ding reyes books:

TASYÔ NGAYON NA BA ANG BUKAS

SA HABILIN

NG PANTAS?

2009

 


           

 ..

 

MGA BAHAGI:

['Pindutin' ang 'bolang asul.']


Pambungad na Tagpô

Sa Bahay ng Pantas (Batay sa Kabanata 25 ng Noli Me Tangere)


Kabanata 1

Eleganteng Paanyaya


Kabanata 2  

Mag-worry Tayo! 


Kabanata 3

Mahiwagang Kasulatan


Kabanata 4

Pahalagahan ang Katagang... 


Kabanata 5

Kathang-isip 

ang Noli?


Kabanata 6

Ang mga Pinóy Kasi!


Kabanata 7

Walang banô

sa mga Jedi  


Kabanata 8

Teka, baka 

hindi 'Tasyo'! 


Kabanata 9

Nagkaligáw-ligáw 

ng Landás


Kabanata 10

Pressscon ba o Paglilitis?


Kabanata 11

'Ilabas n'yo ang Kwadro!!!'


Kabanata 12

Hiwaga sa Kasimplehan 


Kabanata 13

Anong 'Jury'??? 


Kabanata 14

Susunod pang Henerasyon?? 


Kabanata 15

Kailangan ang Sapat na Dami 


Kabanata 16

Isang paa na lang... 


Kabanata 17

Habilin para sa lahat 


Mga Dagdag


Naunang mga Akda 

ni Ed Aurelio Reyes 


 

 

 

 

 

 

 

 

 

TASYŇ: NGAYON NA BA ANG BUKAS SA HABILIN NG PANTAS?

 Mga Dagdag: 

Sari-saring Idinagdag

sa Nilalaman ng Aklat:

Karapatang-sipi

Pag-aalay

'Ang Naitagong Habilin ng Pantas'

Ilang Kaugnay na Tula

Pahayag ukol sa Balik-Bayanihan

Awitin

Gabay sa Pagkilala at Pagsusulat ng Pantigan at Baybayin

 


simula ng kwento     panimulang mga komentaryo    panimulang mga ulat

pagpapakilala sa may-akda

Mga Dagdag:


Karapatang-sipi:

Karapatang-Sipi sa Pilipinas 2009 ni Ed Aurelio C, Reyes. Di maaaring kopyahin ito sa anumang paraan nang walang nakasulat na pahintulot ng may-ari ng karapatang-sipi, maliban na lamang kung sisipiin para paramihin ang mga kopya ng teksto ng "Naitagong Habilin ng Pantas" o kung maiikling mga bahagi ang sinisipi para lamang sa layuning lumikha ng mga rebyu at pagkokomentaryo.

 


Pag-aalay:

Ito'y iniaalay...

Sa lahat ng naunang mga bayani, na nagmulat at nagsabuhay sa diwa ng Bayanihan at Kabayanihan,

Sa lahat ng kasalukuyang mga Bayaning Pinagpalŕ, kilalá man o hindi ng madlâ.

At sa lahat ng mga Pag-asa ng Bayan, ang Kabataang hinahanap at hinihintay ni 'Padre Florentino', at ubos-kayang magsisikap na unawain, at pahalagahan sa kanila mismong buhay, ang Mga Habilin ng Pantas.

--May-Akda    

.


'Ang Naitagong Habilin ng Pantas':

MULAT SA KATOTOHANAN at kahalagahan ng kaisahan ng lahat, sa isip at diwa, sa salita at gawa, magpakatao at makipagkapwa-tao Tayo.

“Sa dinami-dami ng aking mga nabasa, isang katotohanan ang halos mawaglit na sa aking kamalayan. Ito pala ang pinakamahalaga. Na tayo ay nilikha na kawangis ng Lumikha. Na ang gayon ay kaloob sa atin ng Lumikha, at ang ganap na pagkakamit ng katangiang ito ay dapat namang ikaloob natin sa Kaniya. Ang gantimpala ay kaligayahan at kapanatagan sa sari-sarili at sama-sama nating buhay. Madalas nga lamang mangyari na sa salimuot ng araw-araw na mga gawain upang lumawig at gumaan ang buhay ay nawawaglit sa ating muni ang pinakamahalagang katotohanan kung bakit nga tayo isinilang at nabubuhay.

“Kailangan ang sapat na bilang ng ating mga kapatid na mag-aalay ng kanilang buhay sa kaparaanang gugulin ang pinakamahuhusay na sandali ng kanilang lakas at tatag ng diwa, katinuan at talas ng isip, at kalusugan at sigla ng pangangatawan, upang matatag na harapin ang mahalagang mga hamon at tungkulin na nakabatay sa katotohanang ito.

Ipabatid sa lahat ng maaabot na kamalayan na ang pinakamahalaga sa lahat ng gawain ng tao, sa ating mga tahanan at sa anumang laki ng pamayanan, ay ang ganap na magpakatao at ganap na makipagkapuwa-tao. Panatilihing lumalagablab sa kamalayan, kataga at gawa ng lahat ang diwa ng bayanihan. Kailangang sama-samang tuklasin, unawain, isabuhay at ipalaganap – pangunahin sa kaparaanan ng gawa at sa kaparaanan din ng kataga -- kung paanong maisasabuhay ang pagpapakatao sa lahat ng iba’t ibang gawain nating magkakapatid sa bayan at pakikipagkapuwa-tao sa larangan ng pagsasaka at paghahatian ng inaani, sa larangan ng pangingisda at paghahatian ng huli, sa larangan ng pagtuturo at sama-samang pagkatuto, sa larangan ng pagkakalinga, pagpapahilom at pagpipitagan sa isa’t isa, at sa lahat ng iba pang mga larangan ng gawain sa buhay natin bilang mga tao.”

 “Ang pagsuko at pagkakasanay na lamang sa pagiging alipin, at pagiging bihag ng hirap at kaapihan ay hindi pagpapakatao. Ang pagbabalak at laluna ang pangangako nang wala namang matatag na pasiyang isakatuparan ang balak o pangako ay hindi pagpapakatao. Ang anumang panlalamáng, pamamahamak, pagmamalupít, pagiging palaasá, pagkakanya-kanyá, at kawalán ng malasakit sa isa’t isá – bawat isa sa mga ito ay taliwas sa pakikipagkapwa. Ito ang paglilinaw na kailangang maihatid sa lahat. Isunod agad sa paglalabas ng hamon na tayong lahat ay ganap na magpakatao at makipagkapuwa-tao. Hindi man sinasadya, ang kaytagal nang panlalait natin sa sarili nating dangal bilang mga tao ay taliwas sa ating pagpapakatao at kung gayo’y dapat na ganap na nating itigil. Tandaan: ang anumang paglapastangan o pagmamaliit sa pagkatao ninuman ay paglapastangan o pagmamaliit sa pagkatao ng lahat. Ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan. Sapagkat ayon nga sa isang batambatang pantas na ating kabalat, iisa lamang ang pagkatao ng lahat!”  

“Madarama at mapatutunayang nalalapit na ang pagbubukang-liwayway sa buhay ng ating mga kapatid sa Inang Bayan kapag may sapat nang bilang ng kaniyang mga anak na may katatagang magtaguyod sa pagpapakatao at pakikipagkapuwa-tao sa araw-araw na pamumuhay at paglikha ng ikabubuhay. Darating na ang bukang-liwayway na iyan kapag may sapat nang bilang ng mga anak ng Inang Bayan na palagiang nagbabayanihan sa lahat  ng  mga pagsisikap  hanggang  sa  maging matatag ang pagsusulong at pagsasanay sa ganitong kamalayan at magkukusa tuwina na ugaliing gawing gabay ang ganitong kamalayan sa buhay ng bawat mag-anak at ng bawat pangkat at ng buong lipunan.

“Kung lulubog-lilitaw pa ang mga kapisanang magpapasimuno at magtataguyod sa pagsisikap na malawakang maisabuhay ng ating mga kababayan ang ganap na pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, marahil ay hindi pa sapat ang nagagawang pagpapaliwanag ng unang mga namulat. Maaari ding hindi pa sapat ang nagagawang pakikinig at muni ng mga wanagan.  At maaari rin namang maling mga tao ang unang mga napiling paliwanagan. Marahil ay sadyang hindi pa handa ang lipunan upang kamtin na ang pagbangon, pag-ahon at pagginhawa. Sa ganito’y tatagal pa ang mga pagdurusa ng Inang Bayan at ng kanyang mga anak. At maiiwan tayo sa walang-katapusang daingan, sisihan, pagbibintangan na lamang.” 

“Sa sarili kong panahon, sa panahon ng pagsusulat ko nito, aking napagtanto na kulang at hindi pa hinog ang mga karanasan ng bayan upang maunawaan ng aking mga kababayan itong mga pangungusap ko, kabilang si Ginoong Ibarra na naparito kanina habang isinusulat ko pa ito. Kaya’t hindi ko na binago ang kaniyang pag-aakala na heroglipika ang aking isinusulat, sapagkat ito ay nakatuon hindi sa kasalukuyang mga utak, kundi sa makauunawa rito nang ganap. Sa hinaharap.

“May paraan akong gagamitin upang ang hamon kong ito ay makaabot nang buong-buo sa makababasa at makauunawa kahit sa malayong hinaharap. Layunin ko’y kahalintulad ng nasa puso ni Padre Florentino nang ihulog niya sa karagatan ang baul ng mga alahas ni Ginoong Ibarra upang sa kailaliman nito ay ligtas na mapanatili at sa wastong panahon ay maiahon at magamit sa ikabubuti ng bayan.”

“Ang paglitaw ng liham kong ito sa kamalayan ng madla ay magiging hamon nawa sa tunay na mga anak ng Bayan na sikaping tuklasin nang ganap ang mithiin ng aking mga kataga. Kung sadyang hindi makapag-aani ng mapitagang pansin ng balana, aking isinasamo at ipinakikiusap na ito’y pag-ukulan ng malalim na mga pag-uusap at pagkalooban din ng sikap na maigawa ng maraming sipi na maingat na isusulat-kamay upang may ilan man lamang na sipi na makaaabot sa susunod pang mga salinlahi, upang makamit na nila ang kaganapan ng bagong bayang di na kinukubabawan pa ng kalakaran, kaisipan at diwang maka­banyaga.  Ang lahat ng mag-aambag ng pawis at panahon sa ganitong pagsisikap ay magkakilalanan at magmahalan sana pangunahin sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Magkakilalanan din nawa sa sama-sama nilang pagpapahalaga sa katagang… Tayo.

“Palagian sana nating isipin, bigkasin, at dinggin ang katagang ‘tayo’ sa tuluy-tuloy na bulong ng ating budhi.  Ang ‘Tayo’ ay unang lumitaw sa aklat ng Henesis sa pagkakalikha ng Sangkatauhan, at hindi lumitaw sa unahan pa nito. May pahiwatig na natatangi at mahalaga ang pagsasanib ng kilos sa batayang katangian ng nililikha noon, sa batayang katangian ng tao bilang tao. Kilalanin natin ito sa diwa ng bayanihan at sa kapangyarihang nalilikha ng pagsasabuhay sa diwang ito. Tayo ang gaganap. Tayo ang makikinabang. Tayo ang hawa. Ang ganitong bulong ang pinakaugat ng bawat pagtulong.

“Makabubuti ring saliksikin ang malayo at napakalayong nakaraan ng ating lahi, nauna pa sa panahon ng Babaylanon, ng Opirang pinagmulan ng ginto ni Haring Solomon, at malaong nauna pa, sa panahon ng naglahong Lemuriya. Lubhang mahalaga ang  pangmatagalan at masaklaw  na pananaw upang ganap na makilala ang dakilang lahi sa saysay ng kanyang mga salaysay, sa malalimang mga pagbabago sa kanyang muhay bilang lahi at lipunan, ang dakilang lahing bay sa pagpapakasakit upang maging karapat-dapat sa tungkuling maglingkod sa pag-akay sa Sangkatauhan tungo sa mulat na kaisahan.”­

“Buo ang aking paniniwala na darating at darating ang araw ng ating paglaya. Sa katunayan, tayo, ang ating kaisahan bilang pinagsama-samang sari-sarili, ang tunay na Hari ng Katagalugan sa dakilang alamat ng Pamitinan. Iisang paa na lamang ang nakagapos pa ng tanikala! Humahakbang na siya, tayong lahat, papalabas mula sa yungib ng man, yungib ng kawalang-malay sa tunay nating kaisahan, sama-samang sisigaw ng paninindigan sa kalayaan, at sama-samang maglalakbay patungong liwanag ng kaisahan, kalayaan at kaginhawahan.

“Ang liham na ito ay isang tangkang makapag-ambag sa katuparan ng maligayang pangarap na ito.” “Ang bawat makababasa ay hinahamong  dumugtong ng sariling ambag sa ganitong pagsisikap. Tanggapin po nawa ninyong lahat ang aking pasasalamat.”


Ilang Tula:

  Tao Ako, Tayo

Tao akong tunay / na nagpapakatao,

Mahusay kong ginagamit / at inaalagaan

Ang lahat kong kayamanan / at kakayahan

Sarili kong tunay / na mga kailangan

Sinisikap kong makaya / na matugunan

Upang aking makamit, / ginhawa’t kaganapan

Bilang Tao na ang diwa / ay Kislap ng Bathala!

 

     Mga Tao tayong / nakikipagkapwa

Ang bawat isa sa atin / ay Taong NagpapakaTao.

Kusa tayong nagsasanib / ng mga kakayahan,

Upang kahit iba-iba, / mga ito’y mapag-ibayo,

Sa tulungán, unawaan, / masiglang tangkilikán

Ng pamayanang patas / 

at may angkíng lakás!

Samahán nati’y Kaisaháng / buháy at dakila!

 

balani bagumbayan, Disyembre 6, 2005  


Pahayag ukol sa Balik-Bayanihan:

PAHAYAG NG KAPASYAHAN AT PANAWAGAN

NG MGA TAGAPAGSULONG NG

Balik-Bayanihan

Kaming mga mamamayan at mga samahang nakalagda sa ibaba – na pawang may dangal, kagandahang-loob at lakas ng loob upang talagang isagawa ang lahat ng mga maingat na ipinapasya, at may dangal ding tuparin ang lahat ng mga ipinahahayag sa kapwa – ay malaya, malinaw at matatag ngayong nagpapanata na malaliman at masinsinang pag-aaralan upang makasanayang isabuhay ang Simulaing Bayanihan, isang yamang pamana ng aming mga ninuno.

Tutuklasin at pag-aaralan namin ang lahat ng larangan ng pagsisikap na mapaglalapatan ng Simulaing Bayanihan, hindi lamang sa mga kalagayan ng kagipitan at kalamidad, kundi sa pang-araw-araw na pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao sa kasalukuyan, at palagiang isasabuhay ang simulaing ito upang makamit na ng aming Inang Bayan ang palagiang kaligtasan, karampatang mga 

kakayahan, ganap na kalayaan, at lalawig na kaginhawahan.

Iaambag pa namin sa Sangkatauhan ang Simulaing Bayanihan upang magamit ito sa matagumpay na pagharap sa mabibigat ng suliranin sa buong mundo ukol sa kapaligiraran, kabuhayan, at kapayapaan.

Gabayan at kasihan nawa kami ng Bathalang Maykapal at samahan ng karamihan sa aming mga kababayan upang ang kabuuan ng aming Pagbabalik-Bayanihan ay malalimang mapag-aralan at mapag-isipan, malinaw at malawakang mapag-usapan, na ganap na naming maipagtagumpay, sa kasalukuyang panahong kami pa ay nabubuhay!

Hindi sasapat ang hiwa-hiwalay na lakas ng paisa-isang Pilipino;
Ang kailangang iharap sa malalaking patong-patong na suliranin
Ay magkakasama at magkakasanib na

lakas ng maraming bayani!

Simulaing Bayanihan, ibalik na sa araw-araw nating pamumuhay!

 

ISULONG NATING LAHAT

ANG BALIK-BAYANIHAN!


(ang orihinal sa Tagalog at salin sa English ay isinulat ni Balani Bagumbayan.)
Nilagdaan noong Nobyembre 20, 2009, at matapos nito

[Noong Nobyembre 20, may mahigit 200 miyembro na ang Balik-Bayanihan Cause Group sa Facebook, na may worldwide web address na:

<http://apps.facebook.com/causes/345195>. ]

at ilang dosena pa ang naiulat na lumagda rin sa Kamayan para sa Kalikasan forum noong araw na iyon at mga kasunod pa.


Awitin:

“Ang Pilipino ay Tayo”

            ni Joey Ayala

Pagmasdan ang bahaghari

Supling ng araw at ulan,

Kulay niya ay sari-sari

Mga bahagi ng isang kabuuan.

 

Tulad nito ang Pilipino,

Iba’t iba ang kalinangan—

Lahi, tribo, pulo at probinsya

Bahagi lang ng isang bayan.

 

Refrain:

            Ang Pilipino ay tayo

            Ang Pilipino ay tayo,

            Pinag-isa ng kasaysayan.

 


Gabay sa Pagkilala at Pagsusulat ng Pantigan at Baybayin:

xxx


Pagpapakilala sa may-akda:

xxx

 


 

 


itaas   susunod

 THIS PAGE HAS BEEN VISITED  880  TIMES SINCE IT WAS UPLOADED ON MARCH 26, 2010.