TASYŅ:
NGAYON NA BA ANG BUKAS
SA HABILIN NG PANTAS?
Kabanata
15:
Kailangan
ang Sapat na Dami
Tinig
muli ni Liza ang narinig na nagpatuloy sa pagbabasa.
“Madarama
at mapatutunayang nalalapit na ang pagbubukang-liwayway sa buhay
ng ating mga kapatid sa Inang Bayan kapag may sapat nang bilang ng
kanyang mga anak na may katatagang magtaguyod sa pagpapakatao at
pakikipagkapuwa-tao sa araw-araw na pamumuhay at paglikha ng
ikabubuhay. Darating na ang bukang-liwayway na iyan kapag may
sapat nang bilang ng mga anak ng Inang Bayan na palagiang
nagbabayanihan sa lahat ng mga pagsisikap hanggang sa maging
matatag ang pagsusulong at pagsasanay sa ganitong kamalayan at
magkukusa tuwina na ugaliing gawing gabay ang ganitong kamalayan
sa buhay ng bawat mag-anak at ng bawat pangkat at ng buong lipunan.
“Kung
lulubog-lilitaw pa ang mga kapisanang magpapasimuno at
magtataguyod sa pagsisikap na malawakang
maisabuhay ng
ating mga kababayan
ang ganap na pagpapakatao at pakikipagkapuwa-tao, marahil ay hindi
pa sapat ang nagagawang pagpapaliwanag ng unang mga namulat.
Maaari ding hindi pa sapat ang nagagawang pakikinig at pagmumuni
ng mga pinagpapaliwanagan. At maaari rin namang maling mga tao ang
unang mga napiling pagpaliwanagan. Marahil ay sadyang hindi pa
handa ang lipunan upang kamtin na ang pagbangon, pag-ahon at
pagginhawa. Sa ganito’y tatagal pa ang mga pagdurusa ng Inang
Bayan at ng kanyang mga anak. At maiiwan tayo sa walang-katapusang
daingan, sisihan, pagbibintangan na lamang.”
Isang
reporter ang nagpahayag din ng pagkainip. “Objection! Sobrang
haba na ang pagbabasa…”
May
pagsaway namang nagmula sa maraming nakikinig. “Shhh! Huwag
titigil! Ayaw naming mabitin!
Maganda naman ang sinasabi! ‘wag kang maingay diyan!
Ituloy ang pagbasa!”
“Sa
sarili kong panahon, sa
panahon ng pagsusulat ko nito, aking napagtanto na kulang at hindi
pa hinog ang mga karanasan ng bayan upang maunawaan
ng aking
mga kababayan
itong mga pangungusap ko, kabilang si Ginoong Ibarra na
naparito kanina habang isinusulat ko pa ito. Kaya’t hindi ko na
binago ang kaniyang pag-aakala na heroglipika ang aking isinusulat,
sapagkat ito ay nakatuon hindi sa kasalukuyang mga utak, kundi sa
makauunawa rito nang ganap. Sa hinaharap.
“May
paraan akong gagamitin upang ang liham kong ito ay makaabot nang
buong-buo sa makababasa at makauunawa kahit sa malayong hinaharap.
Layunin ko’y kahalintulad ng nasa puso ni Padre Florentino nang
ihulog niya sa karagatan ang baul ng mga alahas ni Ginoong Ibarra
upang sa kailaliman nito ay ligtas na mapanatili at sa wastong
panahon ay maiahon at magamit sa ikabubuti ng bayan.”
Tinig
uli ng matandang lalaki ang narinig ng marami:
“Ang
paglitaw ng liham kong ito sa kamalayan ng madla ay magiging hamon
nawa sa tunay na mga anak ng Bayan na sikaping tuklasin nang ganap
ang mithiin ng aking mga kataga. Kung sadyang hindi makapag-aani
ng mapitagang pansin ng balana,
aking isinasamo at ipinakikiusap na ito’y pag-ukulan
ng malalim na
mga pag-uusap
at pagkalooban
din ng sikap na maigawa ng maraming sipi na maingat na
isusulat-kamay upang may ilan man lamang na sipi na makaaabot sa
susunod pang mga salinlahi, upang makamit na nila ang kaganapan ng
bagong bayang di na kinukubabawan pa ng kalakaran, kaisipan at
diwang makabanyaga. Ang
lahat ng mag-aambag ng pawis at panahon sa ganitong pagsisikap ay
magkakilalanan at magmahalan sana pangunahin sa pamamagitan ng
pagsasabuhay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Magkakilalanan
din nawa sa sama-sama nilang pagpapahalaga sa katagang… Tayo.
“Palagian
sana nating isipin, bigkasin, at dinggin …
May
pumigil. “Pakiulit mo nga ‘yon--
‘sama-sama nilang pagpapahalaga sa katagang…’ ”
Dinugtungan
ni Liza sa pamamagitan ng pag-uulit. “Tayo.”
Nagulat
si Dr. Margallo, at nagtanong kay Liza. “Tayo?? Hindi Tasyo???”
Inulit
ni Liza, pati na ang buong pangungusap. “’Tayo.’
‘Magkakilalanan din nawa sa sama-sama nilang
pagpapahalaga sa katagang Tayo.’ May problema po ba, Sir?”
“Wala
naman. Parang ‘Tasyo’ ang nakita ko sa dati kong nabasa. You
may go on.”
Pero
dahil di niya nai-off ang kanyang mikropono, narinig pa rin ang
kanyang pagbulong, “’Tayo?’
Bakit magiging mahalagang kataga yung ‘Tayo’??”
May
isang lalaking tumayo at malakas na sumagot mula sa audience.
“Napakaimportante pong talaga ng katagang ‘Tayo,’ mukhang
nawawaglit na nga lamang sa kamalayan ng mga Pilipino. Sa
pag-iisip kasi natin, puro na lang ‘Ako,’ puro ‘Ako,’ o
kung lalampas man, hanggang doon lang sa makitid na ‘tayu-tayo’!”
Tumingin
ang lahat sa nagsalita na noo’y mabilis namang naupo. Kaya di na
rin ito pinansin ng karamihan, maliban kay Liza, na bahagyang
pinamulahan ng mukha. Nabosesan niya ang nagsalita at sinikap
makita ito nang malinaw kahit nakaupo sa madilim na bahagi ng
bulwagan at nasisilaw siya sa liwanag na nakauon lamang sa
entablado.
Bumulong
siya ng… “Orly!!! Di ka nakatiis, ano?! Tama ka nga kasi...
tayo nga… oo nga, importante nga yung ‘tayo’!”
Nagngitian ang magkasintahan mula sa magkalayong kinauupuan.
Inip
na inip si Margallo “So, can you just finish reading? And get
this whole thing over with?”
Tinapik
ni Dr. Regalado ang kamay ni Dr. Margallo at sinenyasan ng,
“Shh, makinig tayo! Ms. Padilla, sino ba ‘yang basta na lamang
sumabat dito sa… di
bale na nga! sige, ituloy mo na ang pagbasa!”
Nagpatuloy
si Liza, sa pagbabasa.
“Palagian
sana nating isipin, bigkasin, at dinggin ang katagang ‘tayo’
sa tuluy-tuloy na bulong ng ating budhi. Ang ‘Tayo’ ay unang
lumitaw sa aklat ng Henesis sa pagkakalikha ng Sangkatauhan, at
hindi lumitaw sa unahan pa nito. May pahiwatig na natatangi at
mahalaga ang pagsasanib ng kilos sa batayang katangian ng
nililikha noon, sa batayang katangian ng tao bilang tao. Kilalanin
natin ito sa diwa ng bayanihan at sa kapangyarihang nalilikha ng
pagsasabuhay sa diwang ito. Tayo ang gaganap.
Tayo ang makikinabang.
Tayo ang giginhawa. Ang ganitong bulong ang pinakaugat ng
bawat pagtulong.
“Makabubuti
ring saliksikin ang malayo at napakalayong nakaraan ng ating
lahi, lagpas pa sa panahon ng Babaylanon, ng Opirang pinagmulan ng
ginto ni Haring Solomon, at malaong nauna pa, sa panahon ng
naglahong Lemuriya. Lubhang mahalaga ang pangmatagalan at masaklaw
na pananaw upang ganap na makilala ang dakilang lahi sa saysay ng
kanyang mga salaysay, sa malalimang mga pagbabago sa kanyang
pamumuhay bilang lahi at lipunan, ang dakilang lahing matagalang
naglalakbay sa pagpapakasakit upang maging karapat-dapat sa
tungkuling maglingkod sa pag-akay sa Sangkatauhan tungo sa mulat
na kaisahan.”
*
* *
|