MAYAMAN
KA (HINDI
NGA LAMANG HALATA)
Yaman Blg. 5:
Bayad-Sukliang
Matapat
HAY,
Naku! Talagang ganyan ang Pinoy! Manloloko, manlalamang,
mangungupit sa bawat masisilip na
pagkakataon!" Naghihimutok pa rin si Ernie sa nangyari.
Galít ang binata at sinisisi ang sarili kung bakit pa nga ba siya
nagtiwala kay Charlie na noon pa ma’y alam na rin niyang sobra
sa pagka-bolero, magaling dumiskarte at, ganoon, nandadaya sa kung
sinu-sinong tao para lang kumita nang kahit kaunting dagdag na
salapi.
Habang
naghihintay sa susundo sa kanya sa isang kainán sa Cubao, naalala
ni Ernie ang madalas na sinasabi ni Charlie: "Alam mo, ‘tol,
may dalawang klase lang ng tao sa mundo. Ang nanloloko…" at
sumasabay pa nga siya sa tinatawanang karugtong, "…at ang
nagpapaloko! Hahaha!" Mula noong magkaklase pa sila sa
pamantasan mahigit dalawang dekada na ang nakalilipas, ganoon na
si Charlie. Nakipagkaibigan nga ito sa kanya para makakopya sa
kanyang mga sagot kapag may eksamen. At sa ganoong mga pandaraya
nakalusot ito hanggang makapagtapos ng kolehiyo—kodigo, halos
lantarang pangongopya, medical certificate, pati panunuhol sa
ilang guro.
Hindi
nga lang maubos-maisip ni Ernie na pati pala siya ay maaatim na
biktimahin nito. "Wala palang sinasanto ang ugali ni Charlie,
pati ako na matagal niyang naging kaibigan!"
Bigla
tuloy siyang sumimpatya sa napakarami nang iba pang naging mga
biktima ng kaibigan.
"Sabi
niya, makakamura ako sa hotel ng kaibigan niya! Tapos, tatagain pa
pala ako, at malalaman ko pa sa iba ang talagang singil doon. Lang’ya,
nangumisyon na naman ang ‘dakilang komisyoner,’ mula pa sa
ibinayad ko!!! Ang tanga-tanga ko talaga!" patuloy ang
himutok ni Ernie. "Inisip ko pang isama siya sa negosyong
aasikasuhin ko sa Isabela! Buti na rin ang nangyaring ito, di ko
pala siya dapat pagkatiwalaan."
Kumalma
siya nang bahagya. Inubos ang huling kagat sa malaking sandwich na
inorder kani-kanina. "Bagong negosyo! Paglago mula sa dating
palakad ni Daddy!" At napangiti na nang bahagya.
"Strictly business na ang dapat mangyayari, di na pwede ang
mga old fashioned na kaek-ekan ng mga pamamaraan ni Daddy noong
buháy pa siya. Sorry, Dad, ‘under new management’ na mula
ngayon ang hardware mo!"
Kabababa
lang niya sa platito ng nabasyong tasa ng kape nang malingunan
niyang pumasok ang hinihintay. "Uncle Freddie!" Pinaupo
niya ang bagong-datíng at agad na tinanong ito. "Nagmamadali
ba tayo? O may oras pa ba para maikuha naman kita ng konting
makakain? After all, abala ko sa ‘yo ito. Di ko na kasi kabisado
ang pasikut-sikot doon sa atin, eh! Mabuti na lang wala kang turň
ngayon…"
"Okey
lang ‘yon, ‘to naman! So, how’s the Hong Kong
businessman?"
*
* *
Kauuwi
lang ni Ernie Arevalo sa Pilipinas, matapos ang dalawampung-taóng
paninirahan at paghahanapbuhay sa Hong Kong. Nang mag-long
distance ang kanyang ina para ibalita ang biglaang pagkamatay ng
matandang Leopoldo Arevalo ay pinauwi siya nito sa Pilipinas para
saluhín ang hardware business nila sa Santiago. Di rin lang
naging masaya ang kanyang pagnenegosyo mula nang magpalit ng
gubyerno sa Hong Kong, pumayag agad siya.
Pero
matagal nang nakadistansya ang binata sa negosyo nila dahil di
niya gusto ang "masyadong malambot" daw na pamamalakad
ng kanyang ama. Ang kaisipan niyang "Business is
business" na nakuha sa pamantasan sa Maynila ay tumingkad
pang lalo sa Hongkong, laluna sa madalas niyang
pakikipagtransaksyon sa mga negosyanteng Amerikano at Europeo doon.
Sa
mahabang paghihintay sa Manila Domestic Terminal para sa kanilang
flight patungong Isabela, naikwento ni Ernie sa kanyang Uncle
Freddie ang nangyaring panloloko sa kanya ng kaibigan. Hindi
kumibo ang kausap niya, seryosong tumatango-tango lamang, hanggang
sa dulo ng kwento at sa pagsabi niyang, "Hay naku! Matagal ko
rin naman kasing kinunsinti ang mga kalokohan niya dahil di ko
naman akalaing pati ako pala’y mabibiktima! Ganyan kasing talaga
ang Pinoy!"
Noon
sumagot ang kamag-anak niya, na isang propesor sa kasaysayan.
"Hindi talagang ganyan ang Pinoy! Nagkaganyan lang!"
Nalipat
tuloy sa Philippine History ang usapan. Nagulat si Ernie sa isang
tanong ng kausap, "Alam mo bang dati-rati’y ibang-iba ang
asal natin at ang pag-kakakilala sa atin ng ibang mga bansa?
Napaka-honest daw tayo bilang mga trading partners!"
"Ow?
Baka naman nineteen-kopong-kopong pa ‘yan! Hahaha! Ang alam ko,
maliit pa tayo’y ganyan na ang mga Pilipino. Mas papalalâ lang
talaga ngayon!"
Tumawa
rin si Prof. Freddie. "Panahon pa nga ni Mahoma, pero
napaka-tagal na panahon ‘yon! Naka-record sa ancient Chinese
historical accounts ‘yon! Ewan ko lang kung nasa mga library sa
Hong Kong. Pero ayon sa Chinese accounts ng isa sa mga dynasties
ng bandang 700 B.C. at paulit-ulit pa sa sumunod na mga accounts
hanggang noong 13th Century A.D., ang mga Pilipino raw ay ka-mangha-mangha
bilang napakasipag at napaka-honest ngang trading partners. Lagi
raw husto ang ibinabayad nating mga kalakal sa pakikipag-barter
natin sa kanila. May mga nagsabi pa ngang ang mga kalakal mula sa
China ay iniiwan lang nila sa beach nang walang kaharap na
tumatanggap, at pagkatapos ay babalikan na lang nila ang bayad.
Husto naman, di kumukulang ang ibinabayad natin. Meron pa raw
nangyayaring nagbabayad ang ating mga ninuno para sa mga kalakal
na di naman maalala ng mga Intsik na iniwan nila sa dalampasigan!"
"Talaga???!!!
Hanep! Bagong impormasyon ‘yan, ah! Bakit di n’yo ‘yan isama
sa mga ‘tinuturo n’yo sa History?
Kailan
pa lumabas ang impormasyong ‘yan?"
"Kamakailan
lang…" sagot agad ni Tiyo Freddie, "bago lang talaga
kung centuries ang gagamitin nating timeframe. Si Rizal nga kasi
ang nakabuklat ng mga bagay na ito at isinama niya sa artikulo
tungkol sa sinasabing ‘Indolence of the Filipinos,’ Talagang
panahon pa ni Mahoma, pero tumagal nang maraming siglo ito! Kaya
di ‘talagang ganyan’ ang Pinoy, nagkaganyan lang tayo dahil sa
epekto ng pang-aalipin, panlalait at mga panloloko sa atin mula
nang sakupin na tayo at pagharian ng mga colonial powers! Teka, di
mo ba nakuha sa college ang Rizal Course? Bakit hindi mo alam ‘yong
isinulat na ‘yon ni Rizal?"
Biglang
napangiti si Ernie bago sumagot. "Kasi… diniskartehan lang
namin ni Charlie para kami makapasa… heheheh!" At bigla
niyang binago ang paksa. Nagtuturo ka rin ba ng Rizal Course?
Bakit alam mo rin ‘yon?"
Napailing
at ngumiti rin si Freddie. Hindi niya sinagot ang huling tanong,
at sa halip ay nanumbat. "Di ka lang pala kunsintidor, eh!
Naging kasapakat ka pa pala niya!" Sabay silang tumawa. Pero
para kay Ernie, ang huling narinig sa kausap ay "may aray."
At bago uma-lingawngaw anunsyong maaantala nang bahagya ang
kanilang paglipad, nasimulan nilang mag-usap sa marami pang ibang
bagay sa ating kasaysayan na di naman nalalaman ng karaniwang
Pilipino, kahit ang kakakunting may tunay na interes pa naman sana
sa pag-aaral ng kasaysayan, at sa mahalagang mga aral nito.
"Kung ikaw at ako at ang karamihan ng mga Pilipino ay hindi
lalahok o mangungunsinti man lamang sa maling mga gawain, magiging
maayos talaga ang ating lipunan, at maibabalik ang imahen ng Pinoy
na tunay na sumasalamin sa ating dangal sa kaloob-looban!"
*
* *
"Yes,
Mr. Lee! Thanks for your condolences. Now, please give me back to
the one who was taking down my orders."
Ilang
araw nang namamahala sa Arevalo Hardware and Lumber si Ernie at
natuklasan niyang halos ubos na ang imbentaryo ng maraming klase
ng supplies sa kanilang tindahan dahil di na nakapagpa-deliver
mula nang atakihin sa puso ang kanyang ama. Kausap niya ang
assistant general manager ng Stephen Lee Trading nang ang telepono
ay kunin ng may-aring si Mr. Lee upang magpahayag daw ng
pakikiramay sa kanya. Matapos ang maikling pasasalamat, ipinabalik
niya ang tawag sa talagang layunin nito, ang magpa-deliver na ng
mga bagong maibebenta. Ipinatutupad na kasi niya ang pagiging
"more efficient and businesslike" ng Arevalo Hardware,
taliwas sa dating palakad ng kanyang yumaong ama."
Paglipas
lamang ng ilang linggo, inatake naman sa puso ang naiwang balo ng
yumaong Pol Arevalo, at ang mga komplikasyon nito ay nagpalobo sa
mga gastusin sa ospital na pinagdalhan. Naging napakabigat ng
problema ni Ernie. Sa kabila ng napakalaking mga gastos sa
pagpapagamot ay lumubha pa rin nang lumbha ang kalagayan ng
kanyang ina.
*
* *
Isang
umaga, nagulat si Ernie nang madatnan sa kanilang tindahan ang
sobra-sobrang dami ng supplies, halos doble ng ipinadeliver niya
noong naunang araw. Tiningnan niya ang delivery receipt at tama
naman sa kanyang inorder ang mga nakasulat at nakakwenta roon.
Ipinabilang niya sa isang tauhan ang mga ipinadala ng Lee Trading,
at nakumpirma niyang sobra-sobra nga ang dinala sa kanya.
Nagulat
siya nang makitang bumalik at pumarada sa harap ng Arevalo
Hardware ang delivery van nito. Bumaba ang isang nakapormal na
lalaking singkit ang mga mata, pumasok ito sa tindahan, at agad
nilapitan at kinamayan si Ernie. "Hello! I’m Stephen
Lee.
You
won’t lemembel me. Maliit ka pa noon… sinasama ka fathel
mo."
"Yes,
I vaguely remember you, Sir. About your delivery to us this
morning, there must have been some mistake! Maraming sobra dito sa…"
"No
mistake. Legalo namin sa Alevalo fol being oul pahtnel all these
decades. Pwede ba tayong usap sandali in plivate?"
*
* *
Hindi
sukat makapaniwala si Ernie sa mga sinabi ng kausap niyang Chinese
businessman. Napakasimple at napakalinaw lang naman. Bibigyan daw
ng Lee Trading ng malaking credit line ang Arevalo, at tutulong pa
ang buong pamilya ng mga Lee sa pagsagot sa gastos sa pagpapagamot
ng kanyang ina. Tatanggihan sana ni Ernie ang mga alok na ito.
Ngunit nangilabot siya at pumayag na nang mapansing si Mr. Lee ay
naluluha pa tuwing binabanggit nito ang "Pol," palayaw
ng yumaong ama ni Ernie. Para daw silang magkapatid sa
pagnenegosyo. Tumulong pa nga raw si Pol sa kanya nang minsang
siya naman ang nagipít.
Si
Ernie na raw ang nagmamana ngayon ng napakatagal nang
pagtatambalan nila bilang mga negosyo at bilang mga tao. Kung
tatanggapin, siya raw ay maaari nang maging ama-amahan ng binata.
"Bilang mga tao? Businesslike ba ang ganoon?" gulat
niyang naitanong. Kung isasalin sa Pilipino, ang isinagot sa kanya,
ay ganito: "Ang pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao ay
di-hamak na mas importante kaysa sa pagnenegosyo, at talagang
nakakatulong pa nga sa negosyo! Mga Pilipino ang nagturo sa akin
nito, lalo na ang tatay mo!"
Nasabi
rin ni Mr. Lee ang katumbas nito: "Mahalaga sa ating mga
negosyo ang suki, ang bawat kasukliang nagiging mga tunay na
kaibigan. Kung wala kang suki, kahit marami ka nang benta,
talagang hanggang benta lang iyan, di pa tunay na negosyo. Ang
negosyo ay tatatag at tatagal kung may bayad-sukliang matapat.
Dapat
sana’y alam mo na ‘yan! Pilipino ka. Di ba, sa napakahabang
panahon, ang mga ninuno n’yo’y matapat naming katambal sa
pangangalakal?
Gulat
na naitanong ni Ernie bilang tugon sa huling nabanggit. "Alam
mo rin ‘yon? Iyong isinulat daw ni Rizal?"
"Syemple,
ah! Hindi ba kwento ‘yon sa ‘yo ni Pol???"
Sa
kanyang isipan ay tahimik na pinasalamatan ni Ernie ang kanyang
Uncle Freddie, nakababatang kapatid ng kanyang yumaong ama. At
pinasalamatan din niya ang kanyang ama, para sa ama-amahang
ipinamana nito sa kanya. At pinasalamatan din niya ang mga
kanunu-nunuan ng ating lahi sa mahabang mga siglong kaytagal na,
at nangako siya sa sarili na muling bubuhayin ang kanilang mga
kayamanang-loob na ipinamana.
Ang
pagmumuni-muni niya tungkol sa pag-uusap nila ni Mr. Lee ay
nabulabog sa pagtunog ng kanyang cell phone. Si Charlie pala ang
tumatawag. May garalgal siyang narinig sa tinig nito.
"Ernie!
Sorry!!! Patawarin mo sana ako. Isosoli ko ang pera mo pagbalik mo
rito sa Manila. Promise! Mali talaga ako, ‘tol! Nasanay na kasi
‘ko, eh! Pero kaibigan ko na ang ginawan ko ng gan’on, mali
talaga ako, ‘tol! Kaya sorry nga talaga! Please forgive me na!"
Sumagot
siya. "Mali pa ring talaga kahit sino ang biniktima mo!
Kakailanganin mo sa buhay na maraming tao ang nagtitiwala sa iyo!
Good for business ‘yon, pare! Alam mo namang magaling na
negosyante ang kausap mo! Hehehe!"
"Maibabalik
ko pa kaya ang tiwala mo sa akin, ‘tol?
"Hayaan
mo’t pag-iisipan ko. Pero umpisahan mo na sanang magpakatino sa
lahat, ha! Matuto na na sanang talagang magpakatao at
makipagpakatao, para umasenso ka na at di ka na kailangang
mangupit o mangutang pa sa akin... o kahit na kanino!"
Nagulat
si Charlie sa narinig, at naibulong sa sarili, "Paano kaya
niyang nahulaan?"
* * *
WAKAS
5.
Bayad-Sukliang
Matapat
na buháy ang
pakikipagkalakalan ng ating mga ninuno sa mga komersyanteng Tsino.
At di man gumagamit ng pera, sinikap ng magkabilang-panig na
panatilihing patas (fair) at kapaki-pakinabang sa lahat ng panig
ang kanilang pagkakalakalan.
Ayon sa opisyal na
kasulatan ng kasaysayan ng mga pampamilyang kaharian (dynasties)
ng Tsina, ang ating mga ninuno’y napakamatapat sa pagbabayad
nang sapat o magkaminsa’y sobra pa nga sa mga kalakal na dala ng
mga Tsino, kasama na ang mga kalakal na basta na lamang iniiwan ng
mga ito sa dalampasigan at walang malinaw na tuma-tanggap. Ang
pinakamaaga sa natuklasang mga taláng nagsasabi ng ganito sa
kasaysayan ng Tsina ay may petsang 720 taon Bago kay Kristo.
Nabago ang asal at
ugali ng maraming Pilipino bunga ng pang-aalipin at pagsasamantala
ng mga sumakop sa ating kapuluan bilang kolonya, at nahawa tayo sa
kanila sa maraming kaisipan at pag-uugaling di kaaya-aya. Ngunit
di talagang ganyan ang Pinoy; kundi nagkaganyan lamang, bunga ng
apat na siglo nang paghaharing dayuhan at ng kulturang kanya-kanya
ng kanluran.
Mababawi pa natin
ang katapatang dating kinilala ng mga katambal sa kalakalan at
naroon pa rin naman sa kaloob-looban ng ating pagka-Pilipino.
Maalis lamang natin ang nakabalot na putik, maliwanag nang
kikinang ang ating ginintuang kalooban bilang dakilang lahi.
|
|