TASYÒ:
NGAYON NA BA ANG BUKAS
SA HABILIN NG PANTAS?
Kabanata
9:
Nagkaligáw-ligáw
ng Landás
May
bagong ibinulong si Orly kay Monchie, habang
papahupa na
ang inuman
at may
mga nauuna na sa pag-uwi.
“’tol, pahiram na muna ng cell mo. Wala akong mahanap
na maglo-load dito, eh. Gusto kong i-text ngayon si Liza.
Feel ko kasi, iniisip n’ya ako eh…”
Atsaka
gusto mo siyempreng malaman niya na ikaw na ang captain ball ng Jedi.
Pero mahirap yata iyon, pare!
Nasa directory din ni Liza ang cell number ko. So, ang mga
sasabihin mo ngayong bagung-bago pa nga kayong ‘mag-on,’ eh
baka akalain niyang type ko rin siya.
Baka makarating pa sa mga showbiz columist at ma-link pa
kaming dalawa! Hahaha?”
“Kapal
mo kayâ! Hahaha!
Bakit naman kayo papatulan ng showbiz writers eh pareho
naman kayong non-existent sa show biz?!
Hindi, pare… pipirmahan ko naman sa dulo eh!”
“Sa
dulo pa pala, eh! Eh di habang binabasa pa lang niya ang mga
kaanuhan mo, akala niya all the time eh ako yung pumoporma sa
kanya. Huwag, p’re, baka i-break ka niya agad, at pagbintangan mo
pa akong nanulot”
Walang
anumang kilos o pagbabago sa anyo ng mukha ni Orly.
Pumayag
na rin ang pinakikiusapan. “Sige na nga! O, eto…”
“Thanks,
‘tol!”
* * *
Bibiling-biling
nga sa higaan si Liza sa mga sandaling iyon. Di nga siya makatulog.
Nagsisimula na siyang managinip, pero laging biglaang napuputol.
Lunód siya sa kabá ukol sa gaganapin sa iskwela kinabuhasan.
Isang press con na siya at ang kanyang kredibilidad ay
masasalang…
Sa
anyo ng panaginip ay bumalik sa kanyang kamalayan ang isang
pangyayaring naganap may ilang araw pa lamang ang nakalilipas.
Nauna
ang masayang naganap ilang oras pa lamang ang nakalilipas.
Nakita niya ang mukha ng bagung-bagong kasintahan. May pait
na nakasulat sa mga mata at labi nito. At sa mga labing iyon ay
umalpas ang mga kataga ng matinding tampó. “Wala naman pala
akong magiging silbí sa iyo sa pagharap mo sa malaking problema…
‘kala ko ba, tayo na???” At may kirot ding kumurot sa kanyang
puso. Napakatagal na niyang mahal si Orly, ngayo’y kasintahan na
niya, bakit napakaaga namang pumasok sa relasyon nila ang
tampuhang ganito? Nakarinig
siya ng pagtunog ng incoming message alert ng isang cellphone pero
hindi niya iyon pinansin. Tila humalo na iyon sa pumapasok nang
panaginip niya.
Pumasok
rin sa kanyang panaginip ang alaala ng mariing pagtanggi ng
kanyang tiya na mahiram niya’t madala sa Maynila ang orihinal na
mensaheng nakasulat sa baybayin.
Kabilin-bilinan
daw kasi ng kamamatay niyang ina, nito lamang kamakailang
nakaratay na ito sa matinding karamdaman, na alagaang mabuti ang
nakasulat na iyon, Simbigat daw ng buhay mismo ng kanilang Tata
Basillo ang halaga ng sulating ‘yon.
Nang
masunog raw ang bahay nila nang siya’y musmos pa lamang ay
pinasok pa ng Tata Basillo ang nagliliyab na bahay upang mailigtas
lamang ito sa pagkakatupok.
Muntik
na nga raw magliyab iyon ngunit naagapang makuha ito ni Tata
Basillo at mailabas ng bahay.
“Isusumpa
ni Lola Tinay ninyo, mula sa kailaliman ng kanyang hukay, ang
sinumang lalapastangan sa mensaheng ito!”
Sa
panaginip pa rin ay sumunod nang lumitaw ang kamamatay na si Lola
Tinay, at kinagagalitan si Liza. “Bakit mo ginawa iyon? Bakit mo
kinopya ang nakasulat nang tumalikod ang tiyang mo at wala nang
makakakita sa iyo kundi si Ellen?
Kung malalapastangan ngayon ang mensaheng ibinilin sa Tata
Basillo mo, ikaw ang mananagot sa kanya! Hindi ka niya tatantanan
ng panunumbat mula sa kanyang himlayan… hindi ka niya
patatahimikin habang ikaw ay nabubuhay!”
Umuungol
si Liza sa kanyang mababaw na pagtulog habang naglalaho sa kanyang
panaginip ang eksenang iyon. Sa ibang mga bagay naman nagtuloy
ang panaginip sa alumpihit niyang pagkakahiga.
At
unti-unting kumausap sa kanyang diwa ang tinig ng isang matandang
lalaki.
“Makinig
ka… pakinggan mo
ako… sa halip na
nagpipilit kang
makatulog diyan
o nagtutulug-tulugan
lamang sa napakadilim na gabi ng ating bayan.
Hindi sa iyo nagsimula ang mga pangyayaring hindi mo ngayon
maihanap ng kapanatagan, kapanatagang sapat upang samahan ka sa
paghimbing… sa akin
nagsimula ang lahat, sa aking liham.”
“Kayo
po si Tata…Basillo? Hindi ko na po kayo inabot… hindi ko na po
kayo nakilala, Tata Basillo. Huwag po sana kayong magalit sa akin.
Sorry po sa pagkopya ko ng…”
“Hindi
ako si Tata Basillo mo, at lalong hindi ako nagagalit.
Nagpapasalamat pa nga ako sa ginawa mo. Pangalan ko’y Anastacio,
ngunit hindi ko binanggit ito sa aking mensahe. Noong binatilyo pa
lamang ako ay nagsimulang mag-aral ng pagpapari, kaya nagbasa ako
ng napakaraming makakapal na aklat hanggang sa ako’y tumanda na
at makapag-asawa.
“At
inungkat ko ang lahat ng bagay sa relihiyon at pilosopiya, kahit
ang usapin ng tinatawag na purgatoryo. Ang bansag sa aki’y isang
pilosopo, pinagtatawanan ng karaniwang tao, pero hinihingan din
ng payo
ng mga taong seryoso.
Kagaya ng
naging buhay ni Socrates. Marahil ay pagtawanan din ninyo ako.
“Minsan,
takipsilim noon ng bisperas ng Pasko, nagbabadya noong bumagyo,
kaya’t nagbabala ako sa dalawang batang nasa kampanaryo, na
huwag sila ikakong gaanong lalapit sa kampana sapagkat mapanganib
ito.
“Ngunit
di-hamak palang higit na mapanganib ang sakristan-mayor ni
Damaso, mga kamay niya ang pumugto sa buhay ng batang bunso. Higit
palang di-hamak kaysa kampanang may sagitsit ng kidlat ang
panganib mula sa isang tao na hindi nagpapakatao!
“Hay,
naku, ang Tao – nasa purgatoryo! Nilikha naman tayong kamukha ng
Lumikha, Ganap na talino pa nga ang sa atin ay ipinunla. Talino
namang ito’y sa napakaraming mali o maliliit na bagay lamang
ginagamit, at tayo ay napapariwara.
“At
sa pagkakaligaw-ligaw natin ng landas, nagpipilit pa rin tayong
magkaila. Sinasayang natin ang kakayahang magpakatao at
makipag-kapwa, upang matamasa na sana dito mismo sa lupa ang buháy
na Paraiso. Kung
bakit kasi
ayaw pa nating matatag na magpasya na totohanan nang
magtuon sa pag-aasal-TAO!!!”
Bigla
muling nagising si Liza. “Huhh??? Panaginip lang pala siya!
Akala ko’y…” Tumayo
siya para makainom ng tubig. “Tsk! Tsk! Tsk! Baka nagtampo na sa
akin si Orly. Niya kasi nakuhang ‘joke’ lang yung sinabi ko.”
Noon niya nakitang…
“May
pumasok palang text mula kay… Monchie???”
Binasa
niya ang nakasulat: ‘Kwen2 ka aftr ur press con. Rmembr dis
alwez: ORLIZ tayo!’ at doon niya napagtanto na sa bagumbagong
kasintahan pala nanggaling iyon.
Napangiti siya’t napabuntong-hininga “Haaay, Orly!”
Binura
niya sa cell ang mensahe at bumulong sa sarili, “tila ni hindi
siya dadalo sa presscon… pero
pinagsama pa niya ang mga pangalan namin dito sa ‘orliz.’ ”
Napangiti siya uli nang bahagya. “Haaay nakuuu, itong
boypren kong baduy…!”
Bumalik
siya sa kama at iba naman ang kinausap…
“Okey, Mang Anastacio! Okey na! Huwag mo na pong sa akin
pa ipagdiinan ‘yan! Nagpapakatao
naman po ako, ah! Mabait
naman po ako! Pero,
sige po, pagbubutihan ko pa… Sige na po! Sige na po! Hayaan
n’yo na po akong makatulog. Kailangang makatulog na po ako!
Malapit na pong tumunog ang alarm clock nitong cell phone
ko!” At pinatay niya ang lahat ng ilaw, pati ang maliit na night
light.
“Okey!
Sige na po! Tama naman, eh! Kapag
natatakot ako sa laki ng kailangang gawin o lutasin, nawawalan
din talaga ako ng lakas ng loob, ng tiwala sa sarili… at eto nga…
di ako makatulog! At
kapag nasimulan ko namang magalit… todo-bagyo ako… nagdidilim
ang katinuan ko at parang demonyo na ang tingin ko sa kinaaasaran
ko! Ganoon nga, kahit
ipinagkakaila ko maging sa sarili ko!”
Ilang
sandali siyang tumahimik at di gumalaw sa pagkakahiga.
“Haaay!
Napakadali nga kasi talagang maging tao pero… Sige,
pagsusumikapan ko na lang po… kakayanin ko ‘yan…
unti-unti… sanayan…
lamang…naman... ‘yan…
At
tuluyan na siyang nakatulog. Nakangiti pa nang kaunti.
*
* *
|