Kabanata 1  2  3  4  

Kabanata 2

Naibahaging 

mga Karanasan 

sa Pagsasabuhay

ng Kartilya 

Ed Aurelio C. Reyes

ILAN SA MGA karanasan, kaparaanan at kadahilanan ng pagsasabuhay sa mga Aral ng Kartilya ng Katipunan, ayon sa pagbabahagi ng mga dumalo na sa seremonyang Pagtitipon, ay nilalaman ng Ikalawang Kabanatang ito ng aklat ng Kartilya, Ngayon!.

Sadyang pinili para rito ang mga pagbabahaging kinakikitahan ng malalim na pag-iisip tungkol sa mga aral ng Katipunan na nakahanay sa Kartilya, at sadya ring piniling isama rito ang mga pagbabahaging kinakakitahan ng pagkilalang isang mabigat na hamon ang pa-nawagang isabuhay talaga ang mga aral na ito.

Kadalasan kasi, ang mga nagbibigay ng impresyong napakasimple at napakalinaw agad sa kanila ang kahulugan ng alinmang aral at nagiging napakadali sa kanila ang pagsasabuhay dito, ay kulang pa sa mas malalim na pagkakaunawa sa mga aral ng Kartilya, ayon sa pagkakasulat ni Emilio Jacinto sa mga ito. Ayon nga sa sinabi ng isang pantas, habang mas marami ka raw nalalaman ay mas nalalaman mong kakaunting-kaunti pa lamang talaga ang nalalaman mo.

Sumjusunod ang mga pagbabahaging naitala at naiambag sa dokumentasyon ukol sa seremonyang Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan. Pinakamarami sa nakulektang pagbabahagi si Mariano Aycocho Jr , nang siya ay nagtuturo pa ng Kasaysayan ng Pilipinas may isang dekada na ngayon ang nakalilipas. Karamihan sa mga iyon ay mula sa mga studyante niya. Ang ibang pagbabahagi ay natipon ng iba pang mga "Kawal ng Kartilya" (mga namuno na sa seremonyang ito, sa kabuuan man o sa maikling bersyon nito).

Isa-isahin na natin ang mga aral, ayon sa pagkakahanay ng mga ito sa seremonya, at sundan ng ilan lamang sa napakaraming pagbabahagi ang bawat isa, ayon sa ayon sa pagbubuod ng nakasulat na dokumentasyon o sa aking pagkakaalala, sa mga pagbabahaging di nagawang maisulat.


1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag.”

Maraming kabataan ang hiwa-hiwalay na nagpahayag na talagang angkop sa kanila ang aral na ito ng Kartilya dahil sa malakas nilang nadaramang kawa-lang direksyon sa buhay. Bunga daw ito ng kalituhan ukol sa pag-ayon o pagsuway sa mga pangaral ng kanilang mga magulang na di nila masang-ayunan at sa mga sinasabi naman ng kanilang mga kaibigang kasinggulang nila, laluna ang mga kabarkadang pinipilit sila sa kung anu-anong bagay sa ngalan ng "pakikisama." 

Sabi nila mula sa unang aral ng Kartilya ay natanto nilang ang usapin pala ay wala sa pagsunod o pagtanggi sa sinasabi ng iba, kundi nasa magagawa ng bawat isa na ituon ng kanyang buhay sa isang layuning banal at mas malaki kaysa sa sarili lang niyang mga kasiyahan. "Ang ganoong layunin ang magbibigay-direksyon sa buhay ko! Hindi na ako magiging parang alikabok na tinatangay-tangay ng hangin!" 

Mayroon ding isang dating bilanggo na napaluha pa nang sabihin ang kahawig nito. "Sayang, sana non ko pa nakilala itong Kartilya. Di sana ako naging 'damong makamandag.' sa lipunan." May isa pang nagsabing "nagiging halos patapón na lang ang buhay ko, para na ngang 'kahoy na walang lilim,' walang silbi kahit kanino! Salamat dito sa aral na ito, naisip kong maghanap ng maitutulong sa aming baranggay!" 

Isang dating seminarista naman ang nagbahagi na kinailangan niyang hanapin ang sinasabi niyang "kalooban ng Diyos" sa magiging direk-syon ng buah niya matapos lumabas nang seminaryo. "Gusto kong manatiling alagad ng Diyos kahit di ako natuloy sa pagpapari!" 

Unang aral din ng Kartilya ang pinili ng isang mayamang kolehiyala upang iugnay sa kanyang sariling buhay. Sa tingin ko kasi, ito ang pinakamahirap para sa akin. Sanay kasi akong di nag-iisip tungkol sa buhay. Siyempre. malayo naman para sa akin ang maging useless, 'no?! Lalo na yung maging harmful pa! No way! Pero naiintriga pa rin ako dito... parang may gustong sabihin sa akin... pag-iisipan ko pa ito." 

Makakatulong talaga kaninuman ang pagkakaroon ng bukas na isip. Matagal na di namin nakita pang muli ang dalagang iyon. Pero dahil nakapag-uwi siya ng kopya ng mga aral ng Kartilya, may pag-asang nanatili sa amin na patuloy siyang nagmuni ukol sa direksyon ng buhay niya. Makalipas ang ilang buwan, dumalo siyang muli sa seremonya na alam niyang idinaraos sa dating lugar twuing a-syete ng buwan. At kinumpirma niya ang aming inaasahan. Ginamit pala niya ang isang bahagi ng naiimpok niya at nagsimula ng isang proyektong nakakatulong ngayon sa mga mangingisda sa kanilang probinsya.


2. “Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.”

"Totoo namang ang mga tao lamang may ginagawang magaling amg may karapatang magmalaki," wika ng isang propesor na dumalo minsan sa seremonyang Pagtitipon. "Pero ang exam sa aking character de-velopment at maturity ay kung mapipigilan ko ba ang magyabang sa nagawa kong magaling. Nakakabawas kasi ang paghahambog sa tunay na halaga ng nagawa kong magaling." 

Totoo rin namang iba ang di lang makapigil magyabang at iyong kaya mismo gumawa ng mabuti ay para talaga magpatampok ng sarili. Anu't anuman, sabi pa ng nagbabahaging propesor, "ginawa kong uga-liin na bigyan ng sinserong papuri ang lahat ng kalahok sa paggawa ng magaling... talaga naman kasing di ko sana nakayanan ang paggawa niyon kung ako lang lahat ang nag-isip at nagtrabahp, eh!" May punto siya. Ang mga tao nga kasing mapagpatampok sa sarili ay hindi talaga makatotohanan! 

"Ang problema sa pagpaplanong gumawa ng magaling nang ang talagang layunin ay magyabang," wika naman ng isa pang nagbahagi ukol sa ikalawang aral, "magawa man nang mahusay ang bagay na iyon, malungkot ka pa rin kung hindi ka mapansin o mapuri nang tulad ng gusto mo. Sa totoo lang, baka KSP ka lang kasi-- kulang sa pansin!" 

Nangyari na raw ito sa kanya nang ilang beses. Kung minsan, ang paniniyak niyang siya ang mapupuri, nabibigo ang proyekto at siya ay nasisisi. Mas masarap ang pagtanggap ng paputi at paghangang di mo naman talaga binalak o inaasahan man lang.


3. ”Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang katuwiran.”

Nang isulat ito ni Emilio Jacinto mahigit isang siglo na ang nakalilipas, malinaw na ang pinatutunkulan niya ay ang huwad na "kabanalan" ng maraming paladasal at palasimba sa panahon ng mga Padre Da-maso, Doña Victorina at iba pa. Kaya lamang, tila marami pa rin ang ganitong mga Kristyano hanggang sa kasalukyan, kaya't napakahalaga pa rin ng paalalang ito ng pantas ng batambatang Katipunan. 

Isang madre ang halos laging pumipili sa aral na ito tuwing dumadalo siya sa seremonyang Pagtitipon. Iba't iba nga lamang ang mga detalye ng karanasang ibinabahagi niya ukol dito. Ang palagian lamang ay ang paglalapat niya rito ng ebanghelyo ni San Mateo: Ayon sa ebanghelyong ito, sinabi ni Hesukristo: "Ang anumang gawin mo para sa pinakahamak sa aking mga kapatid ay ginawa mo na rin sa akin." Masayang sinasabi ng madreng ito sa mga nakakasabay niyang mga bagong dumadalo na "Paborito rin siguro ni Jacinto itong Matthew 25!" 

Ang pinahalagahan naman ng isang dumadalong abogado ay ang pananalig nina Jacinto at Bonifacio sa tinatawag nilang "Katuwiran." Dito raw dapat isukat ng bawat isa ang bawat isa sa sariling mga kilos at pangungusap. "Mahirap gawin 'yon!" anya, "Unti-unti ko na lang babawasan ang mga ginagawa kong... " parang nahihiyang nguniti ",,,hindi masyadong makatuwiran." 

Tunay naman kasing kapag tayo'y pinangibabawan na ng matinding galit o iba pang damdamin, may mga nasasabi tayo o nagagawa pa nga, na mga bagay na di tunay na nakaakma sa Katuwiran at paglipas ng maikling panahon lamang ay ating matinding pinagsisisihan. 

Kung magagawa lamang sana nating maalala ang aral na ito mula sa Kartilya ng Katipunan sa panahong gusto na nating biglaang bweltahan ng masasakit na salita o mararahas na aksyon ang mga kalagayang di pa naman natin ganap na nauunawaan, mababawasan nang malaki ang ating mga pinagsisisihan sa huli. 

"Madalas pa rin akong magtanong ng 'Bakit?' sa mga kalagayang ikinagugulat at ikinagagalit ko. 'Bakit???' na pagalit," minsang naibahagi ng isang kalahok sa seremonya sa kanyang maliit na grupo. "Tapos, saka ko lang naiisip o naaalala na hindi ko pa nga pala alam ang sagot sa tanong ko, hindi ko pa alam ang pinagmulan ng ayaw kong kalagayan, at samakatuwid ay wala pa akong dahilang magalit! Madalas nga akong mapahiya dahil sa ugali kong iyon... hindi papasa 'yon sa sina-sabi dito ng ikatlong aral!" 

Sa "Katungkulang Gagawin ng mgaAnak ng Bayan" na kilala rin bilang "Dekalogo ni Bonifacio," nagpapaalala siya sa kahalagahan ng "kalamigan ng loob." Kahit nga naman sa harap ng isang kaaway ay di tayo dapat nagpapadala sa silakbô ng init ng ulo. Kailangan ang pagtitimbang ng sasabihin at gagawin nang nakasukat sa talagang katuwiran upang di tayo magsisi sa huli, mapahiya o mapahamak. "Mahirap magtimpi sa biglaang mga pangyayari," wika ng nagba-bahagi, "pero sanayan lang naman 'yan!"


4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.”

Napakadaling sabihing naninindigan tayo sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao, dahil sabi nga ni Jacinto ay "iisa lamang ang pagkatao ng lahat." Ngunit mas madalas kaysa hindi ay naiiwan ang ating paningin sa panlabas na kaanyuan na sumasalamin sa sarili nating lahi, kultura o uri ng mga taong di natin mapigilang ikumpara sa sarili nating lahi, kultura at uri. 

Dalawang grupo ng tao ang dumating minsan sa pagdaraos ng seremonyang Pagtitipon-- isang grupo ng mga mangingisda na naglakbay mula pa sa Batangas at isang grupo naman ng mga kolehiyala ng isang "exclusive school" sa Maynila. Tulad ng maaasahan, naging ilág sa isa't isa ang mga grupong iyon at sa pagkakaupô hindi sila naghalo. Ngunit bago ang bahagi ng pagbabahagian ng mga personal na damdamin, kaisipan at karanasan ukol sa mga aral ng kartilya. nagbilang kami ng "1-2-3-4-1-2-3-4" para makabuo ng apat na grupo. Sama-sama ang mga "1," sama-sama ang mga "2," ganoon. Nabalasa tuloy sila at nagkahalo-halo sa loob ng bawat grupo. 

Sa dulo ng seremonya, sa bahaging nagbibigay na ng mga personal na tugon sa kabuuan at mga bahagi ng seremonya, ang mga nagmula sa magkabilang grupo ay masaya ngunit bahagyang nahihiyang nag-ulat sa lahat: "We thought... 'kala namin wala kaming matututunan sa mga rugged na mangi-ngisdang sina Kuya Tonyo. Ang titindi pala nila sa katalinuhan!" at "Akala namin puro mababaw at maarte lang sina Gladys at mga kasama niyang kolehiyala. Napakalalim din pala ng mga naibahagi nila sa mga maliit na grupo... nagulat ako! Nagulat kami!" 

Sumagot nang pabiro si Gladys, "Uneasy at medyo natatawa pala tayo sa isa't isa kaninang umpisa! Ngayon, admiration na! Hahaha!" 

Humingi ng dispensa sa isa't isa ang mga grupo ukol sa kani-kanilang paunang impresyón sa isa't isa. Di lang daw kasi sila nasanay na makipag-usap sa mga taong ibang-iba sa kanila. "Mula.ngayon," wika pa ni Tony na pinuno ng mga mangingisda, "mangangahas na kaming makihalubilo sa iba't ibang tao-- kung mas naa-asiwa kami, lalo pa ngang dapat naming kausapin at tuklasin ang kalooban, imbes na mapigilan na naman kami ng mga panlabas na harang." 

May isa namang Aeta na nakadalo sa isang pagdaraos ng seremonya at nagbahagi ng ganito: "Dati rati, basta't makakita ako ng isang puti, wala na agad akong tiwala. Halos galit na nga ako agad sa kanya! Sa dami kasi ng nalaman kong mga ginawa sa atin ng mga Kastila, mga Amerikano, at iba pang puti, naiinis na agad ako basta't puti. Hanggang sa makakilala ako ng isang Amerikana na kakampi pala natin! Kinakalaban din pala niya ang mga masamang patakaran sa Pilipinas ng sarili nilang gobyerno!" 

Dahil daw naging magkaibigan sila, natanto niyang marami pala silang pagkakapareho, lalo na sa mga damdamin bilang mga nanay, bilang mga asawa, bilang mga tao. "Di naman daw siya masyadong naiiba sa mga kababayan niya sa Amerika." 

Ang tunay na matalas na mga mata ay ang mga mata natin bilang mga kaluluwang may katawang-lupa. Ang matalas na mga mata ng puso at kaluluwa ay may paninging tumatagos sa panlabas na mga anyo, gawi at ginagalawang kalagayan. Iminumungkahi ng dalawang grupong iyon sa atin na sikaping tumuklas sa kalooban ng iba't ibang tao bilang mga tao, 

Sa bawat isa kasi'y marami ang matututunan sa iba! 

Hindi naman natin sinasabing minamaliit na natin ang pagkatao ng ibang mga tao kung di tayo komportableng makipag-ugnayan sa kanila. Ang sinasabi lang natin dito ay mahalagang simula sa pagtuklas at paggalang sa mga taong naiiba sa atin ang bukas-loob na pakikipag-usap sa kanila upang mapaliit at tuluyan na ngang maalis ang mga bakod sa pagi-pagitan ng mga tao na nagkakaiba lang naman sa mga kalagayan at kaanyuan ngunit sa kaloob-looban naman ay puro naman mga kislap ng Bathala. 

Kailangan nating pigilin at patigilin ang lahat ng mga ginagawang masama sa atin o sa ating mga kapwa-tao. Gawin nating pinaka-epektibo ang pagpigil o pagpapatigil. Pero di pa rin tayo makakahusga na mas mababa ang pagkatao ng mga gumagawa nito, bago matauhan at tuloy magpakatao at makipagkapwa, tulad nga halimbawa ng mga Amerikano at iba pang puti na tuwiran at di-tuwirang nagsasamantala at nang-aapi sa mga bansa ng iba't ibang lahi. 

Ang mga putii ay hindi mas mababa sa mga itim o sa ating mga kayumanggi . Kapantay natin sila kahit marami silang sama-samang atraso sa mundo, "sapagkat iisa lamang ang pagkatao ng lahat."


5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.”

Sino ang dakila? At sino ang hamak? Ayon sa isang dating pulitiko na dumalo sa ating seremonya sa Kartilya, "Noong nasa katungkulan pa ako, nakakahiya mang aminin, naging 'corrupt' din ako, kumita sa mga transaksyon, namigay ng mga pabor sa mga kamag-anak at malalapít na kaibigan, ganoon! Bidang-bida ako sa kanilang lahat. Akala namin, lagi na lang kami sa poder." Natawa pa muna siya nang marahang umiiling, sa pagbabalik ng mga alaala, bago nagpatuloy. 

"Nang mabisto ng mga tao ang mga pangungurakot ko, natalo ako sa eleksyon dahil kinasuklaman na nga ako mga tao. Ganoon pala, ano? Kapag bumagsak ka mula sa kapangyarihan, di ka na bida kahit kanino. Hindi lang sa mawawala ang dating maraming mga kaibigan mo, pati mga kamag-anak mo'y didistansya na!" 

Halos naluha siya sa pagpapatuloy. "Pero ang pinakamasakit pa rito, ako mismo'y nasuklam sa sarili ko dahil sa mga kagagawan ko, na pagtraydor na nga palang talaga sa pagtitiwala ng mga bumoto at nangampanya para sa akin noong simula. At wala rin namang naibungang mabuti kahit sa akin at sa aking pamilya, dahil halos naubos na rin ang aming pera. Nagkaroon pa ako ngayon ng matinding sakit at malamang na tuluyang maubos ang aming mga ari-arian sa pagpapagamot ko. Sabagay, di ko rin naman yon... madadala sa hukay..." Sandali siyang tumahimik. 

"Ang tunay palang pagsisilbi sa sarili ay paggamit sa lahat ng pagkakataon para mapalaki ang sarili mong kayamanang nasa karangalan mo. Madadala mo pa 'yon sa hukay 'pag oras mo na. Ka-pag maging bida ka dahil sa panloob na puri at dangal mo, masayang bonus pa 'yon! Magandang dagdag sa respeto mo sa sarili ang respeto ng iba!" Pantay-pantay ang pagkatao ng lahat ng tao, pero kung dahil sa hamak na kalooban ay uunahin natin ang pagpipita o pag-aangat sa sarili, nagiging sarili na rin nating kagustuhan ang pagpapakababa mo sa sari-sarili nating dignidad bilang tao. Huwag na nating sisihin ang iba kung palihim o lantaran nila tayong kainisan o pagtawanan.


6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.'

 "Ito ang pinakamaikli sa lahat ng mga aral na nakahanay sa Kartilya ng Katipunan. Ito rin ang isa sa pinakamatindi. Tandaang noong isinulat ito ni Jacinto ay itinuturing pa ng karaniwang tao na sagrado ang bawat sumpa. Sinisikap natin ngayong isabuhay ang aral na ito sa kasaluku-yang panahong pati ang sumpa ay magaang lang na kinalilimutan o kung maalala man ay binabale-wala. 

Hindi naman tayo likas na mga sinungaling. Hindi naman tayo galít sa katotohanan. At sa katunaya'y ayaw na ayaw rin naman nating niloloko tayo. 

Pero bakit kaya marami sa ating mga kababayan, maging ang pinakamalalapit nating kaibigan, ay madalas na nagbibitiw ng sali-tang di natin mapanghawakan o mga pangakong di natin maasahan? 

"Katotohanan lang kasi ang consistent," wika.ng isang studyanteng dumalo sa Pagtitipon. "Kapag nagpalusót ako sa Mommy ko, at paniwalaan niya ang palusót ko, naoobliga na akong panindigán ang nilikha kong kwento at dagdagan pa ito ng iba pang kasinungalingan. Sa dami ng mga iniimbento kong detalye, nalilimutan ko na ang ilan at nakapagdadagdag tuloy ako ng mga detalyeng kumokontra na sa mga nasabi ko at di na tulóy consistent. Nabibisto tulóy ako at lalong na-hihirapang magpalusót muli sa susunod. Kaya ngayon, halos wala nang katiwa-tiwala sa akin ang parents ko. Bad habit talaga 'yang pag-iimbento ng mga kwento! Pero d'yan nagsisimula ang pagiging talamak na sinungaling na sinasabi ngang 'kapatid ng magnanakaw' na papunta na talaga sa kapahamakan!" 

"Ako naman," sagot ng isa pang pumili rin ng punto-6, "gusto ko lang kasing payapain agad ang pagwo-worry ng mga may mabigat na problema. Ang naging habit ko, nangangako ako ng itutulong sa paglutas sa problema kahit di naman ako siguradong-sigurado na makakaya ko. Sa ganitong mga panahon ay madalas kong naiisip na ang kakayahan ko'y madadala na ng determinasyon at nalilimutan kong baka may tunay na mga balakid na haharang sa akin at di ko matutupad ang pangako ko. Madalas tuloy nabibitin ang mga pinapangakuan ko ng tulong, lumalala ang kanilang problema nang dahil sa iniasa sa akin ang kalutasan, at nababawasan ang kumpyansa nila sa akin." 

Salik din ang kakayahan nating magmemorya ng maraming sari-saring kailangang gawin. Kahit ayaw sana nating ipahalata, madalas na ipiahihiwatig natin sa ating mga kasambahay at kaibigan na sa totoo lang ay di sila gaanong mahalaga. Kung sa isang kaibigan lamang nating "maunawain naman at madaling magpatawad" ay ni hindi na natin itinatala sa anumang notebook ang ipinapangako nating gawin para sa kanya, ang anumang tinanggap nating atas ng boss o order ng kliyente ay ginagawan natin ng paraan para tiyaking di talaga malilimutan. 

Kaya minsan nga ay naipapahamak natin ang mga kaibigan at mahal sa buhay na totoo rin namang handang magpatawad. Handa rin silang umunawa, laluna't nauulit-ulit ang pagkakapako ng mga pangako. Sinasabi pa lang natin ang pangako ay tila naririnig na nila ang ating "sorry" at mga pagdahilan "kaya napako ang pangako." 

Sa katatagan ng isang pagkakaibigan, ng isang mag-anak, ng isang pamayanan, at ng isang lipunan ay napakahalagang sangkap ang pagtitiwalaan sa isa't isa. Kaya't ipinapaalala sa atin ng Kartilya ng Katipunan sa pamamagitan ng ikaanim na aral nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng "isang salita" na hindi binabali-baliktad at kung gayo'y mapagkakatiwalaan, mapanghahawakan at maasahan. Karugtong ito ng ating karangalan bilang mga tao at bilang mga Pilipino. 

Para maisabuhay ito, kailangang gumugol tayo ng panahon at pagsisikap sa totohanang pagtitimbang -- sigurado na ako? kaya ko bang talaga? ano ang mga maaaring makahadlang sa akin sa pagtupad? At pagkatapos ng pagtitimbang, kailangan ang makatotohanang pagpa-pahayag. 

Sabi nga ng katipon nating matulungin sa mga nagwo-worry: "Kaya naisip kong dapat akong maging maingat sa pagbitiw ng pangako. Ipapangako kong sisikapin kong magawa ang pagtulong, pero aaminin kong di rin talaga ako makatiyak dahil may sari-saring balakid na ma-aaring humadlang at di ko makayanang pangibabawan dahil baka kumapós ang 'super-powers' ko, sabay kindat. Kailangang matutunan ko ang pagpapakumbaba habang nangangako pa lamang!" 

Oo nga, kung minsan din talaga, ang kagustuhang tumulong ay nahahaluan ng kagustuhang magyabang ng kakayahan na wala naman palang katiyakan! Mayroon namang kabilang dulo ang tendensyang bale-walain ang mga pana-panatà--ito ay pagtanggi batay sa sobrang pagturing dito bilang sagrado. Mas mabuti ang ganito basta't magiging bukás sa pag-uunawa sa nilalaman ng sumpâ o panatà. Sa panatang sama-samang binibigkas bilang bahagi ng seremonyang Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, ang taimtim na ipinapangako ay ito: gagawin ang sukdulang makakayanan upang mapag-aralan, maisabuhay at maipalaganap ang mga aral na nakahanay sa Kartilya. Hindi ka nagpapanatang gagawa ng anumang lagpas sa talagang makakayanan mo, at huwag ka namang kakapós ng pagsisikap sa talagang kaya mo namang gawin. Katanggap-tanggap na ang ganito sa pinag-aalayan natin ng pangako -- ang ating mga ninunong bayani.


7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan."

Ginintuan daw ang panahon at ito ang tunay na lalagyan ng ating mga kakahayan upang magbigay ng kabuluhan sa ating buhay at magkamit din ng karagdagan pang kakakayahan. 

Napakarami ng mga pagbabahagi ng personal na karanasan ukol sa pagsasabuhay sa aral na ito. Pinakamarami sa mga ito ang pagsitá sa sarili ukol sa sinasabing pagsasayáng ng oras. Ilan sa mga ito ay di naman maituturing na buung-buong pagsasayang dahil mahalaga rin naman ang pakikipag-ugnayan sa mga mahal-sa-buhay at mga kaibi- gan, ang paglilibang, ang pagmumuni-muni at ang pagpapahinga. Ang masamâ ay kung sobra ang panahong nailalagay rito at napapabayaan na ang ibang gawaing mahalaga rin, lalupa't naipangako nang agad na gagawin. Ang mahalaga ay balanse at organisadong paggamit sa oras batay sa balanseng pagtatakda ng mga priyoridad natin sa loob ng anumang mahaba-habang panahon. 

Dito'y mahalagang isaisip ang unang aral ng Kartilya. Mahalaga ang isaisip ang pangangailangan nating magpahinga ang ating mga katawan at utak, pati mga emosyon, para humaba pa ang buhay natin, para huwag tayong madalas o malubhang magkasakit, at para lalong mapagbuti ang mga gawain at mga produkto ng mga ito. Baka marami nga ang magawa natin, mababa naman ang kalidad! 

May isang pumiling magbahagi ng karanasan ukol sa aral na ito, at ikinagulat ng mga nakakakilala sa kanya ang mismong pagpili. Para na raw kasing trumpo ang taong ito sa sobra-sobrang ginagawa sa lahat ng oras. Wika nga ng isa sa kanyang mga kasama sa trabahio, "Ikaw na madalas naming tanungin kung may panahon pang matulog...pinili mo ang 'Punto Siyete'???" 

Bahagya siyang natawa bago magsimulang magpaliwanag sa kanyang pinili. 

"Ganito kasi iyon. Sa dami nga ng ginagawa ko at gusto ko pang gawin, sa dami ng kinakausap ko at gusto pang kausapin, masyadong nasisiksik ang iskedyul ko at madalas ay hindi na makatotohanan; hindi na realistiko, halimbawa, ang inilalaan kong panahon para sa matrapik na pagsakay-sakay."nagbabahagi. "Resulta tuloy, naaantala ako sa pagdating sa mga appointment ko at mga pulong, at matagal na naghihintay ang mga dapat kong kausap sa tanmang oras. Ayaw kong masayang ang oras ko, pero sinasayang ko naman pala ang oras ng ibang tao. Mali! Nakakahiya sa kanila." 

Ukol sa madalas na pagkakaantala ng marami sa pagdating sa takdang oras, napag-usapan ang tinatawag na "Filipino time." Nagkaisa ang lahat na ang ugaling iyon ay hindi nababagay sa mga ugali ng mga Anak ng Bayan, ng mga Anak ng Dakilang Lahi. 

Totoo namang may mga mga pagkakataong di talaga natin kontro-lado ang kalagayan at may mga pangyayaring di talaga natin naisip na malamang ngang mangyayari. Pero sa kadalasan, ang mga pagkaka-antala sa pagdating ay maaari sanang maiwasan kung sanáy tayong paghandaan ang kumpás ng ating mga pagkilos at lubos nating iginagalang ang oras ng iba at pinakaiiwasang ito ay masayang. 8. ”Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin (labanan) ang umaapi.”

 


8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin (labanan) ang umaapi.”

Sa mga sumunod sa mungkahing bilangin ang mga aral ng Kartilya na nauukol sa karahasan at mga aral na nauukol naman sa "iba pang bagay," marami-rami rin tumitig dito sa ikawalong aral at nagsabing ito raw ang nag-iisang ounto (o kalahati nga lang ng isang punto) na maituturing na nauukol sa karahasan. Pero may mga tumutunggali rito. 

"Hindi naman basta't sinabing 'kabakahin' o 'labanan' ay nanganga-hulugan nang ang tinutukoy ay marahas na paglaban!" mariing winika ng isang Namumunong Katipon, "Madalas ngang mas masakit at mas epektibo ang paglaban na itinutuon sa pag-iisip at damdamin, sa pamamagitan ng pagpunterya sa puso o sa isipan ng umaapi, tulad ng pagpapahayag ng lubusang kawalan natin ng anumang paggalang sa kanila dahil sa kanlang ginagawa. Minsan nga't iniwan ako ng isang mangingikil nang tanungin ko siya kung hindi pa ba niya ititigil ang ginagawa niyang pamimilit sa aming mga katulad niyang mahihirap na limusan siya araw-araw." Masakit kasing kataga ang "limos." 

Hawig sa pag-uulos ng pluma na ginawa nina Jose Rizal at Marcelo del Pilar sa mga kolonyalistang Kastila, idinugtong pa niya, "May mga pagkakataong ang pinakamabisang panlaban, sa halip na matalas na itak, ay isang napakatulis na lapis..." 

"May isang bagay akong natanto sa aral na ito," wika ng isang mamamahayag. "Kung minsan, gusto ko lang talagang lumaban sa isang masarap naman kasi talagang kalabanin--asaritong talaga at sirang-sira na ang papel niy sa mata ng publiko. "

Aaminin kong matagal akong naghintay ng kalagayang may inaapi siyang mga tao, at inalam ko ang mga detalye para maipaglaban sila. Para sa akin nga ay detalye na lang kung sino ang ipagtatanggol ko laban sa kanya; ang importante sa akin ay pagkakataóng kalabanin siya." 

Idinagdag pa nito na "Mas mahalaga palang ugaliin nating ipauna ang pagmamahal sa kapwa-taong dapat ipagtanggol kaysa sa paglaban sa mga dapat labanan. Oo nga't madalas namang sabay ang dalawang ito, pero maraming mga kababayan natin ang nasanay na umasam ng labanán dahil mas sanay talaga silang lumaban kaysa magmahal." 

Sa ika-labintatlong aral ay may masasalunong taong pariralang "di nagpapaapi at di nakikiapi." 

Mahalagang maidugtong natin ang mga iyon dito sa ikawalong aral ng Kartilya. Kapag nagagap at ganap nang naisasabuhay ng ating mga kababayan ang mga magkakadugtong na habilin ng mga aral na ito ng Kartilya ng Katipunan,mawawakasan na natin ang mga ginagawa ng mga nang-aapi at ng mga nakikiapi, at ganap nating magagapi ang kasamaang minana nmg tao sa mga ninuno natin sa ebolusyon-- ang pang-aapi.


"9. "Ang taong matalino’y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim."

Sa biglang tingin ng marami sa mgs nakakaalam sa ikasiyam na aral, ito'y nauukol lamang sa pangangailangang pangalagaan ang gma lihim at kaligtasan ng Katipunan, sa konteksto pa nga nhg isang marahas na digmaan. 

Sa ganito'y nakikitang nakadugtong ito sa pambungad ng Kartilya na nagbibigay-babala naman laban sa sasadyaing pagpapahamak sa Katipunan at sa Rebolusyon sa pamamagitan ng pag-iipon ng impormasyon para maiulat sa mga kaaway. 

Kaya may nagkwento nga sa amin ng ganito: "Akala ko noong una kong makita itong ikasiyam na aral , di ko kelanman pipiliin ito para iugnay sa buhay ko sa kasalukuyang panahon. Kasi, wala namang gera at wala tuloy akong sinasamahang sukat kong dapat ipaglihim para maprotekahan. Hanggang sa makarinig ako ng isang pagbabahagi kamakailan at at nagulat ako sa kanyang paglalapat ng aral na ito dahil kuwan... ibang-iba sa unang mga naisip ko!" 

Sa pagpapatuloy ng kuwento niya, ang narinig daw niyang paglalapat ay ukol sa sarili niyang mga opinyon at obserbasyon na di rin naman siya nakakatiyak, o kahit tiyak man siya'y di makakatulong kahit kanino man kung ikakalat pa niya ang ganitong kuro-kuro o obserbasyon. 

"Sabi niya, nag-iingat siya sa bawat sasabihin dahil ayaw niyang magpalaganap ng mga hula at haka-haka, mga paghuhusgang maaaring makasira sa imahen ninuman sa pananaw ng iba o maaaring makaambag sa pagsira sa nga sa mismong pagkatao ng huhusgahan at papaksain ng pinapakalat na chismis! Sabi niya, kung mayroon kang ganyang klaseng pag-iisip na mapang-husga at mapanira sa iba, nakakahiyang talaga, kaya't ilihim mo na lamang at ibasura sa halip na ipagsabi pa. 

Ang tindi!! Pero may punto, di ba? 

May halaga pa rin ang pag-aral ng pag-iingat sa bawat sasabihin, sa konteksto ng pakikidigma na siyang orihinal na konteksto ng pagkakasulat ng "Punto Nuwebe." Mayroon kasing mga digmaan na hindi pormal na deklarado bilang digmaan ngunit may kahawig na epekto sa halaga ng mga tiyakang impormasyon sa kapakanan ng kalayaan ng mga mamamayan. Ngunit kung sanay tayong isabuhay ang mga aral ng Kartilya ay makatutulong sa atin ang mga ito.


10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.”

(Ang simula nito’y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan,ang katumbas ay ang sumusunod: “Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.”)

Kahit sa mula't mula pa'y nilagyan na ng pagsasakonteksto ang aral na ito, ang bahaging nagsasabing "lalaki ang patnugot ng asawa't mga anak, ay nagkaron pa rin ng di magandang epekto sa mga babae at mga lalaking mulat sa nararapat na na pagkakapantay ng babae sa mga lalaki sa lipunan ng mga tao. Mas masaklaw na pagkakaunawa sa Katipunan ang naging susi sa naging pagtanggap na rin nila sa ikasampung aral. 

"Kahit na may paliwanag dito mula sa Kamalaysayan, sa simula'y asiwa pa rin ako sa mga kaagang ito," paglalahad ng isang aktibista sa pagtataguyod ng pangkasariang pagkakapantay at mainam na pagtutulungan. "Kinailangan ko munang makita ang kasunod na ikalabing-isang punto at ang kahulugan ng ng pagpili nina Bonifaco ng sagisag na Inang Bayan sa halip na Patia o Fatherland ng Kanluran, bago ko mas nakilala ang pananaw ng Katipunan sa ugnayan ng mga kasarian, na malaking pagsulong naman sa dating umiiral noon sa kalalakhan ng lipunan. Nang maliwanagan ko ang ganito, naging aktibo ako sa pagpapaliwanag nito sa kapwa kong mga nagtataguyod ng tamang ugnayan ng mga kasarian. At dahil dito, nakapagtutuon na rin ako ng pansin sa talagang punto ng aral na ito: pananagutan ng pamumuno. Salamat sa mga pagsisikap ng Kamalaysayan tungkol dito." 

Dagdag naman ng isa pang dumalo: 

"Sana'y magaya ng ilang opisyales ng gobyerno ang mga responsableng magulang sa dapat nilang pagbibigay ng tamang paglilingkod na parang mga 'magulang' sa isang malaking pamilya. At sana rin, ang mga tunay ngang magulang ay huwag makakalimot na ang pagpapakain sa katawan ng mga anak, kahit mahirap sa kalagayan ng malawakang karalitaan, ay hindi siyang pinakamahalaga sa mga responsibilidad bilang mga magulang. Ang usapin ng pagiging responsableng mga magulang ay hindi usapin lamang ng dami ng kanilang mga anak. Masyadong makitid rin kasi kung ganoon lang!" 

Inamin ng dalawang nagbahaging ito na ang inaasam nila'y makakayanan mismo nilang isagawa sa sari-sariling pamilya. "Bilang mga magulang,"mungkahi ng isa pa, "magkumustahan, magkwentuhan at magtulungan sana tayo ukol sa ganitong pananagutan ng magulang. Para naman sa mas matinong mga anak ang maiaambag natin sa sumusunod na henerasyon!"


11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.”

Ginulat kami ng isang pinuno ng "fraternity" sa masaya niyang kuwento minsang magbahagian sa loob ng pagdaraos ng seremonya. 

"Hindi pa rin ako makapaniwalang magtatagumpay ako, na mamamasag ko nga ang deka-dekada nang tradisyon. Sumubok lang ako. Ang kalakaran kasi sa amin, kapag kaarawan ng isa sa mga pinuno, ay maghahandang isang 'stag party' (salu-salong ang dumadalo ay puro lalaki), at pagkatapos ng isang maingay at masayang lasingan, inireregalo naman sa may-birthday ang isang gabing pagtulog sa isang kwarto ng mamahaling hotel na pinagdausan ng kasayahan, isang kwartong 'pinapalagyan' na namin ng isang babaeng makakapiling niya sa magdamag bilang bahagi ng regalo sa kanya. "

One week bago ang birthday ng aming grand chancellor, ipinakilala ko sa kanya ang mga aral ng Kartilya. At tulad ng gusto kong mang-yari, nang makita niya ang "Punto-Onse," siya na mismo ang nagmuni na huwag na lang ituloy ang bahaging iyon ng pagreregalo sa kanya. Pinanindigan niya ito bilang mungkahi at kahilingan sa isang pulong namin kinabukasan ukol sa preparasyon sa kanyang kaarawan." 

Idinagdag pa niyang hindi naman tahasang ipinagbabawal ng pinuno ang regalong ganito, ngunit tiniyak namang ang kasunod na mga magdi-riwang ng sari-sariling kaarawan ay mapadalo sa seremonya sa Kar-tilya na idinaos sa sentrong bahay ng frat sa pamumuno nitong nagbabahagi ng masaya niyang karanasang iyon. 

Marami-rami sa mga binata at binatilyo, pati mga may asawa na, na dumadalo sa mga pagdaraos ng Pagtitipon ay nagsabing "Magpapakabait na" raw sila at di na magiging "pilyo sa chicks," laluna ang mga malapít sa sariling ina o kaya'y may sarili nang mga anak na babae. Sabagay, dapat lang naman, di ba?


12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.”

"Simple lang ito, 'Golden Rule' lang ito, ginintuang aral ni Confucius!" bulalas ng isa sa mga pumili sa aral na ito para paksain niya sa pagbabahagi ukol sa pagsasabuhay. "Matagal na kasi akong tagahanga nito, dati ko nang itinuturing na kung maisasabuhay lang ito ng lahat ng tao sa mundo, maaayos na ang pakikipamuhay sa isa't isa ng bawat tao, anglan, pamayanan at bansa!" 

Inilinaw niyang sa pagsabing "simple lang ito," di niya ipinapakahulugang madali itong gawin. Kinakailangan niyang gawin ang ganoong paglilinaw dahil sa tunog ng pagkakasabi niya'y parang minamaliit ang mahirap na pagsusumikap ng mga nagnanais magsabuhay nito. 

Totoo namang ang esensya nito ay kahawig ng ipinahayag ni Con-fucius at maraming iba pang pantas sa kasaysayan ng sangkatauhan. Pero ang pagkakasulat dito ni Jacinto ay masasabing 'Pinóy na Pinóy!' wika ng isa pang pumili sa aralk na ito. 

"Bale ang sinasabi'y 'huwag mong gawin sa mahal ng iba ang ayaw mong gawin sa mahal mo!'" Di ba't ganoon nga tayong mga Pilipino? Hindi bale nang tayo mismo ang saktan at insultuhin, huwag lamang ang ating mga mahal sa buhay!"


13. "Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao yaong may magandang asal, may isang pangu­ngusap, may dangal at puri, yaong di nagpa­paapi’t di nakikiapi; yaong marunong mag­damdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” 

Mahigpit ang kaugnayan ng ikalabintatlong aral ng Kartilya sa ikaapat. Ihinahanay nito ang ispesipikong mga sangkap at paglalarawan at pinakadiwa mismo ng aral ukol sa pagkapantay-pantay ng lahat ng tao sa mundo, Narito ang tatlong pagbabahagi.

May nagturing sa aral na ito bilang tahasang pagkontra sa mga kasinungalingan ng mga kolonyalistang Kastila ukol sa mas mataas daw nilang uri ng tao kaysa sa mga tinatawag nilang "Indio," na walang iba kundi tayo.

"Ang pinakanagustuhan kong linya rito ay ang mga katagang 'kahit laking-gubat at walang nababatid kundi sariling wika.' Nagpapaalala kasi sa akin na kahit medyo magaling akong uminggles -- lalo na nang nakapasok ako sa call center at pati 'aggzent' eh parang Kanô nang talaga -- wala pa rin akong dahilang maging mayabang at maliitin ang mga maling mag-English o yung mga di na lang susubok mag-English. 'Ispokening dollars' nga ako pero ano namang makabuluhang bagay ang sinasabi ko? Sumasalamin ba sa pagkatao ko? Marangal naman bang pagkatao kung sakali? Buti na nga yung mga laking-gubat na konte lang ang sinasabi pero tapat naman at maaasahan!

"Ako naman, gustong-gusto ko yung pagkakalagay ng mga katagang 'at di nakikiapi.' Madali kasi nating sabihin na, 'Aba, hindi naman ako nang-aapi,'no?!' Pero mahirap makatiyak na sa mga kinagawian nating pakikitungo sa kapwa ay hindi tayo nakadaragdag pa sa pinagdu-rusahan nilang mga kalakaran sa lipunan. Ngayon, nagsisikap akong mag-ingat para huwag ko namang mapanatili ang ganoon."

"Dito sa Punto-Trese nagsasama ang sinasabing batayang pagka-kapantay ng lahat at ang pagbibigay-kaganapan sa karangalan ng bawat tao--itong 'magandang asal; may isang pangungusap; may dangal at puri; yaong di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.' Kahit hari, kahit pari, puwe-deng maging ganito at maituring na "mahal" na tao dahil nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao sila nang ganito. Hindi dahil hari o pari sila!"

Dito sa ikatlong pagbabahagi, naididiin ding mahigpit magkakaugnay ang mga aral ng Kartilya, walang mga bakod sa isa't isa.


14. ”Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi’t magkakapatid, ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa’y labis nang matutumbasan.

Marami-raming beses na itong ika-14 na aral ang pinipili kong paksain sa sarili kong pagbabahagi sa loob ng maliit na grupo ng mga dumadalo sa seremonya. Natutuwa kasi ako sa may-pag-asang nila-laman nito. Sa tingin ko ay may napakahalagang mensahe at aral mismo sa pag-asang idinudulot ng huling puntong ito, kaya di ko masang-ayunan ang palagay ng iba na pansara lamang ito sa enumerasyon ng mga aral na sa bilang nila'y 13 lang na aral ng Kartilya. Kung wala ang aral ng pag-asa, lumiliit ang halaga ng mga aral na unang binabanggit. 

Paglaganap nga ng mga aral na ito at darami ang mga tunay na magsasabuhay sa mga ito, ang kapangyarihan ng Kartilya ng Katipunan na minsan nang nakapagpalakas sa pagkakaisa ng malawak na hanay ng mga Katipunero sa buong kapuluan noong kapanahunan ng Rebo-lusyong 1896, ay magdudulot ng marangal na pagkakaisa sa kasalu-kuyang henerasyon ng taongbayan sa Pilipinas. Katunayan, marami-rami na ang naaabot ng mga aral na ito at depende sa talab ng mga ito sa buhay at puso ng mga naabot na ito ng mga aral ay nagdulot sila ng magabndang epekto sa mga kababayan nating ito-- sa kani-kanilang mga personal na buhay at sa ugnayan ng kanilang mga grupong kinabibilangan at pinamumunuan. 

Mahalaga rin sa akin ang ukol sa pagpapalaganap na ito dahil ang Kamalalaysayan na aking itinatag at pinaglingkuran noong 1991 ay siyang naging pinakaaktibo sa pagpapalaganap sa mga aral ng Kartilya sa buong panahon mula noong 1991, bisperas ng Katipunan, Sandaan! (sentenaryo noong 1992 ng pagkakatatag ng Katipunan) hanggang sa kasalukuyan. At sa loob ng Kamalaysayan, isa ako sa naging pinakaaktibo. 

Ang mga nag-ambag ng pagbabahaging naisama sa unang kabanata ng unang edisyon ng Kartilya, Ngayon! ay hindi pinangalanan dahil sa pinapangakuan natin ang mga dumadalo sa seremonyang Pagtitipon na hindi ibubunyag sa publiko ang personal nilang mga pagbabahagi. Samakauwid, inaako ko ang pananagutan, bilang may-akda ng aklat na ito, para sa anumang maaaring maging epekto ng pagbabahaging narito. 

Samantala, sa pagpapatuloy ng mga ng ating seremonya at sa tulong ng mga Namumunong Katipon at mga Pangalawang Namumuno sa mga pagdaraos ng seremonya ay inaasahang patuloy pang darami ang mga pagbabahagi at malamang na kakapal pa ang kabanatang ito sa susunod pang mga edisyon nitong libro.

 


 

THIS SITE WAS CONSTRUCTED BY SANIBLAKAS CYBER-SERVICES.

QUESTIONS, OR ANY OTHER FEEDBACK MAY BE SENT TO: 

  .back to TOP