kasapi ng Kamalaysayan at sa pakikipagtulungan ng mga katambal na tulad ng Pidrophil Corporation (gumagawa at namamahagi ng Pidro t-shirts); National Secretariat for Social Action (ng Catholic Bishops Conference of the Philippines) at National Federation of Women’s Clubs of the Philippines. 

Naglabas din ang Kamalaysayan ng mga bersyon ng mga aral ng Kartilya sa English, Cebuano, Ilocano at Ilonggo. 

Dahil ang marami sa mga nakakaunawa sa wikang pambansang Filipino, na nakabatay sa wikang Tagalog, ay di rin pamilyar sa pananagalog ng sulating Katipunero, gaya na nga ng Kartilya ng Katipunan na na isinulat ni Jacinto, gumawa ng paraan ang Kamalaysayan na ang polyetong nabanggit ay magtaglay pa ng mga pantulong.

Halimbawa, ang mga katagang “pagpipita sa sarili” ay sinundan agad ng paliwanag na nasa panaklong: “Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa satili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.”  Gayumpaman, may nakabasa pa rin nito na pagkatapos ay naggigiit na di raw nila maintindihan ang Kartilya dahil di nila maintindihan ang “malalaim na Tagalog” tulad raw ng “pagpipita sa sarili” na tiniyak naming lakipan ng paliwanag. Malamáng na ang ganoong komentaryo ay isang pagdadahilan lamang at di lamang talaga handa sa pagharap sa ganitong mga seryosong bagay mula sa kabangyaman ng ating kasaysayan.

Ang mga pagsisikap ng Kamalaysayan na malawakang ipakilala ang nilalaman ng Kartilya ng Katipunan sa ating mga kababayan ay isang malaking tagumpay, maliban na lamang sa mga kababayan nating may pauna nang pagtanggi at idinadahilan ang “malalim na Tagalog” kahit naigawa na nga namin ng kalakip na mga paliwanag at mga salin sa English, Ilokano, Cebuano at Ilonggo. (Sabi nga, kung gusto talaga at marami ang maiisip na paraan; kung ayaw naman o walang gana ay marami ang maidadahilan.)

Karamihan naman ng nakakakilala sa mga Aral ng Kartilya sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay namang nalulugod sa mga ito. Lalo pa’t kasabay ang masayang pagtuklas sa pagdidiin nito sa karangalan, sa kagandahang-asal at sa pagkakapatiran na itinuturo sa mga kaanib ng Katipunan at pinagsusumikapan namang tuluy-tuloy at ganap na maisabuhay ng mga ito.

Ang ginagawang pagpapakilala ng Kamalaysayan sa mga aral ng Kartilya ay sadyang itinuon sa paglalapat sa sari-sariling buhay, at hindi sa kaparaanang intelektuwal lamang na paglelektura.  Ito ay batay sa paniniwala ng Kamalaysayan na ang esensya ng dokumentong ito ay pagsasaloob, ang kausap ni Jacinto sa pagsusulat nito ay ang mga sasapi pa lamang at mga sumapi na sa Katipunan, at nararapat lamang na isabuhay nila ang mga aral upang walang-tigil na maisagawa ang buháy na pagdadalisay ng sariling kalooban. 

Sa ibang kaparaanan na isinagawa ng Kamalaysayan ang pagbibigay ng mga impormasyong mahalaga para sa mga intelektuwal na pag-aaral na bagama’t mahalaga rin naman ay hindi dapat hayaang magpalabnaw sa paninindigang isabuhay ang mga aral ng Katipunan. 

Ang mga lumalahok sa idinisensyo naming seremonya ukol sa Kartilya ay hinihiling na sabihin ang batayan ng sariling pagpili at personal na pagsasabuhay sa mga aral ng Kartilya, sa halip na ang ibahagi ay mga teorya at opinyong ipatataggap sa lahat ng nakikinig.  Sa pag-uugnay ng aral ng Kartilya sa sarili niyang personal na buhay at mga katangian, ang tunay na kausap ng bawat isa ay ang sarili niya, at ang ibang nakikinig ay mga saksi lamang sa pangangako niya sa sarili at sa ating mga ninunong bayani na isasabuhay niya ang diwa ng Katipunan.

Sa gayo’y walang lugar sa loob ng mga seremonya ukol sa Kartilya ang mga debateng intelektwal o kahit na ang mahahabang lektura.  Mahalaga rin naman ang mga gawaing ganoon, ngunit di namin minamarapat na isabay sa mga paglalapat ng Kartilya sa sari-sariling buhay upang mapanatili ang buong pansin sa huli sa halip na malunod sa impormasyon at teorya at mapalabnaw tuloy ang personal na panatang isasabuhay niya ang mga aral ng Kartilya.

Bagamat may laya ang bawat Pilipino na magdisenyo’t magdaos ng mga seremonya at gawain ukol sa Kartilya, mahigpit naming iminumungkahi na sa ganitong pagdidisenyo at mga pagdaraos ay bigyan ng pangunahing pagpapahalaga ang paglalapat ng Kartilya sa ating pang-araw-araw na buhay at pagdadalisay ng diwa at kalooban.  Hindi sapat na alam lamang natin at ng ating mga kababayan ang mga aral ng Kartilya; ang lalong  mahalaga upang maging makabuluhan sa kasalukuyan ang mga aral na ito ay makasanayan ang pagsasabuhay.

Sa iisang oras o kahit kakalahating oras na pagbabasa lamang ay malalaman mo na ang laman ng Kartilya ng Katipunan at maaari mo na ngang ibahagi ang impormasyong ito sa iba.  Ngunit di-hamak na mas mahabang panahon at mas matinding pagsisikap ang kailangang gugulin ninuman upang totohanan niyang makasanayan ang pagsasabuhay sa mga aral nito. Ang kailangan dito ay paulit-ulit na matamang pagbabasa at malalim na repleksyon, o pagmumuni-muni ukol sa sariling buhay.

Batayan ng Laman ng Kartilya

Malalim ang mga ugat ng nilalaman ng Kartilya ng Katipunan sa kabangyaman ng diwa at kamalayan ng dakilang lahing Taga-ilog (mga mamamayan ng Sangkapuluang Katagalugan na tinatawag ngayong Pilipinas.

May mga taong nagmamaliit sa kalidad ng pilosopiyang nakapaloob sa mga sulatin ng Katipunan. Ayon sa kanila, kabilang na ang ilang iskolar at historyador, kundi man daw magulong “chop suey” ang kamalayang Katipunero ay kinopya lamang ang mga sulating Katipunero sa mga inilathala na bago pa noon ng Kilusang Propaganda na isinulong ng mga ilustrado sa Europa. 

Ang kasagutan ko rito ay ipinaloob ko na sa akdang Bonifacio: Siya Ba Ay Kilala Ko? na ang unang edisyon ay inilimbag noong 1993 at nagkaroon ng tatlong pag-iimprenta na pawang naubos ang mga kopya, at ang ikalawang edisyon, na mayroon pang salin sa English, ay inilimbag naman noong 2002.

Malaking yaman ang naiambag sa nilalaman ng aklat kong iyon ang ilang nailimbag na noong mga pananaliksik at nagsusuri nina Virgilio Almario at Dr. Zeus Salazar.

Sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) (p. 34), na ang unang edisyon ay inilathala ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas noong 1993 at ang ikalawang edisyon ay unilathala ng Unversity of the Philippines Press noong 1997,  tinukoy ni Virgilio Almario ang tatlong “konstelasyon” ng mga kaisipang pinaghalawan at mahusay na pinagsanib-sanib ng mga manunulat ng Katipunan bilang isang makinis na kabuuan.  Ayon kay Almario:

“Bukod sa mga akdang Propagandista, nagbasa rin si Bonifacio ng mga popular na akda sa kanyang panahon. Nabasa niya ang mga awit at korido — na pinaghanguan ng maraming moro-moro, gaya ng Bernardo Carpio — at tiyakang itinangi niya rito ang Florante at Laura ni Balagtas. Nabasa rin niya ang mga akdang relihiyoso, bukod sa Pasyong Henesis at Bibliya, lalo na ang impluwensyal na Urbana at Feliza (1864) ni Padre Modesto de Castro at ang kontrobersyal noong Si Tandang Basio Macunat (1885) ni Padre Miguel Lucio Bustamante.”

Kasunod nito ay inihanay ni Almario ang tatlong “konstelasyon” ng mga pinagkunan ng mga ideyang pinili, inilapat, binuo at hinubog nina Bonifacio upang ilabas sa kanilang mga sulatin. Unang “konstelasyon,” anya, ang mga ideyang liberal mula sa Europa. Pangalawa ang popular ngunit Kristiyanong kamulatan, na kinakatawan ng pasyon ayon sa pag-aaral ni Reynaldo Ileto (na siyang sumulat ng Pasyon and Revolution na inilathala ng Ateneo University Press sa Quezon City noong 1979). Ang pangatlong “konstelasyon” ay ang daigdig ng mga sinauna’t katutubong tradisyon na nasikil ng dominanteng pamahalaang kolonyal at matalik na nakatimo sa mga panitikang-bayan.

Sa monograph namang “Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan,” na inilathala ng Bagong Kasaysayan (BAKAS) noong 1999, inilugar naman ni Dr. Salazar ang sulating Katipunero sa konteksto ng magkakaibang  patunguhan ng tatlong malalaking pangkat ng mga mamamayan sa Pilipinas noong panahon ng Katipunan.

Ipinakilala muna ni  Salazar ang tatlong pangkat ng mga tao sa ating kapuluan noon, bago ginawa ang angkop na paglulugar. Ani Salazar:

“Taglay na ng mga tunay na Anak ng Bayan ang “diwang Pilipino” bago pa man ang 1897 at lampas pa rito,  hanggang sa kasalukuyan.  Sa pag-unawa sa “diwang Pilipino” may katuturan samakatuwid ang Kartilya ni Emilio Jacinto, ang batayang sulatin ng Katpunan ng mga Anak ng Bayan na siyang nagpasiklab sa Himagsikan at nagtatag noong ika-24 ng Agosto 1896 sa estado ng Haring Bayang Katagalugan upang mabuo si Inang Bayan.  Gayumpaman, tatlo ang konteksto at patunguhan noon ng diwang “Pilipino” sa pangkalahatan: a) ang diwa ng mga Pilipinong nanatiling malaya (bahagya man lamang), tulad ng mga Muslim at iba pang etnolingguwistikong grupo sa kabundukan na tinatawag ngayong mga lumad; b) ang diwa ng mga akulturado o napasa-kulturang Kastila/Kanluranin sa loob ng lipunang kolonyal, gaya ng mga ilustrado at propagandista, na nagsimula sa mga kolaborasyonistang ladino; at k) ang diwa ng mga Pilipinong “nasakop” ngunit nanatiling tapat sa kataalan ng Kapilipinuhan, tulad ng mga Anak ng Bayan na ang damdaming bayan ay nakaugat sa palabáng “Pilipino” mula pa kina Waray, Tupung, Bangkaw, Dagohoy, Hermano Pule hanggang kina Bonifacio at Jacinto sa panahon ng Himagsikan.

“Dito sa ikatlong kategoryang ito nararapat lamang ipook ang sulatin ni Emilio Jacinto bilang isa sa mga batayang dokumento ng ideolohiyang bayan (at makabayan) ng Katipunan. xxx”

Napansin n’yo bang magkahawig at magkalapat ang tatlong “konstelasyon” ng mga kaisipan na sinutukoy ni Almario at ang tatlong patunguhang ipinapakilala ni Salazar sa kani-kanilang pagsusuri?

Kung ang pag-uusapan ay ang ugnayan ng “pangatlong konstelasyon” na tinutukoy ni Almario at ang “pangalawang patunguhan” sa pagtukoy naman ni Salazar, nakikita kong naging mapamili ang paghalaw ng Katipunan.  Tampok sa mga ilustradong propagandista sa Europa ang pagsalig sa batayan ng burges na liberalismong pinatampok ng Rebolusyong Pranses ang natural na mithiin ng ganoong rebolusyon, ang karapatan ng indibidwal na mag-angkin ng pribadong pag-aari at magtanggol ng mga pribadong pag-aari, at katunaya’y tampok ito sa isinusulong noong Mga Karapatan ng Tao, isang dokumentong ibinunga mismo ng Rebolusyong Pranses. Ngunit, ayon sa pagsusuyod na ginawa ni Almario, wala mang pagbanggit ang Katipunan sa bagay na ito.

Sa aking kongklusyon sa ugnayan ng mga pagsusuri ng dalawa, lumilitaw na ang pinaglugaran ni Salazar sa mga sulating Katipunero, ang diwa ng mga Anak ng Bayan na malapít sa, at pag-unlad ng, “Pangalawang Konstelasyon” ang naging batayan ng mapamiling panghahalaw sa iba pang “konstelasyon.”

Mayroong isang tahasang pahayag sa pilosopikong sanaysay ni Emilio Jacinto na pinamagatang “Liwanag at Dilim” na siyang nagbigay sa akin ng isang lubusang maliwanag na aral, at hindi ko magawang payak na ilugar sa alinmang “konstelasyon” o sa alinmang “tunguhin” na binabanggit nina Salazar at Almario.  Ito ang isinulat ni Jacinto na “Ang lahat ng tao’y magkakapantay sapagkat isa ang pagkatao ng lahat.”

Sa buong panahon ng pagbabasa ko ng mga aklat ng pilosopiya, maging noong panahong nagtuturo ako sa saklaw ng “Applied Cosmic Anthropology” na programang pandoktorado ng Asian Social Institute (ASI) sa Maynila, wala akong nasumpungang isang sinaunang pilosopo na nagpahayag na kasing-payak at kasing-tahasan, at sa kabilang banda’y kasing-masaklaw ng implikasyon ng isinulat niyang iyon. 

Ang pinakamalapit ay ang pananampalatayang “Bahá’í na kailangan ko pang pag-aralan upang ganap na makilala ang kanilang paniniwala at kung ano ang kaugnayan niyon sa isinulat ni Jacinto sa sanaysay niyang “Liwanag at Dilim.”

Sa dati ko nang mga nabasa bago ko makita iyon, at maging pagkatapos kong mabasa iyon sa aklat ni Almario, ang inabot lamang ng mga kahawig na pahayag ay “magkakadugtong ang lahat” at “magkakapantay ang lahat.”  Iba ring talaga ang “iisa lamang ang pagkatao ng lahat” — ang lalim ng kaisipan ng batambatang pantas ng Katipunan! 

At malaki talaga ng maitutulong ng ganoong paniniwala’t painindigan upang maunawaan ninuman – Katipunero man o hindi – ang lahat ng mga aral na nakahanay sa Kartilya ng Katipunan. 

Pambungad ng Kartilya

Sa mga nakakaalam na nang bahagya sa nilalaman ng Kartilya ng Katipunan, ang karamihan ay nakabasa lamang sa talaan ng 14 na aral na taglay nito para sa mga Katipunero. Ngunit napakahalaga rin ang mahaba-habang pambungad na naglalagay ng mga aral sa tamang konteksto ng mga ito. Nakatuon ang buong Kartilya sa mga kaba-bayang nag-iisip na dumulog upang umanib sa Katipunan. Ibinibigay nito ang mga pamantayan ng pag-iisip at kaasalan upang maipasya nang masinsinan ng bawat isa kung karapat-dapat ba siyang maging aplikante man lamang sa pagsapi sa Katipunan.

Narito ang kabuuan ng pambungad na ito, ayon sa mismong wika ng pagkakasulat mismo ng orihinal, :

"Sa pagkakailanan, na ang lahat ng nagiibig pumasuk sa katipunang itó, ay magkaroon n lubós na pananalig at kaisipán sa ma layong tinutuno at ma kaaralang pinaiiral, minarapat na ipakilala sa kanilá ang ma bagay na itó, at n bukas ma-kalawa'y huag siláng magsisi at tuparing maluag sa kalooban ang kaniláng ma tutungkulín.

"Ang kabagayáng pinaguusig n katipunang itó ay lubós na dakilà at mahalagá; papagisahin ang loob at kaisipan ng lahat n tagalog (*) sa pamagitan n isáng mahigpit na panunumpâ upang sa pagkakaisáng itó'y magkalakás na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasán ang tunay na landás n Katuiran at Kaliwanagan. [Tingnan sa pahina 4 ang ukol sa talababa.]

"Dito'y isá sa ma kaunaunahang utos, ang tunay na pagibig sa bayang tinubuan at lubós na pagdadamayán n isá't isá.

"Maralitâ, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito'y mag-kakapantáy at tunay na magkakapatid.

"Kapagkarakang mapasuk dito ang sino man, tataligdang pilit ang buhalhál na kaugalian, at paiilalim sa kapangyarihan n ma banál na utos n katipunan.

"Ang gawang lahat, na laban sa kamahalan at kalinisan, dito'y kinasusuklaman; kaya't sa bagay na ito'y ipinaiilalim sa masigasig  na pakikibalità ang kabuhayan n sino mang nagiibig makisanib sa katipunang ito.

"Kun ang hanad n papasuk dito'y ang tumalastás lamang n mga kalihiman nitó, ó ang ikagiginhawa ng sariling katawan, ó ang kilalanin ang mga naririto't n maipagbili sa isáng sandakot na salapî, huag magpatuloy, sapagkat dito'y bantain lamang ay talastás na n makapál na nakikiramdam sa kaniyá, at kara-karakang nilalapatan n mabisang gamut, na laán sa mgá sukaban.

"Dito'y gawâ ang hinahanap at gawâ ang tinitingnán; kaya't hindi dapat pumasuk ang hindi makagagawa, kahit magaling magsalitâ.

"Ipinauunawà din, na ang má katungkulang ginaganap n lahat n napaaanak sa katipunang itó ay lubhang mabibigát lalung lalù na, kung gugunitain na di mangyayaring maiiwasan at walang kusang pagkukulang na di aabutin n kakilakilabot na kaparusahan.

"Kung ang hangád n pagpasuk dito, ang siyá'y abuluyan ó ang ginhawa't malayaw na katahimikan n katawán, huag mag-patuloy, sapagkat mabigát na ma katungkulan ang matatagpu- an, gaya n pagtatangkilik sa ma naaapi at madaluhong na pag-uusig sa lahat ng kasamaan; sa bagay na itó ay aabutin ang maligalig na pamumuhay.

"Di kailâ sa kanino pamán ang má nágbalang kapahamakan  sa ma tagalog na nakaiisip nitóng ma banál na kabagayan (at hindi man), at mga pahirap na ibinibigay n naghaharing kalupitán, kalikuan at kasamaan.

"Talastás din naman n lahát ang pagkakailanan, na sa nayo'y isá sa mga unang lakás na maaasahang magbibigáy buhay sa lahát; sa bagay na itó, kinakailanan ang lubós na pagtupád sa mga pagbabayaràn; píso sa pagpasuk at sa buan buan ay sikapat. Ang salaping ito'y ipinagbibigáy alam ng nagiinat sa tuing kapanahunan, bukod pa sa mapagsisiyasat n sinoman kailan ma't ibigin. Di makikilos ang salaping ito, kun di pagkayarian ng karamihan.

"Ang lahát n ipinagsaysay ay dapat guitaín at mahinahong pagbulaybulayin, sapagkát di magaganap at di matitiis n walang tunay na pagibig sa tinubung lupà, at tunay na adhikaing ipagtangkilik ang Kagalinan.

"At n lalung mapagtimbáng nsariling isip at kabaitan, basahin ang mga sumusunod na

MANGA  ARAL NANG

KATIPUNAN NG MGA   A  N  B"

(Sumunod rito ay inihanay na ang 14 na Aral)

Buod ng mga Aral ng Kartilya

Bago ko nasalubong ang linyang iyon sa “Liwanag at Dilim,” nangahas akong gumawa ng isang maikling pagbubuod sa 14 na aral sa Kartilya.  May isang kaibigan kasi akong nagharap sa akin ng ganoong hamon, upang mapaniwala ko raw siyang may iisang kabuuan o coherence ang mga punto sa Kartilya. 

Naalala ko noon na napag-aralan ko kung paanong ang Sampung Utos na ipinasa ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai sa Kabanatang Genesis ng Lumang Tipan ay isinabuod ni Hesukristo sa dadalawang utos na lamang, “Mahalin ang Diyos nang higit sa lahat at mahalin ang iyong kapwa nang tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” 

Bago nga Siya mamatay ay binuod na niya ito sa iisang habilin na lamang, isang maikling pagpapahayag ng misyon niya sa pagiging tao sa ating daigdig: “Magmahalan kayo nang tulad ng ginawa kong pagmamahal sa inyo.”

Sineryoso ko ang hamon ukol sa pagbubuod ng mga aral sa Kartilya at masinsinang sinuyod ang 14 na mga aral upang hanapin ang ilang mga hiblang nagtatahi sa mga ito. At ang ibinunga ng pagsisikap ay ganito: “Magpakatao at makipagkapwa-tao! 

Ito rin, sa aking palagay, ang pinakamalalim na diwa ng napakaraming iba pang paghahanay ng mga gabay sa asal ng mga mamamayan, ang sari-saring paghahanay ng “values” at “codes of ethics” na pawang may mga partikular na kontekstong binabagayan.

Tulad ng mga aral ng Kartilya, tila unibersal rin nga ang “Magpakatao at makipagkapwa-tao” kailanman at saanman! 

Bahagi marahil ito ng dahilan ni Gat Andres Bonifacio kung bakit ipinasya niyang isaisantabi na lamang ang nauna niyang isinulat na “Katungkulang mga Gagawin ng mga Anak ng Bayan” na kilala rin sa katawagang “Dekalogo ni Bonifacio” (tingnan sa Dagdag-2) at ang Kartilya na lamang ni Jacinto ang ipalaganap bilang opisyal na gabay sa loob ng Katipunan.

Naging bukambibig ko na ang lambal-panawagang ito (“Magpakatao at makipoagkapwa-tao”), at sa katunaya’y  iginawa ko na rin nga ng isang tula noong Disyembre 2004  na nagbibigay ng ilang  detalye kung paano, sa aking sariling palagay, ang magpakatao.:

TAO AKO, TAYO!

Tao akong tunay / na nagpapakatao,

Mahusay kong ginagamit / at inaalagaan

Ang lahat kong kayamanan / at kakayahan

Sarili kong tunay / na mga kailangan

Sinisikap kong makaya / na matugunan

Upang aking makamit, / ginhawa’t kaganapan

Bilang Taong ang diwa / ay Kislap ng Bathala!

Mga Tao tayong / nakikipagkapwa

Ang bawat isa sa atin / ay Taong NagpapakaTao

Kusa tayong nagsasanib / ng mga kakayahan,

Upang kahit iba-iba, / mga ito’y mapag-ibayo,

Sa tulungan, unawaan, / masiglang tangkilikan

Ng pamayanang patas / at may angkíng lakás!

Samahán nati’y Kaisaháng / buháy at dakila!

Kapag ganap nang magagap natin ang buong implikasyon ng nabuo kong pagbubuod, at malinaw na mailapat dito ang isinulat ni Jacinto na “iisa lamang ang pagkatao ng lahat,” napakatindi ng magiging epekto nito sa masisinsinang pag-aaral, desididong pagsasabuhay at malawakang pagpapalaganap sa mga aral na nakahanay sa Kartilya.

Pero habang hindi pa tayo nakakaabot sa ganitong kaliwanagan sa mga kamalayang pinag-uugatan ng Kartilya, malamang na malilimut-limutan natin ito hanggang sa tayo ay mapaalalahanan, tuwing ikapito ng buwan, na “magmuni ukol sa pagsasabuhay ng Kartilya o kung makakaya ay magdaos ng seremonyang nakasentro dito o dumao sa isang seremonyang ganito.” 

(Kung minsan, ang mga paalalang ganito ay mabilis na nasasagot ng “Sorry, nasa malayong probinsya ako!” nang di naisip ng sumasagot na ang buwanan man lamang na pagmumuni-muni ay maisasagawa naman niya kahit saan siya naroroon.  Kung ganito pa ang karamihan ng ating mga inaakay, malinaw na di pa tayo nagtatagupay na maakay silang makakilala na at ganap nang magpahalaga sa dakilang mga aral ng Kartilya.)

(Kung minsan, ang mga paalalang ganito ay mabilis na nasasagot ng “Sorry, nasa malayong probinsya ako!” nang di naisip ng sumasagot na ang buwanan man lamang na pagmumuni-muni ay maisasagawa naman niya kahit saan siya naroroon.  Kung ganito pa ang karamihan ng ating mga inaakay, malinaw na di pa tayo nagtatagupay na maakay silang makakilala na at ganap nang magpahalaga sa dakilang mga aral ng Kartilya.)

Pagyakap sa Kartilya: Magsanay na Isabuhay!

Hindi lamang natin pinagpupursigihang ipalaganap ang impormasyon ukol sa Kartilya. Kahit mahalaga rin namang talaga ang ganitong pagpapalaganap – kaya  nga pinararami natin ang mga kopya, inilalathala pa natin sa mga publikasyon, at kaya nga isinulat ang aklat na hawak mo ngayon – kailangang ilagpas ang pagsisikap sa pag-abot ng Kartilya sa maraming mata at utak. Kailangang umabot ito sa diwà at gawâ! 

Ang pagbibigay-katibayan sa pagyakap ninuman sa Kartilya ng Katipunan ay ang matatag na kapasyahang ilapat ang mga aral nito sa sari-sarili nating buhay.

Ang talagang kailangan nating palaganapin ay ang kasanayan sa pagsasabuhay nito, upang ang Kartilya ay magkaroon ng tunay na kabuluhan sa atin at sa susunod pang mga salinlahi ng ating dakilang lahì.  Sa pang-iimpluwensya sa iba na isabuhay nga ang diwa ng Katipunan, kailangang ang ating mga paliwanag ay mapag-ugat natin sa sariling mga asal at gawâ.  Sabi nga sa isang bahagi ng pinakapambungad ng Kartilya:

“Dito’y gawa ang hinahanap at gawa ang tinitignan; kaya’t di dapat pumasuk ang di makagagawa, kahit magaling magsalita.”

Ang ganitong lalim ng pagpapalaganap ay mahalaga ngunit napakahirap gawin. Kaya lumikha kami ng ilang magagamit na pantulong sa mga magsusulong ng gawaing ito. Isa na rito ang pagkakabuo ng seremonyang Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan at ang maikling mga bersyon ng seremonyang ito (tingnan ang buong Kabanata 3).

Kahit ang makailang ulit nang nakadalo sa seremonya ay inaanyahanan pa rin, o pinaaalalahanan man lamang sa mga schedule ng regular na pagdaraos nito (tuwing ikapitong araw ng buwan, ikapito ng gabi, sa kinikilalang mga “Kapilya ng Kartilya”) upang mabigyan sila ng pagkakataong makayanan at makasanayan ang pamumuno sa ganito at upang ang kanilang kamalayan sa malalim na kahulugan ng mga aral ng Kartilya ay palagian pang mapayaman ng mga maririnig nilang ibabahagi ng mga makakasama nila sa mga pagdaraos ng seremonya.

May mga nagsasabing “Nakadalo na ako nang ilang beses, pare-pareho lang naman, bakit kailangan paakong umulit?” 

Ang nagtatanong ng ganito ay di pa nakakaunawa na ang pagdalo ninuman ay hindi lang para sa kanyang sarili kundi para rin sa kanyang mga mapapamunuan sa panahong may kakayahan na nga siya’t kumpiyansa na mag-isang  magpasimuno ng mga pagdaraos.

Hindi pa rin niya nauunawaang ang bawat pagbabahagian ng mgadumadalo sa seremonya ukol sa sari-sarili nilang karanasan sa pagsisikap na maisabuhay talaga ang mga aral ng Kartilya ay naghahatid ng napakahalagang mga aral para sa lahat, pati sa mga namumuno, sa mga pagdaraos ng seremonya.

Hindi naman karapat-dapat na lalaitin natin ang may ganitong palagay, sapagkat atin ang pagkukulang kung ang pagkakaunawa ng mga dumao na nang paulit-ulit sa seremonya ay nananatiling mababaw ang pananaw dito.  Ang mahalaga ay magalang nating maituro ang kahalagahan ng pagpapakumbaba, na kahit makailang ulit ka nang nakadalo sa seremonya ay halos wala ka pa ring nalalaman sa tuluy-tuloy na pagsasabuhay sa, at pagpapalaganap ng, mga aral ng Kartilya sa higit na nakararami pa nating mga kababayan. 

Sa karanasan ko, kahit mahigit 15 taon na akong namumuno sa mga pagdaraos ng seremonyang Pagtitipon, lagi akong may natututunang bago ukol sa lalim at kasalukuyang relevance ng mga aral ng Kartilya sapagkat di ako tumitigil sa pagturing sa aking sarili bilang studyante sa pagsasabuhay ng iba’t ibang tao sa mga aral ng Kartilya. Kung hindi ganito ang pananaw ko, baka magaya ako sa mga makailang ulit lamang na dumalo at agad nang nagsawa.

Ang ilan sa kanila ay nagpapaabot pa ng “sorry!” sa akin kapag pinadadalhan ko ng mensahe ng pag-anyaya, sapagkat hindi raw makakarating sa pagdaraos ng seremonya.

Ang sagot ko, ang mas bagay nilang sabihin ay “Sayang!  Mabuti na lamang at hindi ganoon ang karamihan!  Kaya’t ang pagkilala at pagsasabuhay sa mga aral ng Kartilya ay patuloy pa ring lumalaganap sa hanay ng ating mga kaabayan sa Pilipinas man o sa ibayong-dagat!

Paanong isinasabuhay?   Ito naman ang paksa ng mga pagbabahagi sumusunod na kabanata.


 

  Kabanata 2: Naibahaging mga Karanasan sa Pagsasabuhay ng Kartilya

Mag-mouseclick dito.