MAYAMAN
KA (HINDI
NGA LAMANG HALATA)
Pambungad na Kwento:
Bastá!
HINDI
makapaniwala si Alvin sa kanyang nakita sa papel na natagpuan niya
sa ilalim ng kanyang unan nang umagang iyon. Dalawang katagang
nasa sulat-kamay ng kanyang anak. At isang drowing na may dalawang
simbulong pinaghalo. Alimpungatan pa siya nang una niyang tingnan.
Ipapakita
sana niya ito sa asawa niyang si Luz na nakahiga sa kanyang tabi,
ngunit napansin niyang mahimbing pa ang tulog nito. "Napuyat
yata si Luz! Mas napuyat pa kaysa sa akin!" naibulong niya sa
sarili.
"Ahh,
mamaya na nga ito. Mabuti pa’y bumangon na ako’t makuha na ang
gatas sa labas at masimulan nang…" bumuntonghininga siya…
"magpala ng snow sa driveway. Malamang mas makapal ang snow
ngayon kaysa kahapon, winter na winter na kasing talaga!"
Minsan
pa niyang tinitigan ang nakasulat at nakadrowing sa papel na iyon,
bago tuluyang bumangon.
Nakuha
na niya ang iniwan ng milkman sa tabi ng pinto nila sa may garahe
nang muling umagos sa kanyang alaala ang naging pagtatalo ng
panganay niyang anak noong sinundang araw. Katunaya’y nagsimula
iyon sa masayang pagbibiro ni John na bininyagan sa Pilipinas
bilang Juan at dinala niya bilang Baby Juanito nang magtungo
silang mag-asawa sa New Jersey.
Kahapon,
napukpok ni Alvin ang kanyang hinlalaki nang dumaplis sa ulo ng
pako ang kanyang martilyo. Binati at pinagtawanan ng trese anyos
nang si John ang naibulalas niya at tinanong siya ng "why’re
you still shoutin’ that ‘aray’ word, Dad?"
Matagal na nga raw kasi sila roon sa States at ang isinisigaw
naman doon ay "Ouch!!!"
Mabilis
na napikon si Alvin noon. Naalala agad niya ang may pitong
taong-gulang nang debate tungkol sa tawag sa kanya ng anak. Gusto
niya sana — at limang taon naman niyang naipairal ito — ang
itawag ni Juanito sa kanilang mag-asawa ay "Tatay" at
"Nanay" pero nag-alboroto ang bata sa paggigiit ng
"Mom" at "Dad" at kinampihan
naman ng ina, kaya hayun, natalo si Alvin sa "labanang"
iyon. Pero matagal na iyon, pitong taon na. Bakit biglang bumalik
sa alaala niya nang mapikon siya sa paglait ng anak sa kanyang
naibulalas na "Aray!"
At
naalala niya ngayong umaga, habang nagpapala ng snow, ang
naibwelta niya sa anak: “Mula ngayon, ibabalik natin sa bahay na
ito ang pag-uusap sa Pilipino, sa Tagalog!”
“Oh,
no!!! That’s stupid, Dad! We’re here, we have left the
Philippines! And you said we’re no longer comin’ back! What’s
the point?”
Nag-inggles
din siya sa pagsagot, “We will always be Filipinos! We should
be proud of that!”
Naupo
sa tabi niya ang binatilyo niyang anak at natatawang nagharap sa
kanya ng isang matalim na katanungang yumanig sa kanyang pagkatao,
sa kanyang pagka-Pilipino:
"Why,
Daddy? What’s the’r t’be proud of n’ bein’ Fil’pinow???"
Matagal
siyang di nakasagot. Nagbalikan sa
kanyang alaala ang mga natutunan niya sa eskwela – elementary,
high school, college – Philippine history, matapang ang mga
Pilipino, si Lapu-Lapu, sina Rizal at Bonifacio, ang mga gerilya,
mabilis na naghalu-halo sa isip niya ang barong tagalog, ang
pambansang ibon, ang pambansang prutas, ang tinikling at pandanggo
sa ilaw, ang pakikisama, utang na loob, bahala na… ipinamemorya
sa kanya noong istudyante pa siya ang lahat ng iyon, at namemorya
naman niya, pero bakit… .
Nawala
sa paningin niya ang ngiti ng anak, o baka nawala nga mismo ang
ngiti. Ang natatandaan niya’y mga matang nakamulagat sa kanya,
nagtatanong kung ano nga ba ang maikakarangal sa pagiging mga
Pilipino nila. Patuloy na sumisigaw ang mga katanungan sa isip
niya habang hindi maigalaw ang mga labi ng kanyang nanunuyo nang
bibig…
"Paano
ko nga bang sasagutin ito? Puro kahinaan, puro pagkatalo, puro
depekto na lang ang pumapasok sa isip ni Alvin sa ilang tahimik na
sandaling iyon. Matatapang na talunán? Mahusay makisama kaya
madaling masamantala? Kundi pa dumating ang mga Kastila eh sa mga
puno pa naglalambitin at nakatira? Ganoon nga ba? Ano’ng
isasagot ko? Ano’ng isasagot ko sa anak ko???"
Nang
maibukas niya ang kanyang bibig, lumabas ang isang mabalasik na
tinig—"Bastá!!!"
Sabay
talikod siya at pumasok sa masters’ bedroom. Di na niya napansin
na kaagad lumapit ang asawa niyang si Luz sa anak nila. Nakapasok
na siya sa silid nila nang sabihin nito sa anak na "Son, we
have to talk!"
Sa
kanya ang naging huling salita. Nai-panalo niya ang pagtatalo
dahil may awtoridad siya bilang magulang. O naipanalo nga ba niya?
At may silbi ba ang awtoridad niya bilang ma-gulang kung di naman
niya nakumbinse ang anak? At papaano naman niyang maku-kumbinse si
Baby Juanito, si John, kung siya nga mismo’y…
Bumuntong
hininga siya at nahiga, kinuha ang bagong labas na isyu ng Newsweek
sa ibabaw ng tokador at nagsikap magbasa.
Hindi
na niya namalayang pinagharian na siya ng antok at kahit paano’y
nakatulog nang basa ang mga mata. Pati nga unan niya’y pinalamig
ng daloy ng luha.
At
nito ngang umagang magising siya’y mahimbing pa ang tulog ng
asawa. At may nasalat siyang nakatiklop na papel sa unan niyang
natuyo na. Binuklat niya ang papel.
Dalawang
katagang nakasulat-kamay ni John ang tumambad sa kanyang mga mata—
"Patawad,
Dad!" At sa ilalim n’yon ay may nakadrowing -- magkasamang
hugis ng puso at ang bandila ng Pilipinas.
WAKAS
[Bagamat
binago namin ang mga pangalan, ang kwento’y batay sa isang tunay
na pangyayari. Naisalaysay ito, nang may mga paghikbi, sa isang
kasapi ng Kamalaysayan matapos na maglektura siya ukol sa
kadakilaan ng ating lahi. Ilan sa mga kayamanang tinutukoy sa
aklat na ito ay ibinahagi sa lekturang nadaluhan ni
"Alvin" minsang dumalaw siya sa Maynila.
[Si
"John" ay isa na ngayong abugado sa New York, at
ikinararangal na niya ang pagka-Pilipino. May sarili na siyang
pamilya, at Pilipino/Taglish ang usapan sa bahay nila ng
napangasawa niyang Amerikana na naturuan niya ng ating wika. At sa
salas ng kanilang bahay ay may isang painting na nagtatampok ng
magkahalong simbulo ng isang malaking puso at watawat ng ating
dakilang lahi.]
|