TASYÔ:
Huwag
mo sanang ikagulat,
Buháy
pa nga
yatà itong Aklat!
(TILA
NAIS
NIYANG SUMAMA KA SA PAGTUPAD SA LAYON NG SUMULAT!)
Buháy
pa
nga ba itong aklat na TASYO: Ngayon na ba ang
Bukas sa Habilin ng Pantas?? Tapos na nga itong isulat;
nagawa na ngang maisulat hanggang sa bahaging nilagyan na ng
katagang "wakas!" at sa ganoong pagkakaayos ay
ginastahan na ito para maipalimbag, noong Pebrero 4 ito'y
nailunsad, at mula noon ay nagsimula nang lumaganap. Ano pa ba ang
kasunod na naganap at magaganap kaya't may magsabing "tila
buhay pa nga yata itong aklat!"
Saan
bang pinagmulan ito nag-uugat? Sa kay Rizal na panulat. Noon
pang 1887 ay tapos nang maipalimbag ang Noli, na
pinalad na mailigtas sa apoy ng samâ ng loob. Nailigtas sa
permanente na sanang pagkamatay ang binabalak pa lang na aklat na
muntik nang ihagis ni Rizal sa fireplace sa simbuyo ng damdaming
pagkabigo dahil wala siyang pera para maimprenta iyon. Buti na
lamang at dinalaw siya ng kapwa-doktor na makabayang Pilipino, si
Maximo Viola, na nagbigay sa kanya ng ipagpapaimprenta ng
dalawang libong kopya. Noon pa lamang Marso 1887 ay natanggap na
ni Ferdinand Blumentritt sa Austria ang kopyang ipinadala sa kanya ni Doc.
Pepe. Tapos na ang aklat! At bahagi ito ng dahilan kaya nagsimula
ang mga Kastila na magbalak para wakasan ang buhay ng sumulat!
Nabasa ito ng mga kababayan nating Pilipino at pati mga banyaga sa
iba't ibang lugar dito sa kapuluan maging sa ibang bansa. Sa mga
di makaintindi ng wikang Espanyol, ang laman ng Noli Me
Tangere ay isinalaysay at ipinaliwanag ng mga Katipunero
na ang pinuno ay nakakaintindi ng wikang Kastila, wilang Inggles,
at wikang Pranses, at katunaya'y siya ring unang nagsalin sa
Tagalog na tulang Mi Ultimo Adios na sa wikang
Kastila buung-buong isinulat ni Doc. Pepe -- si Gat Andres
Bonifacio. Buhay sa kamalayan ng mga Katipunero ang Noli Me
Tangere at nagpatuloy ang buhay na ito sa kamalayan ng
napakaraming kababayan na kanilang napagpaliwanagan.
Nang
magrebolusyon ang Katipunan, at hanggang noong sumunod na mga
dekada, buhay na buhay pa ang Noli Me Tangere, kahit
ang sumulat ay matagal nang nabaril at nailibing! Sa pagpasok nga
at paglawig ng eksenang ito nang isinusulat na ang aklat na Tasyo!,
binuhay nito ang Noli Me Tangere mismo sa kamalayan
ng kasalukuyang mga Pilipino! Isang manunulat na tagahanga
ni Rizal ang nagsagawa at nagsabuhay ng mga katagang "no
omnis moriar" na minsa'y binigkas ni Rizal --
"Hindi lahat sa akin ay mamamatay!"
Sa
Kabanata 25 ng Noli, isinalaysay ni Rizal na ang
tauhang si Pilosopong Tasyo ay may mahalagang isinulat sa wikang
Tagalog na napagkamalan pa ng bidang si Crisostomo Ibarra na
nakasulat sa hiyeroglipika (paraan ng pagsusulat na binubuo ng mga
simbolo imbes na ng mga letra). Hindi na nalaman ni Ibarra o kahit ng
mga nagbasa ng nobelang iyon kung ano nga ang isinulat ni Tasyo na
hindi raw para sa kanilang kapanahon, kundi para daw sa noo'y
kanilang hinaharap. Wala nang ginawang pagbanggit si Rizal
hanggang sa dulo ng Noli Me Tangere, at maging sa dulo
pa ng sequel nitong El
Filibusterismo, ukol sa nilalaman at sa kinahinatnan ng
isinulat na iyon ni Pilosopong Tasyo bilang habilin niya sa
sumusunod na mga henerasyon at inaasahan niyang makaunawa na sa
isinulat niyang iyon.
Mahigit
isandaang taon na ang nakakaraan mula nang matapos at maipalimbag
ang Noli Me Tangere. Hindi pa rin kaya mauunawaan
hanggang ngayon ang isinulat ni Tasyo? Di kaya ngayon na ang
hinihintay na "bukas" na maiintindihan na, sa wakas, ang habilin
ng Pantas?
Buháy
pa nga yata itong mga aklat!
Ang
alam natin, dahil isinulat iyon ni Tasyo para sa
malayu-layong hinaharap, makatuwiran lang asahan na gagawa siya ng
hakbang upang mapreserba iyon para sa pagbasa ng noo'y di pa
ipinapanganak na mga kababayan sa hinaharap. Tila nagtagumpay siya
sa ganoon, ayon sa aklat na Tasyo!, at ang kahoy na kuwadrong pinagdikitan ay nailigtas sa
isang sunog nang balikan ito ni Tata Basillo sa kinalalagyan sa
loob ng nagliliyab na
bahay. Ikalawang pagkakaligtas na iyon sa apoy ng pagkakasirang
lubos. Di nga ba muntik nang sunugin ni Rizal ang buong manuskrito
dahil wala siyang pera para ito'y maimprenta. Si Maximo Viola nga
ang nakasagip noon! Sa habilin naman ni Tasyo, ang nagligtas ay si
Tata Basillo.
Kaya't
ikatlong pagliyab na ang sunog na tumupok sa sulat-kamay ni Tasyo
na nakadikit sa kwadrong kahoy. Sumigaw ng pagmamakaawang "Ilabas
n'yo ang kuwadro!" ang matandang si Nana Alma habang
nakaratay sa ICU ng isang ospital. Pero wala nang nakaunawa man
lang ang pakiusap niya. Kaya, nasunog na rin nga nang lubusan ang
habilin na nasa sulat-kamay pa ng pantas!
Pero
naganap iyon matapos maparami nang libu-libong kopya ng mga
empleada ng Universal Colleges sa University Belt ng Maynila at malawak
nilang
maipalaganap sa anyong napakadali nang mabasa ng
karaniwang Pilipino sa ngayon na nakakaunawa sa wikang Tagalog.
Ito nga'y buung-buo at tuluy-tuloy nang nakalathala sa
"hard-copy" na bersyon ng inilathalang aklat na TASYO:
Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas? at sa
"soft-copy" sa website na ito sa Internet na tatlong
buwan pang mababasa n'yo nang libre (libre
hanggang Hunyo 30, 2010). Malamang na
may magpaparami pa ng mga kopya at mga bersyon ng Habilin. May
naglagay na nga raw sa kanyang 'Facebook account"!
Kumakalat na!
Marami
pa ang maaaring mangyari bunga ng pagkakalathala ng unang edisyon
noong papatapós ang 2009. Balak kong ipasok ang mga mangyayaring
ito, mga gagawin ninyo at epekto ng mga gagawin n'yo, sa dagdag na
kabanatang "Epilogo" ng ikalawang edisyon, na ilalabas
upang maipamahagi sa panahon ng pagtatanghal nitong maikling
nobelang Tasyo! bilang isang produksyong pang-teatro,
sa paraang kikita ng pondo ang mga organisasyong magtatanghal nito.
May
nagbabalak nang magsalin ng "Naitagong Habilin ng Pantas"
sa Ilocano, Cebuano, pati sa English, at pati sa Pilipino! Oo,
mula sa Tagalog na nauunawaan lamang nang ganap sa mga probinsya
ng Calabarzon at ng Mimaropa, tungo sa Pilipino na naiintindihan
nang husto sa Metro Manila, sa buong Pilipinas at pati ng mga
kababayan natin sa abrod. Pati nga siguro sa iba pang wika gaya ng
Kastila. Buhay pa nga ang aklat na Tasyo! at ang
habilin ng pantas! Di na ito maaaring mamatay pa sa anumang
sunog na magaganap sa ngayon o sa hinaharap! Marami at darami pa ang mga bersyón at mga kopya
nito!
At
ang magliliyab lamang na apoy dito ay ang apoy ng diwang
maglalagablab sa isip, salita at gawa ng lahat ng mga tunay nang
nakaunawa at marami pang makakaunawa.
At
sa lahat ng mga talagang makakaunawa sa saysay at tunay na
kahulugan mismo ng mensaheng ihinabilin ng pantas, buháy na rin
ito at mapapanatili pang buháy sa kamalayan at kalooban ng
sambayanan. Nagsimula na itong mabuhay sa diwa at kamalayan ng
ating mga kababayan! At habang lumalalim at lumalaganap ito sa
ating hanay, ang mahalagang mga aral sa "habilin ng pantas"
ay magagamit na natin ito sa ating pursigidong
pagbabalik-bayanihan, sa ating sama-samang pagmumuni at paghakbang,
para lutasin na nang ganap sa kaibuturan ng personal nating mga
kalooban ang nagpapatuloy at lumulubha pang kanser sa ating
lipunan, ang panlipunang kanser na siyang pinaksa ng Noli Me
Tangere mismo!
Tunay
nga, tayong mga apo ng Lemuria at Opira, mga tagpagtaguyod ng
diwang isinulong ng dakilang mga lumad sa buong kapuluan, ng Kartilya ng Katipunan,
ng Parola ng Napindan, ng Yungib ng Pamitinan, ng Dakilang
Kapulungan sa Ilog ng Bitukang Manok, at ng Pagtindig ng Unang
Pambansang Pamahalaan ng Haring
Bayang Katagalugan sa Gulod ng Banlat, tayong lahat ang
magpapatunay na ang dakilang diwa ng Malayang Taga-ilog ay di
namatay at hindi na nga mamamatay. Sama-sama tayong muling titindig, at susulong sa
pagkakamit ng ating kalayaan at kaginhawahan!
Magbabalik-bayanihan,
magsasanib-lakas and Pilipinas! Ihahandog natin sa pamayanan ng
buong mundo ang
kaisahang totoo!
Naritong
muli ang hamon ng Tasyo! sa likurang pabalat
ng aklat:
"Napakasimple
nga raw ng hbilin ng napakatagal nang sumulat nito., na tila raw
si 'Tasyong Pantas.' Kung gayon, bakit naman
ipiagpalagay na di ito mauunawaan ng kanyang mga kapanahon?
At nakit kaya pinagdududahan pa ng pamagat nitong aklat na tayo na
ngayon ang makakaunawa? Ang tanging sukatan ng sapat na
pagkakaunawa ay angkop na pagsasabuhay. Di lang sa isip o sa
salita, kundi sa gawa. Sa mga ugali't asal ng mga tao ngayon,
napakadaling patunayan na di pa talaga natin nauunawaan ang "Habilin
ng Pantas." Mayroon kayang sapat na makakakilala sa
halaga nito sa kamalayan ng SangKatauhan sa buong daigdig, at
gugugol tuloy ng tiyaga upang ito'y pag-aralan, isabuhay, at
ipalaganap?"
Tila
mayroon nga, at dumarami pa. At nagawa na nilang magsimula!
--
Ed Aurelio 'Ding' C. Reyes
Calapandayan,
Subic, Zambales
Martes,
Marso 23, 2010
|