TASYÒ:
NGAYON NA BA ANG BUKAS
SA HABILIN NG PANTAS?
Kabanata
4:
Pahalagahan
ang Katagang...
“Naku,
Sir!!!” bungad ni Dr. Margallo sa pinuno ng paaralan sa pinto
pa lamang ng opisina ng huli. “May binubuo yatang kulto ni Pilosopong
Tasyo, Sir! Delikado ito! Baka madala ang maraming taong mangmang
at madaling malito. Listen to this, Sir, ayon sa pagbasa ni Prof.
Aguila, this is what is written in this particular paragraph
nitong mysterious message daw na ito:
‘Ang
lahat ng mag-aambag ng pawis at panahon sa ganitong pagsisikap ay
magkakilalanan at magmahalan sana pangunahin sa pamamagitan ng
pagsasabuhay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Magkakilalanan
din nawa sa sama-sama nilang pagpapahalaga sa katagang… Tasyo.’
Pakinggan mo, Sir! Sabi,
‘Magkakilalanan din nawa sa sama-sama nilang pagpapahalaga sa
katagang… Tasyo.’ Bakit naman gagawing mantra, o password o
battlecry nila ang katagang ‘Tasyo’?”
Ibinalik
ng pinuno ang tanong, “What do you think, Margallo?”
“Gawa
siguro ito ng isang mag-aastang Tasyo at sa pamamagitan ng fake
messages ay maghahariharian sa mga maniniwalang panatiko! Bakit
pahahalagahan ang katagang ‘Tasyo’ kung di ganoon ang purpose?
Naku, sir! Huwag nating hayaang maging kasangkapan ang Universal
College natin para sa ganitong mapag-imbot na motibo!”
Sandali siyang nag-isip.
“At
isa pa, Sir, wala naman tayong mahihintay na official word from
the National Historical Institute. Wala naman palang official
communication si Dr. Regalado sa kanila. May kakilala lang pala
siyang isang employee doon! Sir, I really think you should
cancel… Huwag mo na lang ituloy ang press con bukas, Sir!”
“Oo
nga!” sabad ng alalay ng school head, “Bakit nga naman si
Tasyo pa? Bakit hindi ikaw na lang ang sambahin at igawa ng kulto,
Sir? Hahaha! Di ba. Sir? Pahalagahan ang katagang ‘Villaseñor’!
Gawing mantra ang ‘Doctor Oscar Villaseñor,’ gawing mantra
ang ‘Universal Colleges of the Philippines’ Hahaha!”
Nagpatuloy siya sa pagtawa, tuwang-tuwa sa sarili niyang
‘joke.’
Di
siya pinansin ng pangulo ng paaralan. Ang lumabas sa bibig nito ay
sagot kay Dr. Margallo.
“No
way! Itutuloy na rin natin ang press conference. Pagtulungan na
lang ninyo ni Dean Regalado ang pagharap sa press at publiko.
We’ll think of something you two can tell them. Something like
pinag-aaralan pa nating mabuti ito dahil lumalabas na malalim
talagang misteryo, and then explain that a bit, etcetera,
etcetera. Ganoon! Para di naman tayo mapahiya!
“But,
Sir, sabi ng imbitasyon sa press con, may gagawin tayong big
announcement. Baka mag-backfire ang publicity mileage natin kung
madidisappoint ang mga paparito! Bakit di na lang natin ikansel?
“Dr.
Margallo, don’t tell me what to do. Alam kong di mo kasundo si
Dean Regalado. I have observed na meron kayong professional
rivalry, o baka naging personal rivalry na nga yata magmula nang
pumasok dito si Dr. Virgie Abad.”
Nangislap
ang mga mata ni Dr. Villaseñor sabay ang nanunuksong ngiti, bago
muling sumeryoso at nagpatuloy…
“But
at tomorrow’s press con, kailangang mag-teamwork kayong dalawa
para sa Universal Colleges.”
“Siya
na lang, Sir! Magaling
namang mambola ‘yun! Kayang-kaya na nga siguro niyang lusutan
yon! He can tell lies to anybody at tititigan pa niya sila sa mata.
Out na lang ako, Sir!”
“Margallo,
you are the head of the Committee of Experts na binuo ko for this
matter. So, you have to be there at least to open the press con
and moderate it. That’s my decision. And that’s my order. You
are now excused!”
“Yes,
Your Honor!” bulong ni Dr. Margallo sa sarili, habang
naglalakad nang mabagal papalabas ng Office of the President.
“So, okay, I will moderate it, I will control it…” may ngisi
na sa kanyang mukha, “…like a good presiding judge!”
Nahiwagaan
si Dr. Villaseñor sa huling sinabi ng kausap. Ngunit di siya
umimik ukol dito.
Bumalik
sa kanyang
opisina si Dr. Margallo.
Pagpasok doon ay bumulong agad sa kanyang sekretaryo. “Di ba
naghahanap kamo ng pagkakakitaan ang brother mo?”
“Yes,
sir! Anything na nga raw, kailangang-kailangan na nga dahil
nagigipit na siya. Kaya nga di pa niya napag-iipunang maituloy ang
law studies niya dahil lagi siyang nagigipit. Marami namang talent
‘yon! Baka maipasok n’yo, Sir! O baka may project kayo…”
“Sabihin
mong makipagkita siya sa akin at 8 o’clock sharp diyan sa Figaro
coffee. Gagawin ko
siyang journalist.”
“Journalist?
Teka, Sir, marami naman siyang talent pero yung pagsusulat
eh baka di pa niya…”
“Basta
dalhin mo siya sa akin at may ipapagawa ako sa kanya. Gagawin ko
siyang ‘instant journalist,” mga isang oras lang naman. Hindi
writing skills ang kakailanganin niya rito kundi… acting skills!
And he’ll earn some big money tomorrow basta’t magawa
lang niya nang mahusay ang ipapagawa ko.”
*
* *
|