ding reyes books

 

 

   ORGANISMO

  ORGANISASYON MISMO

 

 


           

 

 

Paunang Salita   

Maipalaganap

Nawa Ito

Ni Alejandrino Reyes


Pambungad ng May-Akda

Susing Asal  

at Prinsipyo

Ni Ed Aurelio C. Reyes


Kabanata 1.  

Organismo,

Hindi Mekanismo 


Kabanata 2.  

Nasaan ba ang Kaalaman, Nasa Utak Lang?


Kabanata 3.  

Kaisahan ng Lahat

ng mga Kasali


Kabanata 4.  

 Organisasyon: Pagsasanib-Lakas


Kabanata 5.

Ang Pagsasanib-Lakas 


Kabanata 6. 

Malaking Hamon:

Organisadong Kooperasyon


Kabanata 7. 

Matinding Kahalagahan 

ng Malusog na Pamumuno


Hinggil sa May-akda

Ed Aurelio C. Reyes


 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

            

 ni Ed Aurelio C. Reyes

ni Ed Aurelio C. Reyes

 

Click here to see the list of Chapters in this Mini-Book


THIS PAGE HAS BEEN VISITED  1873  TIMES SINCE IT WAS UPLOADED IN NOVEMBER 2010.


back to top.         back to previous.

entire book was uploaded

as recommended by

Ms. Shayne R. Merioles.

 

Paunang Salita:

Maipalaganap Nawa Ito!

SA HANAY nating mga Pilipino, masasabing tunay nga ang kasabihan sa English na "Man is a social being." Angkop na angkop ito sa atin. Mapa-civic, political, educational, community o religious organzations, tayo ay kasali o kasama. Marami sa atin ang di lang sa iisa o dadalawang samahan kasali. Bakit tayo ganito? Mas marami raw na samahan ang kasali tayo, mas masaya! Ganoon nga kaya?

Alam naman natin na ang pagsapi sa isang organisasyon ay may kaakibat na mga responsibilidad at gampanin. Alam nating dapat mulat ang isang kasapi sa isang organisasyon na dapat siyang nag-aambag dito – oras, talino, salapi, o anumang kombinasyon ng mga ito. At sa pagsasanib-sanib ng mga ambag ng mga kasapi, napapalaki ang kanilang pinagsama-samang kakayahan at sa ganitong paraan at natutulungan ng bawat isa ang kanyang sarili at ang buong organisasyong kanyang sinalihan. Sa pa-mamagitan ng mahigpit na pagsasama-sama ay napatitingkad ang kakayahan ng bawat isa sa matatag na diwa, pag-iisip at pagkilos.

Tulad ng naisagawa niya sa naunang aklat (MYEMBRO ng Kooperatibang Totoo, 2004), naililinaw sa aklat na ORGANISMO: Organisasyon Mismo ni Ed Aurelio C. Reyes ang tunay at dalisay na larawan ng ating minimithing pagkakaroon ng tunay at ganap na mga kasapi ng tunay na mga organisasyon.

Ang mga aral na nilalaman ng munting aklat na ito ni Ding Reyes ay mapasakamay nawa ng bawat Pilipinong kasapi sa anumang organisasyon upang magamit sa pagpapalakas ng kani-kanilang mga samahan. Bilang isang organisasyon ng mga nagkakaisa sa kahalagahan ng edukasyon ng mga kooperatiba ukol sa prinsipyong sanib-lakas, gagawin ng mga kaanib ng ACES ang aming magagawa upang mabasa nang masinsinan at maibahagi sa maraming lider at myembro ng mga koop ang mga nilalamang ito. Mabuhay ang tunay na mga organisasyon ng mga Pilipino!

--Alejandrino S. Reyes

Tagapangulo, Advocates of Cooperative Education on Synergism (ACES)*

Tagapangulo, Sts. Peter & Paul Parish (Makati) Multi-Purpose Cooperative (SPPPMPC)

Pangalawang Pangulo, Philippine Association of Tobacco-based Cooperatives (PATCO)

Makati, Pilipinas Abril 2007

*Ang ACES ay kasaping-samahan ng Katipunang DakiLahi para sa Pambansang Pagsasanib-Lakas, at ng Pamayanang Sanib-Lakas ng Pilipinas, pawang itinatag ng SanibLakas Foundation.

Pambungad ng May-Akda:

Susing Asal at Prinsipyo

KAPAG pinag-aaralan ang kooperatibismo at ang nagiging kasaysayan nito sa Pilipinas, dalawang bagay ang nararapat na panghawakan nang napakahigpit upang maiwasan ang kadalasa’y mekanikál lamang na pagkakaunawa.

Una rito ay ang mahalagang maalala ng bawat taong nag-aaral ng kahit na anong bagay: ang dapat nating palagiang asal na pagpapaka-tao at pakikipag-kapwa-tao. Ang kooperatiba ay binubuo ng mga tao na ang bawat isa ay kumpletong tao-- may diwa’t damdamin, may kakayahang mag-isip, at may kakayahang kumilos sa mga gawain. Sa bawat tunay na pangangailangan ng bawat tao ay may kata-pat siyang angking kakayahan na tugunan ito. Mara-ming kakapusan sa kakayahan ay nagmumula sa pag-kalimot dito at sa prinsipyo ng pag-asa sa sarili. Laganap din ang mga ugaling di sapat na gumagalang sa dignidad ng kapwa-tao bilang mga tao.

Pangalawa rito ang mapaghimalang prinsipyo ng sanib-lakas, may kamangha-manghang nalilikha at naidaragdag na lakas basta’t mahigpit na pinagsa-sanib-sanib ang mga kakayahan, na siyang pinagmu-mulan ng pakinabang sa pagsapi sa koop, basta’t ang lahat ay nag-aambag at nagtutulungan.

Ito ang mensahe ng aklat na ito: Gawing buháy, mga organismo, ang ating mga organisasyon!

Ed Aurelio "Ding" C. Reyes

Pangulo, SanibLakas ng Taongbayan Foundation

     at Pasimuno, CES Program

Propesor sa Kooperatibismo, Asian Social Institute

Tagapangulo, Komite sa Edukasyon at Impormasyon,

     6th National Cooperative Summit, 2002

Dating Tagapayo ng Tagapangulo ukol sa Edukasyon,

     Cooperative Development Authority

Myembro, Sts. Peter & Paul Parish (Makati)

     Multi-purpose Cooperative

Makati City, 15 Setyembre, 2004


  Kabanata 1 

 

Organismo, Hindi

Mekanismo

ANG ISANG mahusay na organisasyon ay paminsan-minsang naihahalintulad sa isang makinaryang busóg sa langis. Kung sa wikang English pa ay "well-oiled machinery." At kung umuugong man ang ma-kinis na pag-andar nito ay para lamang ugong na ibinubulong, kung baga’y walang kalampag.

Karamihan ng ganitong mga nama-mangha sa mga makinang mahusay ang takbo ay di nakakaalam o nakakalimot na palaging mas mahusay at di-hamak na mas kamangha-mangha ang andar ng isang buháy at malusóg na hayop o halaman. At hindi mo na ito kailangan pang lagyan ng langis – sa loob na ng katawan mismo ng buháy na bagay ginagawa ang pampadulas sa sabay-sabay na paggalaw ng kanyang mga "piyesa."

Mas Mahusay Kaysa Makina

Ang isang mahusay na organisasyon ay di-hamak na mas mahusay kaysa sa isang makina. Nagagawa nito ang mga bagay na di nagagawa ng isang makina, gaya ng paglago, pagpapasiya at pati pagkukumpuni ng sarili.

Mahalagang katangian ng isang organismo, tulad ng isang hayop, ang katotohanang siya ay binubuo ng napakaraming maliliit na bahaging puro buháy rin – ito ang mga selula ng katawan, na bumubuo ng mga himaymay (tissues), na bumubuo naman ng mga organo (organs), na bumubuo naman ng mga sistema (systems, na gaya ng respiratory, circulatory at digestive).

Mayroon pa ngang sari-saring mga enerhiya at energy fields na hindi madaling makita ng mata ng karaniwang mga nag-oobserba at kung gayo’y nakakalimutan o naipagkakaila pa nga, na nariyan bilang bahagi ng realidad. Sabagay, tayo ngang walang dahilang magduda na binubuo ng milyun-milyong selula ang ating katawan ay halos palagiang nakakalimot na nariyan nga sila.

Sa ating madalas na pagkamalay, humihinga tayo upang patuloy na mabuhay ang ating mga bagŕ at kumakain tayo upang huwag magutom ang ating mga sikmurŕ. Tunay nga, ang madalas lamang na naiisip ng utak ay ang mga organo ng katawan na nagpaparamdam sa kanya sa pamamagitan ng pagkirot o pagpalya. At ang mulat lamang sa kahalagahan ng malulusog na selula ay yaong mga nagtataglay na ng mga selulang pumipinsala o lumalason sa malulusog niyang mga selula tulad halimbawa ng mga may kanser o kaya’y mga natuklaw ng ahas.

Malaking kakapusan ng talino ng tao ang halos palagian niyang pagkalimot sa kanyang mga selula. Gayundin, malaking kakapusan ng talino ng isang organisasyon o kahit man lamang ng pamunuan nito, ukol sa kahalagahan, kapasyahan at kapakanan ng kanyang mga myembro. Nagagawa silang bale-walain habang hindi sila nagrereklamo.

Sama-samang Layon ng mga Selula

Ang pinaglilingkuran ng organismo ay ang sama-samang layunin ng mga buháy at may-malay na mga bahagi. Hindi mapag-dududahan ninuman na ng mga selula ay bu-háy. Ang kailangan na lamang nating idagdag o ipaalalang kaalaman ay ang katotohanang ang bawat selula, saan mang bahagi ng kata-wan siya nakaposisyon, sa utak man o sa puwit, ay may kaalaman at kamalayan. Ipinapaliwanag ito nang mas malinaw sa Kabanata 2.

Ano naman ang pinaglilingkuran ng me-kanismo, na ang mga bahagi at di-buháy at walang malay na mga piyesa? Ang sama-samang pinaglilingkuran ng mga piyesang ito ay ang layunin kung kaya’t sila ay hinulmá at pinagsama-sama. Walang kamalayan ang mga piyesang ito kung kaya’t wala silang sariling layuning mapaglilingkuran. Ang tanging layuning mapaglilingkuran nila, habang buo pa sila, ay ang layunin ng nag-disenyo’t bumuo ng makinang kinapapalooban nila.

Back to list.


  Kabanata 2 

Nasaan ba ang Kaalaman,

Nasa Utak Lang?

MADALAS NA ipagpalagay na kung ang organisasyon man ay tunay ngang buháy, sa utak lamang nagaganap ang mga pagsusuri at pagpapasya, at pinagagalaw na lamang ng utak ang lahat ng iba pang mga bahagi ng katawan sa pamamagitan ng motor nerves. Ang sensory nerves naman daw ang nag-iipon ng impormasyon mula sa iba’t ibang parte ng katawan upang suriin.

Ang pamumuno raw, kung gayon, ay pagtitipon ng impormasyon sa utak na magsusuri at magpapasya rito at ang pasya ay ipapatupad ng iba’t ibang parte ng katawan ayon sa iniuutos ng utak. Kailangan daw gawin ito ng pamunuan ng isang samahan dahil ito raw ang pinaka-utak ng samahan.

Pero, sa totoo lang, nasaan ba talaga naroroon ang kaalaman? Ito ba’y nasa utak lamang, ayon sa pagpapalagay ng halos lahat? O ito ba ay nasa lahat ng bahagi ng katawan, kasama na ang utak? Ang sagot ay ganito: nasa lahat ng bahagi ng katawan ang kaalaman.

Pagkumparahin muna natin ang kaala-mang nasa utak at kaalamang nasa lahat ng bahagi ng katawan, kasama na ang utak:

Kumpletong Rekord ng

Sariling mga Karanasan

Ang nasa utak ay ang kumpletong rekord ng lahat ng ulat ng limang sentido mula pa nang ang partikular na taong ito ay nabuô sa sinapupunan at kapagdaka’y isinilang, kasama na ang naging mga pagsasanib-sanib ng mga karanasang ito na nabuo sa pamamagitan ng paggunita at pagsusuri. Napakaraming impormasyon nito para sa bawat tao. Pati ang mga karanasan ng ating isip at ka-tawan na di na natin pinagkaabalahang pan-sinin o kaya’y tuluyan nang nalimutan ay nakaimbak pa rin sa ating utak.

Maraming tao na kapag ipinapailalim sa hipnotismo ang nakapagsasalaysay nang detalyado sa kanyang mga karanasan mula nang siya ay sanggol pa lamang o munting bata o kaya’y dalagita o binatilyo kahit napakaraming dekada na ang nakalilipas mula nang maganap ang mga ito.

May dadaig pa nga kaya sa lawak ng kaalamang ito? May dadaig pa nga kayang kaalaman na nasa iba pang bahagi ng katawan?

Oo! Nasa kaibuturan naman ng bawat selula ng katawan ang kaalaman ukol sa lahat ng karanasan ng lahat ng mga magulang at kanunu-nunuan ng partikular na taong ito, na siya ring kanunu-nunuan ng napakarami pang mga tao (sa loob ng bawat lahi at sa loob ng kabuuan ng Sangkatauhan).

Ang bahaging nagtataglay nito na nasa bawat selula at lubusang magkakapareho sa mga selula ng iisang katawan (maliban na lamang kung tinamaan ng nakakapinsalang mga sinag o toxic radiation ang ilan sa mga selula at hindi ang iba), ay ang nakapilipit na kambal-hiblang tinatawag na "deoxi-ribonucleic acid" o DNA. Sa pagitan ng mga hiblang ito ay may ispesipikong pagkakasunud-sunod ang molecules ng iba’t ibang elements at compounds na nagtatakda sa pinaka-detalyadong blueprint ng buong katawan.

Sa pagsasanib pa lamang ng semilya ng lalaki at itlog ng babae sa sinapupunan ng ina ay nabubuo na ang isang selula at sa DNA nito ay nakatakda na kung ano ang magiging tangkad at hitsura ng bata sa kanyang paglaki, kung ano ang magiging kulay ng kanyang balat at buhók at kung ito ba ay magiging unat o kulót, kung magiging natural na komang o sakáng, at iba pa.

Ang mga katangiang ito ay minana niya sa alinman o kapwa sa kanyang mga magulang na minana naman nila sa kanila namang sariling mga magulang, na minana naman ng mula sa kanilang mga kanunu-nunuan.

Impormasyon sa Mas

Mahabang Kasaysayan

May paglalarawan ang manunulat na si Brian Swimme, sa akda niyang The Universe is a Green Dragon, na nagpapa-hiwatig, sa aking pagkakaunawa, ng ganito: ang unang mag-asawang kambing na napaakyat sa matarik at maginaw na kabundukan upang doon na manirahan ay tutubuan ng makapal na balahibo at mag-kakaroon ng mga paang may kakayahang kumapit sa di-pantay na mga bato.

Ngunit kung ang mga pagbabagong ito ay tatalab sa kanilang DNA, maipapasa nila ang mga katangiang ito sa kanilang mga magiging apo na kapag isinilang ay makapal na kaagad ang balahibo at may mga paa (hooves) na kaagad nang may kakayahang kumapit sa matatarik na batuhan upang makapamuhay sa kabundukan nang hindi nahuhulog o naitutumba ng malakas na hangin sa mga tuktok.

Ang susunod na isandaan o isanlibong salinlahi ng mga kambing na ito ay magtataglay ng DNA na sumasalamin sa ganitong kasaysayan.

Nasa DNA ngayon ng lahat ng hayop at halaman ang buong kasaysayan ng ebolusyon ng kani-kanilang species. Nasa utak rin naman ng bawat isa sa kanila ang rekord ng kani-kanyang mga karanasan magmulang maisilang.

Nasa DNA ng lahat ng buháy ang diwa at kaparaanan ng nagkakaisang layuning "Palawigin ang buhay!" at magkaminsa’y kinokontra ito ng "katalinuhan" ng utak. Pa-tunay sa bagay na ito ang lahat ng kaso ng pagpapatiwakal, mabilis man (pagbibigti o pag-inom ng lason) o mabagal (pagtangging tumigil sa nakamamatay na mga bisyo).

Sa katunayan, ang pagkakabuo mismo ng mga organismo na may milyun-milyong selula na may magkakaibang ambag na gawain sa pagpapalawig ng buhay, ay nagmula sa kusang-loob na pagsasama-sama ng mga organismong may iisang selula (uni-celled organisms), gaya ng amoeba, parameceum at euglena upang maprotektahan ang sarili sa lamig o sa mga kaaway nila.

Nang masanay na sa simpleng pagkaka-dikit-dikit, kumapal na ang mga selulang nasa labas ng kumpol at ang mga ito ay naging himaymay o tissue na tinatawag nating balat. Nang mangailangan sila ng koordinasyon sa kanilang hanay, nagbuo sila ng sistema ng pagpapasahan at pagpopro-seso ng impormasyon, at paglao’y ang mga selulang naatasan sa ganitong gawain ay nagbago upang mas makayanan ang gawaing ito at siyang naging pinakautak ng kanilang pagsasama-sama.

Organismo—Nabuo

sa Ispesyalisasyon

Nang magkaroon na ng ispesyal na mga selula para sa ilang mga takdang gawain, ang kumpol ng mga selula o "cell colonies" ay naging organismo. Patuloy na nagbabago ang mga ito bilang pakikipamuhay nang mahusay sa kani-kanilang likas na kapali-giran. Ganito naganap ang mahabang kasaysayan ng ebolusyon ng komplikadong mga organismo mula sa simpleng mga kumpulan ng mga selula.

At ang buong kasaysayang pinagdaanan ng bawat organismo ay impormasyong nakarekord sa DNA ng bawat selula ng organismong ito. Ito ang kaalamang taglay nag lahat ng selulang buháy.

Sino pa sa atin ang makapagpupumilit na ang lahat ng ating nalalaman ay nasa utak lamang?

Sa katunayan, di lang sa dami kundi pati sa kalidad ay nadadaig ng kaalaman ng bawat selula ang nakarekord sa utak lamang.

Nabanggit nang katibayan nito ang kalituhan at desperasyon ng utak na humahantong pa nga sa pagpapatiwakal. Marami pang iba.

 Back to list.


  Kabanata 3 

Kaisahan ng Lahat ng mga Kasali

NAPAKAHALAGANG konseptong dapat matutunan ng sinumang sama-samang nagtatagag, nagpapalakad at/o nagnanais sumapi sa anumang organisasyon ang konsepto ng "buohagi." Ang katagang "buohagi" ay inimbento kong salita (bilang manunulat at edukador ay marami na akong naiimbentong mga salita), na isang pagbu-buklod ng dalawang kataga – buo at bahagi.

Ang malapit na katumbas nito sa English ay "holon" na ang kahulugan ay sabay na pagiging "whole" at pagiging "particle" (ang "-on" ay isang hulapi o suffix na nasa mga katagang "proton," "electron," at "neutron" na pawang mga bahagi ng atomo). Wika ng manunulat na si Ken Wilber, "everything is a holon; it is a whole made up of smaller parts, and it is itself part of a bigger whole."

Ang bawat bagay sa Sanlibutan ay isang "buohagi" o holon, na isang kaisahan o kabuuan na binubuo ng mga bahagi, at isa ring bahagi ng mas malaki namang kabuuan." Sabay na umiiral ang dalawang katangian ng isang "buohagi" na, buo at bahagi.

Alin ang mas matimbang?

Mas mahalaga ba ang isang kabuuan kaysa sa maliliit na bahagi nito? Kapwa mahalaga ang mga ito. Walang iiral o malilikhang kabuuan kung wala ang mga bahagi, pero maaaring may umiral na maliliit na bagay nang di naman sila nagsasama-sama upang makabuo ng isang kaisahan o kabuuan. Matagal na umiral ang mga atomo ng oxygen at mga atomo ng hydrogen bago sila nakasumpong ng sapat na enerhiyang magbubuo sa kanila bilang molecule ng tubig.

Ngunit ang kabuluhan ng maliliit na bagay sa ating uniberso ay napalalaki o napatitingkad ng kanilang pagsasama-sama at pagsasanib-sanib sa isang kaisahan o kabuuan. Sabi nga ni Rizal, ang isang bato ay may halaga lamang ng isang bato kung hindi siya sasama sa pagbubuo ng isang gusali o moog!

Kaya’t may katuwiran tayong kilalanin ang mga bahagi ayon sa halaga ng kanilang kabuuan, at kasabay nito’y dakilain ang kabuuan batay sa kanyang mga bahagi at sa higpit ng pagkakasanib-sanib ng mga ito. May katagalan ang panahong kailangang gugulin ng sinumang seryosong mag-aaral sa konsepto ng "buohagi" at sa prinsipyo ng "sanib-lakas," at ang naisusulat ko rito ay panimulang mga pasilip lamang.

Ngunit mahalagang pag-aralan ito ng sinumang mamumuno sa anumang organisasyon na palagiang magbabalanse at mag-sasanib ng pagpapahalaga sa interes ng buong samahan at pagpapahalaga sa interes ng indibidwal na mga kasapi. Katunaya’y bahagi ng esensya ng pamumuno ang ma-tulungan at mahikayat ang karamihan man lamang ng mga myembro na maging mulat at mapagmalasakit sa konsepto ng "buo-hagi."

Pagkakaisa at Pagkakaiba

ng mga Bahagi

Isa-isahin natin ang pagkakaisa at pag-kakaiba-iba ng mga bahagi ng iisang kaisahan o kabuuan.

Kilalanin muna natin ang kaisahan ng mga bahagi. Sa hanay ng buu-buong orga-nismo, may ganitong proseso ng pagkakabuo. Una ay magkukusang magsama-sama ang ilang buháy na selula para sa kanilang mutwal na pakinabang, laluna sa harap ng ilang kalagayan na makakatuklas sila ng pagiging mas komportable sa ganoong pagsama-sama. Sa ganito dumaloy ang ebo-lusyon ng maraming species ng buhay sa daigdig.

Nagkusang magkumpulan ang ilang nagsosolong mga buháy na selula at gumawa ng mga pangkat na kung tawagin ng mga biologist ay cell colonies. Sino ang nagpa-siyang mabuo sila bilang pangkat? Sila mismo, batay sa ilang naramdaman nilang pangangailangan at bentahe ng pagkukumpol sa pagtugon sa ganoong pangangailangan.

Kaninong kamalayan ang nasusunod noon sa panahon ng kanilang pagbubuklod? Kamalayan nilang lahat, kaalaman nila na nakalagak sa kanilang sari-sariling DNA, at wala pa ngang nabubuong utak ang binubuo nilang pangkat.

Giniginaw na mga Kutíng

Walang iniwan sa ilang ginigináw na kutíng, di sila kailangan pang turuan ninuman na sa pagdidikit-dikit at pagpapatung-patong ay napagsasaluhan nila ang kabuuang init na nasa kani-kanyang katawan.

Yun nga lamang, ang di gaanong natatakpan o "nakukumutan" ng katawan ng kapwa-kutíng ay makadarama pa rin ng gináw. Kaya’t magsusumiksik siya sa pagitan ng mga kapatid na kutíng at may iba namang mawawalan ng "kumot" at giginawin at siya namang magsisikap sumiksik sa "loob" ng tumpok. Kaya laging gumagalaw ang tumpok ng mga kutíng. Titigil lamang ito kung sobra na silang inaantok, at makatulog na nang mahimbing kahit ang mga kutíng na halos walang "kumot."

Bakit nagsisiksikan ang mga kutíng? Dahil sa dalawang bagay: una, lahat sila’y nangangailangang makatanggap ng kaunti man lamang na dagdag na init; ikalawa, lahat sila’y nakapagbibigay ng kaunting init sa kung sinumang katawan ang sa kanila’y nadidikit. Kung magsama tayo ng ibang hayop, tulad ng palaka, ay di siya babagay sa tumpok, dahil di niya taglay ang alinman sa dalawang katangiang binanggit. Lilitaw na siya ay di nababagay na makiisa at makipagsisiksikan sa mga pusa.

(Magiging "saling-palaka" siya sa pangkat ng mga pusa; kung isang kuting naman ang magpupumilit sumali sa isang tumpok ng mga palaka, ang tawag sa kanya’y "salimpusa." Ibig sabihin, hindi talaga siya kasali. Tila ang terminong "salimpusa" ay nagmula sa bokabularyo ng mga asosasyon ng mga aso!)

Narito ngayon ang kauna-unahang mahalagang usapin sa isang organismo o pangkat ng mga organismo: pagkakasali o pagpupwera. Batay sa mga pangangailagan ng isang nilalang at batay sa maiaambag niya sa pagtugon sa ganoong pangangailangan, makikita niya at ng grupo kung dapat nga ba siyang sumali at kung dapat nga ba siyang tanggapin bilang kasali.

Sa halip na mag-salimpusa sa isang asosasyon ng mga aso, ang dapat gawin ng isang kuting ay hanapin ang pangkat ng mga pusa na talagang nababagay salihan ng isang pusa o "baby-pusa." Kung hindi siya bagay roon, walang mapapakinabangan ang asosasyon sa kanyang pagsali – magiging pabigat lang siya – at wala mismo siyang pakinabang sa kanyang sariling pagsali – mabibigatan din siya sa mga patakaran ng asosasyon na kakailanganin niyang sundin habang kasali siya. Pwede rin niyang piliin ang pagsosolo kung ganito namang pamumuhay ang nababagay sa kanya.

Mga Kasaping Nagtatag: Mapagpasya

Ang layunin at lohika ng isang samahan ay idinidikta ng unang mga kasapi na kusang nagtatag nito. Sa ganito nang realidad haharap ang sinumang magnanais sumapi sa nabuo nang pangkat o asosasyon.

Una, dapat magpakatatag ang mga nagtatag ng samahan sa pagtatakda ng ka-nilang nagkakaisang mga layunin at pinag-kaisahang kaparaanan ng pagkakamit sa kanilang mga layunin.

Maaaring matukso sila ng mga oportu-nidad para makapagpalaki ng kasapian, ngunit ang laki ng samahan o dami ng kasapi ay maaaring magpagulo sa takbo ng kanilang samahan at maging sanhi ng kabiguan nito. Sa pagpapalakas kasi ng alinmang samahan, ang kalidad ng pagkakaisa ay lubhang mas mahalaga kaysa sa dami ng pinagkakaisa.

Walang maitutulong sa maliit na kumpol ng giniginaw na mga kutíng ang pag-anyaya nila sa ilang giniginaw ring mga palaka, sapagkat di naman makaaambag ng init sa kanila ang malamig na dugo at malansang balat ng mga ito. At malamang na di mag-kasundo sa kani-kanyang ugali ang mga palaka at ang mga pusa para maging panatag sa sama-samang pagtulog.

Hindi rin naman dapat tanggapin ng mga palaka kung ang ilan sa mga kuting ay magprisintang kasapi dahil di naman nila maisasama ang mga ito sa paborito nilang laro laluna kung umuulan.

Kahit nga kung puro palaka o puro pusa ang nasa isang samahan, di rin dapat ma-ngalap ng bagong mga kasapi kung ang nauna na nilang natanggap ay di pa nila sapat na nasasanay at napapanday sa pagiging mahusay na mga kasapi. Kung mayorya ay baguhan, lalabnaw ang diwa ng samahan at manghihina ang kakayahan nitong itaguyod nang matatag ang mga simulain at layunin ng samahan.

At kung dahil sa kakulangan ng pagka-kaunawa sa mga simulaing ito ay malitó ang ilang di napaunlad o talagang bagong mga kasapi, baka maging sanhi pa ito ng pagkalat ng mga intriga, mga pekeng tanong (tulad ng mga galít na "bakit?" na pagbibintang na pala) at madali nilang maiimpluwensyahan ang maraming iba pang kasaping di pa rin ganap na nakakaunawa sa takdang mga si-mulain at layunin.

Kaya’t dapat magtakda ang samahan ng mahusay na sistema ng pagrerekluta ng bagong mga kasapi, at kilalanin ang bawat magpiprisintang kasapi upang malinaw na makita kung karapat-dapat nga ba itong tanggapin.

Mahirap lasunin ang isang pusa na di pa gaanong nagugutom. Paano, bilang isang organismong binubuo ng milyun-milyong mga selula, matalas ang pang-amoy na nabuo ng mga selulang ito at kahit walang etiketa ay napagsusuri nito kung ang pagkaing nakaharap sa kanya’y dapat niyang kagatin, nguyain at lunukin upang matapos tunawin ay gawing bahagi rin ng kanyang mga selula! Alam din niya na kapag maysakit ang ilang bahagi ng kanyang katawan ay makabubuti sa kanya ang pagngata ng sariwang dahon ng partikular na mga halaman.

Ang atin bang samahan ay susunggab nang basta-basta upang tanggapin bilang kasapi ang lahat ng magpiprisinta? Kung gayo’y delikado ito na maimpatso, kundi man malason! Konting ingat po sa pagmamadaling magpalaki ng kasapian. Tiyakin sa bawat kaso na di ito pagpapatiwakal.

Tandaan din natin ang mapait na aral na itinuro ng mga sundalong Griyego sa mga taga-Troya, nang magkubli sila sa loob ng isang iniregalong higanteng "Kabayo" at, nang tanggapin, nagdulot ng malaking pinsala sa loob ng napasok nilang moog ng syudad na Troy.

Kung ang samahan ay isang kooperatiba, alamin nating mabuti kung ano talaga ang nasa isip ng aplikante at siya ay tanggapin o kaya’y papuntahin sa ibang samahan kung doon siya talagang karapat-dapat at nababagay.

May aplikante bang nais na aktibong lumahok sa isang sama-samang pagnegosyo na nakabatay sa komunidad, na sama-samang minamay-ari at sama-samang pinaaandar? Sige, tanggapin siya at ang puhunang dala niya.

May aplikante bang nais lamang makatanggap ng serbisyong maitutulong ng kooperatiba tulad ng pautang, pero wala namang puhunang iaambag, wala ring layuning magnegosyo at wala ring layuning magbayad?

Ipaliwanag natin na ang kooperatiba na isang sama-samang pagnenegosyo ay kinakapitalan ng mga miyembro at ang ipinapautang ay galing sa kapital na iyon at galing din sa ibinabayad ng unang mga pinautang.

Samahan o ituro natin siya sa pinakamalapit na tanggapan ng department of social welfare o amupamang asosasyon na pangkawanggawa.

May aplikante bang gusto lamang maging masaya sa pakikisalamuha sa maraming tao ngunit hindi naman handang mahirapan sa pananatili ng maayos na pag-uugnayan ng mga kasapi ng isang sama-samang pangnegosyo? Samahan o ituro siya sa pinakamalapit na social club na ang pangunahing layunin at bigyang-kasiyahan ang mga myembro at pawiin ang kanilang lumbay sa pag-iisa.

May aplikante bang pinilit lamang maging aplikante, sinumbatan ng utang na loob sa ilang naunang pabór, pinangakuan ng anumang pabór sa hinaharap, sinabihan lamang ng mga pribilehiyo ng miyembro ngunit hindi pinagpaliwanagan ng mga pananagutan, at pagkatapos ay di lamang makahindi kaya’t nagpiprisinta ngayong sumapi?

Pagpaliwanagan natin nang sapat kapwa siya at ang "namilit" sa kanya, upang pagkatapos ng sapat na paliwanag ay makagawa ng sariling malinaw at malayang pasya ang aplikante kung talagang magpapatuloy pa.

Ang ganitong mga hakbangin, kasama na ng sapat at malinaw na mga pagpa-paliwanag, ay dapat itakda ng tiyak na mga patakaran ng samahan mismo. Huwag lamang nating iasa na magagawa ito batay sa personal na istilo o pagkukusa ng kung sinu-sino ang gumaganap sa pamumuno sa usang panahon.

Mga Bagong Kasapi: Nagpasya Rin?

Ang sinumang magpiprisinta bilang aplikante sa pagsapi sa isang samahan ay dapat ring malinaw, malaya at maingat na magpasya upang ang kapasyahang sumapi ay matatag niyang maipatupad sakaling siya nga ay tanggapin.

Walang tunay na pagpapasya kung hindi malinaw at malaya. Ang linaw ng kapasiyahan ay nagmumula sa kasapatan ng kaalaman ukol sa kabuuan at lahat ng nasasangkot

Himayin natin ang apat na hakbang sa isang maayos at matagumpay na pagpapasya. Ang apat na hakbang na ito ay hindi dapat balasahin sa pagkakasunud-sunod. Iginawa ko ito ng isang tula na may apat ding linya:

Mangarap at Magbalak,

Alamin ang Lahat ng Dapat,

Magpasya nang Maingat,

Magpatupad nang Matatag.

1. Mangarap at Magbalak!

Kung may pangarap ka at nilangkapan mo ng petsa, ito ay nagiging isang balak, at kahit paano’y nagkakaroon ito ng ilang detalye sa pag-aksyon tungo sa katuparan.

Dapat niyang kilalanin muna ang totoong esensya ng samahan. Bahagi ba ng gawain nito ay tunay na tumutugon sa aking pangarap, pangarap na sapat na minama-halaga para petsahan na at iginawa na ng balak? Kung ganyon ay may dahilan ako para maging interesado sa pagsapi sa samahang iyon. Ngunit ang kasunod na hakbang sa apat na nakahanay sa ating gabay ay "alamin ang lahat ng dapat."

Ano ang pangarap ko? Kailan ko nakikitang tutuparin ko na ang pangarap na ito? Bakit ko nakikitang masisimulan kong tuparin ito pagdating ng ganoong panahon? Ano ang paraang naaaninag ko kung kaya’t nakikita kong sasapat ang haba ng panahon mula ngayon hanggang sa petsa ng pagpa-patupad upang makayanan ko ngang gawin ang pinapangarap na hakbang?

2. Alamin Lahat ng Dapat!

Para masagot ang lahat ng ito, kaila-ngang alam ko ang maraming ibapang bagay. Kailangang gumugol ako ng pagsisikap para alamin ang mga ito. Ano ang mga kapa-raanang posibleng magamit? Magkano ang kailangan kong ipunin para sa bawat isa? Saan ako kukuha? Papano akong makakatipid?

Ano ba ang mga kahirapang nakikita ko? Ano ba ang mga kakayahang meron ako o mabubuo ko sa aking sarili para mapangi-babawan ang mga kahirapang nakikita ko. Ano pa ang mga bagay na kailangan kong malaman ukol sa pagsasakatuparan ng balak na ito?

Kung ako’y maghaharap ng aplikasyon para sumapi sa isang samahan, hindi sapat na may malaman lang ako. Ang kakapirasong kaalaman ay mapanganib! Kailangang ma-laman ko ang lahat ng mahalagang impor-masyong maaari kong malaman ukol sa orga-nisasyong iyon, impormasyong panguna-hing nagmumula sa may tunay na kaalaman, at dinadagdagan ng impormasyong mula sa iba. Kung sa pag-uugnay-ugnay ng mga na-pag-alaman ay may malabo pa sa ating pang-unawa, kailangan kong magtanong pa nang matapat at malinaw at humanap ng sapat na mga kasagutang matapat din at malinaw.

3. Magpasya nang Maingat!

Ang maingat na pagpapasya ay maingat na pagtitimbang. Kailangang maingat na timbang- timbangin ang lahat ng bagay na nasasangkot sa balak upang mailinaw at mapahusay ang balak. Kasama sa kailangang maingat na timbangin ang tindi ng sariling pagkagustong matuloy ang plano at ang bigat naman ng mga kahirapang nakikitang posibleng suungin ng mga nagsasagawa ng ganitong balak.

Ang sapat na pagtitimbang ay dapat humantong sa malinaw na pagpapasiya. Ang lakas ng loob ay dapat magmula sa ganitong pagtitimbang at hindi sa pagiging mapusok, pagyayabang at pag- aalatsamba lamang.

4. Magpatupad nang Matatag!

At kapag nabuo na ang pasiya, kai-langang itigil na ang pagtitimbang at paghu-husga at simulan na ang matatag na pag-papatupad sa ipinasiya. Marami nang maga-gandang plano ang nababale-wala dahil kinapos sa tatág ng loób ang nagpasiya. Matapos magpasiya, natakot ang nagpasiya o basta na lang sumuko sa kahirapang alam naman na niyang talagang darating.

Kung ang samahang nais kong samahan ay isang kooperatiba, isang uri ng samahang pangnegosyo at panlipunan na nagpapairal ng pagkakapantay-pantay at pagsasanib-lakas, kailangang dumalo ako at seryosong mag-aral sa tinatawag na pre-membership education seminar (PMES) upang makapag-handa sa isang malinaw, malaya, matino at matatag na pagpapasiya kung ako nga ay maghahapag ng aplikasyon ng pagsapi.

At kung sakali ngang matanggap ako, kailangan kong isagawa, sa ngalan ng aking karangalan bilang taong may katinuan, ang mga tungkulin na kusang-loon ko ngang hi-niling na maisabalikat.

Pagsasama-sama sa proseso

Marami ang nagsasabing ang mga pinuno ay dapat nauuna sa mga pinamumu-nuan sa proseso ng pagsulong. Ngunit dapat nating idagdag na di dapat sumusulong na nang napakalayo ang mga namumuno, at mahalaga ang paalalang ito pagsuong ng organisasyon mismo sa apat na hakbang ng matagumpay na pagpapasya.

Kung ang binubuo ay opisyal na balak ng samahan mismo, sa pagpapatibay sa resulta ng bawat hakbang ay maaaring manguna ang mga nasa pormal na pamunuan, ngunit dapat munang mahintay ang iba at maitakda ang malinaw na sama-samang pagtanaw sa hakbang na iyon, bago sila sumulong sa susunod na hakbang.

Madalas mangyaring ang kasapian ay pinasasali lang sa ikaapat nang hakbang—matatág na pagpapatupád ng kapasyaháng ang tanging tumalunton sa apat na hakbang ay iyon lamang mga bumubuo ng pormal na pamunuán. Madalas idahilán sa ganito ang kakulangán ng panahon o kakapusan ng kakayahán ng kasapián. Ang totoong dahilan naman, sa kadalasan, ay inaakala ng ganoong mga pinuno na sila lang ang utak ng orga-nismo at inaakala din dilang hindi na maha-lagá ang mahigpit na pagkakaisa sa isip ng mga kasapi upang ang pagpapatupad ay maging wasto at pursigido.

Pagbubuod: Kasapi Ka Ba o Hindi?

Bilang pagbubuod sa ilang bahaging nasa itaas: Ang unang usapin sa organisasyon ay ang pagkakaroon o di pagkakaroon ng pagkakaisa sa pagitan ng aplikante at ng buong organisasyon. Kasali ka ba?

Dapat napakalinaw sa iyo at dapat napakalinaw sa organisasyon kung ang sagot ay oo o hindi. At dapat ay walang-aalin-langang pareho ang kasagutan. Di ganáp na marangal na mga tao ang mga pumapayag na ituring silang mga myembro pero di naman talaga nagpapaka-myembro at naki-kipagkapwa-miyembro! Walang lugar ang organisasyong organismo sa pag-aalanganin.

Kahit permanente nang nakasuot sa daliri mo ang isang masikip na singsing, malinaw na hindi siya bahagi ng iyong daliri, di ito bahagi ng iyong kamáy, di ito bahagi ng iyong katawán. Ang isang nunál o isang bagong kulugo ay bahagi ng iyong katawán, hangga’t nariyan pa iyan. Walang kailangang pagtatalo sa katotohanang ito.

Iba naman ang katotohanan kung ang pag-uusapan ay isang kilusan na ang pagkakabuklod lamang ay ang sari-saring tindi o antas ng pagtataguyod isang simulain o adhikain.

Maikukumpara ito hindi sa isang orga-nismo, hindi sa isang pormal na organisas-yon, kundi sa isang ecosystem na binubuo ng maraming organismo. Anumang kilusan ay binubuo ng mga pormal na organisasyon at iba pang mga tao na hindi bahagi ng anumang pormal na organisasyon. Ibang bagay ang isang kilusan sa mga pormal na organisasyong maaaring maging bahagi nito.

Kung ilalapat natin ang konseptong "buohagi," malinaw na lalakas lamang ang buo kapag malalakas ang mga bahagi at malakas din ang kanilang pagkakaisa. Kahit ang isang kilusan ng mga taong hindi mga kasapi ng isang pormal na samahan ay maaaring maging malakas o napakalakas ayon sa konseptong ito—ang kailangan ay mga taong ang bawat isa ay marangal at matino, taong nagpapakatao at nakikipag-kapwa-tao.

At kahit ang pormal na organisasyon ay tiyak magiging mahina kapag ang pi-napasok dito bilang mga kasapi o pampa-rami ng mga kasapi ang mga taong sinu-ngaling, iresponsable, matampuhin, isip-bata, takót na maabala, takót mapagod at takót matuto.

Pagkakaiba-iba 

at Pagkakapantay-pantay

Nailarawan ko sa naunang bahagi ang isang tumpok ng giniginaw na mga kuting, na nagsisiksikan at nagpapatung-patong, at bawat isa’y sumisiksik sa pagitan ng kanyang mga kapatid.

Kaya nga malikot ang mga kuting sa walang tigil na paghahanap ng bawat isa ng posisyong pinakakomportable sa kanya.

Titigil lamang ang kalikutang ito kapag sobra na silang inaantok, at makatulog na nang mahimbing kahit ang mga kuting na halos walang "kumot" at bahagyang nakakalamang na ang mga ito sa iba pa—mas sanay na siya sa ginaw. At sa susunod na pagsisiksikan nila’y malamang na siya ang mas kumukumot sa iba kaysa nakukumutan ng iba.

Sa kusang pagkukumpulan ng magkakaparehong selula sa isang cell colony, ilang selula ang nakapag-aangkin ng kakaibang mga katangian at kakayahan at dito nagsisimula ang kanilang ispesyalisasyon. Kumbaga sa mga kuting, ang ilang selula na nasasanay na rin sa init o sa ginaw ay dahan-dahang nagiging balát.

Sa sandaling magkaroon na ng dalawa o ilang pangkat ng mga selula sa isang kumpulan ng mga selula, na ang bawat pangkat ay may mga gawaing naiiba sa kapwa nito mga pangkat, ang simpleng kumpulan ng mga selula o cell colony ay may nabuo nang isang bagong anyo ng buháy na nilaláng, nabuo na ang isang organismo.

At bilang organismo, tulad ng anupamang organismo, may dalawang partikular na layunin kaagad ito bilang mga sangkap ng layuning palawigin ang buhay: una, panatilihing buháy ang organismong ito; at pangalawa, panatilihing buháy ang species o klase ng organismong ito.

Para sa unang partikular na layunin, makatutulong ang kabubuong himaymay (tissue) o pangkat ng mga selula na matatawag nating balát upang mapangalagaan ang kalusugan ng organismong ito. Kung may mabuo nang mga selulang wala nang kakayahang kumain para sa kanyang sariling survival, kailangang panatilihin siyang busog ng bagong organismo. Ibig sabihin, kailangang magbuo ito ng episyenteng kaparaanan upang ang mga selulang may kakayahang kumain ay makapagpasa ng sustansya sa mga selulang wala nang kakayahang kumain.

Ang kaparaanang ito, kung ganap nang mabuo ay matatawag nating "digestive system" ng organismo. Maaari ring magbuo ito ng "respiratory," "excretory" at "nervous system," gaya ng nakikilala natin sa mas komplikadong mga organismo, kung kailangan nga sa survival ng organismong ito.

Para naman sa pangalawang partikular na layunin, ang pagpapanatiling buháy at patuloy na paglakas at pagtatag ng species mismo, kailangang magkaroon ng kakayahan ang organismo para sa replikasyon ng sarili. Mabubuo ang ganitong kakayahan kung ang buong impormasyon sa disenyo ng organis-mo ay mailalagak na sa DNA na nasa nukleyo ng bawat isa sa selula nito, kahit iba’t iba na ang mga katangian at gawain ng mga selulang ito. Ang ilang mga selula ay magtutuon na sa replikasyon o reproduksyon.

May isang uri ng mga bulate na ang replikasyon at ginagawa sa kaparaanan ng simpleng pagkakahati ng bulate sa dalawa o higit pa sa dalawang kaputol, at ang bawat kaputol ay tutubuang muli ng buong katawan, Ang tatlong kaputol ay magiging tatlong bulate na ang bawat selula ay nagtataglay sa DNA nito ng kumpletong impormasyon.

Sa iba namang klase ng organismo, may dalawang pangkat ng mga selulang nakatutok sa replikasyon at may natatanging pagtatam-balan ang dalawang pangkat upang mabuo ang anak o mga anak. Ang pangkat na lalaki na nagpapadala ng kalahating selula na makikipag-isa sa kalahating selula ng isa pang pangkat (babae) na siya ring mag-aaruga sa paglago ng pinag-isang selula hanggang maging handa na ito upang humi-walay bilang anak.

Kung ang pagkat na lalaki at pangkat na babae ay nasa loob ng iisang katawan, ang tawag dito’y hermaphrodite. Sa maraming kaso sa kalikasan, ang mga selula ng replikasyon sa mga gampaning panlalaki (pagpapadala ng kalahating selula) at mga gampaning pambabae (pakikipagkaisa ng sarili namang kalahating selula, at pag-aaruga sa bagong kaisahan), ay nasa magkakahiwalay na katawan.

Ang mga katawang ito ay nagsasagawa ng pagtatalik na sekswal upang mabuo at mailabas ang bagong henerasyon ng mga babae at lalaking organismo sa iisang species.

Mayroon namang species, tulad ng ilang species ng bubuyog, na ang napakaraming lalaki sa isang malaking komunidad ay nagdadalawang-pangkat. Ang trabahador na bubuyog ay nag-aaruga sa kalusugan ng lahat ng bubuyog sa kanilang komunidad, ngunit wala silang kakayahang magpadala ng panlalaking kalahating selula sa itlog ng reynang bubuyog.

At ang gawain namang pinagtutuunan ng kalahati ng kalalakihan sa komunidad ay ang i-fertilize ang mga itlog ng reynang iyon na siyang ina ng lahat ng kasapi ng komunidad.

Ano ang matututunang aral sa mga organismong ito na magagamit sa ating mga organisasyon? Ang aral na ang iba’t ibang bahagi ng kabuuang gawain sa pagpapalawig ng buhay ay mahalagang lahat, na kung aalisin ang alinmang katungkulan, mamamatay na rin ang lahat ng iba pa at ang organismo mismo. Wala tayong makikilalang species na ang katawan ng organismo ay purong digestive, o purong respiratory o purong reproductive lamang. Hanggang sa ugnayan ng gawaing pamumuno sa lahat ng iba pang gawain ay dapat kapulutang-aral ang katotohanang ito mula sa Kalikasan mismo na ang Bathalang Maykapal ang siyang nagdisenyo’t lumikha.

Kung gayon, maaari nating tahasang sabihin na sa pagkakaiba-iba ng mga gawain, pantay-pantay ang halaga ng lahat ng kasapi. Ang gawaing mamuno ay isa lamang sa mga kapantay na gawain na mawawalan ng saysay kung walang ibang gawaing pamumunuan; ang iba namang gawain ay mawawalan naman ng mapagkaisang pagdidireksyon at koordinas-yon kung wala naman ang gawaing mamuno. Hindi mas mataas ang gawain ng pamumuno kaysa sa ibang gawain, mas malawak lamang na realidad ang kailangan niyang panghawakan. Tulad ng mga sistema ng buhay sa isang organismo, magkaka-pantáy ang lahat ng gawain sa isang buhay at malusog na organisasyon. Walang dapat gawing pagraranggo-ranggo sa kahalagahan ng bawat isa.

Nagkakaisang Diwang-Buháy sa Organisasyon

Dahil mga tao ang mga kasapi ng mga organisasyon ng mga tao, likás na sa kani-lang esensya ang kaisahán at pagkakapantáy-pantáy.

Lagpás sa mga hangganan ng mag-kakahiwalay na mga katawan ng tao, ang Dakilang Spirito ng Sangkatauhan ay sumasaklaw sa pinakadiwa ng kamalayan ng lahat ng tao. Nababarahan nga lang ito sa iba’t ibang tindi ng pagtanggi, pagkalito at pagkalingát, ng iba’t ibang tao).

Ayon nga sa batambatang pantás ng ating kasaysayan, si Gat Emilio Jacinto, na siyang sumulat ng Kartilya ng Katipunan, di lang magkakapantáy, di lang magkaka-dugtong, "iisa lang ang pagkatao ng lahat."

Ang pinaglilingkuran ng organismo ay sama-samang layunin ng lahat ng buháy at may-malay na mga bahagi nito. Pinagsama-samang layunin ng lahat ng selula sa buong katawan ay: isulong ang buhay! Madalas ay kinakalaban pa nga ng laman at layunin ng utak ang batayang layuning ito ng lahat ng may-buhay. Katibayan nito ang bawat kaso ng pagpapakamatay mabilis man (pagbibigti) o mabagal (sari-saring nakamamatay na bisyo na ayaw sugpuin).

Ang pinaglilingkuran ng mekanismo ay yaong layunin lamang ng nagdisenyo; ang buong mekanismo ay kasangkapan lamang niya. Ang pananatiling buháy ng utak at pananatiling buháy ng buong katawan ay nakabatay sa isang malusog na pagsasalimbayan ng galaw ng lahat ng bahagi ng isang katawan.

Ano ang garantiya upang ang mga kasapi ng isang organisasyon ay sama-samang makapaglingkod sa kapakanan ng kanilang mas malaking sama-samang sarili at hindi magamit na para lamang mga piyesa ng isang mekanismo?

Ang kailangan ay makilala nila ang kanilang sari-sarili bilang mga tao, bilang mga nilikha na kawangis ng Lumikha, na ang bawat isa ay maaaring umasa sa sari-sariling mga kakayahán upang tumugon sa sariling mga tunay na pangangailangan.

Ibig sabihin, kailangang makilala ng bawat kasapi na siya ay walang dahilán para maging palaasá sa kakayahán ng iba. Ang malalansi at naiipit lamang na pumasok sa kalakarang magagamit siya ng iba ay iyon lamang mga palaasá sa kakayahán at yaman ng iba. Upang hindi ka magamit ng iba, huwag kang magtangkang gumamit sa iba.

Sa gayon, lahat ng kalakaran ng pagsa-sama-sama at pag-uugnayan ay magiging kusang-loob at mapapanatiling kusang-loob sa panig ng bawat isa. At ang anumang pagpayag ninuman na siya’y maagrabyado ay kusang-loob at dahil lamang sa pagmamahál at hindi naipipilit lamang. Sa ganitong kalakaran lamang maaaring makamit ng mga nagsasama-sama ang dagdag na lakas at/o dagdag na yaman sa kanilang pagsasanib-lakas.

Tiyakin sana nating ang ating mga organisasyong itinatayo, pinamumunuan at/o kinapapalooban ay mga organisasyong organismo, at hindi mga organisasyong mekanismo.

Sa mga organisasyong organismo, buhay at magkakapantay-pantay ang mga kasapi sa layunin, kapasyahan, at kakamtin, kahit iba-iba ang ispesipiko nilang mga katungkulan at gawain.

Ang organisasyong organismo ay pagsasanib-lakas ng mga kasaping buháy at may ganáp na malay, na kahit iba-iba’y ganáp namang pantáy-pantáy.

Back to list.


  Kabanata 4 

Organisasyon:

Pagsasanib-Lakas

DALAWANG BAGAY ang kailangang malinaw at malalimang maunawaan ng sinumang pumapaloob sa isang organisas-yon, laluna ng mga nagtatatag o namumuno sa mga ito.

Una rito ang prinsipyo ng sanib-lakas.

Pangalawa ang aplikasyon ng prinsipyong sanib-lakas sa isang organismo o bahay na buháy. Ang nais nati’y organisasyong organismo, isang bagay na buháy, sa halip na isa lamang mekanismo.

Prinsipyong Sanib-Lakas

Bago natin tunghayan ang paliwanag ukol sa prinsipyong sanib-lakas, ilinaw muna natin ang kahulugan ng katagang "sanib."

Ito ay napakahigpit na pagsasama, na ang mga nagsasanib-sanib na bahagi ay nagpapatingkad sa mga kalakasan ng isa’t isa at nagpupunuan sa mga kahinaan at ka-kulangan ng isa’t isa.

Ang katagang "sanib" ay may kahu-lugang mutuwal (tulad ng pag-aasawa ng dalawang tao), maliban kung tahasang sinasabing ito ay isinasagawa ng isang panig lang at ang sa isa pang panig ay tuma-tanggap lang ng aksyon (tulad ng isinasaad ng mga katagang "sinasaniban" o "inasawa").

Sa pagkakagamit sa terminong sanib-lakas bilang spiritwal at siyentipikong prin-sipyo, ang pakahulugan ay mutwal na pakiki-pagkaisa nang napakahigpit.

Sa buod, ito ang isinasaad ng prin-sipyong sanib-lakas:

Sa pagsasanib-sanib (napaka-higpit na pagkakaisa) ng magkaka-iba’t dating magkakahiwalay na lakas ay nalilikha ang ibayong lakas at ang kabuuang bunga’y di-hamak na mahigit kaysa sa simpleng suma-totál ng hiwa-hiwalay na lakas.

Ang laki ng karagdagang lakás na na-lilikha ng pagsasanib ay nakabatay sa dami/laki ng nagsasanib-sanib na lakás at sa higpit/husay ng kanilang pagsasanib. Kung ang mga taong magsasanib-sanib ng lakás bilang mga miyembro ng isang organisasyon ay may mas malaking mga kahinaan kaysa kalakasan, ang mabubuong organisasyon ay isang pagsasanib-hinŕ.

Mas mabuti pa ang magtayo ng maliit na samahan ng mga taong talagáng may lakás na iaambag kaysa isama at lumurin ang mga ito sa dami naman ng isasaping mga tao na ang dalá ay mga kahinaang tulad ng pagwa-walang-bahala o pagiging palaasá sa iba.

Gayundin, mas makabubuting magtayo ng maliit na samahan na kayang gawing mahigpit ang pagkakaisa, ang pagsasanib-sanib ng kanilang mga kakayahan, kaysa magkaroon ng malaking organisasyon na magiging buhaghag lang ang pagkakaisa.

Hindi rin makapagdadala ng sapát na lakás ang mga myembrong hindi buô ang loob at hindi buô ang pagkataong ipinapasok sa organisasyon.

Kung pangalan lamang nila, halim-bawa, ang inilalahok sa yaman at kakayahan ng organisasyon, o kung ang salita lamang o damdamin at hindi ang kakayahang umaksyon, o kung ang kakayahan lamang umaksyon pero hindi ang kakayahang mag-isip, magiging mahina pa rin ang orga-nisasyon.

Ang organisasyon ay isang pagsasanib-lakas ng buu-buong tao (spirito, isip, at katawan, na nagtataglay ng diwa, isip, at kilos).

Bawat isa o karamihan man lamang ng myembro ay dapat may pagkabuo bilang tao (integrity), at silang lahat ay nagsasanib-sanib ng katatagan sa diwa, kakayahan sa pag-iisip, at kakayahan sa pagkilos.

Physiology’ ng Organisasyon Bilang Isang Organismo

Ang lahat ng kanilang ginagawa o activities bilang mga kasapi ay dapat sapat na maglingkod sa lahat ng kinakailangan ng ganitong buo at mahigpit na pagsasanib-lakas. Kumbaga sa isang organismo, ito ang pinaka-physiology ng organisasyon.

Kailangan muna nating alalahanin na ang isang organisasyon ay nilikha ng mga kasaping tagapagtatag (founding members) para makapagsanib-lakas sila sa isang malinaw na mga layunin. Kung sila man ay may pinangarap na isang kalakaran sa lipunan (vision), batay sa pangarap na iyon at sa hugis ng kasalukuyan ay nagtakda sila ng pangunahing layuning (mission) panli-punan na siya mismong kadahilanan ng kani-lang pagkakabuo (reason for being) bilang organisasyong.

Ang lahat ng mga gawain ng organisasyon na ang kaugnay ay di nito mga kasapi o kahit aplikanteng kasapi ay mga gawaing panlabas o gawaing panlipunan. Ito ang mga gawaing naaayon sa dahilan sa batayang panlipunan ng pagkakatayo at patuloy na pag-iral ng organisasyon.

Ang pagpapahayag at pagpapalaganap ng mga paninindigan ng organisasyon at ang pagpapalaganap ng impormasyon ukol sa mga layunin at mga gawain nito ay ma-halagang bahagi ng gawaing panlabas o gawaing panlipunan nito.

Halimbawa, dahil ang kooperatibang pampamayanan ay itinayo upang maglingkod sa pamayanan sa ilang depinidong kapara-anan, kailangang maunawaan iyon ng pama-yanan upang ganap na masuportahan at matulungang mapahusay.

Ang lahat ng ginagawa ng organisasyon (mga palagiang gawain, mga proyekto, at iba pa) nang ayon sa misyong ito ay mata-tawag na mga gawaing panlabas o mga ga-waing panlipunan. Halimbawa, ang akwal na operasyon ng negosyo o mga negosyo ng isang kooperatiba ang pangunahin sa kan-yang mga gawaing panlipunan.

Ang mga gawain namang nauukol sa pagpapanatili at pagpapalakas pa ng kaka-yahan ng organisasyon na isakatuparan nang mahusay ang kanyang misyon ay matatawag na mga panloob na gawain.

Tampok sa mga gawaing ito ang mga gawaing pang-konsolidasyon ng organisasyon—mga gawaing nagpapahigpit at nagpapalinaw sa pagkakaisa ng mga kasapi.

Ang pagtanggap, edukasyon at pagsasanay sa mga miyembro, ang pananatili ng kaayusan sa pagsasakatuparan ng mga gawain, ang pagpapalahok sa mga kasapi sa proseso ng pagdedesisyon, at iba pa, ay mga gawaing panloob ng organisasyon.

Sa isang malusog na organisasyon ay maraming isinasakatuparang mga gawaing panlipunan at mga gawaing panloob ang marami ring myembro, sa alinmang panahon. Buháy na buháy ang organisasyon kapag ganoon.

Gayumpaman, kung marami ang mga gawaing umaandar, pero iilan naman ang gumaganap sa mga ito, hindi pa rin malusog ang organisasyon.

‘Anatomy’ ng Organisasyon Bilang Isang Organismo

Ang mga istruktura naman ang pinaka-anatomy ng organisasyon. Ito ay mga kasangkapan ng mga myembro sa pagpapatatag ng kanilang pagsasanib-lakas.

Ang istruktura ay binubuo ng mga patakarang lumilikha ng palagiang mga kalakaran, upang ang pinakamahalaga sa mga ito ay hindi iasa na lamang sa personal na mga istilo ng iba’t ibang mga opisyal ng organisasyon at di rin madamay sa nagbabagu-bagong mga kapritso ng sinuman. Ito ang hugis na nilikha ng matatag na mga pata-karan sa wastong kaparaanan ng paggawa sa bawat bahagi ng mga panloob na gawain ng isang organisasyon.

Ang mga istruktura ay hindi mga kahon, kahit madalas idrowing na parang mga hile-hilerang kahon. Nasasaklaw ng istruktura ang malinaw na mga pagpapangkat-pangkat ng mga kasapi na may malinaw ring (1) sama-samang tungkulin at awrotidad; (2) kwalipikasyon at diskwalipikasyon; (3) kaparaanan ng pagpapasya; at (4) kaparaanan ng pagsasakatuparan ng mga balak at pasya.

Ang dapat na laman ng mga kahon ay hindi mga pangalan ng mga taong nasa mga komite o pangkat, kundi ang mga posisyon at partikular na mga gawain at awtoridad ng bawat isa.

Hindi mainam ang mga drowing ng istruktura na ang idinidiin ay ang pagpapaibabaw o pagpapailalim ng mga "kahon" sa isa’t isa. Mas mainam na salaminan ng isang malusog na organisasyon ang pagdidiin sa mga relasyon ng buo at bahagi. Sa halip na parang mobile na pinagagalaw ng hangin, mas mainam ang paggamit ng mga Venn Diagram ng matematika.

Nakatakda sa istruktura kung aling mga paksa ang dapat desisyunan ng aling mga konseho o komite at kung anu-anong hakbang ang dapat pagdaanan ng alinmang pagpapasya. Kadalasan, ang mga paksang may tuwirang epekto sa mas malaking bilang ng mga kasapi at/o sa mas mahabang panahon ay pinagpapasyahan ng mas malaki ring konseho o komite.

Kaya’t ang mga paksang nakaaapekto sa lahat ng kasapi ay angkop na pagpasyahan ng lahat, sa pamamagitan ng pangkalahatang kapulungan ng mga kasapi, na sa maraming samahan ay idinadaos nang minsan lamang sa bawat taon.

Bahagi ng istruktura ang mga batayan at kaparaanan ng pagtatakda ng pagpili sa ispesipikong mga kasapi na gaganap sa gawain ng pangunahing pamumuno o iba pang gawain sa panahong iyon.

Ang kabuuang istruktura ay itinatakda ng mga kasapi sa isang batayang kasulatan na tinatawag ring Konstitusyon, By-Laws, Charter, o iba pa.

Ang mga detalye na hindi kasama sa batayang dokumento, ay nagiging patakaran din ng organisasyon batay sa mga pinagpulungang desisyon (mga resolusyon) ng alinmang angkop na konseho o komite ng pagpapasya.

SA HALIP NA GANITO:

 

 GANITO:

Back to list.


  Kabanata 5 

 

   Ang Tatlong Pagsasanib-lakas

DAPAT ay buháy na buháy sa organisasyon ang pagsasanib-lakas ng buu-buong pagkatao ng mga myembro bilang ganap nilang pag-aambag sa katuparan ng mga layuning ipinasya nila bilang batayan ng kanilang pagkakaisa sa samahan.  

Ang tinutukoy na buu-buong tao ay ang diwa, isip at gawa ng bawat isa. Hindi sasapat ang pag-aambag lamang ng kani-kanilang pangalan sa isang listahan, hindi rin sapat kahit kung ang bawat pangalan ay may kasamang ambag na salapi, lalo na sa isang kooperatiba na sama-samang minamay-ari ng mga kasapi at dapat ay sama-sama ring pinaandar ng mga kasapi.

Pagsasanib-Lakas sa Puso at Diwa

Sa ating mga samahan bilang mga Pilipino, makatutulong na lingunin natin ang pinakamahalaga sa ating mga kayamanan bilang lahi, kayamanang libu-libong taong pinagyaman at isinabuhay ng ating mga ninuno.  Ang tinutukoy ko rito’y ang “Bathalang Kalooban” na nauukol sa maganda at malakas na loob.  Tunghayan natin ang paglalarawan dito sa isang artikulong isinulat ko noong 2006 para sa magasing Tambuli ng Dakilang Lahi:

“Nasa ubod ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao ang Kislap ng Bathala na nasa kalooban nating lahat. Bathalang Kalooban ang tinutukoy na Malakas at Maganda sa alamat na binuo ng ating mga ninuno sa ating pinagmulan bilang lahi – ganda ng kalooban upang makipagkaisa at gumawa ng mabuti sa kapwa, at lakas ng loob at tiwala sa sarili upang kayanin na pangahasang simulan, matatag na pagpursigihan at ganap na ipagtagumpay ang mabuting mga hangaring ito. 

Ang magandang loob at lakas ng loob ay Bathalang Kalooban, na siyang pangunahing yaman ng bawat tao, kasama na tayo, sapagkat ayon nga kay Emilio Jacinto ay iisa lamang ang pagkatao ng lahat. Madalas nga lamang na maraming tao ang di pumapansin dito, isang pagkalaki-laking yaman na sinasayang lamang!           

Bahagi ng angking kagandahang-loob ng ating lahi ang pag-iisip at pagdamá nang kapwa isinasaalang-alang ang kapakanan ng maliit na sarili (“ako”) at malaking sarili (“tayo”). Sa ganoon nakasandig ang kahandaan ng ating mga ninuno (at ng ilan sa ating mga kababayan hanggang sa ngayon) ang pagbabayanihan, ang paglilingkod sa pamayanan nang walang inaasam na katumbas na materyal na kabayaran. 

Nakaugat naman ito sa malinaw na pagkakaunawa na ang biyaya para sa malaking sarili ay tinatamasa ng lahat ng malilit na sariling nakapaloob dito.  Isang kakulangan ng katalinuhan ang pag-uukol lamang ng malasakit sa maliliit nating sari-sarili sapagkat ang ganito’y ikapapahamak nating lahat.

Bahagi naman ng angking lakas ng loob ng ating lahi ang katatagan sa pagpapanatili ng kagandahang-loob. Sa harap ng napakaraming malalaking tukso sa araw-araw upang mahatak tayong magpakakitid ng malasakit para sa maliit na sarili lamang, isang kalakasan ng pagkatao ng isang tao ang determinasyon niyang huwag magpatalo at madarang sa mga tuksong ito. Lakas ng loob ang kailangan sa mga pagkakataong tayo’y nahaharap sa mga kahirapan.  

Determinasyon sa balak, gawain at ugaling nakilala nating tama at kapaki-pakinabang ang malinaw na indikasyon. 

Ang pagsasanib-lakas sa puso’t diwa ng mga kasapi ay pagsasanib-lakas ng ating mga kalooban. Magandang kalooban ng bawat isa at ng ating kabuuan bilang isang samahan, ang pinakamatibay na batayan ng pinakamahigpit na pagkakaisa, ng pinakamabungang pagsasanib-sanib ng kanilang mga kakayahan. 

Ang kapasyahang pumaloob sa isang samahan bilang isang marangal na kasapi ay naaayon sa kagandahang kalooban, ngunit madalas na kinakapos ang maraming sa determinasyong ipatupad ang pasyang ito.  

Kaya nagiging makitid na makasarili sa maraming pagkakataon at ito ay nakakapinsala sa kapakanan ng kabuuan.  Ang sama-samang kapasyahang magpatupad ng isang mahusay na balak o patakaran, kahit mahirap ito, ay kapasyahang nangangailangan ng determinasyon ng mga kasapi upang maipatupad. 

Nakapipinsala sa plano o kalagayan ng samahan kung kinakapos ng determinasyon ang mga myembro na magpatupad. Pero mas malaking pinsala pa ang nagaganap sa pagkakaisa ng samahan mismo sa sandaling ang mga mga kasaping pinanghihinaan ng determinasyong magpatupad ay magsimula nang magdahilan. 

Sa pinakamaliit, pinipintasan nila ang mga balak mismo at hindi raw talaga maipapatupad, hindi angkop sa nilalayon, o hindi nagmula sa nararapat na pagmulan ng kapasyahan. 

Mas masahol pa rito ang ginagawa ng ilang kasapi ng mga samahan, pati ang ilang kasapi ng mga kooperatiba, sa sandaling gamitin nilang pantakip sa sariling mga kahinaan ang pagkakalat ng mga intriga at tsismis laban sa ilang opisyal o sa samahan mismo. 

Kaunti lamang ang may ganitong masamang ugali, at maaaring hindi nila madaling makukumbinsi ang mga kasaping pinagkakalatan nila ng mga intriga at baluktot na paghuhusga. Ngunit kung ang nakararaming kasapi ay kulang pa rin ang pagkakaunawa sa esensya at wastong mga kaparaanan ng samahan at di rin nila nauunawaan ang lohikal na mga batayan ng mga ito, madaling madaig ng kamandag ng intriga ang pagkakaisa sa kalooban ng samahan at maraming organisasyon na ang nahahati o naglalaho dahil sa ganito.

Samakatwid, sa proseso pa lamang ng pagsasala sa tatanggaping kasapi ay dapat nang maipwera ang mga sinungaling, tsismoso, intrigera, tamad at mahina ang loob (sa kahinaan nga kasi ng loob madalas nagmumula ang mgapagdadahilan na umaabot sa pang-iintriga sa loob ng organisasyon). 

Mas mahalagapa, dapat at tuluy-tuloy ang mga pagpapaliwanag sa mga prinsipyong organisasyon at sa makaprinsipyo at lohikal na mga batayan ng mga patakaran at iba pang desisyon ng organisasyon.

Kailangan ang sama-samang determinasyon na panatiling buo at pahigpitin pa ang pagkakaisa ng mga kasapi.  Kailangan din ang sama-samang determinasyon na sunggaban ang lahat ng tunay na mga oportunidad, at lutasin ang mga suliraning humahadlang, upang isulong ang lahat ng gawain ng organisasyon.  

Madalas na ang regular na pagsasagawa ng mga aktibidad  na maglilingkod sa pagsasanib-lakas ng organisasyon sa puso at diwa (edukasyon, paglalagom, bonding, morale-building, at iba pa) ay natatabunan ng mga usaping kailangan kaagad pagpasyahan at gawin, at hindi tuloy nabibigyan ng sapat na pagtutuon ng organisasyon o ng pamunuan man lamang nito. Madalas-dalas ay huli na ang lahat kapag natanto na ng pangunahing mga namumuno na napakahalaga pala ng gawaing ito, o mapagpasya pa nga.

Kailangang lumikha ng istruktura/sistema para sa bawat isa sa mga ito upang maisagawa pa rin ang mga ito kahit napakaraming iba pang gawaing naghuhumiyaw na maharap agad, at upang tiyakin ng organisasyon mismo at di maiasa sa personal na pagkukusa.

Pagsasanib-Lakas sa Isip at Pasya

Napagtuunan na natin ng paliwanag ang katotohanang sa loob ng isang organismo ay may kaalamang taglay ang bawat isa sa libu-libo o milyun-milyong selulang bumubuo nito at hindi ang utak lamang ang nakakaalam at nag-iisip. 

Ang bawat kasaping tunay na pumapaloob sa samahan bilang buong tao ay tiyak na dalang kakayahang mag-isip at makaunawa sa mga usapin at mag-ambag ng mga ideya, obserbasyon at pagsusuri sa kaparaanan ng pagpapasya ng organisasyon bilang organisasyon. 

Malaking pagsasayang sa yamang-talino ng organsasyon kung utak lamang ng iilang kasapi (halimbawa, utak lamang ng mga ihinalal bilang pamunuan) ang pagaganahin sa mga pagpapasya sa mga plano at patakaran.  

Higit pa rito, kapag hindi isinangkot ang kakayahang pangkaisipan ng mga kasapi ay patuloy rin naman silang mag-iisip ngunit ang maiisip nila’y malamang maghiwa-hiwalay sa sari-sari o magkakatunggali pa ngang opinyon at ito ay makapipinsala sa positibong kakayahan ng organisasyon na magpatupad ng mga plano’t patakaran.

Napakahalaga pa namang makamit at mapalakas ang nagkakaisang pagtingin ng mga kasapi ng organisasyon sa lahat ng mahahalagang usapin.

Sa bawat usapin, dapat ay sistematikong tinitipon at sinisinop ang kaugnay na mga karanasan, kaisipan at komentaryo ng lahat o ng kalakhan ng mga kasapi. Pagkatapos ay ipormal ang mga ito bilang mga resolusyon (pinagpulungang kapasyahan) ng mga organong naitakdang magpasya, at ang lahat ng opisal na pasya (resolusyon) ay maayos na inirerekord, at maayos ding ipinalalaganap at malinaw na ipinapaliwanag sa lahat ng kasapi upang gabayan sila at kunin ang kanilang feedback at ibunsod ang kanilang pursigidong pagpapatupad.

Ang sistema ng mga pagpupulong ay kaiba sa simpleng pagdadaos lamang ng pulong. Mahalaga sa sistema ang paniniyak sa:

(1)   regularidad ng mga pagdaraos ng pulong, kalinawan sa katangian at mga katungkulan ng organo o komiteng nagdaraos ng pulong, sapat na kaalaman ng mga dadalo ukol sa parliamentary practice at iba pang sangkap sa siyensya at sining ng pagdaraos ng pulong, at pagkakamit ng tunay na quorum sa bawat pagdaraos;

(2)   sapat na paghahanda (paunang talakayan sa antas ng komite na maghahapag at magpapaliwanag na lang ng mga konsiderasyon, options na pagpipilian, at sariling mga rekomendasyon; paunang mga konsultasyon, maaga at malinaw na anunsyo, atbp.), maagang paghahanay ng mga usapin (agenda) upang ang mga dadalo ay may pagkakataon pang makapag-aral nang masinsinan sa mga usapin, kumonsulta sa iba pang kasapi at/o magsagawa ng pananaliksik sa kakailanganing dagdag na datos;

(3)   mainam na lugar na pagdadausan upang maihiwalay sa mga makakaabala;

(4)   pagdating sa tamang oras ng lahat o ng karamihan man lamang ng mga magpupulong at pananatili nilang lahat o ng karamihan man lamang hangga’t hindi natatapos ang pulong;

(5)   maayos na paghahanay ng mga usapin (written agenda at aktwal na daloy, na may pagbabadyet sa haba ng panahong gugugulin sa pag-uusap sa bawat isa sa mga ito);

(6)   mabilis ngunit sapat na talakayan sa bawat usapin, at paglahok ng lahat sa usapan;

(7)   pagpapahantong ng bawat usapin sa malinaw na resolusyon (kapasyahan);

(8)   malinaw na pagpapahayag at pagrerekord ng kapasyahan (resolution number; styling);

(9)   paglilinaw sa kaparaanan ng pagpapatupad (sino o sinu-sino ang tututok, kailan, atbp.).

(10)   paglilinaw sa kaparaanan o pamantayan man lamang ng pagsusuri kung ang pasya ba ay wasto at talagang angkop sa tinutudlang hamon, at kung ito ba ay may sapat na paglilinaw para sa maayos na pagpapatupad.

Ang tinatawag na kaparaanang parlamentaryo sa pagpapadaloy ng pulong ay may malaking naitutulong sa pagiging maayos at malinaw ang daloy ng pagpupulong. Nararapat na magpakahusay sa ganitong pamamaraan ang lahat ng mga kasapi, laluna ang mga opisyal na madalas na dumadalo, at lalung-lalo na ang mga mangungulo sa mga ito.  

Kung kakaunti lamang ang nagpupulong ay kakaunti ring panuntunan ng kaparaanang parlamentaryo ang kinakailangang gamitin, dahil nagiging simple lamang ang daloy ng usapan. Pero hindi maaaring wala. 

Pagsasanib-Lakas sa Pagkilos

Kailangang ang mga kasapi ng isang organisasyon ay masanay sa mahusay na pagsasalimbayan ng kanilang mga kilos. Ito ang tinatawag na teamwork. Ang hamon sa pamunuan ay hindi lamang ang aktwal na pagsasakatuparan ng mga gawain, hindi lamang sa paghakbang upang maisulong ang mga gawaing ito.

Ang hamon ay ang pagsulong at pagsasakatuparan nang sama-sama, nang ang bawat isa ay gumagawa ng nakakatulong sa paggawa ng iba. Ang kailangan ay teamwork ng buong samahan sa sama-samang paglikha ng mas mainam na realidad.  Kailangan ang kaisahan sa matatag na diwa, kalinawan sa nagkakaisang pasya, at epektibong koordinasyon sa magkakaibang aksyon!

Para makamit ang ganitong kalagayang panloob ng samahan, kailangang ang bawat kasapi ay may kagustuhang mag-ambag ng lakas sa pagsasanib-lakas, kailangang ang bawat kasapi ay kilala ng mga nagpapasya upang mabigyan ng angkop na takdang gawain, kailangang ang gawain ng bawat isa ay malinaw niyang nakikilala sa ugnayan nito sa gawain ng iba, at kailangang ang sinumang may mahigit sa isang layunin ay paglinawan ukol sa rela-relasyon ng kanyang sariling mga gawain sa isa’t isa, pati na ang itinatakdang priyoridad ng mga ito.

Hindi mekanismo lang ang isang organisasyon, pero dapat ay kaya rin niyang gumalaw nang katulad nito, katulad ng mekanismo ng relo o ng isang kotse, na ang mga bahagi kahit hiwa-hiwalay ang paggalaw ay may kani-kanyang silbi at galaw na magkakasabay at mahigpit na magkakaugnay.

At bilang organismo nga mismo, habang kumakain ng bagong agahan ay tinatapos pa lamang tunawin ng bituka ang naunang hapunan, sabay ng paghinga ng baga at pagdaloy ng dugo upang hatdan ng oxygen at natunaw nang pagkain ang bawat selula. Sabay-sabay na magkakaiba’y sabay-sabay na magkakaugnay kapwa sa isang organismo at sa isang organisasyong buháy!

Kasangkapan ng mga Myembro

Pagsasanib-lakas ang pinaka-esensya o kaluluwa ng isang malusog na organisasyon. Kasangkapan ito ng mga bumubuong kasapi upang ang bawat isa sa kanila ay makapagpalaki ng kakayahan. Wika nga sa English ni John Maxwell, bantog na manunulat ukol sa pamumuno, “Together, Everyone Achieves More,” at ang salitang “TEAM” ay dapat makapagpagunita sa atin nito.  Ang lakas ng kabuuan ay nakabatay sa lakas na angkin ng bawat isa at sa higpit ng binubuhay nilang pagsasanib-sanib sa isang pagkakaisa.

Hindi magiging wasto ang isiping ang myembro ang kasangkapan ng organisasyon, bagamat madalas mangyari ito. Kinakasangkapan kasi ng mga pamunuan sa marami-rami ring samahan ang pangalan ng kabuuang organisasyon upang pilitin ang kahit karamihan ng mga indibidwal na myembro na magsakripisyo para daw sa kabuuan.

Ang totoo naman pala, kapakanan lamang ng iilang taong nagpapanggap na “utak” daw ng organisasyon (dahil sila nga ang halal na mga pinuno) ang iginigiit nilang mangibabaw sa kapakanan at kapasyahan ng kahit karamihan na ng mga myembro.  Nagagawa nila ang ganito dahil hindi nauunawaan ng karamihan ng mga myembro na sa isang organisasyong organismo at hindi lamang isang mekanismo, silang ang dapat na gumagalaw, nagpapasya at nakikinabang.  

Di sila pinagpapaliwanagan ukol sa prinsipyo ng pagsasanib-lakas. Ang nangyayari tuloy, ang organisasyon ay nagiging kasangkapan ng iilang tao para kontrolin silang lahat, at kasangkapanin.

Ang organisasyon bilang organismo ay pagkakaisa ng buu-buong pagkatao ng mga myembro, pagsasanib-sanib ng mga kakayahan at lakas nilang lahat sa kagandahang-loob, determinasyon, pag-iisip, pagpapasya  at pagkilos.  Hindi sapat, kundi man walang saysay, kung ang organisasyon ay sa papel lamang, sa isang listahan na ang nagsasama-sama lamang ay ang mga pangalan.

 

Back to list.


  Kabanata 6 

Malaking Hamon:

Organisadong Kooperasyon

MAS madali ang gawain ng mga nagpapalakad sa isang organisasyon kung ito’y hindi organismo kundi simpleng mekanismo.

Kasangkapan ng Iilan Lamang

Susian mo, i-plug mo, lagyan mo ng baterya, tapos pindutin mo ang tamang butón para mai-“on.”   Sumigaw ka ng “Now, move! That’s an order! Obey first, ask questions later!” at gagalaw na ang iyong makina, susundin na ang iyong “command.” Ang mangangahas na sumuway ay parusahan mo, para wala nang mangangahas na gumaya pa.

At maisusulong mo na ang iyong layunin o ang layunin ng iyong heneral o ng kanyang amo. Papano na ang layunin ng mga sundalo? Di ba kanilang buhay at kakayahang pumatay ang inutusan mo? Sabihin mo, naroon na rin ang kanilang mga layunin. Kasali na rin iyon sa layunin ni heneralissimo at ng kanyang amo, kahit di pa lang nila naiintindihan. Bagay ito sa mga layuning hindi gaanong gumagalang sa dignidad ng tao. Kadalasan pa nga, ginagamit sa pamiminsala sa dignidad, karapatan at buhay mismo ng mga kapwa-tao.

Ang pagbubuo at pagpapalakas ng mga kooperatiba at iba pang mga organisadong kooperasyon ng mga tao para sa mga layuning makatao ay kailangang gamitan ng pamamaraang nagtataguyod sa ganap na pagpapakatao ng tao, sa ganap na pagkakamit ng bawat tao sa lubos niyang mga kakayahan bilang tao na nilikhang kawangis ng Lumikha. Madalas na mahirap gawin ito dahil maraming nakasanayan ang maraming myembro na kasalungat ng ganito. “Magandang layunin po ‘yan para sa ating lahat! Sige po, gawin ninyo at kayo naman ang nakakaintindi, at makakaasa po kayo sa aming masigabong palakpakan.”

O kaya’y makarinig din tayo ng ganito, laluna sa mga pumapasok sa kooperatiba para lamang makautang lamang ng wala namang layuning magbayad: “Bakit po sasama pa kami sa pagtatrabaho? Di ba’t tungkulin ng pastol na pakanin ang kanyang mga tupa?”  Ipaalala na lang nating sila’y tao, di tupa, at pagtawad sa dignidad ng tao ang pagiging palaasa sa limos ng iba.  Sa kabilang banda naman, di sapat na mapalakas at mapayaman lamang natin ang pinangangasiwaang kooperatiba nang di kasabay na naiaangat ang pamumuhay ng mga myembro sa kanilang diwa, isip, salita at gawa, o kahit man lamang sa kanilang mga bulsa.

Ang mga kooperatiba, dahil sa kanilang esensya at mga batayang prinsipyo, at pati ang mga kahawig na samahan, ang may tunay na kakayahan na ituro sa sambayanan ang kaparaanan ng demokrasya. Ang mismong magtuturo ng sama-samang pagpapasya at sama-samang pagkilos, sa sama-samang pagnenegosyo para sa sama-samang pag-asenso, ay dapat yaong mga kooperatibang malinaw na nakakaunawa at matagumpay na nagpapairal sa Pitong Prinsipyo ng tunay na kooperatibismo.

Kooperatibang Totoo

Kailangang malinaw sa lahat ng kasaping kamay-ari kung ano talaga ang isang tunay na kooperatiba: ito ay panlipunang pagsasanib-lakas ng personal na mga negosyo, na sama-samang minamay-ari at sama-samang pinaaandar. 

Dahil isang pagsasanib-lakas ito, kailangang maging boluntaryo ang pagsapi at pananatiling kasapi.  At para tunay na boluntaryo, dapat ay may sapat na batayan at tuluy-tuloy na edukasyon.  Dahil ito ay panlipunang pagsasanib-lakas, dapat ay bukas ito sa pagsapi ng sinumang mamamayan ng lipunan na maaaring makagamit nang tuwiran sa mga serbisyo at/o produkto ng kooperatiba.  Dahil din sa panlipunang katangian, dapat itong malalim na nakaugat at nagmamalasakit sa pamayanan—naglilingkod sa mga pangangailangan ng pamayanan at itinataguyod ng pamayanan.

Batay sa mga nakasaad sa naunang mga pangungusap, mauunawaan natin nang malinaw at malaliman ang tatlong esensyal na prinsipyo ng kooperatiba, at hindi magiging mekanikál lamang ang pagtingin natin sa mga ito.  Ang tatlong ito, na nasa unang bungkos (cluster) ng Pitong Batayang mga Prinsipyo ng Kooperatibismo, ay ang mga sumusunod:

Prinsipyo 1: Boluntaryo at Bukas na Pagsapi

Prinsipyo 5: Tuluy-tuloy na Edukasyon at Pagsasanay

Prinsipyo 7: Pagkakaugat at Malasakit sa Pamayanan

Dahil ang pagsasanib-lakas ito ng mga personal na negosyo, nararapat lamang na ito ay gawing sama-samang pag-aari na sama-amang pinaandar at pinangangasiwaan nila mismo.  Batay dito, kailangang matatag ang demokratikong kontrol ng mga myembrong kamay-ari at kailangan nito ang matatag na pagtangkilik ng mga kasaping ito.  Kaya naman nasa pangalawang bungkos ng Pitong Prinsipyo ang dalawang prinsipyo sa mga ugnayang panloob:

Prinsipyo 2: Demokratikong Kontrol ng mga Myembro sa Kanilang Sana-samang Negosyo

Prinsipyo 3: Aktibong Paglahok at Pagtangkilik ng mga Myembro sa Kanilang Negosyo

Upang maging totohanan ang pagsasabuhay ng Prinsipyo 2, at hindi masapawan ng kaninupamang kapangyarihan, kapasyahan at layunin ang desisyon ng mga myembro, dapat ay garantisado ang awtonomiya at kasarinlan ng kooperatiba.   Ang una sa dalawang prinsipyo sa ikatlong bungkos (mga prinsipyo sa mg ugnayang panlabas) ay:

Prinsipyo 4: Awtonomiya at Kasarinlan ng Koop.

Ang malusog na kooperatiba ay iyong may malalim na pagkakaunawa sa mga biyayang idinudulot ng pagsasanib-lakas. Ang mga indibidwal na myembro kasi sa ganitong kooperatiba ay nagsasanib-lakas at nabibiyayaan ng epekto ng pagsasanib-lakas.  Di na kagulat-gulat, kung gayon, na ang mga kooperatibang ganito ay magpapasyang magsanib-lakas din sa kanilang hanay at bumuo ng pormal o di-pormal na mga kasangkapan para sa malusog na pag-uugnayan sa hanay ng maraming kooperatiba. Kabilang na sa kasangkapang ganito ang mga unyon, pederasyon at mas malaki pang mga kooperatiba na ang mga myembro ay mas maliliit na kooperatiba.  Ang prinsipyong isinusulong ng nagkakaisang mga kooperatiba sa pagtatayo ng ganitong mga kasangkapan ay ang:

Prinsipyo 6: Kooperasyon sa Hanay ng mga Kooperatiba.

Lumilitaw sa karanasan ng mga edukador sa kooperatibismo na nagpapaliwanag tungkol sa Pitong Prinsipyo na ang basta paglilista at pagmememorya sa Pitong Prinsipyo ay madalas na nawawalan ng saysay dahil ang simpleng listahan ng mga ito ay walang inililinaw ukol sa esensyal na ugnayan ng mga ito at lalong wala sa mas malalim pang balon na pinagmumulan ng mga ito.

Kinokontrol ang mga Myembro

Madalas nga lamang na nalilimutan ng mga sumesentro sa pangangasiwa sa mga kasangkapang ito, gaya ng mga pinuno’t iba pang opisyal ng maraming unyon at pederasyon, na ang nagtayo sa kanila ay ang mga myembrong kooperatiba (mga primarya) at ang mga ito ang pangunahin nilang dapat sundin at paglingkuran.  

Maraming mga unyon, pederasyon at kompederasyon ang nagiging mga kasangkapan ng iilan upang kontrolin ang mga myembro nilang kooperatibang primarya, isang kalakarang tahasang lumalabag sa Prinsipyo 2.

Dahil sa ang mga kooperatiba ay madalas naiimpluwensyahan ng iba pang malalakas na institusyon sa lipunan, na tumutulong din naman sa kanila sa pagkakaroon ng mga materyal na yaman, kahit may depinidong mga prinsipyo ng kooperatibismo ay nagagaya ng mga kooperatiba ang hiyerkiya o hindi pagkakapantay-pantay na karaniwang kalakaran sa mga samahang may matingkad na sistema ng pagkontrol sa mga kasapi sa halip na pagsunod sa kanila at paglilingkod sa kanila.

Kung sapat nating mauunawaan ang lahat ng mga paliwanag na nauuna sa pangungusap na ito, hindi natin papayagang mangyari o tumagal pa nga ang ganitong paglabag sa esensya ng organisasyon bilang organismo, na dumadaloy mula sa pinag-uugatang pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao.

 

Back to list.


  Kabanata 7 

  Matinding Kahalagahan 

ng Malusog na Pamumuno 

ISANG malapít na kaibigan ko ang nagtanong sa akin kung may maidadagdag raw ba akong mga ideya sa kanyang mga naihanda na para sa isang lekturang ibibigay niya tungkol sa malawak na paksang "Pamumuno at Demokrasya."

Sa dulo ng pag-uusap namin, sinabi niyang mukhang malaki ang pagbabagong kakailanganin niyang gawin sa una niyang outline, dahil raw sa mga sinabi ko. Tsk! Tsk! Nasisi pa tuloy ako.

Nagbagong Konsepto ng Pamumuno

Ang paksa nga kasi ay nag-uugnay ng pamumuno sa demokrasya, at malaki ang ipinagbago at patuloy pang ipinagbabago ng mga kaisipan ngayon, kumpara sa nakaraan, ukol sa pamumuno -- dahil mismo sa pagpapalakas at pagpapalalim sa pag-iral ng demokrasya sa maraming lipunan at pamayanan sa daigdig!

Nang una kasing mabuo ang mga konsepto ng pamumuno, hindi pa naiimbento ang konsepto ng demokrasya ayon sa pagkakakilala natin sa ngayon.

Ang pangangasiwa sa pamayanan, laluna ang pangangalaga sa katarungan at kaayusang panlipunan ay iniaasa noon sa lupon ng mga matatanda o council of elders, na siya ring tagapangalaga sa tradisyon ng tribu.

Ang kinikilalang pinuno noon ay kadalasang namumuno o basta nangunguna sa paglaban -- sa pagsalakay man o sa pagtatanggol. Ang konteksto nito ay pakikidigma, at ang pinakamalakas at pinakamagaling sa mga mandirigma o "bagani" ang siyang namumuno.

Isinasagawa ang "pamumunong bagani" sa pamamagitan ng pag-ako nang mag-isa sa laban, gaya ng sa paghaharap nina David at Goliath na ang kani-kanilang mga hukbo ay nanonood lamang. Isinasagawa rin ito sa pamamagitan ng pag-uutos sa mga tauhan sa panahon ng laban, pag-uutos ito na ang sinumang susuway ay maaaring patayin o ipapatay ng nag-uutos dahil sa lohika ng komand sa konteksto ng disip-linang militar. Sabi nga, sumunod ka na muna at saka ka na magtanong. Mas mataas ang ranggo ko kaysa sa ranggo mo!

Bihira na ang pagpapairal ngayon ng disiplinang militar sa kalakhan ng lipunan, at ang pagtatagis naman ng tig-isang "man-dirigma" ng magkabilang panig ay halos sa isports na lamang, gaya ng boksing, naga-ganap. Gayumpaman, nananatili pa rin sa gawi at istilo ng "pamumunong bagani" kapag ang naaatasang mamuno ay nag-aas-tang "Darna" o "superman" at inaako ang napakaraming gawain, o kapag nag-aasta naman siyang diktador na mag-isang naglalabas na mga utos na "hindi mababali."

Lipás na ang panahon ng "pamumunong bagani" ngunit napakarami pa rin ang sa ganitong pamamaraan namumuno. Nagagawa naman ang mga dapat gawin, ngunit hindi napapaulad ang kasapian at ang organisasyon mismo, at dumarating ang panahong nabibigo sila sa mga gawain o sa pagpapasya dahil hindi naman sila nasanay sa pagsasakatuparan, o kahit paglahok man lamang, sa ganitong mga gawain.

Malaki ang kaibhan dito ng pamumunong humahatak sa paglahok ng marami kundi man lahat upang sama-samang harapin ang mga gawain sa paraang "bayanihan." Ang "pamumunong bayani" ay pangunahing nagtutuon sa paglikha ng malaking pagsasanib-lakas sa hanay ng lahat ng mahihikayat lumahok sa isang pagsisikap.

Sa panahong di naman pakikipagdigmaan ang laging inaasikaso ng mga tao (dahil dumarami na ang taong nakakatanto na ang mga digmaan ay palatandaan ng kakulangan pa sa ebolusyon ng tao bilang tao), di-hamak na mas angkop gamitin ng mga namumuno ang kaparaanan ng "pamumunong bayani."

May kasunod pa ito sa pag-unlad ng konsepto ng pamumuno. Ito ay ng pagpapa-unlad ng malalim na kamalayan sa malawak na hanay ng mga pinamumunuan upang makasanayan na nila ang kaagad na pag-bubuo ng mga pagsasanib-lakas sa pagharap sa lahat ng gawain.

Ang impluwensya ng ganitong pa-mumuno ay pangunahing dumaraan sa pagiging mabuting halimbawa sa pag-iisip, pagsasalita at paggawa. At sa ganito nahahawa ang iba kahit di man sila pag-papaliwanagan. Ganito ang epekto ng isang magnet o "balani," at ang kaparaanang ito ay matatawag na "pamumunong balani."

Mahalagang suriin ng bawat namumuno kung aling kaparaanan ba ang nakakasanayan niyang gamitin, suriin din ang epekto nito sa mga kapwa pinuno at sa iba pang mga kasapi ng samahan, at suriin din ang epekto ng ganitong istilo sa kaganapan ng pagsa-sanib-lakas na siyang esensiya ng organi-sasyon bilang kasangkapan ng sama-samang layunin ng mga miyembro.

Pamunuan at Pamumuno

Ang English na katagang "leadership" ay may dalawang katumbas sa sarili nating wika: pamunuan at pamumuno. Ang una ay inilalapat sa isangpangkat ng mga kasapi na tumanggap at gumaganap ng katungkulang mamuno sa samahan; ang pangalawa ay nau-ukol sa kanila mismong pagsasakatuparan sa katungkulang ito.

Pareho lamang ba ang dalawang ito? Hindi. Tiyakan mong maililista sa isang depinidong listahan ang lahat ng bumubuo ng pamumuan ng isang samahan sa isang takdang panahon, pero hindi madaling sagutin ang katanungang "sinu-sino ba ang mga namumuno ngayon sa inyong samahan?" Mahirap, sapagkat hindi lahat ng kabilang sa pamunuan ay talagang namumuno; at may mga namumuno naman na hindi kabilang sa pamunuan!

Lumalabas na mas mahalagang di-hamak na mailinaw ang kahulugan ng katagang "pamumuno" kaysa mailinaw ang sa "pamunuan." Katunayan, ang huli ay nakasalalay sa una.

Ang pamumuno ay gawaing magtaguyod ng kamalayang pangkabuuan ng organisasyon sa harap ng mga kalagayang humahatak sa bawat kasapi na maging makitid ang pananaw at isulong lamang ang kapakanan at mga opinyon ng kanyang maliit na sarili.

Sa kalagayang bumabaha ng mga "ako," "tingin ko," "gusto ko," "istilo ko," at "paano naman ako?" ang tungkulin ng pamumuno ay ang ipaalala, ipagtanggol, at isulong ang kamalayang "tayo," "atin," at "natin." Ang pamumuno ang mismong gawaing pagbubuo at pagpapanatiling buo ng tatlong pagsasanib-lakas ng organisasyon, upang ito ay sama-samang makasulong.

Sa halos lahat ng pormal at di-pormal na pag-uusap-usap ng mga kasapi, laging may nagsasakatuparan ng gawaing pamumuno, kahit puro sila mga baguhan sa samahan. Ang pagbabandila sa pananaw na pangkabuuan, bilang pinagsama-samang kapakanan ng lahat ng kasapi, ay gawaing pamumuno. Ang pagpapahalaga sa umiiral na mga patakaran at pagpapatupad sa mga ito, ang pagpapaalala sa iba ukol sa patakarang aplikable sa pinag-uusapan; ang pagpapaalala sa mga puntong napagkaisahan na ng mga kasaping nagtatalo, ang pagpapalamig ng ulo ng mga nagagalit, ang pagpapaalala laban sa pagpapatindi ng mga hidwaan at pagpigil sa pagkakalat ng intriga, pagkumbinse sa mga kapwa-kasapi na mas aktibo pang lumahok sa mga gawain ng samahan; at marami pang kahawig na gawain ay pagsasagawa ng pamumuno.

Kayang-kayang gawin ito ng sinumang taong nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao kahit kapapasok na kapapasok pa lang sa samahan. Sa kabilang dako, minsan ay nalilimutan itong gawin ng mga kabilang sa pormal na pamunuan.

Ang mahusay na mga pinuno ay hindi kailangang pinakamahusay sa mga kasapi sa lahat ng sari-saring gawain. Ang kailanga’y makayanan nilang mahatak sa isang malusog na pagsasanib-lakas ang ganoong pina-kamahuhusay at mapapahusay pang mga kasapi.

Tagakumpas, tagapagbuo

Hindi sa mga pinuno magmumula ang pinakamagagaling na sagot o kalutasan sa mga usapin; ang kailangan ay magawa nilang mahatak at mapadaloy ang aktibong talastasan sa hanay ng mga kasapi at mapalitaw sa ganitong pagsasanib-isip ng mga kasapi ang pinakamahusay na mga sagot at kalutasan. Hindi kompositor sa orkestra ang mga namumuno; sila ang tagapagtiyak sa mahusay na pagsasalimbayan ng mga kasapi ng orkestra, kumbaga, sila ang mga tagapag-orchestrate -- tagakumpas at tagapagbuo sa galíng na angkin nilang lahat!

Ang mahusay na pamumuno ay matagumpay na nakapagpapakilos, nakapagpapatampok at ibayo pang nakapagpapaunlad sa husay ng mga pinamumunuan, at ganap na pinagsasanib ang mga kakayahan nilang lahat para sa kapakanan nilang lahat.

Back to list.

 


May-Akda:

Si Prof. Ding Reyes

(isinulat nooong 2004)

SI ED AURELIO C. REYES ay tinatawag na"Ed" ng mga kasamahan sa propesyon at sari-saring pinagkakaabalahan, at tinatawag naman siyang "Ding" ng mga kamag-anak at malalapit na kaibigan.

Pangunahin siyang edukador sa Prinsipyong Sanib-Lakas sa Pilipinas

Isa siyang seryosong estudyante at tagapagpalaganap ng prinsipyo ng pagsasanib-lakas (laluna sa mga praktikal na aplikasyon sa sari-sariling mga larangan ng pagpapakaTao at pakikipag-Kapwa- Tao.  Siya ang nagtatag at unang pangulo ng SanibLakas ng Taongbayan Foundation at "executive convenor" ng maraming samahang itinatag ng SanibLakas Foundation, tulad ng Lambat-Liwanag Network of Centers for Empowering Paradigms; Katipunang DakiLahi para sa Pambansang Pagsasanib-Lakas; Sanib-Sining Movement for Synaesthetics; Advocates for Cooperative Education on Synergism (ACES); SanibLakas ng Inang Kalikasan (SALIKA); at Consumers' Coalition for Truthful Information (CCTI).

Pangunahin siyang tagapaglinaw sa aplikasyon ng prinsipyong sanib-lakas sa mga larangan ng gawain ng mga ito.

Nagtuturo siya sa Applied Cosmic Anthropology doctoral program ng Asian Social Institute (ASI) sa Maynila, sa underraduate program ng International Academy of Management and Economics (IAME) sa Makati, at sa summer post-baccalaureate program ng Polytechnic University of the Philippines -- Institute of Cooperatives (PUP-IC) sa Msynils.

Bilang edukador sa paglalapat ng prinsipyong sanib-lakas sa mga kooperatiba, naging tagapangulo siya ng komite sa impormasyon at edukasyon ng 6th National Summit ng 2002, tagapayo sa edukasyon  ng tagapangulo ng Cooperative Development Authority, at tagapagsalita sa mga PMES at iba pang mga seminar ng mga kooperatiba.  Naging consultant-editor din siya ng joint project ng United Nations Development Programme (UNDP), CDA, at Philippine Cooperative Center (PCC) ukol sa pagtatambalan ng mga kooperatiba at mga lokal na pamahalaan. Pangunahing consultant siya ngayon sa ginagawang pagtatatag ng Coconut Cooperatives Development Center (CCDC).

Saklaw ng mga kooperatibang primarya, kasama siya sa mga nagtatag ng isang credit cooperative sa hanay ng mga unyonista sa mass media noong simula ng dekadang 1990s, at ngayo'y aktibong myembro siya ng Sts. Peter and Paul Parish (Makati) Multipurpose Cooperative. 

Aktibo rin siya sa iba pang mga adhikain, gaya ng pangangalaga sa kapaligiran, pagpapatingkad sa kamalayan sa kasaysayan, pagsusulong ng kalusugan, pagkilala at paggalang sa lahat ng mga karapatang pantao, pagtuklas at pagpapaulad ng mga kakayahang estetiko ng bawat tao, pagpapasimuno at pagpapadaloy sa malaking proyektong "Sanib-aralan sa Kasaysayan, Kalagayan at Kinabukasan ng Pilipinas," at marami pang iba.